“Saan ka ba nanggaling?” tanong sa akin ni lola Mathilda nang mabungaran ko siya sa azotea.
Madilim-dilim na nang makabalik ako sa mansion. Bagaman at sandali lang ako sa villa na nilusutan ni Skye, nagtagal ako sa pag-ikot at pamamasyal na rin sa bisinidad ng villa. Naisip kong, kung mabibili ko ito, kailangang makita ko rin ang mga nasa paligid nito. At natuwa ako sa aking nakita. May daan na pala na nakarugtong sa nilatagan ng graba mula sa likuran ng mansion ni lola. At nakarugtong ang daan patungo sa highway.
Nagiging palaisipan sa akin ang aso. At ang mga sinasabi ng matandang katiwala ng villa at ni Lota mismo. Imposible daw na magkaroon ng aso sa villa at sa paligid. Naglipana ang aso dito sa Pilipinas. Bakit mawawalan ng aso dito sa bahaging ito ng Vigan?
Lumapit ako kay lola at humalik sa pisngi nya bago ako nagmano.
“May sinundan po akong aso kanina at lumabas po siya sa likurang gate ng mansion.” Sabi ko na naupo sa harap ng laptop na naiwan kong naka-bukas pa sa lamesa.
Napakunot-noo si lola Mathilda at tinitigan ako. May hindi ako maipaliwanag sa mukha nya habang tinititigan nya ako.
“Aso ba ‘ika mo?” parang di makapaniwalang tanong ni lola. Tumango ako.
“Isang maliit na aso na parang chihuahua. Kulay puti siya at may kwintas sa leeg.”
“Susmaryosep!” napaantanda si lola nang marinig ito.
“Bakit po lola?” tanong ko.
“Napunta ka ba sa Villa del Gallego? Nakarating ka doon?” nandidilat ang mga mata ni lola Mathilda. Hindi ko alam kung galit, o takot ang nasa mga mata nya.
“Doon po nagpunta ang aso.”
“Kinikilabutan ako sa sinasabi mo,” sabi sa akin ni lola, “ang mga del Gallego ang dahilan kaya walang aso dito sa bahaging ito ng Vigan. Lahat ng mga aso dito ay ipinapatay nila. Itinataboy nila ang mga taong naninirahan dito na nag-aalaga ng aso!”
“Pero lola. Nakita ko talaga si Skye. Sinundan ko siya at pumasok siya sa bakuran ng Villa. Nakausap ko pa ang matandang babae na caretaker yata at sinabing ipinagbibili daw ang villa.”
“Ipinagbibili? Ang alam ko sa Europa na naninirahan ang mga may-ari nyan. May alamat na nagpasalin-salin dito sa Vigan tungkol sa angkan ng mga nagma-may ari dyan.”
Sa sinabing ito ni lola Mathilda ay lalong napukaw ang kuryosidad ko. “Ano pong alamat?” tanong ko.
“Kaya daw galit na galit sa mga aso ang mga del Gallego, dahil daw ang unang don na nagmay-ari ng villa ay pinatay ng mga aso!”
Napataas ang kilay ko sa aking narinig. Ang naimadyin ko ay mga Doberman o kaya ay mga pitbull na mga aso na kayang lumapa ng mga tao. Pero, ang isang cute na chihuahua ay hindi kayang lumapa o manakit man lang ng tao!
Kinabukasan, maaga akong nagbalik sa villa. Nang makaalis si lola papunta sa kanyang pabrika ng sigarilyo ay nagpaalam naman ako kay Lota na mamasyal lang ako sa likuran ng mansion. Dala ko ang cell phone ko. Ang balak ko ay kuhanan ng video at retrato ang kabuuan ng villa.
Tiningnan ko ang aking relo; ganap nang ika-siyam ng umaga. Mataas na ang araw. Subalit sa bahaging ito, ang mga puno ay nagiging makapal na panganlong para hindi makalusot ang init ng sikat ng araw. Nang mag-doorbell ako, nakita kong ilang sandali lang ay bumukas ang pinto ng malaking bahay. Hinahanap ng mga mata ko si Skye. Ngunit wala ito sa bakuran.
“Wala pa po si senyorito Rey. Pero tumawag po ako sa kanya at sinabi kong darating kayo.”
Binuksan ng matandang babae ang maliit na pinto sa malaking gate at pinapasok ako. Maganda ang loob ng compound. Ang driveway ay napapalamutihan sa magkabilang gilid ng mga namumulaklak na shrubs. May fountain na walang tumutulong tubig sa bandang kaliwa. May mga upuan na yari sa matigas na kahoy. Naalala ko ang sikat na mga hardin sa Europa. Kahit parang napabayaan na ang hardin, may hatid pa rin itong ganda na maaya sa mata.
“Dito na lang kayo maghintay,” sabi ng matandang babae. Isang garden set iyon na nasa ilalim ng punong Acacia. Makapal na ang Bermuda grass at halatang hindi na ito nadadaanan ng grass cutter o ng lawn mower kaya.
“Pwede ba akong kumuha ng mga pictures?” tanong ko sa matandang babae. Tiningnan nya ako nang matagal, bago sumagot.
“Pwede naman po siguro.” Sabi nito.
“Maiwan ko na po kayo dyan at may gagawin pa ako sa itaas.”
Nang maiwan ako sa ibaba ay kinunan ko ang harapan ng villa. Ilang maiikling video clips ang ginawa ko. Mukha ngang napakalawak ng compound. Hindi ko makita ang dulo ng bakod na gawa sa escombro. Ito ang mga sinaunang bakod na pader na hindi gawa sa hollow blocks Kundi sa mga tinabas na adobe. Nagpunta ako sa hardin na may fountain. Naupo ako at nag-selfie sa upuang kahoy. Habang naka-upo ako doon ay para akong idinuduyan. Para akong inaantok.
Pilit kong pinaglalabanan ang antok nang marinig ko ang pagbusina sa labas ng gate. Napatayo ako sa aking kinauupuan. Nakita ko sa labas ng gate ang isang lumang Mercedez Benz. Nagmamadaling bumaba sa hagdan ang matandang babae at tinungo ang gate.
“Senyorito Rey, siya po ang sinasabi kong gustong tingnan ang villa,” pagpapakilala sa akin ng matanda.
Nagtagpo ang aming mga mata. Nakadama ako ng kakaibang sikdo sa dibdib ko. Matangkad ang lalaki. Mestixo. Hindi pinoy ang dating nito. Maputi ang kanyang kutis. Sobra ang tangos ng ilong. Makapal ang mga kilay at berde ang kanyang mga mata. Sa tantya ko ay nasa late thirties na siya o kaya ay nasa early forties.
Nakatitig siya sa akin. At kakaiba ang titig nya. Para akong tinutupok. May parang hinihila sa aking kaluluwa.
“Ellenita delos Angeles,” pagpapakilala ko, “lola ko ang may ari ng mansion limang bloke mula dito sa kabilang kalsada.”
“Rey. Reynante del Gallego,” pagpapakilala nya sa sarili. Wala akong nadamang emosyon sa tinig. Baritono ang tinig. Slang ang pananagalog nya. Halatang hindi nya madalas gamitin ang salitang Pilipino.
“Gusto mo munang makita ang villa bago ang buong bakuran?” tanong nya. Tumango ako.
Madaya tingnan sa labas ang villa. Sa loob ay mala-palasyo ito. Ang sala ay isa nang bulwagan. Tipikal na tahanan ng mga Baron o ng mga Duke sa sinaunang panahon. At maging ang lahat halos ng mga kagamitan ay pawang sinauna. Ang isang set ng sofa ay yari sa matigas na kahoy na may sulehiyang gawa sa yantok ang upuan at mga sandalan. Para itong trono ng hari at reyna sa rangya ng pagkakaukit ng mga sandalan at ng armrest. Likas ang kulay ng mga kahoy na halong itim at matingkad na brown. Sa tingin ko, kung hindi yari sa Narra ang mga mwebles sa loob ng kabahayan, maaring yari ito sa kamagong.
Napatingin ako sa dalawang malaking painting na nakasabit sa dingding ng bulwagan. Naka-contrast ang dalawang painting sa naka-arkong hagdan paakyat sa pangalawang palapag ng mala-palasyong villa.
Ang isang painting ay larawan ng isang lalaking nakasuot ng damit ng isang taga Europa na halatang sa sinaunang mga panahon. Ang isa naman ay painting ng isang babae na gayundin ang kasuotan. Nakatingin sa akin ang matandang babae. Pinaglipat-lipat nito ang tingin sa akin at sa painting ng babae.
“Hindi kasama ang mga painting na yan sa magiging bilihan natin kung sakali,” sabi sa akin ni Reynante del Gallego.
“Yan ang kapatid ng lolo ko. Si Don Felimon del Gallego. Ang babae naman ay si Donya Anita del Gallego.” Muli nya akong pinahapyawan ng tingin. “Wala tayong iaalis dito sa Villa maliban sa mga paintings na yan. Pati ang matandang piano sa music room at ang mga akllat sa katabi nitong aklatan. Wala akong hangad sa lahat ng mga bagay na naririto.”
Inikot namin ang mala-palasyong kabahayan. Nalula ako sa ganda bagaman at luma na ang disenyo nito. Solid na mga matitigas na kahoy ang mga pinto at dingding ng kabahayan. Maging ang sinasabi nyang music room at katabing silid aklatan ay napakaluwang din. At lahat ng mga mwebles dito ay pawang antigo din at yari sa mga primera-klaseng mga kahoy. Subalit, ang mga varnish ng mga ito ay kupas na at halatang ilang dekada na ring hindi muling nalalagyan ng panibagong coating.
“May mga tumingin na dito. Antigo na raw ang bahay at kung ipapa-remodel ay baka wala na raw pakinabangan sa mga structures. Pero, wala akong pakialam doon. Ipinagbibili ko ito as is, take it or leave it.” Sabi pa ni Reynante del Gallego.
“May isa pang gusto kong makita mo na kasama dito sa compound,” sabi pa nya. Habang nagsasalita siya ay kinukunan ko ng video ang buong kabahayan. Mula itaas ay bumaba kami. Apat ang maluluwang na silid sa itaas. Pati mga katre ay gawa sa matitigas na nililok na kahoy at may sulehiya ding mga yantok. May mga dresser din ang bawat silid na yari sa ganoon ding mga kahoy.
“Ito ang mausoleo ng pamilya del Gallego,” sabi ni Reynante del Gallego, “pag nagkasundo tayo, iaalis ko ang mga buto na naririto para ipa-cremate. Sa Toledo na ako maninirahan.”
Nakita ko ang mga pangalang nakasaulat sa mga lapida. Ang tumitimo sa utak ko ay ang pangalan ni Donya Anita del Gallego. Namatay siya sa edad na apatnapung taon. Pero, ito ay dalawampung taon matapos mamatay ang kanyang asawang si Don Felimon del Gallego na namatay sa gulang na anim napu at anim na taon.
“Magkano mo naman ipinagbibili ito?” tanong ko sa kanya.
“Ika-isang daang taon na ng kamatayan ng unang nagmay-ari ng villang ito na si Don Filemon del Gallego. Ang kapatid ni lolo. At kailangan ko itong ipagbili.”
Nagtaka ako sa sinabi nya. Hindi ko itinatanong kung bakit nya ipagbibili ito. Ang itinatanong ko ay kung magkano.
“How much you want to sell this?”
Bumuntung-hininga muna siya. Tinitigan ako. Parang may malamig na hangin na humaplos sa akin.
“Fifty Million.”
Nanlumo ako. Wala akong ganoong kalaking halaga. Pero parang may nagbubulong sa akin na bilhin ko ang villa del Gallego.
“Pwedeng bigyan mo ako ng at least three months?” sabi ko sa kanya.
“Three months lang ako dito sa Pilipinas. Kung walang immediate buyer na mas maaga sa time frame mo, you can have it.”
“Wala bang discount yun? I mean, baka pwedeng mabawasan ang Fifty Million.”
Muli nya akong tinitigan. Natutupok ako sa titig nya. May ibinabangong init iyon. Pakiramdam ko ay isa akong dalaga pa. Isang nagdadalaga.
“Let us talk about it kung meron ka nang Fifty Million. If nobody would purchase it at my price bago mag-expire ang visa ko. Mahigit twenty five hectares ang area ng Villa dell Gallego. May hindi ka pa nakikita sa likurang bahagi na magugustuhan mo. Dati may stable kami ng mga kabayo sa likuran. May magandang bahagi ng ilog na ang pampang ay sakop ng Villa del Gallego. Mura na ang Fifty Million sa kasalukuyang pagtasa sa bahaging ito sa mga lupain.”
“Bakit hindi natin puntahan ang sinasabi mo?” tanong ko sa kanya.
“Kailangan natin ng kabayo para malibot ang kabuuan ng Villa del Galllego. Kung gusto mong malibot pa ang buong sakop ng villa, sasabihan ko si Manang Minda para payagan kang maikot ito on foot.”
That afternoon, naroon ako sa azotea. Iniisip ko kung paano ako magkakaraoon ng Fifty Million. Hawak ko ang calling card na ibinigay ni Reynante del Gallego. Tiningnan ko ang account ko sa bangko. Mayroon akong investment sa mga treasury bills. Pero puro one-year ang maturity ng mga iyon. Pwede kong i-loan pero hindi rin aabot kahit man lang Twenty Million.
“May pera kaya si lola? Mapapahiram kaya nya ako? Pwedeng hulog-hulugan ko sa kanya. Pero. hindi maliit na halaga ang Fifty Million.
Sinubukan kong muling tingnan ang mga video clips na kinuha ko sa bakuran at sa mismong villa. Ito ay para kumbinsihin ang sarili ko na makagawa ng paraan para ako ang mag-may-ari ng villa. Sa puntong ito, hindi pumasok sa isipan ko na may asawa ako na mayaman din ang angkan. Ang parents ni Greg ay nasa hotel and restaurants ang business interests.
Sa panggigilalas ko, nang i-play ko ang video sa may hagdanan, nakita ko doon ang pitong aso na mga naka-upo sa may ibabang baytang. Nasa itaas ang asong chihuahua na tinawag kong Skye. Nakatingin sila sa camera. Waring naghihintay na haplusin. Waring matagal na naghihintay sa pagdating ng kanilang amo.
Natural, nahintakutan ako. Muntik ko nang mabitawan ang cellphohe ko. Nagmamadali akong pumasok sa kabahayan. Nasalaubong ko si Lota.
“Seyorita, bakit putlang-putla kayo?” tanong nya.
“Ang mga aso sa video clip,” sabi ko. Nanginginig ang kamay ko pati ang boses ko.
Kinuha ni Lota ang cellphone na hawak ko. “Ang mga aso sa video…” sabi ko.
“Alin pong video?”
“Ayan, yang video na yan!”
“Wala naman pong aso o mga aso dito sa video. Hagdan lang po.”
Napamaang ako. Inagaw ko sa kanya ang cellphone. Tinitigan ko ang video na kinuha ko kaninang umaga sa loob ng Villa del Gallego. Ikinurap-kurap ko ang aking mga mata. Pinindot-pindot ko ang video.
Wala ngang mga aso sa hagdan. Ang maluwang lang na hagdang-kahoy ang naroroon. Ang marangyang hagdan.
“Ngunit pito ang aso na nakita ko sa hagdan. Isa sa unang baitang. May aso mula una hanggang ika-anim na baitang. At sa pinakataas ay naroon si Skye at tila nakangiti sa kamera!” bulong ko.
“Anong kababalaghan ito?”
Tiningnan ko yung selfie ko sa may fountain. Yung naka-upo ako sa upuang nililok na kahoy. Napatingin ako kay Lota. Pinaglipat-lipat ko ang tingin sa kasambahay ni lola at sa aking cellphone. Sa selfie na kuha ko sa hardin na may fountain, sa tabi ko ay may naka-upo na babaeng mukhang Kastila. Pero, magkahawig kami. Ang pagkakaiba lang namin ay ang suot nya at ang ayos ng kanyang buhok. Subalit, ang hitsura namin ay walang pinag-iba.
MAY KASUNOD…