Nagkatinginan kami ni Bruno. Bakas sa mukha nito ang pagkabahala habang pinapakinggan namin si Ms. Lord. Pinulupot nito ang magkabilang kamay sa baywang ko. Tila ramdam nito ang matinding takot na bumabalot ngayon sa buong pagkatao ko. Tila handa itong protektahan ako—
Pero hindi ako maloloko ni Bruno.
Pareho kaming takot. Yakap ako ni Bruno habang nakatayo sa likuran ko...para gawing human shield sa oras na magpakita sa harapan namin ang dragon. Ako ang unang tatamaan ng bala. I'll be the first to die. Ganito kaduwag ang lalaking ito. Kasing duwag gaya ng ginawa nitong panloloko kay Layla. Bahag ang buntot.
Bakit ko ba naisip kanina na ipagtatanggol ako nito? Kapag nabigyan ng pagkakataon, mas mauuna pa itong kumaripas ng takbo kaysa sa akin.
"Kinalulungkot namin ni Ms. Turtle ang nangyari kanina. Clearly, it was just a little misunderstanding. Sana mapatawad mo kami, Miya. I hope it's not too late for the three of us to be friends? Please, Miya, magpakita ka na."
Dinig namin mula sa kinatatayuan ang sabay-sabay na pagsasalita ni Ms. Lord sa bawat speaker ng mga silid-aralan. Maging sa mismong stage kung saan dinaraos ang flag ceremony tuwing umaga. Malinaw na sobrang kampante ang aming prinsipal para magawa ang lahat ng ito. Wala nang ibang tao na makakarinig sa mga salitang lumalabas sa bibig nito kundi kami ni Bruno at ni Dragon Lady.
Malakas ang hagupit ng bagyo. Isama pa ang katotohanan na nasa tabi ng Pagsanjan River ang Purvil High, lugar kung saan bihira kang makakita ng mga nakatirik na kabahayan. Dalawang kilometro ang layo ng pinakamalapit na mga kabahayan mula rito. Karamihan pa sa mga ito ay maaaring abandonado pa dahil sa masungit na panahon.
Tumahimik ang speaker. Ilang saglit pa ay narinig namin ang tunog ng kinasang baril.
"Nagsisinungaling siya," obserba ni Bruno.
No s**t, Sherlock!
Hindi ako tumugon.
"Miya, pinapatawad ka na ni Ms. Turtle sa ginawa mo sa kanya. Kahit binulag mo ang isa niyang mata handa ka niyang patawarin. Kung ang Diyos nga nagpapatawad siya pa kaya na isang hamak na tao lang? Hindi ba, Ms. Turtle, pinapatawad mo na si Miya?"
"NEVEEEER!" sigaw ni Ms. Turtle. Halos mabasag ang mga speaker sa lakas ng pagkakasigaw nito.
"Nagbibiro lang si Ms. Turtle, Miya. She didn't mean it," mabilis na dagdag ni Ms. Lord. "Magpakita ka na, Miya. Please!"
"Magkasama silang dalawa," mariing sabi ni Bruno. Hinaplos ni Bruno ang pisngi ko at marahang pinunasan ng hinlalaki ang luha ko. "Siguradong pinagpaplanuhan nila kung paano ka nila papatayin. It's a trap!"
Humigpit ang kapit ko sa polo ni Bruno. Hindi ko mapigilan ang pangangatal ng katawan ko.
"Miya, alam kong naririnig mo ako. Sumunod ka sa nakatataas sa iyo. Can't you see? This is for your own good. Makinig ka. Itigil mo na ang pagiging rebelde for once in your miserable life."
"Huwag kang mag-alala, Miya. Nandito ako. I'll protect you. Hindi ko hahayaan na may mangyaring masama sa iyo."
"Whatever," anas ko. Sinubukan nitong muling hawakan ang pisngi ko pero agad kong tinapik palayo ang kamay nito.
"Miya?" tawag muli ni Ms. Lord. May bakas na ng pagkayamot sa boses nito na tila ba pagod na ito sa panunuyo sa isang bata. "Miya? MIYA!"
Dumagundong ang napakalakas ng kulog.
"Talagang ginagalit mo ako. Huh! Very well," tila malungkot na turan ni Ms. Lord. Narinig ko ang pagbuntong-hininga nito. "Alam kong nandito ka pa sa loob ng Purvil High, Antipasado. Hindi namin hahayaan ni Ms. Turtle na makalabas ka sa paaralan ko. Nag-iisa ka lang. Walang makatutulong sa iyo. Dito na ang magiging libingan mo. Pasasaan ba't mapapatay ka rin namin. Just a matter of time, really." Namatay ang mga speaker. Muling namayani ang ingay ng pagbuhos ng ulan at paghampas ng malalakas na hangin sa dingding.
Nanghihinang kumalas ako mula sa pagkakayakap ni Bruno at naupo sa pinakamalapit na upuan. Nasapo ko ang leeg ko. Ramdam ko pa rin ang pagkirot nito dulot ng ginawang pananakal sa akin ni Ms. Turtle. Pumipintig ang nakabukas na sugat ko sa kamay na tila isa itong bulkan na handang sumabog anumang oras. Sapat na ang matinding sakit na nararamdaman ko ngayon para masigurado na totoong lahat ng nangyayari ngayon at hindi isang simpleng bangungot lang. Nasa bingit ng kamatayan ang buhay ko at malamang pati buhay ni Bruno. At kung hindi agad kami makakalabas ng Purvil High, kung hindi kami makakahingi ng tulong, tiyak na darating ang oras na tuluyan kaming mahahanap ng prinsipal at ng dragon. At kapag nangyari ito, hindi ko alam kung maililigtas ko pa ang sarili ko.
"May sugat ka sa kamay," obserba ni Bruno at maingat na hinawakan ang palad ko. Napailing ito. "Kailangan nating magamot ito bago ka pa magkaimpeksyon."
"Pabayaan mo na ako," halos pabulong na sabi ko. Yumuko ako at tiim-bagang na pinagmasdan ang maputik at namumuti kong mga paa. Patindi nang patindi ang pagkirot ng sugat sa palad ko. "Iwanan mo na ako."
Nakita ko ang pag-atras ng mga paa ni Bruno na natatakluban ng puting rubber shoes. Ilang saglit pa ay wala na ang mga ito na tila ba nilamon ng dilim.
Nag-angat ako ng tingin.
Wala na si Bruno.
Saan ito nagpunta? Mukhang sinunod nito ang gusto ko. He actually left me alone. Hindi ko alam kung matutuwa o matatawa sa katangahan ko. Marahil nasaktan ko nang husto ang damdamin ni Bruno dahil sa mga maaanghang na nasabi ko kanina. Masyado akong naging rude rito. Minsan hindi ko talaga mapigilan ang bibig ko.
Stupid me!
Gayunman, sana makalabas nang ligtas si Bruno nang hindi napapansin ng prinsipal at ng dragon. Habambuhay kong sisisihin ang sarili ko kung may mangyayaring hindi maganda rito.
May mumunting tinig sa aking isipan na nagsasabing mali ang ginawa ko. Dapat ay hindi ko pinairal ang pride ko. Dapat ay sumama na ako kay Bruno. Tama nga marahil ang sinabi ni Ms. Lord sa akin kanina.
Akala ko rin matalino ako. So sad. You were right, Ms. Lord. I was wrong. Now please, palabasin n'yo na ako sa impiyernong lugar na ito!
Muling tumulo ang luha sa mga mata ko.