HINDI maniniwala si Lilac sa tawag ng kung sinong sira-ulo na nagsasabing wala na si Marigold.
Her twin sister was a skilled fighter and she could even summon incantations better than she did. Kayang-kayang protektahan ng kapatid niya ang sarili nito, kahit pa mula sa mga bampira. Ang sabi pa ng kakambal niya, poprotektahan ito ng fiancé nito. Kaya hindi puwedeng mawala si Marigold.
Nang magmaneho at tumakbo siya papunta sa condo ni Marigold, nagdadasal siya na isang malaking prank call lang ang natanggap niya kanina. Posibleng na-snatch o nanakaw ang phone ng kakambal niya at napag-trip-an lang siya ng kung sinong gago. Pinagdasal niya na sana nga, gano'n lang 'yon kasimple.
Kaya parang nagunaw na naman ng mundo ni Lilac nang pagdating siya sa condo ng kapatid niya, pagpasok pa lang niya sa loob, may dalawang nilalang nang sumalubong at humarang sa kanya.
"Miss Lilac Alonzo?" tanong ng babae sa pantay na boses. Nakasuot ito ng uniporme ng pulis at naka-white gloves pa, gaya ng mga kasamahan nito sa loob ng condo. "I'm sorry, but you're not allowed here."
"Let me through," nanghihinang utos ni Lilac. Sinubukan niyang lagpasan ang babae, pero may matangkad at payat na lalaking humawak sa braso niya. "Bitawan mo ko."
"I'm sorry for your loss, Miss Alonzo," puno ng simpatyang sabi ng lalaki na para bang maiiyak na ito. "I'm really sorry, but you can't be here. Sa labas na tayo mag-usap."
Wala pa rin sa sarili si Lilac nang titigan niya sa mukha ang babae at lalaking humaharang sa daan niya. She needed to avert her eyes from the scene in the living room that she was not ready to confirm yet.
The beautiful woman with a pale haircolor and the lanky guy with a dark shade of eyecolor both showed the same "body color:" bloody red and warm blue which meant these two were half human-half vampire. Gano'n din ang nakita niya sa tatlong malalaki at matatangkad na lalaking nakatalikod mula sa kanya at abala sa pag-iimbestiga sa walang buhay na katawan ng kung sino.
Who was she kidding? Kilala niya kung sino ang babaeng nakahandusay sa sala kahit maputlang kamay pa lang nito ang nakikita niya mula sa kinatatayuan niya. Pero ayaw 'yong tanggapin ng isipan niya.
"Get out of my way, half breeds," nanghihina pa ring sabi ni Lilac na halatang ikinabigla at ipinagtaka ng babae at lalaki sa harap niya dahil nagkatinginan pa ang mga ito na parang nag-uusap sa isipan.
Sinamantala ni Lilac at pagkagulat ng dalawa. Sa mabilis na pagkilos, nilagpasan niya ang babae at lalaki na tinangka siyang habulin pero kinumpas niya ang kamay niya sa direksyon ng mga ito at binigkas ang orasyon na makakapagpatulog pansamantala sa mga bampira.
Sabay na humagis sa dingding ang dalawang "half-breeds" at parehong wala nang malay nang bumagsak sa sahig.
"How can a mere mortal summon a powerful incantation?" hindi makapaniwalang tanong ng isa pang lalaking kalahating mortal-kalahating bampira habang tumatayo. Mas malaki ito kaysa do'n sa payatot na pinatulog niya kanina. At mukhang mas bayolente din dahil pasugod agad ito sa kanya. "What are you?!"
Inangat ni Lilac ang kamay niya at tinapat ang palad niya sa mukha ng bayolenteng "half-breed." "Sleep," bulong niya sa wikang itinuro sa kanya noon ng batang salamangkerang kumupkop sa kanila.
Humagas paangat ang bayolente at higanteng "half-breed" at tumama sa kisame ang likod nito bago ito bumagsak sa sahig. Gaya no'ng dalawang nauna, wala na rin itong malay nang bumagsak sa sahig.
Ramdam ni Lilac na may tatlo pang "half-breed" na nagmamatiyag sa kanya. Hindi niya makita ang isa dahil siguro disoriented siya, pero 'yong dalawa na nakikita niya sa peripheral vision niya, pansin niyang parang estatwa lang na binabantayan ang kilos niya pero wala namang balak pigilan siya. Mukha ngang twin tower ang mga ito dahil parehong matangkad at pareho ring katamtaman lang ang katawan.
Twin...
Ngumiti siya ng mapait nang sa wakas, nagkaro'n na siya ng lakas ng loob na titigan ang wala nang buhay na katawan ni Marigold na nakahandusay sa sahig at naliligod sa sarili nitong dugo. Kahit wala siyang kakayahang makakita ng kulay, sigurado siyang dugo ang matingkad na likidong 'yon.
Hindi... hindi puwedeng mangyari sa'yo 'to, Marigold...
Hindi katanggap-tanggap ang posisyon ng kakambal niya dahil halatang nahirapan ito sa mga huli nitong sandali. Her twin sister's legs were wide open and at the entrance of her womanhood laid the dead body of her baby. Naliligo sa napakadaming dugo ang mag-ina.
Ang pinakamamahal niyang kakambal at ang kanyang pamangkin na hindi na niya ma-i-spoil.
That was when the painful reality hit Lilac hard.
Sumigaw siya sa sobrang sakit, kasabay ng pag-iyak na kanina pa niya pinipigilan. Tuluyan nang bumigay ang katawan niya na kanina pa pala nanginginig. Lumuhod siya sa tabi ni Marigold at nang yakapin niya ang kakambal, naramdaman niya kung gaano na ito katigas at kalamig.
And Marigold's eyes were still opened, so she was forced to look straight at her twin sister's lifeless orbs. She seemed like an empty shell now. Na malayong-malayo sa masayahin nitong disposisyon.
Matigas na umiling si Lilac. "You can't die on me, Marigold. You can't leave me." Umayos siya ng upo, saka niya pinatong ang mga kamay niya sa dibdib ng kakambal. Muling bumuhos ang mga luha niya nang wala na siyang naramdamang ni katiting ng paggalaw sa katawan ng kapatid niya. "Revive," sabi niya gamit ang lengguwaheng itinuro sa kanya ng mga salamangkera noon.
Mula sa buong katawan niya, naramdaman niya ang pagkaipon ng kakaibang init sa kanyang mga kamay papunta sa dibdib ni Marigold. Ramdam niya, gumagapang din ang init na 'yon sa buong katawan nito. Umaasa siyang may magagawang himala ang kakaibang init na 'yon sa kakambal niya.
But the warmth she breathed into Marigold's cold body immediately disappeared.
"You can't do this to me, Marigold," umiiyak na pagmamakaawa ni Lilac. Inulit niya ang orasyon pero gaya kanina, hindi nagtagal ang init na binigay niya sa kakambal. "Kailangan mong mabuhay. Hindi ka puwedeng mawala sa ganitong paraan, okay? Hindi puwede."
"Stop," mariing, malamig, at walang ni katiting na simpatyang saway sa kanya ng lalaking kalahating bampira na lumuhod sa tabi niya. Pinatong nito ang kamay sa balikat niya at mariin siyang hinawakan na parang pinipigilan siya sa ginagawa niya. "The incantation you're using is crushing her heart, literally. Kapag hindi ka pa huminto, madudurog din ang ibang organ sa loob ng katawan niya. Gusto mo ba 'yon?"
Hearing that made Lilac stop. Mula sa dibdib ni Marigold, umangat ang nanginginig niyang mga kamay sa mukha ng kakambal niya. Maingat at dahan-dahan niyang isinara ang mga mata ng kapatid niya dahil hindi na niya kayang makita ang kawalan nito ng buhay. Napapikit na lang siya nang maramdaman kung gaano na kalamig ang dating mainit na katawan nito. "Marigold..." Nang muli niyang yakapin ang kakambal, sinubsob niya ang mukha niya sa leeg nito at pumikit siya. "Please take me with you..."
"Take me with you, Lilac!" nakalabing reklamo ni Marigold pagkatapos nitong daganan ang maleta niya. "Bakit kailangan pa nating maghiwalay ng university at tumira sa magkaibang dorm?"
Natawa si Lilac habang iiling-iling. Umupo siya sa gilid ng kama, paharap kay Marigold. "Ang sabi ng mga salamangkera sa'tin, may masamang mangyayari pag magkasama tayo. Ayokong may masaktan ka uli ng kahit sino o kahit ano, kaya ako na ang unang lalayo."
"Marunong na tayong lumaban at gumamit ng incantation," katwiran ni Marigold, halatang masama pa rin ang loob sa pag-alis niya. "Mas malakas tayo 'pag magkasama. We can protect each other."
Alam din naman ni Lilac 'yon. Pero ayaw niyang bale-walain ang mga sinabi ng mga salamangkerang kumupkop sa kanila noon. Marahang sinuklay niya ang mga daliri niya sa malambot na ginintuang buhok ni Marigold. "Naalala mo ba 'yong nangyari no'ng atakihin ng mga bampirang may barcode sa leeg ang bahay-ampunan no'ng mga bata pa tayo?"
Dumaan ang takot sa mga mata ni Marigold, pero tumango ito.
"Nasa kuwarto tayo no'n at ikaw ang duguan dahil binasag mo 'yong salaming bintana para makalabas tayo, pero hindi ka pinansin ng bampira at ako pa rin ang sinakmal niya," pagsisimula ni Lilac. "Ang sabi ng mga salamangkera, mas mabango sa pang-amoy ng mga bampira ang dugo ko kaya nangyari 'yon. Sa ating dalawa, ako 'yong mas prone sa pag-atake nila. Kung mangyayari man uli 'yon, ayokong madamay ka. Kaya mas gugustuhin kong magkalayo tayo basta safe ka. Kaysa naman magkasama nga tayo, pero parati ka namang napapahamak dahil sa'kin."
Nanatiling nakalabi si Marigold na para bang pinag-iisipan ang mga sinabi niya. Pagkatapos, hinawakan nito ang mga kamay niya. "Lilac, mas magiging kampante ka ba kung hindi tayo magkasama?"
Tumango si Lilac at pinisil ang mga kamay ni Marigold. "Hangga't malayo ako sa'yo, safe ka. Pero hindi naman ibig sabihin eh mawawalan na tayo ng koneksyon. Madalas pa rin kitang tatawagan at bibisitahin bago mo pa ko ma-miss."
"Promise?" parang batang tanong ni Marigold na itinaas pa ang hinliliit.
Natawa uli si Lilac, saka niya kinawit ang hinliliit sa hinliliit sa daliri ni Marigold na ikinabungisngis naman ng kakambal niya. "Promise."
"Hindi na dapat ako umalis sa tabi mo," umiiyak na bulong ni Lilac kay Marigold. "I'm sorry, Marigold. I should have protected you while keeping you beside me. I'm so sorry..."
Kung siguro ay hindi siya umalis sa tabi ni Marigold, baka hindi nakilala ng kakambal niya ang bampirang siguradong nagdala ng kapahamakan sa buhay ng kapatid niya.
Bampira?
Huminto si Lilac sa pag-iyak, saka niya nilingon ang "half-breed" sa tabi niya. Dahil nga black and white ang filter ng mga mata niya, madali niyang napansin na maputla ang balat nito. Sigurado siyang itim din ang buhok nito na parang hindi sinusuklay. "Ilang half-breeds ang kasama mo?"
Nagtagis ang mga bagang ng lalaking half-breed, halatang hindi nagustuhan ang tinawag niya rito at sa mga kasamahan nito. "Lima kaming Bloodkeepers na nandito ngayon. You knocked three of us down, so only my brother and I are left standing."
Kumunot ang noo ni Lilac, saka niya tinuro ang hindi nakikitang "half-breed" sa tabi ng bintana. She couldn't see his physical body, but she could clearly see his colors. "Then, who's that half-breed?"