Chapter 2

1174 Words
“HINDI ako maaring sumama sa iyo, Carlo. Hahanapin ako ng Nanay.” Hindi naiwasan ni Maris ang mapasimangot. Ito na ang pangatlong beses na tumanggi siya sa paanyaya ng kababata at dating kaklase na si Carlo upang mamasyal sila sa bayan. Nagkunwari na lang siyang hindi ito pansin at muling inayos ang mga librong nasa loob ng kanyang bag. Dahil wala namang masyadong magawa sa bahay ay naisipan niyang dalawin ang dating eskuwelahang pinapasukan, ang Mabini National High School. Mabuti na lang at maaga siyang nagpaalam na magbabakasyon sa eskuwelahan sa Maynila; swerteng naabutan pa niya na regular pa ang klase roon. Mabait naman ang guard at pinapasok siya kahit wala siyang gate pass, sa pangakong hindi siya mang-aabala ng klase at doon lang siya maghihintay sa paikot na upuang nalililiman ng puno, kung saan madali siyang matatanaw nito mula sa guardhouse. Pumayag siya sa kondisyong iyon dahil alam naman niyang ginagawa lang ni Mang Tony ang trabaho nito bilang tagapagbantay ng paaralan. “Please naman, Maris. Pagbigyan mo lang akong minsan at hindi na kita kukulitin pa. Just this one, nasabi ko na kasi sa tropa na kasama ka eh.” Lalong nagpanting ang tainga ni Maristela sa narinig. “Problema mo na iyon, Carlo. Ngayon mo lang ako inimbitahan at hindi pa ako pumapayag pero naikuwento mo na pala sa mga kaibigan mo na sasama ako!” Tumayo siya mula sa kinauupuan at pahablot na kinuha ang kaniyang sling bag, ngunit nakasalubong niya ang matalik na kaibigan na nagtaka pa nang makita siyang pauwi na. “Akala ko ay mamaya ka pa uuwi at hihintayin mo ako hanggang matapos ang practice namin sa—” “Tayo na, Karina. Bukas ka na lang mag-practice, please,” pigil niya sa sinasabi nito at hinatak na ito patungo sa gate. Sa likod naman ay kasunod ang humahabol na si Carlo. “Maris, please naman! Sandali lang tayo! Alam na ng buong grupo na kasama ka!” sigaw nito, walang pakialam kung naririnig ng lahat ng estudyanteng nasa corridor. Sa ikatlong sigaw nito ay pumihit siya pabalik at hinarap ito. “Carlo, makinig ka sa sasabihin ko…I don’t like you, okay! Sorry pero hindi talaga kita gusto. Sa iba mo na lang ibaling ang pagtingin mo, puwede ba?” mahinang usal niya sa harap nito. Gayon pa man ay may pangilan–ngilang estudyanteng nagdaraan ang napatingin sa kanila. Nagulat pa siya nang bigla na lang umeksena si Karina at pumagitan sa kanila. “Sorry Carlo, ha. Pasensiya ka na. Marami kasi kaming gagawin nitong si Maris kaya hindi talaga puwedeng lumabas ‘yan ngayon. Mauuna na kami ha.” Matapos ang litanya nito ay maliksi na siya nitong inakay palayo sa lalaking nang bahagya niyang lingunin ay tampulan na ng tuksuhan ng ilang dumating na kaibigan. Hindi naman niya gustong ipahiya si Carlo pero ayaw na ayaw niya kasing kinukulit siya nito. Mula nang magbalik siya sa kanilang bayan ay wala na itong ginawa kundi ang dumikit sa kaniya. Laging nagpupunta sa bahay nila, kung hindi man laging nakasabay sa tuwing papasyal siya sa MNHS. Okay lang sana kung hindi ito mayabang, pero halata namang nagpapasikat lang ito sa mga kaibigan. Alam na alam niya dahil dati naman siyang taga-Mabini. Iba ang dating ng isang galing ng Maynila. Pakiwari ng mga tagaroon ay mas mataas kaysa sa iba. Isa pa, ayaw rin naman niyang maakusahan siya nito na nagpapaasa at sa huli ay may plano rin pala siyang biguin ito. Lamang ay hindi nga yata tamang sa harap ng maraming tao niya sinabi ang bagay na dapat ay matagal nang alam nito. “Grabe ka naman, friend. Pwede mo namang sabihin kay Carlo sa ibang pagkakataon na hindi mo siya gusto. Bakit kailangan pang sa corridor mo iyon gawin?” sita ni Karina sa kanya nang nasa daan na sila pauwi. Ilang metro lamang ang layo ng Mabini National High School sa kanila kung sa short cut sila dadaan. “Nabigla rin ako, Karina. Hindi ko sinasadya iyon, basta nangyari na lang eh.” Nakaramdam naman siya ng guilt, lalo pa at nagbuhat sa kaibigan ang bagay na nasa isip rin niya. “Ano ba kasi ang ayaw mo kay Carlo? Mabait naman siya at magandang lalaki. Bukod diyan ay kamag-anak pa ng ating alkalde.” “Iyan na nga ang dahilan, Karina. Hindi ko gustong makipagkaibigan sa kanya dahil sa bagay na iyan.” “Hindi kita maintindihan, Maris. Hindi ba at kaninang recess nang puntahan kita ay ikinuwento mo sa akin ang napanaginipan mo? That was the third time. Paano kung ang lalaking nakasakay sa kabayo sa panaginip mo ay si Carlo? Bongga, ‘di ba? You’ev just met the man of your dreams--literally!” Humagikgik si Karina pagkatapos magsalita. “Naku, puwede ba! Hindi totoo yang mga panaginip na iyan. Ang panaginip ay bungang-tulog lamang; bungang-isip, ganoon lang. Hindi totoo ang mga iyon. At kung sakali mang totoo, hindi ko nararamdamang si Carlo nga ang lalaking sakay ng kabayo sa panaginip ko. Hinding-hindi!” “Sino pa ba ang lalaking tagarito na puwedeng sumakay sa kabayo? Sila lang naman sa bayan ng Mabini ang may mga kabayo, friend. Naku, kung ako sa’yo, papatusin ko na ang lalaking iyon. Mapera na ay muy guwapo pa!” Ang mga mata nitong medyo singkit ay lalong lumiit sa pilyang ngiti nito. “Ang dila mo, Karina! Mamaya ay may makarinig sa atin, ano ka ba! Basta hindi siya ang lalaking laman ng panaginip ko. Period.” Totoo iyon sa loob niya. Ni minsan, mula nang magbalik siya ng Mabini ay hindi niya maisip na si Carlo ang lalaking kasintahan niya sa panaginip. Iyon ang dahilan kung bakit iniiwasan niya ito. Sigurado siya, dahil wala ang pamilyar na damdamin na nadarama niya sa panaginip sa tuwing nakikita niya si Carlo. Hindi ito ang lalaking nasa diwa niya at nakatitiyak siya sa puntong iyon. “Ayoko pang umuwi, Karina. Sa susunod na Miyerkules pa naman ipapasa ang project niyo sa Math, hindi ba? Bukas na lang kita tutulungang gawin iyon. Sa Ilaya na muna tayo dumaan pauwi ngayon.” Ang Ilaya ay ang daan patungo sa mga bukiring sakahan at taniman sa kanilang bayan. May mga sakahang lupa roon ang tatay niya gayon din ang ama at tiyuhin ni Karina. Ang Mabini National High School ay nasa gawing plaza na at bagaman may dalawang daan pauwi sa kanilang baryo, hindi niya gugustuhin sa mga sandaling iyon na agad umuwi. Ilang barrio lang ang lalakarin at nasa Sitio Lucia na siya kung saan sila nakatira. Sa Sitio Barbara naman si Karina na mas malayo kaysa sa kanila kaya karaniwan na ay ito ang dumadaan sa kanya sa pagpasok sa Mabini. Nagkibit ng balikat si Karina habang nakangiti sa kaniya. “Okay lang sa akin. Maaga pa naman at nagpaalam ako sa Itang at Inang na gagabihin dahil sa paggawa ng project. Halika at ituturo ko sa’yo ang taniman ng Itang ng sibuyas sa Ilaya.” Mabilis nilang tinalunton ang daan patungo sa bukirin ng mga ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD