chapter 2

2402 Words
Umakmáng lalapit ang mga pulís, di ang hindi. Datapwa't sa masamáng pagkakataón, ay násabay ang paglápit na ito sa pagbunot ng rebólber ng kaaway ni Julio. Isip yata'y sila na ang susugúrin, kaya't biglâng nangamutlâ at dáli-dáling nangagsiúrong.   --"Ano't tíla kayo'y nátukâ ng áhas?"--ang pagdáka'y itinanóng ng binata sa bayáning mga pulís.   --"Abá!"--ang kaniláng tugón--"kami ba'y mga ulól at ipapáin ang áming búhay sa kamatáyan? Di mo ba nakikita't marrikáno iyang may 'ribulber'? Kami'y waláng kaarmás-armás, kung kami'y labánan, anó ang aming magagawâ?"   Nagngitngít si Gerardo sa mga salitâng ito.   --"Mga duwag!"--ang malakás niyang sigaw na sinabayan ng isang matinding túlak sa mga pulis na kamunti nang ikinábaligtád nilá; at di lamang ito ang nagawâ: nilabnót pa sa mga bayaning iyon ang dala-daláng mga batúta.   Singtulin ng kidlat na dumaló ang binatà sa sigalót.               II   ¡SAKÂ KAYÓ MAGSISÍSI!...     Si Julio sa mga sandaling iyón, ay latâng latâ na sa kanyang pakikilámas; kaya't ang pagdalo ni Gerardo ay napapanahón. Pagpások ng binatà sa loob ng tindáhan ay sinigawan siya ng kalában ni Julio na huwag manghimások sa kanilá. Hawak nitó ang rebolber; dapuwa't sa gayóng anyô ng kaáway, ang batóng loób ni Gerardo ay lalong tumigás mandín, lalong nabuhay ang kanyang dugô. Waláng ágam-ágam na lumápit sa nananampalásan, at úbos lakas na inihátaw sa ulo nitó ang daláng káhoy; nguni't ang hinataw ay nakapagpaputók din, at saka dahan-dahang nahílo, nalugmók, nawalán ng diwâ.   --"Mang Julio, nakagantí na kayó!!"--ang noó'y biglang pumúlas sa mga labi ng mapúsok na binatà.   Tumagís ang bála sa kaliwang bisig ni Gerardo.   Tumutulò ang kaniyang dugô; samantalang sa tapat ng tindáhan ay nagkakatípon ang mga táong páwang pagpuputlaan, nagluluwángan ang mga matá, at naghahabaán ng liig.   Isang lalaking mataás ang di nagluwat at pumások; siya ang sargento ng mga pulís. Kasunod niya ang dalawáng bayani ng sindák. Nilapitan ang binatà at tumanong:   --"Bakit inágaw ninyó ang mga batúta ng mga pulis na iyan?"   Hinagísan muna ni Gerardo ng isang nagbabágang tingin ang tatlóng kawal na iyón ng pamunúan bágo tumugón:--   --"Sapagka po't áking kinailángan sa pagsugpô sa kapaslangan ng isang táong ganíd! Ngayón na di ko na kinakailángan, sila'y akin nang isinasaulì."--At inaabót ng binata ang mga batuta sa sargento, na muling tumanong:   --"At bakit naman sila'y di man laang ninyo pinagpitaganan?"   --"Sapagka't iyang inyong mga pulís ay mga duwag!"--ang napabiglang tugon ng binata.--"Sapagka't sila'y aayaw magsitupad sa kaniláng katungkúlan; nakíta, ng kaniláng mga matá ang gayóng pagyúrak at paglaít sa kaniláng mga kabalát, ang gayong pagluhà ng Matwid; at gayon man, sa haráp ng karáwaldáwal na nangyari, ang mga pulís na iya'y di nag-kaloób na kumílos, humalukipkíp na lámang, nagpatáy-patáyan!... Ganyan po ba ang mag-iingat ng kapayapaan? Sa mga táong gaya nila'y anó ang mahihintáy ng Báyan? Walá! kundi isang di makakátkát na kahihiyán at pagpulà sa kanyá ng ibáng láhì!..."   Dito'y hinaráp ang nagsisiksíkan at nagngangang mga tao sa labás ng tindahan; ibináling muna ang paningín sa lahát ng dáko at sakâ nagpatúloy:   --"Sa mga sandalíng itó, mga kababáyan, huwag lilimútin na ang Matá ng boong Sangdaigdigán ay napapakò dito sa Pilipinas. Báwa't kilos, báwa't gawâ, pagkakámalí ó pagkakásulong, ay minamasdan nilá. Kinukúro, tinitimbàng lahát na iyân, upang pagkatápos ay pasiyáhan kun táyong mga pilipino ay may matwíd ó walâ sa paghingî ng Kalayáan! Kaya nga nararápat na sa mga araw na itó ay magpakaíngat tayo sa áting mga kílos. Huwag tutulútang makasinag dito ang mga tagá ibáng lupâ, ng anó máng gawáng maipupulà sa atin. Iyáng kahináan ng loob, tákot sa mga gawang lában sa katwíran, ay di nararápat kailán man na ipamálas ng isáng báyang gaya nito, na naghahangád lumayà. Upang ang báyang iya'y kaalang-alanganan ng ibá, ay kailangang ipakíta sa lahát nang panahón, na ang kanyang mga anak ay di natutulog sa hangad ng ibáng dungisan at idiwarà ang kanyang puri't karangálan--Iyang mahálay na pag-aalaála sa saríli na nababagay láang sa mga loob na marurupók ay kinakailangang iwaksi sa mga ganitong pagkakataón; sapagka't ang malíng pag-aalaálang iyán ay siyang nagdudulot ng karupukán sa pusò, siyang nagpapatúlog sa dugô, gumuguló sa isip, at nagpapaúrong sa kaluluwá úpang lumayô at tumalikod sa pangánib na dapat sagupàin at sugpuin!"...   Napútol ang salitâ ni Gerardo, dahil sa bigláng pagkílos ng nalulugmók. Násaulì na ang pagkatáo, idinílat ang  mga matá at titindig sana, nguni't ¿sino yaong  nasa kanyáng haráp at pígil sa kamay ang isang rebólber na nakaúmang sa kanya?... Nápaupông muli. Sino itó? Si Kamatáyan na ba?  Kakalawitin na kayâ siya? Inapúhap sa likód ang kanyang sandata: dapwa't walâ!... Lálong namutlâ ang mukhâ, lalong nanginíg ang katawán.   Nangusap ang kinatatakútan sa wikà ni Shakespeare:   --"Kung ang búhay mo'y iyóng pinahahalagahán ay huwag kang kikilos!... Nauunawáan mo ba?"   Isa na lamang tangô ng pagáyon ang naitugón ng nangangatál, sapagka't di maibuká ang bibig, di mabigkás ang íbig sabíhin.   Nagpatúloy si Gerardo.   --"Ibig kong mabatíd kung ikáw ay taga-saán."   --"A-a-amerikano", ang maráhang sagót ng nanglálamig. --"Ah!, amerikano!... amerikano!"--ang úlit ng binatà, na may kahálong mapaít na ngitî.--"At anó ang sumuót sa amerikáno mong tuktók at ikáw ay nanánampalásan díto?"   --"..........."   --"Ang akála mo ba'y sapagka't natúran kang amerikáno at ang kaharáp mo'y mga kayumanggí ay maaárì mo nang yurákan ang kaniláng karapatán at isalúsak ang kaniláng karangálan?...   "Di mo na inalaálang silá ay iyóng kapwà? na silá ay iyóng kapantáy?   "Oh, kayóng mga dayuhang halímaw!   "Sino kayóng paparíparíto sa isang báyang di inyó at pag-náhandito na'y walang kakalasagin kundí ang pangdadahás at paghaharìharìan?   "Iyán bagá ang inyong igagantí sa báyang itó na kahima't hiráp na'y tiís pa rin nang tiís, masunód lang kayó? kahi't hapô na'y híla pa rin nang híla, kayó lámang ay mapagbigyáng loob?   "Ah, mga  walang túring!.... Mga pusòng masasakím at mapagmatáas!   "Di na ninyó inísip na doon sa Langit ay may isáng Diyós!--Isáng Diyos na nagmamasíd sa inyóng mga kilos, isáng Diyos na walang kinikilíngan, ang Diyos na huhukóm sa inyóng mga gawâ!!...   "May araw ring kayó'y sasayáran ng Kanyáng kamay, may araw rìng lalagpák sa inyóng mga úlo ang mabisàng sumpâ at higantíng kakilákilábot ng isáng Báyang dinadayá!   "Ah! mga kahabághabág!... Sakâ kayó magsisísi!!..."   Hindî nasáyang ang mga salitâ ni Gerardo: sa labás ng tindáhan ay boong báyan na halos ang sa kanya'y nakikiníg.   Pagkaráan ng iláng sandalî ay pinatindíg ang amerikano. "Lumabás ka rito"--aniya,--"at humaráp ka ngayon din sa hukóm."   Ang inutusan ay nakayukông tumindíg, nakayukông lumabás at nakayukông sumapít sa pintô ng hukuman. Sinusundan siya nina Julio, Gerardo at ng maraming táong bayan.   Di naláon at dumatíng ang mga nagsasakdál sa tanggápan ng hukóm; nguni't sa masamáng pagkakátaon, itó noo'y walâ sa loob ng bayan. May nagsasabing siya'y napa sa Maynilà, at di máalaman kun kaylán babalík.   Inaharáp ang sakdál sa pangalawáng hukóm, dapwa't ito'y tumanggíng lumítis sa usapín, sapagka't siyá'y kamag-anak ng nagsasakdál na si Julio.   Ayon sa kautusán, ang presidente municipal ng isang bayan ay siyang mákakahalíli ng mga hukóm kapág ang mga ito'y walang kaya ó karapatáng lumitis sa isang usapíng "criminál". Sapagka nga't ito ang ipinaguútos, ang mga magsasakdal noon di'y nagsitungo sa báhay-pamunúan upang dumulóg sa haráp ng presidente. Máximo San Jórge de los Santos ang túnay na ngalan ni Kápitang Memò, ulo ng yaman at presidente municipal sa Libís. Siya ay isang lalaking may matáas na tindig, mukhâng bilóg na kinabábanaagan ng ilang paták ng dugông diláw, úlong tihabâ na napapalamutíhan ng mapuputing buhók, mga matáng busóg na animo'y ipinaglihí sa mga matá ni Mutsu-Hito, ilóng na hinirám kay San Mateo, bibig na inihawig sa bibig--Limahóng at tiyang kauri ng tiyang--Taft.   Ang máginoong itó ay isá riyán sa mga nábantog na kápitan noong mga araw na ang Pilipinas ay kasalukúyang iniinís ng kakastilàan; siya'y nábantog, sapagka't tangì sa masalapî, ay lubhâng malupít sa mga táong bayan, mapagbalák ng mga masasagwâng útos na pawàng udyók ng kasakimán, mapagparátang at mapagparusa ng mga parúsang háyop sa mga binúbuhátang nagkásala. Walang tumutol sa mga hidwâ niyáng kagagawán na di niyá sinumbatán ó pinangakùan ng ganitó ó gayóng pagkapahámak.   Ibig supilin ang lahát; paáno'y walâ siyáng pinakamimithî kundî ang sambahín, kilalánin at tawaging harì--harì sa lahat ng bagay, harì ng lahát ng táò, kung mangyayári, ng kanilang mga pag-aarì, katawán at damdamin... Iyan ang kanyang adhikà sa gitnâ ng gayóng mga nagyukòng masunúrin, mga tikóm na bibig, mga dilàng alípin.   Iyán ang kanyáng pinangápangárap, ang boô niyáng hangad mulâ sa sandalîng mapasakanyà ang tungkód ng kápitan--ang mahiwagà't makapangyarihang tungkód na siyáng lálong pinagkakautangan ng kanyáng pagkamasalapî, pagkamalupain, at pagkamapalalò.   Sa haráp ng ganyáng mga adhikà, katakátaká kayâ na nang mabágo ang pámahalaan, pagkalagánap dito ng kautusáng nagpapahintúlot sa mga bayán-bayán ng maláyang pagpilì sa kanikanilang pinunò; katakátaká kayâ na maisipan ni Kápitang Memò na samantalahin ang pagkakátaon sa pagbabakásakáling siya ang máhalal na presidente sa kanyang bayan?   Alám ni Kápitang Memò na lubhâng marami ang kanyáng kaáway; na ang kanyáng kabangisán ng panahóng lumípas ay di pa nalilimot ng mga manghahalál; na ang tákot at pangingilag sa kanyá ay di pa nakakatkát sa mga apdó ng karamíhan; na ang kanyáng kalupitán sa pamumunò ay sariwàng-sariwà sa kanilang alaala. Batid ni Kapitang Memò ang lahát ng iyan. At iyan ang mga dahil kung bakit siya'y maláon ding nabalisa at nagalinlangan, bago natuluyang magharáp ng kanyang kandidatura sa nálalapit na halalán.   Dápwa't hindî ang isang Kápitang Memò ang uúrong. Bakit ba hindî niyá titikmán? Ay anó kun sakálì ma't siyá'y mátalo? Hindî ba siyá datihan sa pagkatálo ... sa mga templo ng San Jórge at mga titiláok?   --"Walâ! walâng úrong-úrong!" ang matigás niyáng sábi sa kanyá rin.   At hindî nga namán umúrong.   Sinimulan na ang pangatawanang paglákad.   Nagkatúsak ang kanyang mga leaders na walâng humpáy ng talumpatì dini at talumpatì doón.   Nagpagawâ sa Maynilà ng libo-libong carteles na kinatítitikan ng mga salitang:                                    VOTAD POR                  Sr. D. Maximo San Jorge de los Santos.                        CANDIDATO para PRESIDENTE.                     Libertad, Igualdad, Fraternidad.     Sa di kawasà'y dumatíng ang áraw ng halalán. Dumatíng ang oras ng pagbílang ng mga boto.   Nápagaláman sa wakás na tatlong-daan at limá ang bilang ng boto kay Kápitang Memò; samantalang dádalawang-dáan at ánim ang tinanggap ng kaniyang kapáligsahan.   ¡Talinghagà ng mga pangakong matatamis!   ¡Talinghagà ng mga gantíng-palang makalansing!   ¡Talínghagà ng mga mukhâng-hudas na nakangitî!...   Tigás na tuwâ ng Kápitan.   Sa tatlong araw na sumunod sa halalán, si Kápitang Memò tuwing magiisá, maging sa pagkain, maging sa paghigâ hanggang sa pagtulog, ay wálang nábibigkas kundî ang gayari:   --"Sa makatwid, ako ay presidente na ngayón ha! ha! ha! At sa makatwid, akó ay makapangyarihan na namán! ha! ha! ha!... Ganitó, ganitó ang mabubuhay ... láging nasa itáas, láging tinitingalâ at hindî nasusuwáy! ha! ha! ha!"   Iyán ang si Kápitang Memò. Talagá yatàng sinasamâ ang mga magsasakdal. Ang presidenteng sinadyâ sa bahay-pámunuan ay walâ rin doon.   Hindi pa dumárating. Ang oras na iyon ay hindi pa oras ng pagdatíng ni Kápitang Memò sa kanyang tanggápan. Iyón ay oras lamang ng kanyang pagbángon, ng paghiwaláy sa mapanghalína niyang higàan, ng pagpapaalam sa isang kinawilihang pangarap....   Si Kápitang Memò ay di nararápat bumangon ng maága; hindi ito nababágay sa kanya. Siya'y isang máginoo, isang kápitan, isang presidente na sumasahod buwán-buwán ng walongpúng pisong matunóg. Bumángong maága ay nababágay lámang sa mga mahihirap, sa mga magsasaká, sa kanyang mga kasamá, alila at mga hindi máginoong gaya niya.   Tinutugtóg ang ikasampung oras nang si Kápitang Memò ay magbángon noong umagang iyón. Ang mga hikáb niyang sunodsunod at mga matáng pipikitpikit ay nagpapakilálang di pa nasisiyahán sa túlog. At mulî sanang mahahandusáy ang mahal nating ginoo, dangan at nagitlá sa íngay ng maraming táo na noó'y naghuhugusan sa tapát ng kanyang báhay. Ang mga táong ito'y siyang kasunódsunód nina Gerardo mulâ ng iwan nila ang tindahan ni Julio; ibig sana nilang mapanoód ang paglilítis, dapwa't nabuktót na lahat sa pagiintáy sa presidente, kaya't ngayo'y nangaguuwian na. Salámat sa ingay nila at nabugábog ang masipag na pinunò ng bayan; sa wakás ay natulúyan ding mámulat ang mga namumugtông matá na animo'y nagsasábing "¡Kami ay busóg na busóg!"   Pagkakáin ng almusalán, ang ating máginoo ay humílig sa isang sillón; at dito'y sinimulán ang waláng lagót na pagpapaúsok sa isang "Germinal".   Hinintáy pa munang mangalahátì ang sagisag na iyón ng isa sa mga masasamáng hilig ng tao, bágo nagbihis si Kápitang Memò upang dumaló sa bahay-pamunuan.   Tinutugtóg ang ika labing-isáng óras ng umága nang siya'y sumapit doón. Pagpások na pagpások ng pintô, ay isang tuksó ang kaagád ay sumagupà sa kanyá. Sa dákong kaliwâ ay may isang malápad na bangkô at sa ibabaw ng bangkô ay nakatukmól ang isang pulís na uugâ-ugâ ang ulo, nakabuká ang bibig, at untî-untîng nábababâ ang mga balintataó. Sa ganitong anyô na bilang pasalúbong sa kanya ng káwal niyang hinihíla ni Antók, ang makisig na pinunò ay biglang siniglán ng pangungupinyó. Anó ba't ang buísit na iyon eh, tila ginagagád ang anyô niya kanina ng siya'y bago lang kagigísing?   Dáhandáhang lumápit ang nagngingitngít, sinunggabán sa bátok ang tuksó at walang sábi-sábi'y niluglóg ito ng walang kapatúpatumanggâ.   --"Ah, salbáhe! demónyo! di nahúli rin kitá!... Iyán, (suntok) iyán, (sipa) at iyán (dagok) ang bágay sa iyo, tamád! walang hiyâ! háyop! Kung kayâ ka bá binabayáran ng sampúng piso buwán-buwán ay para magtulóg ka rito? Waláng hiyâ!"   Gitláng gitlá ang pinupog ni Kápitang Memò. Sa kagulatan ay nakálundag tuloy sa di oras ng limáng dipá.   Samantalang nagbúbubusá ang bibíg ng Kápitan ang iba namang mga pulís ay pawang nagpuputlàan at nanginginíg, lahat ay nangagtáyò ng tuwid na tuwid, walang makahumá kahi't isa.   Pagkatápos ng ganitong pagpapakíta ng gilas sa silong, ang mabangís na punò ay dahandahang nanhík na nanglilisik ang mga matá.   Sina Gerardong inis na inis na sa pagiintáy ay napabuntóng-hiningá na lamang ng maramdamang siya'y dumádating. "Aba, mang Julio", ang bigkás ng binatà; "lumuhód po kayó at nárito na ang ating Czar!"   Si Julio'y napabulalás ng tawa.   "Angkáp na angkáp nga sa kanyá ang ngalang iyan!"   Hindi lumawig ang pagtatawá ni Julio; humalili sa kanya ang isang pagkamanghâ, pagkatapos na maibáling ang paningin sa dákong hagdánan. Pati si Gerardo ay nápa-abá!...   Katakátaká nga nama't lubhâng mahiwagà ang mapapansín ng isang nagmamasíd sa pinamagatáng Czar na sa sandalíng iyón ay kapapanhík pa lamang.   Pagkákitang pagkákita sa amerikánong isasakdál (na noó'y nagkátaong nakatalíkod at kasalukúyang nawiwíli sa pagtingin sa isang nakasábit na magandang laráwan ng nunò ng mga Federál,) ang presidente ay natigilan nang biglâng biglâ; túlos na túlos sa púnò ng hagdanan; ang mga matá ay pinanáwan ng panglilisik at kúsang napakò sa likod ng amerikáno. Tumindíg sina Julio at nagbigáy ng "magandang araw", dapwa't ni tangô, ni tingin man lang, ni ano pa mang tandâ ng paggantí, ay dí sila nagkamít.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD