KAISHA'S (KAI) POINT OF VIEW
Hindi madaling tumira sa bundok. Bukod sa malayo sa palengke, malayo rin sa mga tao mula barangay. Maliban doon, madalas din magkaroon ng aksidente kapag tag-ulan.
Malapit sa kalsada ang kinatitirikan ng bahay namin at ang pinaka-kinakatakutan namin ay yung magkaroon ng landslide dahil paniguradong sasama sa lupa ang bahay.
Hindi rin madaling bumaba lalo na kung umuulan kasi madulas at maputik pero wala akong pagpipilian dahil may benibentahan akong chicken pastil sa mga kalapit bahay lalo na kay auntie.
“Ate Kai, uulan yata ng malakas, sigurado kang bababa ka sa barangay?” binalingan ko ng tingin ang kapatid ko at nakangiting tumango.
“Oo,” sagot ko. “Hindi naman ata ako aabutan saka may dala naman akong kapote at payong. Huwag kang mag-alala.”
“Pero ate, ang dilim na,” alam kong gusto niya akong pigilan pero kung hindi ako dadayo kina auntie, wala akong maibebenta pambili ng oxygen at maintenance niyang gamot. “Ipagpabukas mo na lang kaya?”
Bata pa lang siya no'ng malaman naming hinihika ito kaya hindi pwedeng mabakantehan ng oxygen na siyang pinag-iipunan ko palagi bukod sa gastusin namin dito sa bahay.
Bukod doon, maaga din siyang nagkaroon ng athritis. Ang sabi ng doctor ay nasa genes ng pamilya kaya wala kaming nagawa. Binilhan na lang siya ni tatay ng wheelchair no'ng nabubuhay pa siya.
“Kaya ko na ‘to, ulan lang 'yan. Hindi naman ako tatangayin,” pabiro kong sabi dahilan para umasim ang mukha niya. “Totoo nga, kaya ko na. Sayang 'tong ginawa nating chicken pastil.”
“May sabungan naman bukas kaya siguradong maibebenta natin 'yan lahat,” giit pa niya. Ayaw talaga paawat eh. “Sige na ate. Paano kung mapaano ka sa daan? Paano na ako?”
Huminga ako ng malalim. “Tiffany, walang mangyayari sa akin. Makakabalik ako ng ligtas. Hindi pa naman umuulan eh,” napakamot ako ng buhok. “Dadaan din ako sa palengke para mamili ng ibebenta nating ulam bukas saka 'yong ulam din natin ngayon at sa mga susunod na araw. Ibibili rin kita ng vitamins sa pharmacy. Hindi ba gusto mo rin magpabili ng dvd? Sige, bibilhin ko.”
Nakita ko ang tuwa sa mga mata niya ngunit agad din 'yon nawala at ngumiwi. Natawa tuloy ako.
“Alam na alam mo talaga ate kung paano ako mapapayag 'no? Porket alam mong adik ako sa panonood ng korean drama,” umingos siya at humalukipkip. “Sige na nga, payag na ako.”
Sabay kaming natawa at napatingin sa labas nang makarinig ng ingay na para bang may nangyaring karerahan.
“Sabi ko naman sa'yo aabot tayo!”
“Kung hindi tayo tumakbo, malamang aabutan tayo! Tingnan mo ang dilim na! Hindi kaya magkakaroon ng ipo-ipo? Tingin mo 'te?”
“Ikaw ang ipo-ipuhin ko dyan. Pakiramdam ko hihikain ako!”
Boses pa lang nila, alam ko na kung sino. Talagang pumunta pa sila dito kahit paulan na? At tumakbo pa. Medyo may kataasan pa naman ang daan paakyat dito.
“Kai!” nakangiting sumilip si Chine at kumaway sa amin. Kumunot ang noo niya nang mapansin ang itsura ko. “Saan punta mo?” hingal niyang tanong. “Huwag mong sabihin na bababa ka sa barangay?”
Napakamot ako ng batok bago tumango. “Oo, kailangan eh.”
“Hi, Ate Kai!” nabaling ang tingin ko sa kapatid niyang si Rai na nakasilip din ngayon. Nginitian ko na lamang siya at nagpatuloy sa ginagawang pagtransfer ng naka-boteng pastil sa eco bag. “Zup, Tiffany, may bago ka? Bagong k-dramang kakikiligan naman!”
Nagtilian sila ng kapatid ko habang kami ni Chine ay napailing na lang.
“Meron!” sagot ni Tiffany. Dali-dali namang pumasok si Rai ng bahay saka sila tumuloy sa kwarto.
Mabuti na lang at nandito sila. May makakasama ang kapatid ko.
“Dadalhin mo 'yan sa auntie mo?”
Umangat ang tingin ko kay Chine at tumango. “Oo, sama ka?” biro ko pa.
Hindi naman yata 'to sasama, eh kaaakyat lang nila dito. Tumakbo pa kaya siguradong pagod.
“Libre mo'ko milktea, sasama ako.” Napanganga ako sa sinabi niya.
“Hindi nga? Hindi ka ba napagod no'ng umakyat kayo dito?” takang tanong ko.
Sa nakikita ko, halatang napagod siya. Tagaktak ba naman ang pawis mula noo pababa sa mukha niya.
“Sakto lang, basta ilibre mo'ko ng milktea, mawawala 'tong pagod ko kaya tara at baka abutan tayo ng malakas na ulan. I hate rain. It's giving malagkit vibes,” maarte niyang sabi kaya tinawanan ko. “Ako na ang magdadala niyan. And by the way, dito kami matutulog.” Paalam niya at kinuha sa akin ang eco bag saka naunang lumabas.
Naiwan akong nakasunod ng tingin sa kanya at natawa na lang. Pagdating talaga sa milktea, g na g siya.
Dinala ko ang kapote at payong, at nagpaalam na rin sa dalawang nasa kwarto na walang humpay na nagtitilian sa kilig.
“Rinig ko ang tilian no'ng dalawa,” bungad ni Chine paglabas ko ng bahay. “Sa auntie mo lang ba 'to dadalhin? Bakit parang ang dami?”
“Hindi, sa kapitbahay din,” sagot ko at sinara ang pinto. “Sigurado ka bang sasama ka sa akin? Dadaan pa ako sa palengke.”
Inakbayan niya ako nang magsimula na kaming maglakad pababa ng kalsada.
“Sabing oo eh, kulit nito. Kahit saan pa 'yan, basta may milktea,” natatawang tugon niya. “Bago ko makalimutan, narinig muna ba 'yong balita?”
“Na ano?” kuryosong tanong ko dahil hindi naman ako nakakasagap ng balita dito, eh malayo naman kami sa lugar na maraming tao. Sa kanya lang ako nakakakuha ng balita.
“Iyong may ari ng mansyon na nasa likuran ng bahay niyo, darating daw ngayon.” Pagbibigay alam niya.
“Ah, ganun ba? Mabuti naman. May makakasama na si Mang Kanoy,” siya ang taga bantay ng mansyon na 'yon at siya rin ang nangangalaga no'ng mga naiwang hayop. “Nga pala Chine, narinig mo ba kung nandyan si kapitan sa barangay?”
“Haynaku! Huwag mo nang asahan na nandyan si kapitan, palagi yun wala.” Sagot niya at marahas na bumuntong hininga.
Inaasahan ko nang wala siya pero siya lang ang alam kong pwedeng malapitan para sa—
“Bakit pala? Kukuha ka rin ng ID?”
“Ha? Oo,” sagot ko na lang pero ang totoo may sasadyain ako sa kanya. Saka ko na lang sasabihin kay Chine ang dahilan. Problema ko naman 'yon. “Magpapa-ID ka rin?”
“Hm, oo. Balak ko sanang magtrabaho habang nag-aaral para hindi na problemahin ni nanay ang tuition fee ko,” aniya. “Ikaw? Gagawin mo sa ID?”
“Uh, may panggagamitan lang. Magmomotor na lang ba tayo o jeep?” pag-iiba ko ng topic.
“Ikaw bahala, hindi naman punuan ang jeep ngayon. Kung gusto mo lakarin na lang natin eh.”
“Baka umulan.”
“Eh 'di maligo tayo sa ulan,” natawa siya sa sinabi. “Joke! Kahit ano na lang. Hindi nga tayo sigurado kung may dadaan pa. Maggagabi na kaya."
Nang makababa kami sa gilid ng kalsada, biglang bumuhos ang makakas na ulan.
“Ugh, I hate rain!” reklamo ni Chine. “Pero sige, bahala na. Maglakad na lang tayo at baka sakaling may dumaan na jeep o motor.”
Naglakad kami sa gitna ng ulan kaso wala pa ring dumadaan na sasakyan. Palakas nang palakas na rin ang hangin kaya medyo tinatangay ang payong namin.
“Pag tayo dinala ng hangin sa south korea, hindi na ako babalik dito sa pilipinas,” natawa ako sa sinabi niya. “Ang lagkit ng feelings ng ulan.”
“Blessing ang ulan, Chine.”
“Whatever you say, Kai.”
Habang naglakakad, halos mapatalon kami sa gulat nang biglang may bumusena.
“Tang-nang 'yan!” bulalas ni Chine.
Napahinto kami no'ng tumigil sa tabi namin ang kotse. Sino naman 'to? Wala akong maalala na mayaman sa pamilya namin na may ganitong sasakyan. Baka si Chine, meron.
“Grabe, gara ng sasakyan, McLaren. Kai, sabihin mo nga sa akin, may sugar daddy ka ba? Magsabi ka ng totoo—”
Hindi niya naituloy ang sasabihin nang bumukas ang bintana ng driver's seat.
“K-Kapitan?”