NAGING maayos ang pananatili ni Monica sa piling ng mag-asawang Senyang at Elmo sa isang bayan sa Pangasinan. Dahil wala namang anak ang mag-asawa ay nabuhos sa kanya ang atensyon ng mga ito.
Patuloy naman siyang lihim na sinusuportahan ng kanyang dalawang nakakatandang kapatid na sina Clarisse at Isabel.
Gamit ang bagong biling cellphone, sinubukan niyang kontakin ang numero ni Shane na sa kabutihang-palad ay kabisado niya.
"Monica? Ikaw nga ba?" Gulat na gulat ang kaibigan nang marinig ang boses niya sa kabilang linya. "Where are you now?"
"It doesn't matter, Shane. And I am sure alam mo kung ano ang nangyayari sa akin ngayon. Dahil kung hindi ako nagkakamali, ipinaghahanap na naman ako ng mga magulang ko," may pait ang tinig na wika niya sa kaibigan. "Pero iisang bagay lamang ang nais kong malaman from you. Totoo ba na ikinasal na si Regor sa ibang babae at tinanggap niya ang perang ibinayad sa kanya ni Papa?"
"What are you talking about?" Halata sa tinig nito ang pagkagitla.
"Just answer me, Shane. Huwag mong pagtatakpan si Regor. Sinabi sa akin ni Papa na dalawang milyong ang halaga ng salaping ibinigay kay Regor kapalit ng pagpapakalayo-layo sa amin ng anak niya. Bakit nagawa ni Regor na ipagpalit kaming mag-ina sa salapi? And then I saw him in newspaper na kasal na sa ibang babae!" Mangiyak-ngiyak niyang turan.
"Monica, will you please calm down?" Anito. "Unang-una, hindi totoong binayaran ng Papa mo si Regor para layuan ka. At lalong hindi nagpakasal sa ibang babae si Regor kagaya ng nakita mo. Ang totoo ay ipinabugbog ng ama mo ang nobyo mo sa mga tauhan ninyo. At sa pag-aakala na patay na ay itinapon ang katawan sa batis. Pero naroon ako ng mga sandaling iyon and I saw everything that happened, Monica."
Siya naman ngayon ang nabigla at hindi makapaniwala sa narinig.
"Nagpatulong ako noon sa ilan sa mga tauhan ng nobyo mo para madala sa bahay-kubo na malapit sa palayan. At doon ay ginamit namin kasama si Dina at si Nanay Salome."
"D-Dina?"
"Yes. Si Dina ang babaeng labis-labis na nagmamahal kay Regor. Pero kapatid lamang turing ni Regor sa dalaga kung kaya walang relasyon ang dalawa. Pagkatapos na mabigyang-lunas ay saka namin dinala sa ospital upang maipagamot ng maayos at masuri ng mabuti. Nang matiyak namin ang kaligtasan ay saka nagdecide si Nanay Salome na sa isang bahay nila sa Laguna muna sila didiretso ng uwi sa takot na baka balikan pa sila ng mga tauhan ng Papa mo."
"G-God!"
"At ang nakita mo sa pahayagan, gawa-gawa lang din iyon ng ama mo. Edited ang lahat. At katunayan ay nasa ibang bansa ngayon ang nobyo mo. Nagtungo sa Saudi para kahit sandali ay makatakas sa anino ng pamilya mo at matiyak ang kaligtasan ninyong mag-ina. Subalit may pangako si Regor na oras na makaipon ng maraming pera ay babalik dito sa Pilipinas at babawiin kayong mag-ina sa mansyon."
"I-Is this real?"
"Monica, matalik mo akong kaibigan at ang pagsisinungaling ang hindi ko puwedeng gawin sa iyo."
Nakadama siya ng pagkapahiya sa sarili. Nagawa niyang husgahan ang kasintahan na napakalaki ng pagdurusang inabot sa kamay ng kanyang mga magulang.
"S-Sana mapatawad ako ni Regor, Shane." Naluluhang wika niya. "Malapit na rin akong manganak sa anak namin..."
"Really? Manganganak ka na?" Tuwang-tuwa ito. "Don't worry, mabait si Regor at mahal na mahal ka."
"Oo, araw na lamang ang hinihintay ko at manganganak na ako,"
"Tiyak na matutuwa si Regor kapag nalaman ang maganda mong balita, Monica. Huwag kang mag-alala, ipaparating ko sa nobyo mo."
"S-Salamat, Shane."
Ibinigay din ng kanyang kaibigan ang numero ni Regor sa Saudi. Wala namang pagsidlan ng tuwa ang kanyang dibdib nang sa wakas ay makakausap na rin niya ang lalaking iniibig.
NASA Saudi nga si Regor at nagtatrabaho doon bilang isang family driver ng isang mag-asawang Arabo.
Maganda at malaki ang kinikita niya sa trabahong iyon. Hindi naman naging mahirap para sa kanya ang makaipon ng salapi dahil sa pangarap na patuloy niyang pinanghahawakan hanggang ngayon.
Ang magkaroon ng maraming pera upang mabawi ang kanyang mag-ina sa mag-asawang Don Rafael at Donya Consuelo. Nagawa niyang iwanan ang sarili niyang lupain sa Batangas para lamang makapag-ipon ng limpak-limpak na salapi kahit pa ang kapalit ay pansamantalang pagkalayo sa kanyang mag-ina.
Mabait ang mga naging amo niya dito sa Saudi. Hindi naman siya minamaltrato at sa halip ay itinuturing siyang bahagi ng isang pamilya.
Ngunit angpagsubok ay hindi pa rin natatapos.
Dahil isang umaga pagkatapos niyang ihatid sa opisina ang kanyang mga amo ay naganap ang isang aksidenteng hindi naman siya ang may kasalanan. Banayad lamang ang pagpapatakbo niya sa sasakyan ng bigla na lamang may sumulpot na sasakyan sa kanyang unahan.
Huli na para makapreno siya dahil sumalpok na ang kanyang minamanehong sasakyan. Halos mahilo siya sa lakas ng salpukan idagdag pa ang pagkakahampas ng ulo niya sa manibela ng kotse.
At bago tuluyang magdilim ang kanyang mga mata, nakita niya ang mga pulis na patungo sa kanyang kinaroroonan...
KAGAYA ng dapat asahan, nakasuhan si Regor sa salang pagkakapatay sa mag-asawang Arabo na nasa loob ng sasakyan na nabundol niya. Kahit na anong paliwanag niya ay hindi siya pinakinggan ng hukuman.
Maging ang kanyang mga amo ay wala din nagawa kahit pa batid ng mga ito na wala siyang kasalanan. Pero sino ba ang puwede niyang takbuhan dito sa ibang bansa?
Nahatulan siya ng tatlo hanggang apat na taong pagkakakulong at nang dalahin siya sa loob ng kalungan ay wala na siyang nagawa.
Bakit napakalupit ng tadhana sa kanya? Wala naman siyang nagawang kasalanan para parusahan ng ganito. Paano na lamang ang kanyang mga pangarap at plano para sa mag-ina niya?
Gusto niyang umiyak at magwala ng mga sandaling iyon, pero pinigil niya ang sarili at baka lalong bumigat ang kanyang kaso.