LEIRA'S POV
PAGKATAPOS NAMING maghapunan sa restaurant na 'yon, hindi pa kami umuwi sa bahay ng mga Thompson. Nagyaya pa si Michael na ipasyal sa mall ang mga kapatid namin ni Kei para daw makagala muna ang mga ito bago kami bumalik sa probinsya sa makalawa.
Tuwang-tuwa ang mga kapatid ko sa ginawa ni Michael dahil sa pinakamalaking mall dito sa Manila niya dinala ang pamilya ko.
At habang pinanunuod ko silang masayang naglalaro, pansamantala kong nakalimutan ang mga problema ko. Habang enjoy na enjoy sila sa paglalaro, enjoy na enjoy rin akong nanunuod sa kanila. Dahil bilang ate nila, ito 'yong isa sa pangarap ko sa kanila dati pa kaya mas pinili kong makipagsapalaran dito sa Manila noon kahit natatakot ako.
"Habol, Arvin!" Napangiti ako nang makitang marunong ng mag-skating si Almirah.
Nagpapahabol ito sa kapatid naming si Arvin na bunso sa kaniya. Kaso mukhang malabo itong makahabol dahil maya't mayang napapahiga si Arvin, naunahan pa siya ni Almira na matuto.
Ang saya-saya nilang panuorin.
"Ate Keira, tara po dito!" Matinis ang boses na sigaw ni Amelia sa kakambal ko dahilan para mabaling sa kaniya ang tingin ko.
Nasa loob siya ng pambatang skating, kasama ang ate Abigail niya. Doon lang sila puwede sa pambata dahil baka madisgraysa sila kung sasali kina Almirah.
"Ate Keira ko, tara po dito!" Ulit na tawag ni Amelia sa kakambal ko na ngayon ay katabi ni Michael na nakaupo. Kinakawayan pa nito ang ate Keira niya.
"Sorry, Amelia ko. Bawal si Ate Kei diyan, baka masaktan ang mga baby sa tiyan ko." Tanggi ni Keira.
Hinintay kong sabihin niyang ako na lang kagaya nang dati kapag hindi siya puwede, pero si Michael ang iprenesenta niya kay Amelia.
"Tara po, Kuya Michael!" Excited na hiyaw ni Amelia.
Nagpaunlak si Michael sa kapatid ko. Puwede siya ro'n dahil puwedeng may guardian sa loob ang mga bata. Maya-maya pa ay nakikipaglaro na si Michael sa mga kapatid namin ni Kei.
Pagkatapos nila sa skating, sa bumping car naman kami lumipat.
"Mga anak."
Sabay kaming napatingin ni Keira kay Mama nang magsalita siya. Nakaupo kaming tatlo sa sementong upuan habang nanunuod sa mga kapatid namin at kay Michael na kasali nila. Napapagitnaan namin ni Keira si Mama. Alam kong sinadya ni Keira na hindi umupo sa tabi ko.
Salitan kaming tiningnan ni Mama. Nakangiti siya ngunit hindi naitago ng mga ngiti niya ang namumuong luha sa bawat sulok ng kaniyang mga mata.
"Ma, bakit?" Si Keira ang unang nagtanong.
"May problema po ba?" segunda ko.
"Walang problema, mga anak."
"E, ba't naiiyak po kayo?" Si Keira.
"Masaya lang ako para sa mga kapatid n'yo dahil naranasan nilang magsaya at mag-enjoy nang ganiyan dahil sa inyong dalawa. Pinaranas n'yo sa kanila ang mga ganitong bagay na hindi ko man lang naiparanas sa inyo noon."
"Ma, wala ho 'yon. Alam n'yo namang pangarap namin 'to ni Keira noon pa, 'di ba?" Sabi ko, hinawakan ang kamay ni Mama.
"Maraming salamat sa inyong dalawa. Nasabi ko na ba sa inyong dalawa na ang s'werte ko sa inyo dahil napalaki ko kayo nang tama at maayos? Lalo ka na, Leira." Humarap si Mama sa akin.
"Ma."
"Sobrang proud ako sa 'yo dahil kahit ikaw 'yong hindi ko mas'yadong nagabayan habang lumalaki dahil kailangan mong lumayo sa amin para makatulong ay naging maayos pa rin ang buhay mo. Hindi ka napariwara kagaya ng ibang kabataan. At bilang ina, nakaka-proud na kahit ako lang mag-isa ay napalaki ko kayong dalawa nang maayos." Naiiyak na sabi ni Mama, saka salitan ulit kaming tiningnan ni Keira.
"Sobrang proud ako sa inyo, mga anak. Sana alam n'yo 'yan."
Na-guilty ako dahil hindi ko yata deserve ang sinabi ni Mama na 'yon.
"Nakaka-proud kayong dalawa at paulit-ulit ko kayong ipagmamalaki sa mga tao. Hindi lang kayo magaganda, lumaki rin kayong may mga prinsipyo."
Nagkatinginan kami ni Keira. At alam kong 'yong tingin niya ay may laman.
Hinawakan ni Mama ang tig-isang kamay namin ni Keira, saka ipinaloob sa mga palad niya.
"Natupad n'yo ang pangarap n'yong dalawa noon para sa mga kapatid n'yo na ipararanas sa kanila ang lahat ng hindi ninyo naranasan. At ito na 'yon, nararanasan na nila." Naiiyak na ngumiti si Mama, "may dalawa lang kayong hindi natupad."
"Ano 'yon, Ma?" Si Keira ang nagtanong.
"Ang ikasal kayo at magka-baby nang sabay. Nauna ka na, eh. Hindi mo na nahintay itong kakambal mo."
Muli kaming nagkatinginan ni Keira. Hindi namin alam na alam pala niya ang usapan namin ni Keira noong nagdadalaga pa lamang kami. Na sabay kaming mag-aasawa. Sabay magpapakasal at sabay magkaka-baby.
Tumawa si Keira, marahil para putulin ang lihim na tensyon na namamagitan sa aming dalawa.
"Wala pa yatang boyfriend si Leira, Ma. Hindi ko na siya nahintay kasi atat na si Michael na maging asawa ako. Alam n'yo naman, tanders na 'yon kaya naghahabol na siya. Hindi na siya puwedeng maghintay ng ilang taon kaya heto po, pinunlaan na ako ng kambal para hindi na ako makatanggi."
"Sabagay. Ano kaya kung hanapan mo ng magiging nobyo itong kakambal mo, anak." Suhestiyon ni Mama dahilan upang muli kaming mapatingin ni Keira sa isa't isa.
"Teka, si Mico ba ay single pa?"
Sabay kaming nasamid ni Keira ng sarili naming mga laway dahil sa pagbanggit ni Mama sa pangalan ni Mico.
"Bakit bigla kayong inubo? Tinatanong ko lang naman kung single pa si Mico."
"Bakit n'yo naman naitanong, Ma?" Si Keira.
"Wala naman. Parang bagay lang sila nitong kakambal mo."
Lalo akong nasamid ng laway dahil sa sinabi ni Mama. Gano'n din si Keira.
"Pinagtatawanan n'yo ba akong dalawa?" Nakasimangot nang tanong ni Mama. "Totoo namang bagay sila at kung sakali, wala namang masama do'n. Maganda nga 'yon, malalahian din ng magandang lahi itong kakambal mo. Saka, mukhang mabuting tao rin naman si Mico kagaya ng Uncle Mike niya. Nakita ko kung paano niya pakitunguhan ang mga kapatid n'yo," dagdag ni Mama.
Sana nga puwede pa kami, Ma. Sana may second chance pa para maitama ko ang lahat. Piping hiling ko.
Hindi pa sana titigil si Mama sa pagshi-ship sa akin kay Mico kung hindi pa dumating ang mga kapatid kong pawis na pawis na kasama si Michael.
Kahit bakas ang pagod sa kanilang mga mukha ay hindi maitatago ang kasiyahang naroroon.
MAY ILANG oras pang nagpakasasang maglaro ang mga kapatid namin na tila walang kapaguran bago natapos. Bandang alas nuebe ng gabi nang magyaya na si Keira na umuwi dahil napapagod na raw siya sa bigat ng tiyan niya.
Pagdating namin sa bahay ni Michael, agad na kaming nagpahinga.
Kinabukasan na ako nakatawag kay Nanay Rosa para ipaalam na maayos ang kalagayan ko. At kagaya ng inaasahan ko, muli siyang humiling na kapag gusto kong bumalik ng Manila ay tawagan ko lamang siya dahil bukas raw lagi ang tahanan nila para sa akin.
Napapangiting itinabi ko ang cellphone na ipinahiram niya sa akin. Balak kong isauli 'yon kapag nagkita kami ulit.
___________
KINAGABIHAN ng huling araw namin sa bahay ng mga Thompson ay nag-set up ng barbeque party si Michael at Keira para sa amin. Malapit sa swimming pool ang pagkaka-set up kaya tuwang-tuwang nagsiligo ang mga kapatid ko habang kami ni Keira at Mildred ang nag-iihaw.
Si Michael at Tito Arnold naman ay nag-iinom at nagkukuwentuhan. Habang si Mama ay bantay sa mga kapatid ko.
At si Mico? Hindi ko alam kung nasaan dahil hindi siya umuwi sa bahay ng Uncle Mike niya. At alam kong dahil alam niyang nandito pa ako.
Aalis. Pupunta sa lugar na wala ka dahil nasu-suffocate ako sa presensya mo. Mapait akong napangiti nang tila marinig ang tinig ni Mico.
Ramdam ko na naman pagsikip ng dibdib ko. Dahil ngayon ay hindi na siya makatagal sa presensya ko. Samantalang noon, halos hindi na siya umalis sa tabi ko. Napaka-clingy na tao ni Mico. Bukod do'n ay napakamaalaga din niya.
Kaya ngayon kahit na puro masasakit na salita ang ibinabato niya sa akin ay hindi ko magawang magalit sa kaniya. Dahil kilala ko siya, hindi siya gano'n. Hindi siya masamang tao. Dahil kung masama siya, hindi ko siya mamahalin nang ganito. At oo, hanggang ngayon ay mahal na mahal ko pa rin siya.
Wala namang nagbago sa nararamdaman ko. Siya pa rin ang nag-iisang lalaki na minahal ko. Siya pa rin hanggang ngayon...
At mahirap na sigurong kalimutan 'yon dahil sa maikling panahon, ang dami kong naranasan sa piling ni Mico. Lahat ng first ko, sa kaniya ko ibinigay... Sa kaniya ko naranasan.
Mahal na mahal ko siya. At hindi ko alam kung paano makaaalis sa pagmamahal na 'yon kung alam ko sa sarili ko na si Mico ang nag-iisang lalaki na minahal ako nang tama.
"Basa na 'yong tissue."
Napatingin ako kay Mildred nang marinig ang sinabi niya. "Ha?"
"Kako, basa na 'yong tissue ng luha mo."
Mabilis kong kinapa ang pisngi ko. At saka ko lamang na-realize na tumutulo na pala ang luha ko nang hindi ko namamalayan. Dali-dali kong pinunasan ang magkabila kong pisngi at nagpaalam kay Mildred na may kukunin lang sa loob.
Nakita ko kasing naglalakad na palapit sa amin si Keira, na hindi ko na rin namalayang umalis pala dahil sa lalim ng iniisip ko.
Bago pa man siya makabalik sa puwesto namin, nakaalis na ako.
At sa loob ng banyo, doon ko pinakawalan ang mga luha ko. Nang alam kong okay na ako, na patago ko nang nailabas ang sakit ay saka ako lumabas.
Awtomatikong huminto ang mga paa ko nang madaanan ang hagdanan. Sa taas kasi niyon ay nakasabit ang malaking larawan ni Mico. Graduation picture niya.
"Kailan ko kaya makikita ulit sa mga labi mo ang ganiyang klase ng ngiti?"
"Matagal pa siguro ulit."
Napapitlag ako nang may magsalita mula sa aking likuran. "Keira," sambit ko nang malingunan ang kakambal ko.
Sumunod pala siya sa akin.
"Saksi ako kung gaano ka niya kamahal noon, Leira. Saksi ako kung paano niya ikabaliw ang pang-iiwan mo sa kaniya."
"Keira..." Sambit ko, naninikip ang dibdib.
"Hindi mo lang siya sinaktan...pinatay mo siya, Leira."
Alam ko.
"Noong nagpapanggap ako bilang ikaw, alam mo bang inalok niya ako ng kasal?"
Natutop ko ang aking bibig. Hindi ko alam 'yon.
"Oo, Leira. Gano'n ka niya kamahal na kahit iniwan mo na siya ay handa pa rin siyang pakasalan ka. Alam mo kung bakit? Dahil ikaw daw ang lahat-lahat sa kaniya. Wala daw siyang pakialam kung bakit ka umalis, kung bakit mo siya iniwan. Dahil ang mahalaga lang sa kaniya ay 'yong bumalik ka na. 'Yong binalikan mo siya."
Habang nakikinig kay Keira, mas lalong napuno ng panghihinayang ang puso ko.
"At 'yang hagdan na 'yan," tinuro niya ang hagdanan, "diyan niya sinubukang bawiin ang buhay niya, Leira. At alam mo bang muntik na akong mapatay ni Michael sa galit noon dahil akala niya ay itinulak ko si Mico?"
Napasinghap ako.
"Oo, Lei. Lahat ng galit ni Michael noon sa pangloloko mo kay Mico, ako lahat ang sumalo. Ikinulong sa stockroom, ilang araw nagutom, tinutukan ng baril, sinabihan ng slut, ng w***e, ng mukhang pera, lahat. Ako ang sumalo, Lei. Kaya sabihin mo sa akin, wala ba akong karapatang magalit at magtampo sa 'yo pagkatapos ng mga ginawa mo na ako ang nagdusa noon?"
"Kei..."
Umiiyak na kaming dalawa.
"Sabihin mo? Wala ba akong karapatang maghihinakit sa 'yo? Si Mico. Si Michael."
"I'm sorry." Hingi ko ng tawad.
"Natuto akong magsinungaling kay Mama para pagtakpan ang ginawa mo. At hanggang ngayon nagsisinungaling pa rin tayo sa kaniya."
"I'm sorry, Kei. I'm sorry. Hindi ko alam na masamang tao si Marcus. Napilitan lang akong tanggapin ang offer niya noong una, dahil kailangan natin 'yon. Kailangan ni Tita Arnold. Walang-wala na rin ako noon, Kei. Na ultimo pagkain ko, hindi na ako makabili lalo na kapag tumatawag si Mama kaya itutulog ko na lang 'yong gutom ko para lang may maitulong ako sa inyo. Maraming beses na gusto ko nang umuwi kasi ang hirap mag-isa, pero hindi ko magawa dahil iniisip ko kayo. Maraming beses na gusto kitang pasunurin dito sa Manila para may kakampi ako, pero alam kong ayaw mo. Kaya tiniis ko na lang ang lungkot na mag-isa. Hindi ko naman isinusumbat, pero sana maintindihan mo na napilitan lang akong gawin 'yon. Umaasa ako na ikaw ang mas makauunawa sa akin dahil kilala mo 'ko." Paliwanag ko ng side ko. Dahil ngayon lang kami nagkaroon ng pag-uusap na ganito.
"Kei, maniwala ka, sinubukan kong umatras, sinubukan kong ibalik 'yong pera nang malaman ko ang totoong ipapagawa sa akin ng Marcus na 'yon. Pero huli na, hawak na niya ako sa leeg at wala na akong choice kundi ang pikit-matang gawin ang gusto niya para kaligtasan n'yo. Kaya kahit mahal na mahal ko si Mico, iniwan ko siya." Pagkatapos niyon ay napahagulhol ako ng iyak.
Umiiyak siyang umiiling-iling. "Kapatid kita, at oo, mapapatawad kita, Lei. Pero hindi na ako sigurado kung maibabalik pa natin 'yong dating samahan na mayro'n tayo. 'Yong closeness, 'yong friendship na mayro'n tayo."
Napahikbi ako. "Kei, sana maibalik pa natin....kasi kailangan kita ngayon. Kailangan ko ng kapatid, kailangan ko ng kaibigan, kailangan ko ng karamay at makikinig sa akin."
"It takes time, Leira. It takes time." Iyon lang at iniwan na niya ako.