LEIRA'S POV
"BE CAREFUL, KIDS."
Mula sa puwesto ko ay narinig kong sabi ni Mico sa mga kapatid ko ngayon ay isa-isang bumaba mula sa private jet ni Sir Nicholas na siyang sumundo sa amin kanina sa Iloilo.
Pinasundo kami ni Sir Michael dahil ngayon ang civil wedding nila ng kakambal ko. Ayoko sanang sumama dahil alam kong hindi ako welcome sa bahay nila. Pero dahil kay Mama na wala pa ring kaalam-alam sa nangyari sa amin ni Keira, sumama na ako para hindi na magtaka. Sinabi rin ni Sir Nicholas kanina nang sunduin kami na gusto raw ng kaibigan nito ay kasama kaming lahat at walang iiwan sa Iloilo. Kaya heto, kasama ako.
Malungkot akong napangiti habang pinanunuod kung paano alalayan ni Mico ang mga kapatid ko. Natural sa kaniya 'yong palaging nakaalalay.
"Leira, anak, halika na." Ang pagtawag ni Mama na 'yon ang pumutol sa pagkakatitig ko kay Mico mula sa labas ng bintana ng private jet.
"Halika, nakababa na silang lahat. Bumaba na rin tayo para makita na natin ang kakambal mo."
Bakas ang excitement sa mukha ni Mama nang lapitan ako sa puwesto ko at kunin ang bag nila.
"Tara na, anak." Ulit niya nang hindi pa rin ako tumayo. "Alam mo namang excited na ang mga kapatid mong makita ang kakambal mo, 'di ba? Kaya halika na." Ngiting-ngiti si Mama, halatang masayang-masaya para sa kakambal ko.
Kahit hindi niya sabihin, alam kong proud na proud siya sa kakambal ko. At malamang kung alam niya ang ginawa ko noon, baka siya pa ang mahiyang isama ako rito sa bahay ng mga Thompson.
"Ma, wait lang." Pigil ko nang hilahin na niya ako sa kamay.
"Bakit? May problema ka ba, Leira?" Bigla niyang tanong.
"Po? Wala naman po, Ma."
Nanunuri niya akong tiningnan. "E, bakit parang ayaw mong bumaba? Akala mo ba hindi ko napapansin na kanina pa lang sa bahay natin, parang gusto mo nang magpaiwan. At ngayon nama'y ayaw mong bumaba."
"Hindi naman sa ayaw, Ma. Nahihiya lang ako."
Kumunot ang noo niya. "Bakit ka mahihiya? Inimbita naman tayo kaya tayo nandito, eh. Saka wala naman tayong dapat ikahiya dahil mararangal tayong tao kahit salat sa pamumuhay noon. Noon, dahil ngayon ay kahit papa'no nakaka-LL na tayo."
Napangiti ako sa sinabi ni Mama na nakaka-LL na ang ibig sabihin ay nakakaluwag-luwag na. May negosyo na kasi ang pamilya namin dahil kay Sir Michael.
"Ikaw talaga, Ma, nahahawa na kayo sa pagiging jejemon ng mga kapatid ko."
"Hamo na. Paminsan-minsan lang naman. Baba na tayo. Huwag kang mahiya, ano ka ba? Alam naman natin sa mga sarili natin na hindi pera ang habol natin sa pamilya ng bayaw mo. 'Di ba? Kahit mahirap tayo, pinalaki ko kayong may dignidad. Kaya wala tayong dapat ikahiya sa mga Thompson. Mararangal tayong tayo. 'Di ba?"
Napilitan akong tumango para tumigil na si Mama.
Nang hilahin niya ako patungo sa pinto ng private jet, nagpatianod na lamang ako.
Nagulat ako dahil nando'n pa rin pala si Mico, nakaabang sa baba. Nasa tabi niya ang mga kapatid ko na nakatingala rin sa amin ni Mama.
Umakyat siya at sinalubong si Mama na naunang bumaba sa akin. May kung anong mainit na bagay ang humaplos sa puso ko nang abutin niya ang kamay ni Mama at inalalayang makababa.
He's the sweetest person I know. 'Yong kapag kasama mo siya, itatrato ka niyang prinsesa.
Nakaramdam ako ng hindi maipaliwanag na pagkasabik nang pagkatapos niyang alalayang makababa si Mama ay tumingin siya sa akin. Pero agad akong nakaramdam ng panlulumo nang makita kung gaano kalamig ang tingin niya sa akin.
Sa sobrang lamig, pakiramdam ko tumagos iyon hanggang sa kaibuturan ng buo kong pagkatao.
Nanikip ang dibdib ko nang magbawi siya ng tingin agad at pagkuwa'y niyaya na ang mga kapatid ko na pumasok.
At oo, umasa ako na aakyat siya, susunduin ako sa taas, hahawakan ang kamay ko at aalalayan din hanggang sa makababa. Ngunit tila may malaking batong dumagaan sa dibdib ko nang umalis na siya kasama ang mga kapatid ko.
Walang lingon-likod. Diretso lang.
Malungkot akong napangiti.
Ano pa bang in-expect mo, Leira? Na gano'n pa rin sa dati ang pagtrato niya sa 'yo pagkatapos ng mga ginawa mo? Iniwan mo siya, Leira. Piping sikmat ko sa aking sarili.
Hindi ko gustong iwan siya. Wala na lang akong choice.
Sinaktan mo pa rin siya. Dinurog mo. Paninisi ng kabilang bahagi ng isip ko habang habol ng tanaw ang papalayong bulto ni Mico.
I swear, sinubukan kong humindi noon. Sinubukan ko siyang balikan, pero hindi ko nagawa dahil kay Sir Marcus. Gustong-gusto kong bumalik sa 'yo noon, Mico. Pero sobrang kumplikado na. Kung alam ko lang na nakipagkasundo ako sa isang demonyo, hindi ko na sana itinuloy.
"Bakit kailangan ko siyang paibigin, Sir?" Naalala ko na 'yon agad ang tanong ko kay Sir Marcus nang alukin niya ako noon.
"Dahil gusto ko siyang maging masaya. Gusto kong makita na mayro'ng nag-aalaga sa kaniya. Wala na siyang pamilya, Hija. Maaga siyang naulila. Ako lang ang meron siya ngayon. Pero mas'yado akong busy sa buhay para mabigyan siya ng atensyon at pag-aalaga na kailangan niya. Kaya naghahanap ako ng babaeng mapapaibig siya. At malay mo, along the way, magka-in love-an kayo, eh 'di maganda."
"Pero--"
"He's single kaya nga hinahanapan ko siya ng babae. Puro trabaho na lang kasi ang pamangkin kong 'yon."
Nagdalawang-isip pa rin ako.
"Dalawang milyon."
Nang alukin niya ako ng halagang 'yon, para akong sinampal ng kahirapan. Na kahit ilang taon akong mamasukan at mangamuhan, hindi ko kikitain 'yon.
Tumanggi ako. Iniisip ko pa rin ang itinuro ni Mama sa akin. Pero dalawang araw pagkatapos akong makausap ni Sir Marcus, tumawag si Mama. Umiiyak. Humihingi ng tulong dahil naaksidente si Tito Arnold.
Wala naman akong ibang aasahan dahil ayaw umalis ni Keira sa probinsya. Hindi ko siya mapilit dahil doon siya masaya. Kaya nang muli akong lapitan ni Sir Marcus, pikit-mata akong pumayag. Pero hindi ko alam na 'yon na pala ang simula ng lahat.
Hindi ko pa alam na ang pamangkin na sinasabi niya ay ang lalaking nakabangga ko sa mall at nakatabi sa sinehan. Gusto kong umatras. Pero doon sumampal sa akin ang katotohanang nakipagsundo ako sa isang demonyo. Niloko niya ako. Tinakot.
Sana dumating ang araw na makinig ka sa paliwanag ko, Mico. Para malaman mo na lahat ng ipinakita ko sa 'yo noon ay totoo. Para malaman mo na hindi lang ikaw ang nasaktan, mas higit ako. Nawalan din ako, Mico. At siguro, wala nang mas sasakit pa sa nawala sa aki--
"Leira, are you okay?"
Sunod-sunod akong napakurap nang makita si Sir Nicholas na nakatayo na pala sa harapan ko.
Sa sobrang lalim at layo ng iniisip ko, hindi ko napansing umakyat na pala siya.
"Sir Nicholas, pasensya na po."
"It's okay. Okay ka lang ba?"
Mabagal akong tumango. "Ayos lang po ako. Salamat po."
"So, let's go? Nauna na sa loob ang pamilya mo."
"Sige po."
"Ang lamig ng kamay mo, ah." Puna niya nang hawakan ako sa kamay habang pababa ng hagdan.
"Salamat po." Pasalamat ko pagkatapos naming makababa.
Tumango lang siya at sinamahan ako papasok ng mansyon.
_______
HINDI KO ALAM kung saan ako mas nanlalamig, kung sa nakikita bang saya ni Mico habang kausap ang dalawang babae na narito rin sa mansyon ni Sir Michael o sa galit at talim na tinging ipinukol ni Mico nang mapatingin sa akin.
Nakapangliliit dahil alam kong hindi ako tanggap sa bahay na ito.
Matapang ka, Lei. Kinaya mo nga lahat, 'di ba? Kailangan mong mas kayanin ngayon. Piping paalala ko sa aking sarili habang katabi si Mama sa malambot na sofa.
Hanggang sa dumating na si Sir Michael, magiliw niyang tinanggap ang mga kapatid ko, ang mga magulang ko. At ako? Tinanggap din naman, pero alam kong pilit lang. Wala siyang magagawa eh, kakambal ako ng babaeng pakakasalan niya.
Tulog pa raw si Keira kaya hihintayin namin siyang magising.
At nang sa wakas ay magising siya, nakita na namin siya. Bagong gising, pero napakaganda.
Sa malaki niyang tiyan natuon ang mga mata ko. May kung anong panaghili akong naramdaman habang nakatingin doon.
Wala sa sariling nakapa ko ang sarili kong tiyan. Kung hindi pa nabasa ang kamay ko, hindi ko mamamalayang umiiyak na pala ako.