Gusto kong tumakbo palayo, magsisigaw hanggang sa may makarinig sa akin. Pero tila napako sa sahig ang mga paa ko. Nanatili akong nakatitig sa butas ng baril na nakatutok sa akin.
Sa bawat segundong lumilipas alam ko na bilang na ang mga araw ko dito sa mundo. Para akong hayop na naparalisa sa gitna ng kalsada habang nakatanaw sa paparating na sasakyan, hinihintay ang pagtama nito sa katawan ko.
Sinubukan kong magsalita para magmakaawa, humingi ng tawad sa mga nagawa ko. Na hindi na ako uulit. Na hindi ko na sila muli pang susuwayin. I just learned my lesson. Magiging mabait na akong estudyante. Pero tanging pag-iling lang ang nagawa ko.
Mama, Papa, paalam. I'm sorry.
Pumikit ako.
"Aarrrgggg!" narinig kong sigaw ni Mrs. Lord. Nagkalabugan ang mga plato at bote at nagbagsakan sa sahig. Naglagpakan ang mga libro sa malaking bookshelf. "Bitiwan mo ako!"
Si Layla! Nakikipagbunuan ito kay Mrs. Lord sa likod ng lamesa. Tumutulo ang dugo sa sugatang noo nito. Kapit nito sa magkabilang palad ang kamay ni Ms. Lord na may hawak ng baril.
"Miya, takbo!"
"Bitiwan mo sabi ako, b***h. Get off me, you little slut!" Sinubukang itutok ni Ms. Lord ang baril kay Layla. Kinagat ni Layla ang kamay nito. "Aaahhhhhh!"
Kailangan kong makalabas rito. Kailangan kong makahingi ng tulong kay Mang Juan o sa kahit na sinong tao na naiwan dito sa Purvil High. Kailangan nilang malaman kung gaano kasama at kapanganib sina Ms. Lord at Ms. Turtle. Si Layla. Paano si Layla? Kailangan ko itong tulungan. Baka mapatay siya ng mga ito.
"Layla!"
"Miya, takbo!" ulit ni Layla sa pagitan ng paghikbi at pag-ubo. Panay ang pagbagsak ng dugo sa noo at bibig nito habang nakikipagbunuan kay Ms. Lord. "Takboooo!"
Iika-ika kong tinungo ang nakabukas na pinto.
May humablot sa paa ko.
"Papatayin kita. Papatayin kita," nanggigigil na sigaw ni Ms. Turtle. Nakaluhod ito sa sahig at parang linta na nakakapit sa hita ko. Nakaluwa ang kaliwang mata nito na nilalabasan ng malalagkit na dugo patungong pisngi nito. Napangisi ito nang makita ang pagkadiri sa mukha ko. "Papatayin kita!"
"Kung kaya mo!" Buong lakas kong tinapakan ang isang kamay nito na nakalapat sa sahig.
"Eeeeeeeeehhhhhh!"
Natanggal ang kamay nito na nakakapit sa akin. Wala akong sinayang na sandali. Mabilis akong tumakbo palabas ng pinto.
Agad na sumalubong sa akin ang malakas na ihip ng hangin. Napasinghap ako sa magkahalong lamig at takot. Humalo sa luhang pumapatak sa pisngi ko ang tubig-ulan na tumatama sa mukha at katawan ko. Panay ang pagtatalsikan ng tubig sa paa ko habang tinatahak ko ang sementadong daan patungo sa kung saan. Hindi ko alam kung saan ako patungo.
Nababalutan ng kulay puting usok ang buong paligid ng Purvil High. Mga hamog na dala marahil ng bagyo. Halos wala akong maaninag kung hindi ang mga mala-multong pigura ng mga silid-aralan at nagsasayawang puno.
Kasabay ng malakas na alulong ng hangin at hampas ng ulan, namayani ang malakas na tunog ng baril mula sa loob ng pinanggalingan kong Principal's Office. Kasunod nito ang muling pagkidlat ng malakas na halos magpabingi sa akin.
Layla, bulong ko habang patuloy na tumatakbo. Sumasabay sa pagbuhos ng ulan ang pagtulo ng luha ko. Kalabisan na ba kung iisipin ko na si Ms. Lord ang tinamaan ng baril at hindi si Layla? Posible ba na nakaligtas si Layla? Si Dragon Lady? Paano kung atakihin nito ang kaibigan ko. Kailangan kong tulungan si Layla. Kailangan kong bumalik.
Parating na ang dragon! sigaw muli ni Clint sa isip ko. Naalala ko kung paano ito tumakbo papasok ng silid-aralan namin. Kung paanong rumehistro ang matinding takot at pangamba sa mga mata nito sa likod ng nakangisi nitong mukha. Magtago na tayo. Parating na ang dragon!
Napasigaw ako nang biglang tumama ang paa ko sa nakausling bato sa daraanan ko. Patagilid akong bumagsak sa naglalawang baha. Namanhid ang buong katawan ko sa lamig ng tubig na tila gawa sa yelo. Naramdaman ko ang pagsayad ng magkabilang tuhod ko sa mabatong lupa. Tila may kung anong bagay na tumusok sa kanang kamay ko. Nang iahon ko ang kamay ko natuklasan ko na may bubog na nakabaon sa hinlalaki ko. Pigil ang hininga na dinukot ko ang bubog at binato. Agad na umapaw ang mapupulang dugo sa palad ko, na agad ding nahuhugasan ng mga pumapatak na ulan.
Parating na ang dragon. Magtago na tayo. Parating na ang dragon!
Muli akong tumayo. Kailangan kong mahanap si Mang Juan. Kailangan kong masabi rito ang mga nangyari sa Principal's Office. Nasa panganib ang buhay naming lahat. Si Layla. Kailangan kong iligtas si Layla.
Parang multo na lumitaw sa hindi kalayuan ang malaking gate. May mga sanga ng puno na pawang mga nakasabit at nakalapat sa bakal na katawan nito, tila gustong makapasok sa loob. Sa tabi nito ang guardhouse. Bukas ang ilaw sa loob.
Umiiyak na tinungo ko ang guardhouse, tinulak pabukas ang pinto, at pumasok sa loob.
"Mang Juan!"
Pero tanging ang radyo na tahimik na nakapatong sa ibabaw ng lamesa at telepono na nakadikit sa dingding ang bumati sa akin. Walang laman ang kabinet sa isang sulok. Maging ang katre ay malinis. Wala na si Mang Juan. Mukhang umuwi na ito nang mas maaga kaysa inaasahan dahil ayaw nitong maabutan ng bagyo.
Mabilis akong lumabas ng guardhouse at tinungo ang gate. Nanlumo ako nang matuklasan kong may malaki at makapal na kadena na nakapulupot sa gitnang bahagi nito. Kasing laki ng palad ko ang padlock na nakakapit rito.
"Saklolo! Tulong! Tulungan n'yo kami!" sigaw ko habang kinakalampag ang gate na parang preso. Totoong isa akong preso sa paaralang ito. At hindi hahayaan ng prinsipal at ng dragon na makatakas ako nang buhay. Muli kong pinaghahampas ang katawan ng gate hanggang maramdaman ko ang pagtulo ng dugo sa nasugatan kong kamay. Walang silbi ang ginagawa ko. Nasasapawan ng malakas na buhos ng ulan at pagkulog ang sigaw ko. Isama pa ang katotohanan na wala nang katao-tao sa lugar na ito sa ganitong oras lalo na kung ganito kasama ang panahon. Tanging mga puno sa hindi kalayuan lang ang siyang nakakasaksi sa isang duguang dalaga na tahimik na umiiyak habang nanginginig na nakahawak sa gate.
Pinaghahampas ko ang gate sa sobrang galit at panlulumo. Bakit ba nangyayari sa akin ang lahat ng ito? Wala namang akong ginagawang masama. Wala ito sa plano. Dapat nasa bahay na ako at kumakain ng mainit na hapunan. Dapat mahimbing akong matutulog mamaya habang pinapanaginipan ang masasayang araw na mararanasan namin sa oras na mawala na si Dragon Lady sa buhay namin. Dapat ina-upload ko na sa sss ang video na magpapabagsak kina Ms. Lord at Ms. Turtle.
Lahat ng nangyayari ngayon ay ng dahil sa ballpen. Sinubukan nila akong patayin nang dahil lang rito. Naturingan silang pangalawang magulang pero nagawa nilang pagtangkaan ang buhay ko. Isang malaking pagkakamali ang magpa-enroll sa paaralang ito. Wala kaming kaaalam-alam na pinapatakbo ito ng mga taong may maiitim na puso na handang pumatay ng mga estudyante mapagtakpan lang ang baho ng mga ito.
Kinapa ko ang bulsa ng uniform ko.
Parang gumuho ang mundo ko nang matuklasang nawawala ang ballpen.