Honorio Bartolome de DiosGiyera Hinawi ni Bernie ang mahabang buhok na kanina pa pinaglalaruan ng hanging galing sa dalampasigan. Bahagya niyang iniunat ang ngawit na likod dahil sa matagal na pagkakaupo sa sementadong bangko sa plasa ng simbahan. Bukang-liwayway pa lamang ay naroon na siya upang hintayin ang misa de ala-seis. Araw-araw iyon, mula sa plasa ay inaabangan niya ang pagbabago ng kulay ng dagat habang unti-unting dinadampian ng halik ng araw. Mula sa malawak na plasa, pinanonood niya ang katuparan na tagubilin ng mga matatanda. Musmos pa lamang si Bernie nang una niyang marinig ang tagubilin ng matatanda. “May isang panahong magtatago ang araw sa likod ng buwan at pagtatampuhan ng hangin at lupa ang San Martin,” bungad ng kanilang kuwento. “Hudyat iyon upang magising ang hali

