Dinig na dinig niya ang pagtatagis ng mga bagang ng kaibigan. Pati na ang marahang pagtawa ng nobyo nito. Marahil ay naka-loudspeaker ang phone nito kaya naririnig din siya ni Ravin.
“Hi, Ravin!” masiglang bati niya sa binata.
Inilabas pa niya ang kaliwang kamay sa bintana ng sasakyan niya upang kawayan ito.
‘’Hi, Dana,’’ ganting bati sa kanya ng gwapong boses ng
gwapong nobyo ng kaibigan niya.
Puno ng kaaliwan ang tono ng boses nito. Kung dahil iyon
sa kanya o sa hula niya ay malapit nang mag-alta presyon na si Shebbah, hindi niya alam.
Ilang beses na niya itong nami-meet at iisa lagi ang tanong niya dito. Kung wala ba itong kapatid o pinsan na naghahanap na rin ng life partner. Dahil sa hitsura nito, lugi sila ni Ceza kung si Shebbah lang ang magkakaroon ng nobyong ganito ang level ng kagwapuhan at kakisigan.
Sa malas, nag-iisang anak lang daw ito. But fortunately, mayroon itong sandamakmak na pinsang pawang mga binata pa daw. At isa din iyon sa mga rason kung bakit willingly siyang lumabas sa lungga niya at binitbit pa patungo dito sa Isla Fuego ang minamahal niyang Volks. Kung mabait si Kapalaran, matatagpuan niya sa isa sa mga pinsan ni Ravin ang kanyang tadhana!
‘’As I was saying, Shebbah Marie! Bakit hindi mo agad ipinaalam sa akin na nariyan na pala kayo sa likod ko?! Alam mo bang muntik na akong mag-histerya dito dahil sa takot ko?! Buong akala ko nakapasok na ako sa Twilight Zone!” panenermon muli niya sa kaibigan.
“Kanina ka pa kaya namin binubusinahan! Ikaw lang itong si
Bingi! Grabe ka talaga, Dana! Ni hindi mo man lang nararamdamang may kasunod ka nang sasakyan! Malamang naka-full blast na naman iyang car stereo mo kaya wala kang naririnig na kahit ano!” balik panenermon naman nito sa kanya.
Natigilan siya. Napasulyap siya sa car stereo niyang kanina
lang ay pumupuno sa buong sasakyan niya ang mga
ipinapatugtog na kanta.
“Um, medyo,” guilty na napangiwi siya.
Isang mahabang buntung-hininga ang pinakawalan nito.
‘’I swear, one of these days I will really kill you, Dana Teoxon! Sa susunod na kanto lumiko ka pakaliwa. Dire-diretso na iyon. Sa dulo ay Aseron Farms na. Dito lang kami sa likod mo.”
“Um. Okay. Pero hindi ba mas maganda kung susundan ko na lang kayo?”
“No! Dahil malamang malingat ka na naman at makalimutan mong sinusundan mo kami. Maliligaw ka na namang tiyak kapag naiwan ka namin. Kaya kami na lang ang susunod sa iyo para hindi ka na naman mawala,” mariing wika ni Shebbah na animo isang sintu-sinto ang kausap.
Saglit siyang napalabi. Kung hindi lang siya sanay na sa karinyo-brutal na paglalambing ng kaibigan, malamang mainsulto siya sa kakulangan nito ng pagtitiwala sa kakayahan niya. But since may point ito, nagkibit-balikat na lang siya at pinaharurot ang Volks niya.
Hanggang nakababa si Dana sa sasakyan niya matapos niya iyong maiparada sa malawak na parking lot sa loob ng Aseron Castillo ay hindi pa rin siya makapaniwala. Akmang-akma ang pangalang Aseron Castillo sa ancestral house ng pamilya ni Ravin.
“Wow! And I really do mean wow!” sambit niya habang
nakatayo sa harap ng Volks niya at minamasdan ang mala-
kastilyo sa laking mansyon sa harapan niya.
Kung hindi siya nakatitiyak na hindi naman siya lumabas ng bansa at nagtungo sa Europe, iisipin niyang nakatayo siya sa isa sa mga lumang kastilyo ng naturang kontinente. Apat na palapag iyon. It has a steeply pitched roof, a paired chimney, stained glass in doors and windows and shaped parapets on every level.
Subalit ayon kay Shebbah, mahigit tatlumpu’t limang taon pa lang na ganoon ang istilo ng dati daw ay Mediterennean na istilo ng Aseron Castillo.
Bagamat British daw kasi ang ina ng lolo ni Ravin na si Nemo Aseron, half-Spanish naman daw ang ama nitong dito na sa Pilipinas ipinanganak at lumaki. At pag-aari ng pamilya nito ang Aseron Farms. Ngunit nang yumao daw iyon ay saka lang ipinabago ng ina ni Lolo Nemo ang istilo ng mansyon. Dahil bagamat nasasabik daw ito sa bansang pinagmulan, hindi rin naman daw niyon maiwan ang bansa ng yumaong asawa.
Nilingon niya si Shebbah. Si Ravin ay abala sa pagbababa ng maleta niya at mga gamit sa pagpipinta mula sa sasakyan niya. Katulong nito ang sumalubong sa kanilang pagdating na si Mang Manoy, isa sa mga tauhan ng pamilya nito.
“Dito ka na titira? Kaya naman pala wala kang angal iwan ang Manila, kastilyong hindi buhangin ang bago mong house!” aniya dito.
Dahil sa totoo lang, hindi siya makapaniwala noon nang sabihin nitong napagkasunduan nito at ni Ravin na dito sa isla magbase. Kung siya ay reyna ng kapalpakan at si Ceza ay reyna
ng kaprangkahan, ito naman ay reyna ng kaartehan.
Kaya nga duda sila ni Ceza na matatagalan nito ang pananatili dito sa mala-probinsyang islang pinagtapunan dito ng
ama nito noong nagtatago ito sa stalker nito.
Well, hindi naman probinsya in the sense na hindi pa abot
ng modernisasyon, kuryente at Internet ang Isla Fuego. Well-developed na ang isla. In fact, mayroon pa nga iyong dalawang malalaking mall sa pinakasentro, ang Moorsville Mall at ang Fire Mall. Mayroon ding world-class hotel and resort, ang Hotel Encantador. Hile-hilera ang iba pang commercial establishments sa Centro.
Mayroon ding ospital, eskwelahan at parks. Kung tutuusin, kumpleto ang isla ng lahat ng maaring makita mo sa isang lungsod. Ang kaibahan lang ay hindi iyon ganoon ka-polluted o ka-populated. At ang mas maganda ay protektado ang kalikasan dito sa isla dahil iyon pa rin ang pinaka-pangunahing ikinabubuhay ng mga tagarito.
Most are ranchers and plantation owners just like the Aserons. Kaya ingat na ingat ang mga ito sa mga likas na yaman ng isla.
Sa kaso niya, maituturing niyang isang paraiso ang lugar. Nagkalat kasi ang mga maari niyang gawing inspirasyon at subject ng mga ipinipinta niya. Pero sa kaso ni Shebbah na mas gusto ang mabilis na pamumuhay sa lungsod, batid niyang magmumukhang boring at mabagal ang pamumuhay nito dito sa isla.
But surprisingly, hindi niya nakikitaan ng pagdadalawang-
isip ang kaibigan sa pasya nitong dito sa isla mamalagi kasama ni Ravin. Marahil mahal na mahal nga nito ang lalaki kaya natutunan na rin nitong mahalin ang islang itinuturing ni Ravin
na tahanan nito. And for that ay masaya siya para sa kaibigan.
Natawa si Shebbah kasabay ng marahang pag-iling bilang
sagot sa komento niya.
“No, hindi kami dito titira ni Ravin. Bahay iyan ng lolo niya. Doon sa Esther Farms niya kami titira. It’s a few more kilometers away from here. Mamaya doon tayo pupunta.
“Pero dahil hindi pa daw kami kasal ni Ravin, gusto ni Lolo Nemo at ni Dad na dito muna ako sa Aseron Castillo tumuloy until our wedding day,” anito na humakbang na pasunod kina Ravin patungo sa stone steps paakyat sa back porch ng mansyon.
Mabagal ang mga hakbang na lumakad din siya pasunod dito. Abala ang mga mata niya sa paglibot sa napakagandang tanawing nasa harap niya. Pakiwari niya isa siya sa mga tauhan sa isang Disney movie habang nakatingala sa matatarik na bubong ng mansyon, sa hugis puso na mga terasa sa ikalawa at ikatlong palapag at sa mga nagtataasang stained glass windows niyon.
At nang matanawan niya ang mga tore sa magkabilang panig ng mansyon ay parang gusto niyang sumigaw ng ‘Rapunzel, Rapunzel, let down your hair!’
Sa kabilang bahagi ng parking lot na nasa likod ng mansyon ay natatanaw niya ang mistulang sunken garden na nanghahalina ang naggagandahang mga halaman at bulaklak. Mayroon din siyang natanawang mistulang maze sa kanang bahagi ng mansyon pero mas naka-agaw ng pansin niya ang harding animo karagatang imbes na tubig ay mga halaman at bulaklak ang laman.
“Kaya natural dito ka rin kasama ko tutuloy. This place is
huge so kahit isandaan pa siguro ang bisitang dumating, kakasya tayo dito…”
Sa likod ng utak niya batid niyang mayroon pang ibang sinasabi si Shebbah. Subalit wala na dito ang atensyon niya. Papahina nang papahina na rin ang boses nito sa tainga niya. Sapagkat ang mga paa niya ay kusa nang humahakbang patungo sa sunken garden. Halos nai-imagine na niyang nakapinta iyon sa isang buong panig ng pader ng bahay niya.
It would take her about two to three months to do it. Depende siguro kung mapapakiusapan niya sina Cash at Minnie Mackay, ang mga may-ari ng Cingko Art Gallery, na i-postpone muna ang natanguan na niyang exhibit na gaganapin dapat doon sa pagpasok ng bagong taon. Kailangan kasi niyang makatapos ng labinlimang paintings para sa naturang exhibit. As of now, lima pa lang ang natatapos niya.
Kung ipipinta niya ang sunken garden malamang hindi niya matapos ang sampu pang paintings na kailangan niya para sa exhibit. Pero sadyang nangangati ang kamay niyang ipinta sa dingding ng bahay niya ang naturang hardin. It looked like it
came straight out of a fairytale.
It was so magical! Kulang na lang siguro ay may dumaang
fairy prince sa harap niya at---biglang nanlaki ang mga mata niya
sa panggigilalas. Nagdilang anghel yata siya! O marahl may
nakarinig ngang fairy godmother sa iniisip niya kaya pinadalhan
siya nito ng isang engkantadong prinsipe! Dahil nang eksaktong
mga oras na rin na iyon, isang ubod ng gwapo at ubod ng kisig
na lalaki ang dumaan sa mismong harapan niya!
But he looked more like a warrior fairy than a fairy prince! Pwede ding sabihing mistula itong diyos ng mga Griyego na bumaba saglit mula sa Mount Olympus para dagitin siya at dalhin pabalik sa kastilyo nito doon. O kaya ay isa itong Superhero na nasa normal at regular na mortal mode nito. Mistula kasing kayang-kaya siyang ipagtanggol nito at ng malalakas nitong mga bisig.
Ito na, ito na ang pinakahihintay niyang sandali sa buong twenty-five years niya sa mundong ibabaw! Ang makita at makilala ang kanyang destiny! And he was jogging towards her!
He was tall, he was tanned, he was gorgeously handsome and he was so hot! Nakalitaw para sa kanyang humahangang mga mata ang matitigas na muscles sa biceps, pectorals at abs nito. Wala kasi itong suot na pang-itaas maliban na lang kung ituturing na saplot ang puting bandage sa kaliwang balikat nito. Puting jogging pants at puti ding sneakers ang suot naman nito sa pang-ibaba nito.
Animo diyamanteng pinakikislap ng pagtama ng sinag ng araw ang medyo brown nitong buhok. Mistulang mata ng lobo ang kulay abuhing mga mata nitong sumpa man ay tumigil ng two seconds sa mukha niya. Matangos ang ilong nito at mapupula ang maninipis na mga labi.
Sa unang tingin ay tila malaki ang pagkakahawig nito kay
Jon Hall. But on closer look, he was a lot leaner and harder than the model-actor who was a former Survivor Castaway. At sa hitsura nito, mukhang kahit isang dekada itong iwan sa isang
malayong isla ay makaka-survive ito.
He emits the strong primal force of an alpha male. And that is what entices the female in her.
Para na nga niya itong nakikitang nakikipagpaligsahan kay Tarzan sa pagiging King of the Jungle kung sakaling mapadpad din ito sa parehong kagubatang kinaroroonan ng fictional hero.
Ngunit kung kailan nakahanda na ang kanyang pamatay na
matamis na ngiti at pagpapapungay ng mga mata dahil ilang metro na lang ang layo nito sa kanya, bigla itong umiba ng
direksyon. At nilagpasan siya!
Saglit itong tumigil sa tapat ng poste ilang metro ang layo
sa kinatatayuan niya. And my gas! Pero sadya yata siya nitong inaakit! Hindi pa ito nakuntentong busugin ang mga mata niya ng nakalitaw nitong muscles sa dibdib at abs, nag-stretching pa ito ng mahahabang binti nito. Making his jogging pants stretch over those tight male buns of his!
Malamang kung malalaman ng konserbatibo niyang lola ang ginagawa niyang pasimpleng pananamantala sa kakisigang nakatambad sa mga mata niya, nasabunutan na siya nito. Fortunately ay bibihira na silang magkita nito dahil permanenteng nakabase na ito sa Florida kasama ang pamilya ng Tita Cheloy niyang nakapangasawa ng American Navy SEAL.
Kung sakali namang buhay pa ang mga magulang niya na kapwa artists din tulad niya, malamang imbes pagbawalan siya, makikipag-unahan pa ang mga ito sa pagkuha sa lalaki bilang modelo ng mga ito. Tiyak mauunawaan siya ng mga ito kung sasabihin niyang humahanga lang siya sa kagandahan ng lalaking
ito na walang kamalay-malay sa presensya niya sa likod nito.
He is one of the reasons why she loves being an artist. Kung mayroong mga ganito kagandang tanawin sa mundo, marapat lang na i-imortalize niya ang mga kagaya nito.
Nangangati ang mga kamay niyang ipinta ito. And no, she would not paint him nude. That was so obvious. And though she is very certain he would make a magnificent nude subject, she thinks he deserves to be painted as exactly what he is. A fiercely disciplined warrior.
Ang nararapat dito ay yaong mistula itong sinaunang mandirigma na may tangan-tangan na sibat o busog at palaso habang nakasuot ng balat ng mabangis na hayop bilang pang-ibaba nito. He would look great as a conquering Viking jarl or a
fierce Highlander laird.
Subalit sa palagay niya, mas bagay dito na bahag lang ang
suot habang sa kamay nito ay may hawak itong sibat at kalasag.
She was about to touch his shoulder to introduce herself to him when he suddenly faced her. At kulang na lang ay dapuan siya ng mga ibon upang maging totoong estatwa siya sa bilis ng paninigas ng buong katawan niya sa labis na panggigilalas sa anyo nito. Hindi siya naniniwala sa love at first sight noon. Pero mula sa araw na ito, isa na siyang certified believer!
Dahil iyon lang ang maaring itawag sa damdaming pumuno
sa dibdib niya habang sinasalubong ang abuhing mga matang
puno ng kuryusidad na nakatunghay sa kanya.
“May kailangan ka ba sa akin, miss?” magalang na untag nito sa kanya.
Kusa pa nitong inalis ang nakasuksok sa tainga nitong earphones ng music player na marahil ay nakalagay sa bulsa ng jogging pants nito.
Nagtatanong ang mga abuhing mata nitong nakatuon sa mukha niya. At kung hindi siya nagkakamali ay interes sa kanya bilang babae ang ekspresyong tila mas nagpadilim sa kulay ng mga mata nito. Iyon o iritasyon dahil sa paggambala niya sa tahimik na pag-ja-jogging nito.
And his voice, wow! Para iyong ice cube na biglang ihinagod sa tainga niya sa lamig at swabe. Hindi lang ito ubod ng gwapo at kisig, maari din itong maging international singing sensation sa ganda at lalim ng baritonong boses nito.
Kalilimutan na niya sina Nick, Brian, Aj, Howie at Kevin ng Backstreet Boys. Sapagkat kahit ito lang ang solong mangharana sa kanya kahit pa Bahay-kubo lang o Sitsiritsit ang kinakanta ay handa siyang makinig habangbuhay.
“Yes! I mean no. Um, yes?” wala sa loob na naitugon niya dito habang animo nalulunod siya sa mga mata nitong tila kaysarap lutasin ng lahat ng misteryong taglay.
Tila biglang naaliw naman sa kanya na bahagyang napangisi ito. Dahil doon ay lumitaw ang pantay-pantay at mapuputing mga ngipin nito. Pati na ang munting biloy sa kaliwang pisngi nito.
Kanina ay ubod na ito ng gwapo kahit seryoso ang anyo. Pero ngayong binibigyan na siya nito ng anino ng ngiti nito, tila
mas nag-triple ang kagwapuhan nito. Dahil doon, kusa na ding
umangat ang mga labi niya upang gantihan ito ng ngiti.
“I’m sorry to say this but you could only pick one answer.
It’s either a yes or a no. You need to ask something from me or you don’t. So what is it?” nakangiting anito.
“Um. Y-yes?” sambit niya na tila patanong pa ang tono. Nananatiling naka-hang pa rin ang paggana ng utak niya.
Gusto niya itong birahan ng nang-aakit na sagot tulad ng madalas gawin ni Shebbah noon sa tuwing nakikipag-flirt sa mga lalaki. O kaya magpakawala ng ismarte at nakakatawang linya tulad ng walang hirap na naggagawa ni Ceza sa tuwing may kausap na interesanteng lalaki. Pero siyempre, tulad ng dati, wala siyang maisip na kahit anong magandang dialogue para ma-impress ang Greek god na ito na nasa harap niya.
“Hindi ka sigurado?”
“Yes!” sambit muli niya na kahit paano ay naalis na ang hesitasyon sa tono.
Bahagyang natawa ito.
“May alam ka bang ibang sagot bukod sa ‘yes’?” nanunudyo
na sa pagkakataong iyon ang kislap ng mga mata nito.
Para bang tulad niya ay naramdaman din nitong tila matagal nang magkakilala ang mga kaluluwa nila kaya hindi na sila dapat naiilang pa sa isa’t isa. Pero sa malas, hindi niya maipaunawa iyon sa dila niyang nagkakandabuhol-buhol pa rin sa pagkataranta.
“Oo!” bigkas niya na sinamahan pa ng sunod-sunod na pagtango.
Tuluyan na itong napahalakhak.
“Well, while you’re thinking about it, let me introduce myself. I’m Flynn and you are?” pagpapakilala nito at
pagtatanong sa pagkakakilanlan niya.
Kusa naman niyang inilahad ang kanang kamay dito.
“Um, Dana. My name, I mean ang pangalan ko is Dana. Dana Valerie Teoxon. I live at block six, lot fourteen HomesVille Las Pinas City. Only child ako nina Lily at Lucero Teoxon.
“I am a painter. I’m also an illustrator for children’s books. I’m twenty-five years old turning twenty-six on February thirteen. I hate horror movies, I love spicy bagoong and kare-kare. I hate Valentine’s Day.
“Kasi laging isinasabay nina Mama ang birthday ko sa Valentine’s imbes na nakabukod ang selebrasyon niyon. But I love Christmas. At gusto kong magkaroon ng walong anak kapag ikinasal na ako, I don’t care if adopted ang pito sa kanila o isa lang ang adopted. Basta gusto ko walong anak. Malungkot kasi ang maging only child,” ang litanyang kusang lumabas sa bibig niya.
Subalit matapos iyon ay agad na nasapo niya ang hindi niya napigilang rumatsadang bibig. Dismayadong napangiwi siya. Sa isip-isip ay binabatukan niya ang sarili. Umandar na naman ang pagka-tarantahin niya. Kanina wala siyang maapuhap sabihin dito. Pero nang nasimulan naman na niya, hindi na niya
malagyan ng preno ang bibig.
Awtomatikong umarko naman ang mga kilay nito sa mga
sinabi niya. Umangat muli ang magkabilang sulok ng mga labi.
Hindi niya mawari kung natatawa ito dahil naaaliw sa kanya o
natatawa ito dahil nawiwirduhan sa kanya.
“That’s interesting. I don’t like horror movies too. And I
like spicy foods, all kinds not just bagoong. I like Christmas. Though I’m not so sure about those eight kids. I’ve never really thought about it much. And I’m sorry to say this, but I like Valentine’s Day. You see it’s my birthday,” nakangiting anito.
Perpekto ito. At ang mas mahalaga, perpekto ito para sa
kanya. Hindi ito na-wirduhan sa kawirduhan niya. Ngunit sa sobrang pagka-perpekto nito, bigla siyang natakot isiping totoo ito.
Kaya naman bago pa niya ipagpatuloy ang paghabi ng happily-ever-after nila sa isip niya, tinanong na niya ito ng
pinaka-importanteng tanong ng isang dalaga sa isang binata.
“Bakla ka ba? O di kaya bisexual?”
Nanlaki sa pagkagulat ang mga mata nito. Bahagynag umangat ang isang sulok ng labi sa pormang napapangiwi na napapangiti. Sa pagkakataong iyon, malinaw nang dahil sa panggigilalas ang dahilan niyon at hindi dahil sa pagka-aliw. Pero bago pa ito makasagot ay may isa pang tinig na sumingit sa romantikong usapan nila.
“Sorry, mister. My friend is not usually like this. May jet lag pa siguro siya, hindi niya alam ang sinasabi niya,” biglang sabat ng eksasperadong tinig ni Shebbah mula sa likod niya.
Ni hindi niya namalayan ang pagdating nito. Inakbayan siya nito at pinandilatan ng mga mata.
“Akala ko kasunod na kita, kung saan-saan ka na naman
pala nagsuot. I swear someone should put a homing device on you, Dana Valerie!” pagigil ngunit pabulong nitong ani sa kanya.
Pagkuwan ay bumaling ulit ito kay Flynn.
“Excuse us, mister. Sasamahan ko na muna sa kwarto niya
ang kaibigan ko. Kailangan niya nang magpahinga,” nakangiting
anito sa lalaki. Saka hinatak siya sa braso palayo sa kanyang
Destiny.
“Teka, Shebbah! Wala akong jet lag! Paano ako magkaka-jet
lag, hindi naman ako sumakay ng eroplano?! Nag-uusap pa kami ni Flynn!” protesta niya sa kaibigan.
Tinangka niyang kalasin ang braso nitong nakapulupot ng
mahigpit sa braso niya. Nilingon niya si Flynn. Hindi niya mabasa sa ekspresyon nito kung tulad niya ay dismayado din ito sa biglang pag-entra ni Shebbah sa kilig moment nila. Biglang naging blangko kasi ang ekspresyon nito. At nang makita siya nitong nakatingin dito, tipid na tumango lang ito saka nag-jogging na ulit palayo.