Chapter 3

1401 Words
ANG BUKID nina Maristela ay sa gawing duluhan pa ng daang kasalukuyang binabagtas ng magkaibigan, kaya naman sa kasalukuyan ay tanging si Karina lang ang masigla sa pakukuwento. Ibinibida nito ang bawat aning nagdaan maging ang pagdaragdag sa bilang ng kalabaw ng pag-aari ng ama nitong si Mang Celso. Makalipas ang mahabang bukirin ay ilang bakanteng lote na nalalatagan ng talahib at iba’t-ibang uri ng d**o sa paligid. Karaniwang tanawin na iyon sa Ilaya. Ang hindi karaniwan ay ang mabilis na pagtibok ng puso niya. Hindi niya mawari pero may pakiramdam siyang hindi bago sa kanya ang pangyayari. Ang tanging iba lang ay ang katotohanang kasama niya si Karina. Natigilan siya nang matanaw ang isang mayabong na puno ng mangga sa tabi ng daan sa gawi niya. Lalong bumilis ang pintig ng puso niya nang makitang may daan sa gawing kanan paglampas sa punong iyon. Ang bahaging ito ng Ilaya ay hindi pa niya nararating dahil sa bandang dulo pa nito na ilang metro na lang ang layo sa Sitio Lucia makikita ang kanilang bukirin. Mula roon ay may daang pauwi sa kanila at may short cut rin patungo sa paaralan kaya kahit noon ay hindi siya napabanda sa gawing iyon ng Mabini. Dapat ay bago sa kanya ang mga nakikita pero bakit hindi iyon ang nararamdaman niya? Pigil ang hininga habang tinatalunton niya ang kalsada kasabay ang walang kamalay-malay na kaibigan na tuluy-tuloy pa rin sa pagkukuwento. Inaasahan man ay nabigla pa rin siya nang makitang ang daan sa kanan ay humantong sa isang malaking bahay na magiting na nakatayo sa gitna ng malawak na solar. She swore to God that she had never been in that house before but the familiar feeling that enveloped her was something she couldn’t ignore. Hindi niya maipaliwanag pero tila hindi iyon ang unang pagkakataon na nakarating siya sa lugar na iyon. Parang karaniwan na ang tanawing iyon sa kaniya! “Maris! Hoy, okay ka lang ba? Bakit numumutla ka?” Nagulat pa si Maris nang mamalayang niyuyugyog na pala siya ni Karina habang nakatayo lang siya na nakaharap at nakamasid sa mahiwagang bahay. “H-huh? Anong’ sinabi mo?” “Ano ba ang nangyayari sa iyo? Ang sabi mo, ang ganda ng bahay…alin bang magandang bahay ang tinutukoy mo?” Tumingin ito sa eksaktong direksiyon na tinititigan niya at nagtaka siya sa sinabi nito. Hindi agad siya nakasagot at bahagyang natigilan. Hindi niya napansin na naisatinig niya pala ang bagay na nasa isip. Hindi rin niya maaring sabihin iyon sa kaibigan ang dahil tiyak na matatakot ito. Kilala pa naman niya itong matatakutin. Sa halip ay itinuro na lamang niya ang malaking bahay na tinatanaw. Napaismid ang kaibigan sa itinuro niya. “Hay naku, friend. Hindi ko akalaing ganyan ang taste mo sa isang bahay. Maganda ba iyan sa iyo?” Umismid ulit ito habang tila hindi makapaniwala sa sinabi niya. “Bakit naman hindi? Malawak at maganda ang mga halamang namumulaklak sa paligid. Halika Karina, lapitan natin ang mansiyon.” Hinatak pa niya ang nakasimangot na kaibigan papanhik sa mala-burol na kinalalagyan ng hagdanang bato papanhik sa malaking bahay. Subalit hindi man lang ito natinag. “Naku Maris, tumigil ka nga sa kalokohan mo. Anong halaman ang pinagsasasabi mo diyan? Maganda ba ang mga iyan sa iyo? Nakakatakot nga ano! Parang may nakatirang masamang elemento diyan. Saka abandonado na iyan! Mukhang sinunog ng mga Hapon noong araw kaya nagkaganyan. Halika na nga at umuwi na tayo. Malayo pa ang lalakarin natin at papadilim na.” Napaawang ang mga labi niya sa sinabi ng kaibigan. Nang matiyak niyang hindi nakikita ni Karina ang bagay na nakikita niya ay tinaasan siya ng balahibo sa magkabilang braso. Nahaplos niya ang mga iyon kasabay ng pangangaligkig. Kung gayon ay may kakaiba nga talagang nangyayari sa kaniya at hindi malabong may kaugnayan iyon sa kaniyang mga panaginip! “Sandali lang tayo, Karina. Gusto ko lang makita ang loob ng bahay,” usal niya makalipas ang ilang sandali. Kailangan niyang makita nang malapitan ang bahay na iyon. Kailangan niyang malaman ang totoong nangyayari sa kaniya! Nagpipilitan pa silang dalawa nang bigla na lang may magsalita sa kanilang likuran. Muntik nang matumba si Maris sa labis na pagkagulat. “KAYO pala, Itang. Ito po kasing si Maris, nagyayayang pumanik sa haunted house eh ayoko nga po sana,” ani Karina sa ama nitong si Mang Celso. Binitiwan ni Maris ang kaibigan at nagbigay ng paggalang sa ama nito. “Mangyari anak eh hinahanap ka ng Ninong David mo kaninang umaga sa bahay. Magsadya ka daw sa kanya ngayong hapon at pag-uusapan niyo ang tungkol sa scholarship na inaalok niya sa iyo para sa kolehiyo. Hinanap kita sa kabilang daan pero wala ka kaya naisip kong dito kayo dumaang magkaibigan.” “Sige na Karina, sumama ka na sa Itang mo. Uuwi na rin ako.” “Naku, sumabay ka na rin sa amin. Tutal naman ay dala niya ang padyak.” Napangiti siya. Saan bang panig ng mundo ngayon makakakita ng ganitong klaseng padyak kundi sa bayan lang nila partikular sa Barangay Sitio Barbara at Sitio Lucia? At iyon ay dahil sa pangunahing gamit ng mga magsasaka ang padyak sa pagluluwas ng mga aning sibuyas at mais sa bayan. Ang padyak ay sinlaki ng traysikel na maaring tanggalin at ikabit ang tila lona o kapoteng nagsisilbing bubong nito. Padyak ang tawag dahil hindi naman ito nangangailangan ng gasolina upang magamit, mahusay na pagpadyak lang ang kailangan at tatakbo na ito. Sa huli ay napahinuhod din niya si Karina at matapos itong bumulong na umuwi siya at mag-ingat ay sumama na nga ito sa ama nitong si Mang Celso. Nang nakaliko na ito sa kanto ay saka siya muling naglakad. May pangilan–ngilang nagdaraan na kung hindi man sakay ng padyak ay ng kariton o kalabaw kaya hindi naman siya nakaramdam ng kahit na kaunting pag–alala na dilimin sa daan. Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay muling bumalik ang tingin niya sa malaking bahay na iyon. Ang kuryosidad na umaahon sa kanyang dibdib ay hindi niya mapigil. Kung hindi niya ngayon aalamin ang bagay na gumugulo sa kanyang isip, kailan pa? Bigla ay gumawa ng sariling desisyon ang kanyang mga paa at tinahak ang lugar na kinatitirikan ng mansiyon. Nagsimula siyang bumilang at huminto siya sa ikasampung baitang na bato. Pagdating doon ay ilang metro din ang kanyang nilakad upang muli ay humantong sa panibagong hagdanang bato na sa tingin niya ay mas matarik kaysa una. Unti-unti ay pinanhik niya ang bawat baitang at hindi siya nagkamali ng hinala dahil sa pagkakataong iyon ay nagtapos siya sa ikadalawampung baitang na bato. Hinihingal man sa pagod ay hindi niya iyon alintana. Mas mahalaga sa kanya ngayon ang mansiyon na nasa kanyang harapan. Dahan-dahan siyang lumakad palapit sa mataas na gate. Akala niya ay malapit na siya pero nang tuluyang makalapit ay saka niya napunang may paikot pang daan na patungo sa bahay. Ang bahaging gitna ng pabilog na daan ay nalalatagan ng luntiang bermuda grass na nasasalitan ng ilang namumulaklak na halamang hindi niya batid ang pangalan. Sa pinakagitna ay isang water fountain na ang disenyo ay isang mataas na babae na kung lalapitan ay tiyak na kasintaas niya. Sa bandang ulo nito nagmumula ang tubig na dumadaloy sa h***d nitong katawan na nababalot ng gintong kulay. May banga itong hawak at nakapatong sa kanang balikat nito na siyang pinagmumulan ng tubig na bumubukal sa bandang ulunan nito. Tumingala siya at napansin ang nakasulat sa itaas ng gate – Villa Helena. Iyon pala ang pangalan ng lugar na iyon. Naisip niyang marahil ay isa itong asyenda ng mayamang pulitiko kung hindi man ng artista. Sa naisip ay lalo siyang naengganyong lumapit upang alamin ang karangyaang nasa likod ng mataas na gate na iyon. Huminga siya nang malalim saka itinuloy ang paglalakas-loob na lumapit sa bahay. Muntik na siyang mapatili nang hindi abutan ng kanyang kamay ang bakal na rehas ng mansiyon. Iyon ay matapos itong bumukas nang unti-unti kasabay ng malakas na ihip ng hangin na yumakap sa kanyang katawan. Nanginig siya sa naramdamang lamig pero ang mas nagpakaba sa kanya ay ang isiping nakita siya ng bantay ng mansiyon at marahil ay sinadya nitong buksan ang gate upang takutin siya. Sa naisip ay mabilis siyang tumalikod upang tumakbo pauwi subalit isang bulto ng katawan ang nakabangga niya. Napatili siya sa takot at muntik nang panawan ng malay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD