"LILAC, let me borrow your necklace."
Ngumiti si Lilac nang sumiksik sa tabi niya si Marigold habang nakaupo siya sa malaking couch ng condo nito. Hawak nito sa isang kamay ang maliit na sungay ng unicorn mula sa pendant ng kuwintas nito. Hinubad naman niya ang kuwintas niyang may ulo ng panda bilang pendant at inabot 'yon sa kakambal niya. "Anong gagawin mo sa mga 'yan?"
Ngumiti lang si Marigold, pagkatapos ay sinuksok nito ang sungay ng unicorn sa pabilog na butas naman sa ulo ng panda pendant niya. Sa pagkagulat niya, nag-echo sa sala ang boses ng kakambal niya.
"Let's just live together, Lilac!" sabi ng boses ni Marigold mula sa panda pendant na ngayon ay may sungay na ng unicorn.
Nanlaki ang mga mata ni Lilac sa gulat. Kinuha niya mula kay Marigold ang panda pendant niya na naging kakaiba ang hitsura dahil ngayon ay may sungay na 'yon ng unicorn mula sa kuwintas ng kakambal niya. "Ang galing! Voice recorder pala ang sungay ng unicorn necklace mo, Marigold."
Nakangiting tumango si Marigold. "Oo, Lilac. Parang 'yong mga doll 'yan na nakakapag-record ng boses kapag pinisil mo. 'Yong sa'tin naman, ganito." Binawi ni Marigold ang maliit na sungay mula sa panda pendant niya at binalik ang silver horn sa ulo ng unicorn pendant nito. She pressed the horn like she was pressing the top of a pen to push the pointed tip out. Saka ito nagsalita. "Lilac, I miss you."
Pagkatapos magsalita ni Marigold, hinugot uli nito ang silver horn at kinabit 'yon sa ulo ng panda pendant niya. Gaya kanina, narinig uli nila ang recorded voice ng kakambal niya.
"This is so useful," natatawang sabi ni Lilac. Tinapik-tapik ang ulo ni Marigold. "No wonder you spent a fortune to customizing our necklaces this way. Thank you for this wonderful gift for our twenty second birthday, Marigold. Sorry, ha? Wala akong raket ngayon kaya wala akong bonggang regalo for you."
"Your whole existence is already a wonderful gift that I will forever be grateful for, Lilac."
Niyakap ni Lilac ang sarili at umarteng kinilabutan sa mga sinabi ni Marigold. "Ang clingy mo naman."
Bumungisngis lang si Marigold, pagkatapos ay tinanggal naman nito ang golden mare ng unicorn pendant nito at ipinakita 'yon sa kanya. "Look. This also has a memory card, Lilac. Puwede nating itago dito ang secret message natin para sa isa't isa na hindi natin masabi ng harapan."
Kumunot ang noo ni Lilac sa pagtataka. "Meron ka bang hindi masabi sa'kin?"
Umiling si Marigold, pero tinuro siya nito. "Ikaw ang maraming hindi masabi sa'kin. You can't even say you love me even when I'm the only sister you have."
Pumalataktak si Lilac. "Alam mo namang ayokong sinasabi ang magic L-word na 'yon."
Because the first time she said 'I love you' to her parents, they died. Alam niyang alam ni Marigold ang dahilan kung bakit ayaw niyang sinasabi ang mga salitang 'yon.
"You should say 'I love you' to people you love," maingat na sabi ni Marigold. "Because one day you'll realize that you regret not saying those words instead of saying them." Pabirong binunggo ng kakambal niya ang balikat niya. "Mahal na mahal kita, Lilac. Salamat kasi sa twenty two years ng buhay natin, inalagaan at pinrotektahan mo ko."
Pagmulat pa lang ni Lilac ng kanyang mga mata, pumatak agad ang mga luha niya dahil sa mga alaalang nag-play sa isipan niya sa pamamagitan ng panaginip.
Pero dahil naramdaman niya ang presensiya ng ibang nilalang sa kuwartong 'yon, mabilis niyang kinalma ang sarili. Nang masiguro niyang hawak na uli niya ang kanyang emosyon, saka siya bumangon at pasimpleng pinunasan ang kanyang mga luha gamit ang mga kamay. Ah, base sa mga kagamitan at interior ng kuwarto, malamang ay nasa isang hospital room siya.
"You're up."
Nalingunan ni Lilac ang "half-breed" na nagdala sa kanya sa rooftop kanina. Nakasandal ito sa dingding sa tabi ng bintana habang nakahalukipkip at pinagmamasdan siyang mabuti.
Ngayon lang siya bumalik sa maayos na pag-iisip kaya ngayon lang din niya napansin na hindi gaya ng mga baliw na bampirang umatake sa kanya kanina, maayos ang hitsura ng isang 'to. Higit sa lahat, wala itong barcode sa leeg kaya siguro hindi siya nakakaramdam ng takot.
Guwapo ang lalaking half-half at kahit alam niyang "matanda" na ito, mukha pa rin itong nasa mid to late twenties lang. Bukod sa clean shaven ang mukha nito, hindi rin sobrang laki ng bulto ng katawan nito. He was tall and lean and he looked good in his dark long-sleeved shirt that hugged his body in a nice way. But even though the way he dressed and his aura seemed casual, she knew that this man was alert and dangerous, just like any vampire in the world.
Naitakip ni Lilac ang kamay sa bibig nang biglang nag-flash sa isipan niya ang walang buhay na katawan ni Marigold at ng patay na sanggol. Parang bumaligtad ang sikmura niya. Ngayon lang siya nagkaro'n ng ganitong reaksyon dahil ngayon lang nag-sink in sa kanya ang mapait na realidad.
Umaasa pa siya kanina na mabubuhay niya si Marigold. Pero ngayon, unti-unti nang natatanggap ng sistema niya ang pangit na katotohanan.
"Before you call me 'half-breed' again, let me properly introduce myself," pagbasag ng lalaking half-half sa katahimikan. Gaya ng naaalala niya, walang emosyon ang boses nito. "You can call me 'Tyrus.' I'm a Bloodkeeper. In layman's term, I'm half human-half vampire. Sa kasalukuyan, ako at ang squad ko ang bumubuo sa investigation team na may hawak sa kaso ng kaibigan mong si Marigold Hamilton."
"Hindi kayo totoong pulis ng mga kasamahan mo," deklara ni Lilac.
Tumango si Tyrus. "Papunta sana kami kay Marigold Hamilton dahil may ilang katanungan kami tungkol sa business niya na may kinalaman sa mga bampira. Pero nang dumating kami sa condo niya, gano'n na ang naabutan naming sitwasyon."
Nasapo ni Lilac ang noo. "Marigold had a vampire lover. Ang bampirang 'yon ang hanapin niyo. Hindi ko alam kung sino siya pero please, hanapin niyo ang nilalang na 'yon. Kasi kung wala siyang kinalaman sa nangyari kay Marigold, bakit wala siya rito ngayon?"
"'Yon din ang aalamin namin, Lilac Alonzo," pormal na sagot ni Tyrus. "Anyway, dahil kilala sa mundo ng mga mortal si Marigold Hamilton, nagpasya kaming itago ang katotohanan sa mga taong nakakakilala sa kanya. Instead of murder, we made it look like that she died of giving birth. Sa press release na nilabas ng mga kauri ko pero totoong pulis ninyong mga mortal, nakalagay na patay na ang sanggol nang isilang. Sa mundo niyo, case closed na ang kaso ng kaibigan mo. Sana maintindihan mo kung bakit kinailangan naming gawin 'yon."
Humugot ng malalim na hininga si Lilac. Tinuon niya ang buong atensiyon at lakas niya para i-decipher ang mga sinabi ni 'Tyrus' para mawala sa isipan niya ang masamang imahen ni Marigold at ng kanyang pamangkin sa isipan niya. Tinitigan din niya ang 'Bloodkeeper' para ito na lang ang makita niya at hindi ang mapait na alaala. Plus, she had to get a hold of herself to catch her twin sister's murderer. "Pinagtakpan niyo ang nangyaring krimen dahil hindi tao ang pumatay kay Marigold, 'di ba?"
Hindi sumagot si Tyrus at nanatili itong nakatitig sa mukha niya.
"Bampira ang pumatay sa kanya," deklara ni Lilac. "'Yong mga bampirang may barcode sa leeg ba ang gumawa no'n? O Bloodkeeper din ba ang fiancé ni Marigold?"
"Bloodsucker ang tawag sa mabababang uri ng bampirang may barcode sa leeg. Unfortunately, hindi ko pa masasabi kung anong uri ang fiancé ni Marigold na hindi ko pa nakikilala," paliwanag ni Tyrus. "Marami kang alam tungkol sa mundo namin. Who and what exactly are you, Lilac Alonzo?"
Hindi sumagot si Lilac dahil hindi pa naman gano'n kalaki ang tiwala niya kay Tyrus kahit pa wala naman siyang nakikitang masamang enerhiya rito. Matingkad na pula, mainit na asul, at mapusyaw na lila ang nakikita niyang kulay sa katawan ng Bloodkeeper. Kumunot ang noo niya. "May iba ka pang lahi bukod sa pagiging mortal at bampira 'no?" Ang kulay na 'yon, malapit sa kulay ng mga salamangkerang nag-alaga sa kanila ni Marigold noon. Mapusyaw lang ang pagka-lila ng kay Tyrus, pero sigurado siya kung anong klaseng dugo 'yon. "Witch blood, perhaps?"
Napaderetso ng tayo si Tyrus. Hindi man nagbago ang blangkong mukha nito, halata naman sa biglaang pagkilos nito ang pagkagulat. "How can you tell what kind of blood runs in my veins?"
Napahawak si Lilac sa panda pendant niya. Alam naman niyang delikado ang paglalabas ng sekreto niya kay Tyrus, pero kailangan niyang sumugal para mahuli niya ang nilalang na pumatay kay Marigold. "Ang sabi mo, ikaw ang may hawak sa kaso ni Marigold. Ibig sabihin, hinahabol niyo rin ang bampirang pumatay sa kanya. Kaaway niyo ba ang nilalang na 'yon?"
Dahan-dahang tumango si Tyrus, halatang nag-iingat sa kanya. "Gano'n na nga."
"Your enemy is my enemy," tumatango-tangong kongklusyon ni Lilac. Humigpit ang pagkakahawak niya sa kuwintas niya. Marigold, I swear I will avenge your death.
"What do you mean by that?" tanong naman ni Tyrus, mahihimigan na ang kuryosidad sa boses. "Ano ang koneksyon niyo ni Marigold Hamilton sa mga bampira? Anong klaseng abilidad ang meron ka? Sa nakikita ko sa'yo ngayon, hindi lang kayo basta magkaibigan ng biktima."
"Call her by her name and don't you dare refer to her as a victim again," galit na sabi ni Lilac. Sobrang sakit na marinig paulit-ulit na "biktima" si Marigold na parang pinapamukha sa kanyang pinatay ang kakambal niya at wala siyang nagawa para protektahan ito. Tinakpan niya ng mga kamay niya ang mukha niya nang maiyak uli siya. "Tyrus, puwede bang bigyan mo ko ng oras para magluksa?"