TILA imposible para kay Miyaka ang makatulog dahil panay nag halikan nina Bettina at Billy sa tabi niya. Dinig na dinig niya ang tunog ng pagsasagpong ng mga labi at dila ng dalawa. Mukhang hindi talaga siya makakatulog kaya naman bumaba na lang siya ng kama at nagdesisyon na sa salas na lamang matulog. Alam niyang kailangan ng privacy ng magkasintahan.
Pagbukas niya ng pinto ay may narinig siyang kung ano na parang nagmumula sa salas. Parang tunog ng pinuputol na kahoy. Dala ng kuryusidad ay maingat siyang naglakad papunta sa hagdan at sumilip sa salas.
Napasinghap si Miyaka nang makita niya na paulit-ulit na tinataga ni Mang Ruben ang nakahiga at tila wala nang buhay na si Ace. Duguan na ito! Si Aling Gilda naman ay pinapanood lang ang asawa sa ginagawa nito. Ganoon din si Lola Lucresia.
Nanginginig sa takot na bumalik siya sa kanilang silid.
“Bettina, Billy… si Ace…” Pabulong niyang sabi sa dalawa na halos hubo’t hubad na.
Hindi siya pinansin ng dalawa.
Siya naman ay hindi malaman kung ano ang gagawin. Na-shock siya nang husto sa nakita. Bakit ginagawa nina Aling Gilda iyon kay Ace? Mamamatay-tao ba ang mga ito? Papatayin din ba sila ng mga ito?
Ayaw maalis sa utak niya ang kalunos-lunos na pagpatay kay Ace.
Lumabas siya ulit ng silid na iyon at pumunta sa kabilang silid kung saan naroon ang iba pa niyang mga kaibigan. Umiiyak na ginising niya ang mga ito. Niyakap naman agad siya ni Kathleen nang makita siyang umiiyak.
“Hey, anong problema? Bakit ka umiiyak?” tanong sa kanya ni Kathleen.
Sa pagitan ng pag-iyak ay sumagot si Miyaka. “S-si A-ace… nakita ko siya… T-tinataga siya ni M-mang Ruben!” Mas lalong humigpit ang pagkakayakap niya sa kaibigan.
“Ha? Ano bang sinasabi mo?” Napatayo si Franco.
“Totoo ang sinasabi ko, Franco. At totoo rin iyong kwento mo tungkol sa mag-anak na sinunog dito sa Baryo Isidro! Sila Mang Ruben at Aling Gilda iyon. Nakalimutan mo na ba? Kapangalan nila iyong nasa kwento mo!”
Nalilito at tila hindi makapaniwala si Franco sa sinabi niya. “Pero, kwentong-bayan lamang iyon, Miyaka. Hindi iyon totoo… Baka naman namalikmata ka lang. Gusto mo, lumabas ako para tignan si Ace?”
“'Wag!” Mabilis na tumayo si Miyaka upang humarang sa pinto. “Huwag kang lumabas. Baka patayin din nila tayo…”
Hinawakan lang siya ni Franco sa magkabilang balikat at inilayo siya sa pinto. Pagbukas nito ay nagulat silang lahat nang bumungad sa kanila si Aling Gilda. Malaki na naman ang pagkakangiti nito.
“A-aling Gilda!” bulalas ni Franco.
Napasiksik naman si Miyaka sa likod ng kaibigan. Nanginginig siya at halos maihi na sa sobrang takot.
“Gusto ko lang tignan kung ayos kayong lahat. Wala bang tumutulo sa bubong?”
“Wala naman po.”
Gustong-gusto na niyang tumakbo palabas ng bahay na iyon dahil alam niyang hindi sila ligtas doon. Bakit ba kasi ayaw maniwala ng mga kaibigan niya sa sinasabi niya lalo na si Franco? Kahit sinabi niyang pinatay ng mag-asawa si Ace ay tila hindi man lang ito natatakot na makipag-usap kay Aling Gilda.
“Mabuti naman kung ganoon. Sige, maiwan ko na kayo.”
“Ah, sandali lang po.”
Napahinto si Aling Gilda sa pag-alis. “Bakit?”
“Si Ace po? Iyong isa naming kaibigan, nakita niyo po ba?”
“Nasa banyo siya. Naliligo.”
“Ganoon po ba? Sige po. Salamat…”
Pagkaalis ni Aling Gilda ay naiiling na isinara na ni Franco ang pinto. Nakahalukipkip na tinignan siya nito. Tumigil na siya sa pag-iyak pero nanginginig pa rin ang buong katawan niya.
“Nasa banyo naman pala si Ace, e,” ani Franco. “Namalikmata ka lang siguro. Babalik din si Ace kaya matulog na tayo.”
“Pero, s-sigurado ako sa nakita ko. Tinataga ni Mang Ruben si--”
“Miyaka, matulog na lang tayo. Okay? Pagod ako, pagod tayong lahat. Please, tama na ang pagiging imaginative and paranoid mo!” Natahimik na siya nang pagsabihan siya ni Kathleen. Mukhang nainis na ito sa kanya.
May takot mang nararamdaman ay humiga na lang siya sa kama. Nasa gitna siya ng dalawang kaibigan. Nakatingin lang siya sa pinto dahil nangangamba siya na baka may biglang pumasok doon at atakihin sila. Sigurado kasi siya sa nakita niya. Hindi siya namamalikmata. Ngunit paano niya makukumbinse ang mga kaibigan niya na hindi sila ligtas sa lugar na iyon?
-----***-----
BINUKSAN ni Gilda ang pinto ng kanilang bahay at pinapasok ang dalawang anak na sina Nestor at Anna. Kapwa sunog ang mga mukha ng dalawa pero mas malala ang pagkasunog ng mukha ni Anna. Halos nalapnos na iyon at kita na ang bungo sa panga. Manipis na rin ang buhok ng dalawa at hindi na iyon tinubuan pa ng maraming buhok.
Normal na pamilya lamang sila noon. Masaya silang namumuhay sa kabila ng hirap ng buhay. Ngunit lahat ay nagbago nang mapagbintangan sila na pumapatay at kumakain ng tao sa Baryo Isidro. Hinusgahan sila dahil sa hindi sila masyadong nakikihalubilo sa mga tao. Isang pagkakamali ng taong-bayan na nagpaningas ng galit at paghihiganti sa kanilang mga puso. Walang awa na sinunog ng mga ito ang kanilang kubo at sa kasamaang palad ay labis na napuruhan sina Nestor at Anna. Nakalabas sila sa likod ng kubo pero hindi ang dalawa. Nagtago sila ng asawa niya at ng nanay nito kasama ang bunso nila sa gubat at kinabukasan nang balikan nila ang kanilang bahay ay doon nila natagpuan ang naghihingalong katawan ng dalawa nilang anak.
Mabuti na lamang at nabuhay ang dalawa. Nagtago silang mag-anak sa pinaka siksik na parte ng kagubatan at isang lumang bahay ang natagpuan nila doon. Ginawa na nila iyong tahanan dahil wala namang tao na naroon.
Sa labis na poot nilang mag-anak ay isinumpa nila na maghihiganti sila sa lahat ng taga-Isidro. Simula noon, tuwing gabi ay pumupunta sila sa baryo upang pumatay ng tao at gawin itong pagkain. Nag-umpisa na ang pagkatakam nila sa dugo at laman ng tao, ang kaligayahan nila sa tuwing nakakapatay sila.
Nang maging sunod-sunod ang pagkawala at pagkamatay ng mga tao ay natakot na ang iba. Unti-unting nilisan ng mga tao ang Baryo Isidro hanggang sa ang maliit na baryo ay tuluyan nang maging abandonado at lamunin ng kagubatan.
Ang mga taga-Isidro ang sinisisi nila kung bakit sila naging halimaw! Ang mga ito ang nagtulak sa kanila upang gawing totoo ang mga maling bintang sa kanilang pamilya.
“Anna, hindi ba’t ang sabi ko ay suotin mo ito!” Hawak ni Gilda ang isang maskara na isinusuot sa buong ulo na gawa sa makapal na tela. Tanging mata, ilong at bibig lang ang kita kapag isinuot iyon.
Nakayuko at magaslaw na kinuha iyon ni Anna at isinuot sa ulo.
Kailangan iyon ni Anna upang itago ang nakakahindik na mukha nito.
“Nasaan na ang taong nahuli niyo?”
Umiling si Nestor. “S-si Anna…” Itinuro nito ang kapatid.
“U-ubos ko…”
Isang malakas na sampal ang ipinadapo ni Gilda sa pisngi ni Anna. Umatungal ito ng iyak at lumuhod sabay yakap sa binti niya. Si Nestor naman ay hindi mapakali sa kinatatayuan nito.
Sa pagdaan ng panahon ay nag-iba na rin ang behavior ng mga anak niya. Naging agresibo ang mga ito. May takot sa kanya at parang naging isip-bata.
“Hindi ba’t sinabi ko sa inyo na huwag kayong maging maramot! Pamilya tayo dito! Tumayo ka na diyan, Anna!”
Marahang tumayo si Anna. “Patawad… nanay…”
Ngumiti si Gilda. Hinaplos ang mukha ng anak na nakatago sa maskara. “Ayos na. Sige na, nagluluto ang tatay niyo sa kusina. Magtungo na kayong dalawa doon,” aniya.
“Si Juan?” tukoy ni Nestor sa bunso nila.
Tumingin siya sa taas kung saan naroon ang dalawang silid. “Bababa siya para saluhan tayo. Sa wakas… nagbalik muli ang kapatid niyo. Ang aking bunso na si Juan…”
Sa pagkakataon na iyon ay bumalik sa alaala ni Gilda kung ano ang nangyari sa anak niyang si Juan nang gabing sunugin ang kanilang kubo…
-----***-----
“NESTOR!!! Anna!!!” palahaw ni Gilda habang nakaharap sa nasusunog nilang kubo nang malaman niyang siya, si Ruben, ang nanay nito na si Lucresia at si Juan lang ang nakalabas. Sa likod sila dumaan dahil nasa harapan ang mga galit na galit na tao.
Tinakpan ni Ruben ang bibig niya at hinila siya palayo doon. Akay naman ni Lucresia si Juan na tahimik lang at tila hindi naiintindihan ang nangyayari. Nagtago silang apat sa likod ng isang mayabong na halaman.
“Babalikan ko sina Nestor at Anna! Bitiwan mo ako!” Nagwawalang iyak niya habang hawak siya ng asawa.
“Mag-isip ka nga, Gilda! Kapag bumalik ka doon baka hindi lang sina Nestor ang mamatay! Pati ikaw! Hahayaan mo bang mawalan ng ina si Juan!”
Napatingin siya kay Juan na nakatingin lang sa kanya. Doon niya naisip na may punto si Ruben.
Maya maya ay nakita nila ang taong bayan na papunta sa kinaroroonan nila. Baka nalaman ng mga ito na nakatakas sila sa kubo. Nagmamadali na tumakbo silang apat palayo at hindi alam ang patutunguhan. Hanggang sa marating nila ang kalsada at eksaktong may isang kotse na paparating.
Mabilis na nag-isip si Gilda. Itinulak niya si Juan sa gitna ng kalsada at huminto naman ang kotse. Nagtago agad sila upang hindi makita ng babae’t lalaki na bumaba sa kotse.
“Bakit mo ginawa iyon?” Nagtatakang tanong ni Ruben sa kanya.
“Gusto kong makaligtas si Juan! Hindi natin alam kung ano ang mangyayari sa atin sa kamay ng mga taong bayan. Mas maiging mabuhay siya kahit hindi sa piling natin. Alam ko, darating ang panahon na babalikan niya tayo dito.”
Nang tignan niya si Juan ay nakita niyang isinasakay na ito sa kotse.
Narinig nila ang sigawan ng taong-bayan. Nagmamadaling pumasok silang muli sa gubat at mabilis na tumakbo.