SEVEN

2341 Words
Parang hindi yata classroom ang pinasukan ko, sobrang gulo. Hindi ko alam kung palengke ba ito dahil sobrang ingay. O sabungan dahil may dalawang tandang na nagsasabong sa gitna, ang ibig kong sabihin ay mayroong dalawa na namang estudyante ang nagbababag sa gitna. Ang mga kaklase nito ay naririnig kong inuudyukan pa ang dalawa na magpatuloy at may ilang pumupusta kung sino ang mananalo. Hindi ba ay sa sabungan lang may ganito? Pinapalibutan nila iyong dalawa at naghihiyawan kapag may isang nakasuntok. At ganitong-ganito rin ang eksena ro’n sa baba bago ko ito mahanap.     “T-ngina, bilisan n’yo naman diyan! Kating-kati na ang kamay kong kumabig ng panalo.” sigaw noong lalaki na siyang may hawak ng mga pera. Kulot ang pulang buhok nito. Anong trip niya sa buhay? Balak niya bang maging real life version ni Hanamichi Sakuragi?     “Ikaw ang sasapakin ko Bruno kapag hindi mo pa tinapos ‘yan! Tapusin mo na.” Boses niya ang pinaka-nangingibabaw sa lahat ng sigawan. Hindi ko rin alam kung sino ang tinutukoy niyang Bruno, siguro iyong matangkad at malaki ang katawan na kayumanggi ang kulay. Hindi ko naman nakikita ang mga mukha nila dahil nakatalikod sa gawi ko, pero siyempre wala na akong pakialam doon.     Tumingin naman ako sa unahan at nakitang walang nakatayong professor doon, kaya naman pala ang lalakas ng loob na manggulo ng mga ito. Naglakad na lang ako sa isang bakanteng upuan sa bandang dulo at doon piniling umupo. Walang nakakapansin sa akin dahil lahat sila ay abala. Habang inililibot ko ang paningin ay wala kong nakita kahit na isang babaeng estudyante. Puro kalalakihan ang mga nandito. Ilang ulit ko namang tiningnan ang nakapaskil sa labas at sigurado akong tama ang section na napuntahan ko.     Napahikab ako. Nakakaantok naman. Nakakainip, parang mas gusto ko na lang umuwi at matulog ulit. Anong oras na ba at bakit kasi wala pa kaming professor? Nagpasya na lang akong matulog muna. Kaso ilang minuto pa lang akong nakayupyop sa upuan nang biglang tumahimik ang paligid.     “Sinong hinayupak ang nagpapasok sa ‘yo rito?” malakas na sigaw ng kung sino kaya napatunghay ako. Halos manlaki ang mga mata ko nang halos lahat sila ay nakapalibot sa akin. Ilang mga pares ng mata ang kasalukuyang tinutunaw ako ng tingin.     “Chix, pare!” ani noong isang lalaki nakasuot ng headband.     Sinamaan naman siya ng tingin ni Sakuragi na siyang nasa harapan ko.     “Sino ka at bakit ka nandito? Umalis ka rito!” sigaw pa rin niya.     “Pakihinaan ang boses mo, Sakuragi, tumatalsik kasi ‘yong laway mo. At hindi ako sinuka, iniiri ako ng nanay ko,” tamad kong sagot at humalukipkip sa kinauupuan.     “Sakuragi, amp-ta!” Malakas na napatawa iyong lalaking may pasa sa mukha. Oh, siya iyong nakikipag-away kanina! Bruno yata ang pangalan.     “Tumatalsik din daw ang laway mo, pre. P-ta, kadiri ka!” Nagtawanan silang lahat. Nakita ko naman na halos maging kakulay na ng buhok ni Sakuragi ang kaniyang mukha. Para siyang sasabog na dahil sa galit.     “’Wag mo kasing tinatanong kung sinuka, Sakuragi, este Neil. Malamang iniluwal ‘yan ng nanay niya!” ani naman noong lalaking may balabal na panyo sa ulo. Nakailang tingin pa ako sa kanilang dalawa ni Bruno dahil magkamukha sila at parehong may pasa sa mukha. ‘Wag mo sabihing sila iyong nag-aaway kanina?     “Mga demonyo kayo! Hindi n’yo na kailangang ulitin dahil narinig ko. Kung mga bibig ninyo ang paduguin kong mga hinayupak kayo?” gigil na sagot ni Sakuragi, o Neil. Kahit ano pa ang pangalan niya, para pa rin siyang si Hanamichi.     “Ano ang pangalan mo, miss?” Ang nakangiting mukha noong Bruno yata ang pangalan ang ngayon ay nasa harapan ko na.     “Bakit ka pala nandito? Naliligaw ka yata ng landas,” ani noong lalaking may panyo sa ulo.     “Alis nga, Isko.” Hinawi siya ni Bruno at mas lalong lumapit sa akin. “Ilang taon ka na?”     “Epal ka, Bruno. Maaari bang manligaw, miss?” tanong naman noong nagngangalang Isko.     Palitan sila ng pagtatanong at parang kumakausap lang ako sa iisang tao dahil magkamukhang-magkamukha sila. Agad naman silang napalayo sa akin nang dalawang palad ang sumapo sa mukha nila.     “T-ngina ninyong dalawa. Magkita lang kayo ng babae para kayong mga asong ulol. Lumayo nga kayo dahil hindi ko pa tapos kausapin ang babaeng ‘yan!” Inilayo ni Sakuragi sa akin iyong dalawa bago ako balingan. “At ikaw babae, sino ka ba at bakit ka nandito? Kanina pa kita tinatanong at wala akong makuhang matinong sagot sa ‘yo.” Ang laki naman ng galit nito sa akin.     “Ano ba ang pakialam mo? Desisyon kong hindi sumagot sa tanong mo. ‘Wag mo nga akong kausapin dahil hindi naman tayo close!” Inirapan ko siya. Wala pa bang dadating na professor? Nauubos lang ang oras ko sa mga walang kwentang bagay rito.     “Aba’t sumusobra ka na!” Akmang sasampalin niya ako nang pigilan siya noong kambal. Bakit naman nila pinigilan? Sayang! May mawawalan sana ng kamay.     “Oh, easy lang, Neil. Babae ‘yan!” saway ni Bruno sa kaniya.     “Wala akong pakialam. Tatamaan sa akin ang babaeng ‘yan! Sumusobra na sa tabil ang dila,” sagot niya.     Pinukol ko siya ng masamang tingin. “Subukan mo. Kung ayaw mong mawalan ng mukha,” walang emosyong sagot ko.     Napaawang ang labi nilang tatlo pati na rin ang ilan pang lalaking kasama namin dito. Hindi porke’t babae ako ay magpapatrato akong ganoon. Pabalang akong sumagot sa mga walang-galang na katulad niya. Kanina pa siyang nakasigaw samantalang nananahimik ako rito. Mga ibang lalaki talaga, masyadong feeling mataas kapag may kaharap na babae.   “Sa tingin mo ay matatakot ako sa ‘yo? Sa liit mong ‘yan?” Humalakhak siya at tiningnan ako ng nakakainsulto.     Kaming maliliit ang nakakapuwing baka hindi niya alam. Maaari naman niyang subukan.     “Babae ka lang.” Pakiramdam ko ay nag-init ang ulo ko sa sinabi niya lalo na noong hagurin niya ako ng tingin mula ulo hanggang paa. Bahagya siyang humakbang palapit sa akin at inilapit ang bibig sa aking tainga. “O baka gusto mo namang maikama kita kaya ka nagpapapansin?”     Natigilan ako at nanigas sa kinauupuan. Pakiramdam ko ay nagdidilim din ang paningin ko sa mga oras na ito. Mahigpit kong hinawakan ang ballpen na kanina ko pa hawak.     “Hindi ka makapagsalita, hindi ba? Ngayon ay tatahimik na ang bibig mo.” Ngumisi siya sa akin at kalaunan ay humalakhak.     Hindi lang pala hambog at mayabang ang lalaking ito, bastos din pala ang bibig. Pakiramdam ko ay isang demonyo na may pulang buhok ang nasa harapan ko. Habang tinitingnan ko siya ay mabilis din na kumilos ang kamay ko at pinitik ang takip ng ballpen. Kitang-kita ko kung paano iyon pumasok ng diretso sa kaniyang nakabukang bibig.       “Ack!” Natigilan siya at mariing hinawakan ang leeg. Mabilis namang dumalo sa kaniya ang mga kaibigan.       “Mamamatay ka r’yan sa kahambugan mo! Tandaan mo. Babae ako, hindi babae lang.” Pinagdiinan ko ang salitang iyon at isa-isa silang tiningnan. Nakita ko kung paano mapalunok ang bawat isa sa kanila. “Hindi uubra sa akin ang mga bastos ninyong bibig. Sisiguraduhin kong hindi lang iyan ang aabutin ninyo sa akin!” malamig kong saad.     May ilang napatango at iyong kambal naman ay abala sa pagtapik sa likod ng kaibigan nilang ngayon ay lalong namumula na ang buong mukha. Kung ako sa kanila ay ilalabas ko na ang kaibigan nila para madala sa ospital. Napangisi ako at napailing. Bagay lang iyan sa mga hambog na katulad niya!     “Anong kaguluhan ang nangyayari rito?” Sabay-sabay kaming napalingon sa pintuan.     Nakatayo roon ang isang hindi katandaang lalaki na mayroong suot na salamin sa mata. Tumataas ang kilay niya habang tinitingnan kami ngunit wala nang sumagot sa kaniya nang mabilis na nagsilabasan ang ilang kalalakihan kasama si Sakuragi. Ilang minuto na lang bago mawalan ng hininga ang lalaking iyon. Swerte siya kung aabot pa siya. Ang iba namang mga lalaking natira ay bumalik sa kinauupuan nila at parang may dumaang anghel sa sobrang tahimik ng paligid. This is what I want! Nakakarindi kasi ang ingay nila kanina.     “Oh, you are the new student?” tanong sa akin ng bagong dating. Tumango ako. “No need to introduce yourself here in front. Sabihin mo lang ang pangalan mo at pwede ka nang bumalik sa pagkakaupo, para makapagsimula na rin tayo.”     Habang tinitingnan ko siya ay mukha siyang istrikto. Tumayo ako at ibinalik ang tingin na ibinibigay niya.     “Alice Lopez,” saad ko at umupo na muli.      Ang kaninang naniningkit niyang mata ay bahagyang lumaki at umawang ang mga labi.     “May sasabihin ka pa ba? Pero mukhang wala na kaya magsisimula na ako. Oh, by the way, I am Professor Joshua Arevalo. I believe majority of you knew me already.” Bumuntong-hininga siya at tiningnan isa-isa ang mga kasama kong nalunok na yata ang mga dila.     Noong balingan ko  namansila ng tingin ay halos sabay-sabay na muling ibinalik ang ulo sa harapan mula sa pagkakalingon sa gawi ko. Hindi ko napansing nakakaagaw na pala ako ng atensyon.     “All right, I think everything is settled. So let’s start?” Bumalik siya sa pagiging istrikto at nagsimula na sa pagtatalakay. Ethics ang unang klase para sa araw na ito.     “Ethics is a branch of philosophy that involves systematizing, defending, and recommending concepts of right and wrong behavior…”     Sa una ay nagagawa ko pang makinig ngunit kalaunan ay lumilipad na ang utak ko sa mga nakaplano kong gagawin mamaya. I planned to have a part-time job at the university canteen. Doon ang diretso ko kapag natapos ang klase ko. Hindi ko alam kung bakit iisang subject lang ang klase ko sa umaga at ang lahat ng kasunod noon ay TBA, o to be announced. Sa hapon naman ay P.E. May matutunan kaya ako sa pagpasok ko rito?     “Okay, class dismissed. Let’s see each other again, next week.” Marahas akong napatingin sa unahan nang marinig iyon at nakita kong nagliligpit na ng gamit si Professor Arevalo. Mabilis itong lumabas at hindi na kami nagawang lingunin pa. Tapos na agad? Gaano ba katagal lumipad ang isip ko?     Inilibot ko ang tingin sa mga kasamahan kong hanggang ngayon ay tahimik pa rin at limitado ang mga galaw. Lumapit ako roon sa nasa unahan at kitang-kita ko kung paano siya manigas. Mas naging doble yata ang lamig na dulot ng air conditioner na nandito sa loob.     “Saan ko pwedeng makita ang canteen?” tanong ko sa kaniya. Malaki at makapal ang frame ng suot niyang salamin. Tiningnan niya ako at nanginginig na itinuro ang sarili.     “A-ako po ba ang tinatanong mo?” aniya. Napansin ko ang ngipin niyang suportado ng braces.     Tumango ako. Sasabihin ko sana na mukha bang iba ang kausap ko, kaso mabait ako kaya ‘wag na lang.     “L-lalabas po kayo ro’n sa hallway na pinasukan ninyo kanina. Sa silangang bahagi ay makikita ninyo ang nakabukod na building. Doon po ang canteen.” Inayos niya ang suot na salamin at mahigpit na pinaghawak ang mga kamay na nanginginig.     Bakit ba siya takot na takot? Mukha ba akong manununggab na lang bigla?     “Sige. Maraming salamat.” Tinanguan ko ito at nagtungo na papunta sa pintuan. Bago ako tuluyang lumabas ay nilingon ko sila at kulang na lang ay itago nila ang mga sarili noong mahuli ko silang sinusundan ako ng tingin. Nagkibit-balikat na lang ako at mariing hinawakan ang seradura ng pinto.       “Hello po, magandang umaga. Itatanong ko lang po kung may bakante ba kayong trabaho rito? Kahit taga-hugas lang po ng mga pinagkainan. Ako po pala si Alice. New student po at iskolar ng Gokudo.” Isang matandang babae ang nilapitan ko nang makarating sa canteen. Hindi naman pala ito mahirap hanapin. Wala pa masyadong estudyante na nandito kaya madali ko siyang nalapitan. Kasalukuyan itong nagpupunas ng mga mesa at inihinto iyon nang makita ako.     “Ay naku, ineng. Mayroon na kaming taga-hugas, at saka marunong ka ba noon?” Tiningnan niya ang kamay ko. Mabilis ko naman iyong itinago sa likod ko. “Ay mukhang ang lambot ng kamay mo at hindi sanay sa gawaing bahay,” ani pa niya.     “Naku hindi po. Marunong po ako sa kahit na anong gawain. Kahit po taga-lampaso ng sahig o kaya taga-serve ng pagkain,” sagot ko. Kailangan ko talaga ng trabaho dahil kung hindi, wala na akong gagastusin para sa pagkain ko. Ayoko namang galawin ang perang hindi ko naman pinaghirapan.     “Sigurado ka ba talaga na kaya mo?” Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa. Tumango ako at ngumiti. “Sa kutis mo pa lang ay mukha kang anak-mayaman. Nakasuot ka lang ng simpleng damit pero halata naman na may sinasabi ka sa buhay.” Napakamot siya sa ulo at napailing.     Ano ba naman si nanay, ang daming napapansin? Kung makikita lang niya ang bahay ko, hindi ko lang alam kung matawa pa niya akong anak-mayaman. Ano ba ang basehan niya? Malapit na rin akong mapakamot sa ulo. Baka hindi pa ako makalusot dito.     “Hindi po. Iskolar nga lang po ako rito. Makakaasa po kayong magiging maayos ang trabaho ko. Kahit mura lang po ang pasahod ninyo sa akin. Sige na po. Kailangang-kailangan ko lang po ng trabaho.” Pagpipilit ko. Humawak pa ako sa braso niya at napatawa naman siya.     “Oh siya, sige na nga. Ayos lang ba na taga-lampaso ka ng sahig? Kung minsan ay pwede ring mag-serve kapag nandiyan iyong tatlong clan,” sagot niya na nagpangiti sa akin.     “Opo. Ayos na ayos po!” Sa sobrang saya ko ay hindi ko na nagawang itanong kung ano ang ibig sabihin niya ro’n sa tatlong clan. Ayos lang naman sa akin. Ang mahalaga ay may trabaho na ako.                      
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD