LEIRA'S POV
"Now you're going to cry like you're the victim? That you're the oppressed? Wow!" Narinig kong sabi ni Mico, puno ng panunuya.
"Alam mong hindi ka welcome dito, pero pumunta ka pa rin?! Para saan? Para magpaawa? Come on, Liera, wala nang maniniwala sa drama mong 'yan," dagdag niya.
"Umalis ka na. Wala akong pakialam kung wala kang mapupuntahan ngayong gabi. Basta ang gusto ko, umalis ka na at 'wag nang babalik dito. Mahiya ka sa sarili mo, Leira."
Nanatili akong nakatungo, nakatingin sa palad kong patuloy sa pagdurugo. Ayaw kong tumingin sa kaniya dahil alam kong mga matang puno ng pagkasuklam ang sasalubong sa akin kapag ginawa ko 'yon. At ayoko nang dagdagan ang sakit na nararamdaman ko ngayon.
"I fvcking hate you, Leira! Kahit kailan, hinding-hindi na ako maaawa sa 'yo! At sa lahat ng ginawa mong panggago sa akin, kulang pa 'yan. Kulang na kulang pa." Mariin niyang sabi.
Napaiktad ako nang malakas niyang sipain ang gate na bakal dahilan para lumikha ng ingay.
"Umalis ka na rito, Leira. Huwag mo akong pilitin na kaladkarin ka pa paalis ng lugar na ito." May pagbabanta sa boses niya nang sabihin iyon.
Ngunit sa halip na tumayo at umalis, napalugmok lang ako lalo nang muling sipain ni Mico ang gate.
Mariin akong napapikit at pinigilan ang pagdaloy ng mapait na ala-ala ng kahapon. Ngunit ang malakas na sunod-sunod na pagsipa ni Mico sa gate ang dahilan upang tuluyang nagpabalik sa akin sa nakaraan.
"Saan ka pupunta?!"
Hindi ko kayang ilarawan kung paano napuno ng matinding takot ang dibdib ko nang marinig ang dumadagundong na boses ni Sir Marcus. Kasunod ang sunod-sunod na putok ng baril.
Sa takot na tamaan ako niyon, kumiripas ako ng takbo. Ngunit hindi pa man ako nakalalabas ng lugar kung saan niya ako itinago ay naabutan na niya ako.
"S-Sir Marcus!" Nahindik ako nang itutok niya sa akin ang dulo ng kaniyang baril. "S-Sir..."
"Tatakas ka?! Hindi ba't binalaan na kita na kapag sinubukan mo 'yan ay sisiguraduhin kong mapapahamak ang mga mahal mo sa buhay. At sisiguraduhin ko sa 'yong ang kakambal mo ang uunahin ko! Ipadadala ko sa 'yo ang ulo niya, sampu ng mga kapatid mo!"
"Parang awa n'yo na po...'wag n'yong gagalawin ang mga kapatid ko." Pakiusap ko, nanginginig sa takot ang boses at buong katawan dahil nakatutok pa rin sa mukha ko ang kaniyang baril.
"S-Sir! A-Aray!" Napaigik ako nang marahas niyang hinila ang buhok ko dahilan para mapatingala ako.
Ang baril niyang nakatutok sa mukha ko ay inilipat niya sa leeg ko.
"Demonyo ako, Leira. At sa susunod na subukan mong tumakas ay sisiguraduhin ko na lalagyan ko ng butas itong leeg mo," idiniin niya ang dulo ng baril sa leeg ko kasabay ng paghila sa buhok ko.
Hindi ako pumalag sa takot na baka pumutok iyon at tamaan ako.
"Bumalik ka sa loob!" Sigaw niya sabay bitaw sa buhok ko.
Tinulak niya ako dahilan para mapasadsad ang mga tuhod ko sa magaspang na semento.
Walang awa si Sir Marcus. Kinaladkad niya ako pabalik sa loob habang hawak nang mariin sa buhok ko.
"Hindi ako marunong maawa, Leira." Paalala niya bago ako iniwan sa kuwartong pinagdalhan niya sa akin.
Ngunit hindi ako sumuko. Lalo na nang isang araw ay marinig ko mula sa dalawang tauhan ni Sir Marcus na naaksidente si Mico at agaw-buhay.
Tumakas ako.
Nakalabas na ako ng compound kung saan ako itinago ni Sir Marcus. Lakas-takbo ang ginawa ko. Sumisigaw. Humihingi ng tulong sa bawat sasakyang makasalubong ko sa daan. Ngunit kahit isa, walang tumulong. Lahat ng makasalubong ko, nilampasan lamang ako.
Hindi ko sila masisisi dahil nang mga oras na ito ay mukha akong pulubi o taong grasa.
"Tulong! Para po! Tulong!" Sigaw ko habang kumakaway sa nakita kong paparating na sasakyan.
"Tulong! Tulungan n'yo po ako!" Humarang ako sa gitna ng kalsada para mapilitang tumigil ang sasakyan.
Salamat po, Diyos ko! Lihim na pasalamat ko nang tumigil ang sasakyan.
Sa wakas, may gusto ring tumulong sa akin. Napangiti ako.
Ngunit ang ngiting nakapaskil sa mga labi ko ay unti-unting naglaho nang pagbukas ng pinto sa driver's side ay bumaba roon ang driver.
Napuno ng takot ang puso ko dahil hindi pala kaligtasan ang naghihintay sa akin sa paghinto ng sasakyan kundi mas matinding kapahamakan. Dahil ang taong sakay niyon ay walang iba kundi ang taong gusto ko sanang takasan.
"S-Sir Marcus!" Napaatras ako.
Ngunit mabilis siya, hindi niya ako nabigyan ng pagkakataon para makatakas. Agad niyang inundayan ng dalawang sunod na suntok ang tiyan ko.
Napaungko at napaigik ako dahil sa lakas niyon. Ngunit hindi ako nagpadala sa takot at sakit. Ang isip ko, nakalabas na ako at wala na akong balak bumalik sa loob.
Sinubukan kong tumakbo patungo sa madamong parte ng kalsada. Nagkubli ako. Pero magaling siya. Nahanap niya ako.
"Hindi ka ba talaga marunong makinig?! Hindi ka puwedeng tumakas dahil marami pa akong kailangan sa 'yo!" Kasabay niyon ang malakas na lagapak ng palad niya sa pisngi ko.
Halos mabingi at mamanhid ako dahil sa lakas niyon.
"Tigilan mo na ako, Sir Marcus! Hindi ba't gusto mo lang na masira ang buhay ni Mico?! Hindi ka pa ba masaya na ngayon ay kritikal ang lagay niya dahil sa pang-iiwan ko?! Hindi ka pa ba satisfied?!" Matapang na sabi ko.
Mukhang hindi niya inaasahang papalag ako kaya nagulat siya at hindi agad nakakibo na sinamantala ko at nagpatuloy.
"Pakawalan mo na ako! Ibabalik ko sa 'yo ang pera mo, basta pakawalan mo na ako! Kung alam ko lang ma ganito ka kademonyo, hindi sana ako pumayag sa gusto mo! Walanghiya ka!"
Ngumisi siya. Ngising demonyo.
"Too late!" Marahas niyang hinawakan ang pisngi ko, pinisil. "Hindi ka na makakaatras. And yes, hindi pa ako masaya sa nangyayari kay Mico at sa magaling kong kapatid. Hindi pa sapat ang nangyari sa kanila dahil ang totoo ay nag-uumpisa pa lamang ako! Nag-uumpisa pa lang tayo sa larong ito, Leira."
Matapang na dinuruan ko siya sa mukha. "Huwag mo na akong idamay sa kademonyohan mo!"
Nanlisik ang mga mata niya habang pinupunasan ang mukhang natalsikan ng laway ko.
"Too late!"
"No! Ayoko na! Nagawa ko na ang gusto mong iwanan ko si Mico! Iyon lang ang usapan natin at hindi ako papayag na maging kasangkapan sa kawalang-hiyaan mo!"
Pinilit kong makatayo at kahit nararamdaman ko na ang sakit sa tiyan ko dahil sa pagsuntok niya, pinilit kong makalayo. Ngunit hindi pa man ako nakakalayo ay naabutan na naman niya ako.
Sa pagkakataong iyon, hindi suntok ang ginawa niya. Tinadyakan niya ako sa likod ko dahilan para mawalan ako ng balanse at mapasubsob sa lupa.
"Matigas ang ulo mong babae ka. Mas gusto mo ang ganito? Nasasaktan? Fine!" Iyon lang at ibinangon niya ako, saka sinampal ng dalawang beses.
Hindi pa siya nasiyahan, inundayan niya ako nang sunod-sunod na suntok sa tiyan ko hanggang sa mapalugmok ako.
"Tama na! Tama na!" Sigaw ko, nagmamakaawa.
Bugbog sarado na ako. Ngunit hindi ang pananakit ang iniinda ko kundi ang walang kasingsakit na pagsigod ng kirot sa bandang puson ko. Sobrang sakit. Hindi ko maipaliwanag ang sakit na nararamdaman ko sa puson ko. Na para bang may hinuhugot mula sa kaibuturan ng laman ko.
"A-Ang sakit... Tama na...tama na..." Puno ng pakiusap na sabi ko, sapo ang puson.
Hanggang sa mapadako sa mga hita ko ang mga mata ko. At gano'n na lang ang panlalaki ng mga mata ko nang makitang may dugo.
"D-Dugo... B-Bakit may dugo..." Nagawa kong itanong kahit namimilipit na ako sa sakit.
"T-Tulungan mo ' ko... Tulong..."
"Aba't! Tingnan mo nga naman, mukhang buntis ka pa yatang babae ka." Saad ni Sir Marcus.
At dahil sa sinabi niya, biglang nag-sink in sa utak ko na hindi nga pala ako dinatnan ng monthly period nitong nakaraang buwan.
Diyos ko! Nahindik ako sa realisasyong baka nga buntis ako.
"T-Tulungan mo 'ko." Sinapo ko ang tiyan ko, nakaungko na ako.
Nang iangat ni Sir Marcus ang mukha ko, akala ko ay tutulungan niya ako, hindi pala.
Napasigaw na lang ako sa pinaghalo-halong sakit, takot, at kirot nang sa halip na tulungan ay pinagsisipa niya ako sa tiyan.
Sunod-sunod. Maraming ulit. Malakas.
"Hindi dapat matuloy ang batang 'yan! Magiging sagabal lang 'yan sa mga plano ko!"
"Huwag! Huwag! Please, parang awa mo na!" Pagmamakaawa ko habang sinasalag ang bawat igkas ng paa niya sa tiyan ko.
Sinubukan kong protektahan ang tiyan ko para 'wag nang tamaan. Ngunit 'yon talaga ang puntirya niya.
"Kailangang mawala ang batang 'yan! Wala 'yan sa plano ko! Wala!"
Sumisigaw ako, ngunit wala nang boses na lumalabas mula sa bibig ko. Sobrang sakit na. At pakiramdam ko ay mamamatay na ako ng mga sandaling ito.
Isang malakas na sipa ang muling pinakawalan ni Sir Marcus diretso sa tiyan ko. Doon na ako tuluyang napahiga, wala ng lakas, wala ng laban, at tila katapusan na ng buhay ko.
"Hindi dapat matuloy ang batang 'yan. Hindi."
Naulinigan kong sabi ni Sir Marcus bago tuluyang magdilim ang lahat sa akin.
At nang magising ako, isang babae ang namulatan ko sa tabi ko. Umiiyak siya. Hindi ko alam kung nasaan ako.
Ang baby ko agad ang unang pumasok sa isip ko. "Ang baby ko..."
"I'm sorry but they're gone." Anang babae, sumigok.
Tila sandaling nablangko ang isip ko. They're gone? Anong they? "T-They a-are gone? T-They are gone?" Nanginig ang boses ko habang paulit-ulit na binibigkas ang mga salitang 'yon.
"T-They are gone? I-Ibig sabihin buntis talaga ako?"
Awtomatikong naglandas ang mga luha ko nang tumango ang babae. "Yes. You were pregnant with twins..."
Napasinghap ako. Twins! "Kambal ang mga baby ko... Kambal sila."
"Yes. And I'm sorry, pero wala na sila. Wala na ang kambal mo. Mas'yado nang maraming dugo ang nawala sa 'yo at hindi na naisalba ang mga baby mo. They're gone. And I'm sorry for your lost." Puno ng simpatyang sabi ng babaeng narito sa tabi ko at nagsasabi na wala na ang mga anak ko.
Tumulo ang masagana kong mga luha. Ang sakit. At kahit anong simpatya ang ibigay ng babae, hindi nabawasan ang sakit na nararamdaman ko.
Ang sakit dahil kung kailang wala na sila ay saka ko pa nalaman na posibleng buntis ako. At wala nang mas sasakit pa dahil kung kailang nakumpirma kong mayro'ng sila sa sinapupunan ko ay kung kailang wala na pala sila.
"I'm sorry... Hindi ko alam na ganito kademonyo ang lalaking pinili ko. I'm sorry kung huli na nang madala kita rito sa hospital." Narinig kong sabi ng babae nang tabihan niya ako sa kama.
May simpatya niya akong niyakap.
"T-Tulungan mo 'kong makatakas." Nagawa kong hilingin sa kaniya nang bumitaw ako sa kaniya, ngunit umiling siya. "M-Miss, please?"
"I'm sorry, pero hindi ko puwedeng suwayin ang asawa ko. Hindi ko rin alam kung ano ang kaya pa niyang gawin kapag tinulungan kitang tumakas. At itong pagtulong ko sa 'yo na dalhin ka rito sa hospital ay mahigpit niyang tinutulan, pero nagpumilit lang ako. Kahit maging ako ay nasaktan niya."
Lumayo ako rito. Asawa pala ito ng demonyong 'yon.
"Magpasalamat na lang tayo dahil hindi ka niya tinuluyang patayin."
Umiiling-iling ako, nanlalabo ang mga mata dahil sa luha. Saka mapait na ngumiti. "S-Sana nga ay tinuluyan na lamang niya ako. S-Sana nga pinatay na lamang niya ako k-kasama ang mga anak ko... Sana hindi na lamang niya ako binuhay dahil parang pinatay na rin naman niya ako..."
"Leira."
"Pinatay ng asawa mo ang mga anak ko! A-Anong dapat kong ipagpasalamat do'n? Sinadya niyang patayin ang mga anak ko. Demonyo siya!" Napuno ng galit ang puso ko. Sinubukan kong alisin ang mga nakakabit na aparato sa akin, pinigilan ako ng babae.
"Pinatay niya ang mga anak ko! Pinatay niya!" Nagwala ako habang humagulhol ng iyak.
"Ang mga anak ko....ang mga anak ko!" Para akong mababaliw sa sobrang sakit at paghihinagpis.
Sunod-sunod na hikbi ang kumawala sa bibig ko kasabay ng pagdama sa tiyan ko. Matagal-tagal na rin, pero pakiramdam ko ay kahapon lamang iyon nangyari.
Ang mahihina kong hikbi ay nagkaroon ng tunog hanggang sa mauwi sa paghagulhol.
Hanggang ngayon, damang-dama ko pa rin ang sakit. Ang sakit mawalan ng mga anak na hindi ko man lang nakitang lumaki sa sinapupunan ko. Ni hindi ko man lang naramdaman.... Ni hindi ko man lang naranasang marinig ang unang t***k ng mga puso nila. Ni hindi ko man lang naranasan ang unang mga sipa nila.
"Ipinagkait mo ang lahat ng 'yon sa akin... Tinanggalan mo 'ko ng pagkakataong maging isang ina..."
Napahagulhol ako. Malaya kong ginawa 'yon dahil walang nakakakita sa akin. Wala na si Mico sa tabi ko. At kung gaano na siya katagal na wala, hindi ko alam. Ni hindi ko namalayang umalis na pala siya at pinagsarhan ako ng gate.
Saksi ang madilim na langit, ang mga bituin sa lahat ng sakit na nararamdaman ko ngayon.
Gusto kong sumigaw. Gusto kong may makausap para kahit papa'no ay gumaan ang dibdib ko, pero wala akong makausap. Iyong nag-iisang taong itinurin kong best friend ay wala na. Lumayo na ang loob sa akin dahil sa mga maling desisyon ko sa buhay. Alam ko, ako ang nagtulak kay Keira para lumayo ang loob sa akin. Hindi ko siya masisisi...
Maraming pagkakataon na gusto kong magkuwento sa kanila ni Mama, pero hindi ko magawa dahil hanggang ngayon ay walang alam ni Mama sa nangyari sa akin dito sa Manila. Kaya wala akong magawa kundi ang sarilinin ang sakit... Ang sakit na sa bawat araw na lumilipas ay pasakit nang pasakit. At aaminin ko, may mga pagkakataong gusto ko na lang tapusin.
Humihikbing tumingala ako sa langit, tumingin sa mga bituin. Umaasang dalawa sa mga bituin na 'yon ay ang mga anak ko. Ang kambal ko.
Tuloy-tuloy na tumulo ang mga luha ko nang makita ang dalawang bituin na magkatabi. Kumikinang.
"I'm sorry, mga anak ko..." Napahikbi ako, hinayaang maglandas ang mga luha. "Patawarin n'yo si Mama, ha? Patawarin n'yo ako, mga anak...kung h-hindi ko kaya naprotektahan..."
"Miss na miss ko na kayo... I-guide n'yo si mama, ha? Kasi malapit na akong mabaliw.... gusto ko na kayong makasama.. at pangako diyan sa kabilang buhay, diyan sa langit, poprotektahan na kayo ni Mama."
Napahagulhol ako. Tila nakisabay ang langit sa pagdadalamhati ko dahil paisa-isang pumatak ang ulan. Hanggang sa lumakas.
Naghalo ang tubig-ulan at luha na ngayon ay bumabasa sa mukha ko.
Hinayaan kong mabasa ng ulan. Wala din naman akong ibang masisilungan dahil alam kong naka-lock ang gate ng mga Thompson.