WALA na sa bahay si Shane nang dumating si Monica kaya minabuti na lamang niya na dumiretso ng simbahan. Handa na ang lahat para sa pagmamartsa patungo sa harap ng altar ng siya ay dumating.
Papasok na sana siya sa loob ng simbahan nang nang bigla na lamang may bumangga sa kanya na muntik na niyang ikatumba kung hindi siya maagap na nakahawalk sa isang babaeng kasabay sa paglalakad.
"Ay!" Impit niyang tili.
"Sorry po! Nagmamadali lang po kasi ako at baka mahuli ako sa hanay---"
Pareho pa silang napatanga nang makilala ang isa't isa.
"Ikaw?" Halos sabay na wika nila.
Mabilis niyang inayos ang sarili. "Sinusundan mo ba ako?"
Kumunot ang noo nito. "Of course not, Miss! Kung gusto mo mamaya na lamang tayo mag-usap at nagmamadali ako." At walang babalang tinalikuran siya nito.
Nagpupuyos sa galit na hinabol niya ng matalim na tingin ang lalaking nakaengkuwentro niya kanina.
"Napaka-bastos at walang modo!"
Para sa kanya ay sirang- sira na ang araw niya. Nasubukan nga niyang magpunta sa isang lugar nang mag-isa pero puro kamalasan naman ang inabot niya.
Hanggang sa matapos ang misa, mainit na ang ulo ni Monica. At wala siyang ibang nasa isip kundi makaganti sa lalaking mayabang na natuklasan niyang abay pala sa kasal ng kanyang kaibigan.
SA marangyang tahanan nila Shane ginanap ang reception at kagaya ng dapat asahan, madami ang bisita na pawang galing sa mayayamang pamilya. Lahat ay masaya lalo na ang mga bagong kasal.
"Best wishes, Shane!" Maluwang ang ngiting bati niya sa kaibigan.
"Thank you, Monica. Akala ko nga hindi ka makakarating. Muntik na akong magtampo sa iyo."
Natawa siya. Kahit pa puro kamalasan ang inabot niya eh masaya siya at natupad niya ang pangako sa kaibigan na darating sa araw ng kasal nito kahit pa hindi siya pumayag na maging abay.
"Puwede ba naman na hindi ako makarating eh kasal mo ito? Yung iba puwede ko hindi siputin pero hindi ko puwedeng balewalain ang imbitasyon mo."
"Pero teka,"Luminga-linga ang kaibigan na tila may hinahanap. "Nasaan ang alalay mo? Wala ka bang tsaperon?"
"Wala! Pinayagan ako ni Papa na pumunta mag-isa,"
"Really? This is impossible but I'm happy to hear that, Monica. Tamang-tama kasi maipapakilala ko sa iyo ang super guwapo kong kaibigan dito sa Batangas. Kaya lang, hindi siya kasing rich ninyo, ha. Okay lang ba sa iyo?"
"Loka-loka, syempre ay okay lang. Hindi naman ako matapobreng tao. Siguraduhin mo lamang na mabait at mapagkakatiwalaang tao 'yan."
Muling sumagi sa isipan niya ang mayabang na lalaking nakaengkuwentro kanina. Bahagya siyang napasimangot.
"What's wrong?"
"Nothing." Maikling tugon niya. "Alam mo naman na ayaw ko sa mayayabang na tao, eh."
"Don't worry. He is a nice guy. Actually, isa si Regor sa mga abay namin sa kasal."
"Oh," nakita niya kanina ang mga abay nito sa kasal na lalaki. Sino doon? Huwag naman sana 'yung mayabang at antipatikong lalaking nakasagupa niya kanina.
"Just wait here, okay? Hanapin ko lang para maipakilala sa iyo." Pagkawika ay tumalikod na ang kaibigan upang hanapin ang lalaking ipapakilala sa kanya.
MUNTIK nang maibuga ni Monica ang iniinom na juice nang makilala ang lalaking tinutukoy ni Shane na ipapakilala sa kanya.
"Ikaw na naman?" Aniya na bakas sa tinig ang iritasyon.
Maging ang lalaki ay halatang nagulat din nang makita siya.
"Wait!" Biglang singit ni Shane. "Anong nangyayari?"
"Regor Alvarez pala ang pangalan mo, ha!" Wika ni Monica na hindi pinansin ang tanong ng kaibigan.
"Magkakilala na ba kayong dalawa?" Kunot noong tanong muli ni Shane.
"Yes." Maagap na tugon ni Regor. "She's Monica Monteverde, right?"
"Eto pala ang sinasabi mo na kaibigan mo, Shane? Ubod ng yabang! Sorry, pero sa iba mo lang ipakilala." Malditang wika niya sa kaibigan.
"Mas lalo naman na ayaw kitang maging kaibigan, Miss Mapanglait." Nakangising wika nito sa kanya at mabilis na bumaling ang tingin kay Shane. "She's pretty, yes. But the attitude, bagsak para sa akin."
"How dare you!" Kulang na lamang ay bulyawan niya ang lalaki kung hindi lamang niya iniisip na maraming tao sa paligid.
"Will you guys, stop it?" Pinanlakihan sila ni Shane ng mga mata. "Puwede ba malaman ko naman kung paano at saan kayo nagkitang dalawa at ganyan na lamang ang init ng dugo ninyo sa isa't isa?"
"Muntik na akong hindi makarating sa kasal mo dahil sa lalaking 'yan. Hindi lang 'yon, ginasgas pa ng bulok niyang traysikel ang bago kong kotse." Sumbong niya.
"Kotse lang 'yon samantalang ako ay muntik mo nang mapatay!"
Sa halip na sumagot, tinitigan ni Monica ng nakamamatay na tingin ang lalaki saka tumingin kay Shane.
"Excuse me, Shane. Need to go somewhere at baka kung ano ang masabi ko sa lalaking yan." Hindi na niya hinintay na makasagot ang kaibigan, mabilis na siyang tumalikod at humakbang palayo habang nagpupuyos ang dibdib sa matinding inis.
ALAS-TRES ng hapon nang magpalaam si Monica sa kaibigan. Kahit pa nayayamot siya kay Regor, nagawa pa din naman niyang makihalubilo sa ibang mga bisita.
"Mag-iingat ka sa pag-uwi, Monica. Wala ka pa namang kasama ngayon. Are you sure kaya mo magmaneho pauwi? I can talk to my driver para maihatid ka---"
"Shane," natatawang pinutol niya ang pagsasalita ng kaibigan. "Don't worry about me, okay? Nakapunta nga ako dito mag-isa, pag-uwi pa ba ang hindi ko magawa?" Biro pa niya.
Natawa na din ito.
Agad na siyang sumakay sa kanyang kotse at nakangiting kumaway sa kaibigan bago tuluyang isinara ang pinto. Inistart niya ang makina at nang aktong tatakbo ang sasakyan nagulat na lamang siya sa malakas na putok ng gulong sa bandang unahan ng sasakyan.
Mabilis siyang bumaba ng sasakyan at dali-daling sinipat ang gulong ng sasakyan. Maging si Shane ay napasugod din sa kinaroroonan niya.
"What happened?"
"I don't know." Nanlulumo niyang sagot.
Agad naman nagpatulong si Shane sa mga lalaking naroon pa ng mga sandaling iyon para itulak ang kanyang sasakyan. At ganoon na lamang ang panlulumo niyang lalo nang makita ang piraso ng kahoy na may malaking pako na mismong tumarak sa gulong ng kanyang sasakyan.
"My gosh!" Impit niyang turan. "Wala pa naman akong dalang reserbang gulong na dala, Shane."
Nasa ganoon silang sitwasyon nang mula sa kung saan ay biglang sumulpot si Regor at nakiusisa sa nagaganap.
"Anong nangyayari dito? May problema ba?" Sunod-sunod na tanong nito.
"Nakikita mo naman kung ano nangyari, hindi ba?" Hindi niya napigilang sumagot ng may pagkairita sa lalaki.
"Regor, pakitulungan naman si Monica." Wika ni Shane nang makitang salubong na naman ang mga kilay niya. "Pumutok kasi ang isang gulong ng kanyang sasakyan. The problem is, wala siyang dalang reserba."
Nakita niyang iiling-iling ang binata. "Mahirap yan. Kawawa naman 'yang kaibigan mo,"
Hindi niya alam kung nang-aasar ito o talagang wala na itong masabi. Pero hinayaan na lamang niya.
"Pakihintay na lamang ako dito," dagdag ng lalaki na kay Shane nakatingin at hindi sa kanya. "May reserba akong gulong sa bahay at kukunin ko lamang sandali."
Gusto sanang tumanggi ni Monica sa tulong na inaalok ng binata pero nakalayo na ito sa kanila.
"Ganyan ang ugali ni Regor, Monica. Mabilis magbigay ng tulong 'yon kahit hindi mo hilingin." Sabay kindat ni Shane sa kanya.
Isang buntong-hininga na lamang ang itinugon niya.
Ilang sandali pa ay hangos na bumalik si Regor dala ang isang reserbang gulong.
"Miss Monteverde, kung mamarapatin mo lang naman ay hihingi ako ng pahintulot para palitan 'yang gulong mo na sumabog." Walang mababasang reaksyon sa mukha nito.
Walang imik siyang nagbigay-daan pero nanatiling hindi nagsasalita. Mga ilang minuto lamang ang itinagal ng pagpapalit ng gulong at muli itong humarap sa kanya.
"It's done,"
"Okay, good." Aniya saka mabilis na kinuha sa loob ng kanyang kotse ang cheque book.
"Bibigyan mo na naman ba ako ng blank cheque, Miss Monteverde?" Bahagyang nagdikit ang mga kilay nito. "Huwag ka nang mag-abala at baka maubos lang 'yang ipinagmamalaki mong kayamanan at makuwestyon ka pa ng pamilya mo kung kanino mo ipinamimigay."
"Have to pay your service and unfortunately, I don't have cash on hand available."
Sa gulat niya, mula sa bulsa ng suot nitong pantalon ay inilabas nito ang blank cheque na ibinigay niya kanina. At sa harapan ng lahat, pinunit nito ang tseke.
"I don't need your money, Miss Monteverde." Nakangiting wika nito. "At hindi salapi ang gusto kong kabayaran mo sa paghamak mo sa pagkatao ko."
Bago pa niya nahulaan ang mga susunod nitong gagawin, mabilis na itong nakahakbang palapit sa kanya at maagap siyang nahawakan sa magkabilaang balikat. Kasabay niyon ay ang paglapat ng mga labi nito sa kanyang mga labi.
Sobrang bilis ng mga pangyayari. Hindi niya iyon inaasahan.
Matagal ang mapagparusang halik na iyon. Mariin. Pakiwari niya ay tumigil sa pag-ikot ang buong mundo ng mga oras na iyon. Habol ang hininga niya ng putulin ng binata ang halik na iyon.
"Iyan ang kabayaran sa ginawa mong pag-apak sa pagkatao ko, Miss Monteverde" Mariing wika nito. "Hindi porke mayaman ka ay kayang-kaya mong bilhin lahat gamit ang salapi mo."
Isang malakas na sampal ang pinadapo niya sa mukha nito. Sa sulok ng kanyang mga mata, kitang kita niya ang sabay-sabay ng pagsinghap ng mga taong nakasaksi ng lahat.
"Bastos! Wala kang modo!" Mangiyak-ngiyak niyang wika. "Kahit na anong gawin mo, hindi magbabago ang tingin ko sa iyo!"
Pagkawika niyon ay dali-dali siyang sumakay sa kanyang kotse. Hindi na niya nagawang magpaalam sa kanyang bestfriend. Agad na niyang pinaharurot palayo ang kanyang sasakyan nginig ang buo niyang kalamnan.