LEIRA'S POV
NAPABALIKWAS AKO ng bangon nang magising at ma-realize na nasa hospital ako base sa hitsura ng silid na kinaroroonan ko ngayon.
Bakit nandito ako? tanong ko sa isip ko na agad ko ring nabigyan ng sagot nang maalala ang nangyari.
Oo nga pala, sa ulunan ako nakatulog magdamag dahil pinalayas ako ni Mico sa bahay ng mga Thompson at ibinaba niya ako sa kalagitnaan ng daan sa ilalim ng tirik na sikat ng araw. Natatandaan kong nahilo ako habang naglalakad.
"Paano ako napunta dito?"
Oo nga pala, natatandaan kong bago ako mawalan ng malay ay may humintong sasakyan sa tabi ko. Posibleng ang sakay niyon ang nagdala sa akin dito. "Nasaan kaya siya?"
Posible bang si Mico ang nagdala sa akin dito? Baka nakonsensya siya nang makitang masama ang pakiramdam ko at sinundan niya ako habang naglalakad.
Mariin akong napapikit dahil ito na naman ako, umaasam na sana'y si Mico ang nagdala sa akin dito. Umaasam na sana'y hindi pa tuluyang nabubura ng galit niya ang pagmamahal niya sa akin. Na sana'y may pagmamahal pa siya sa akin kahit kaunti lang. Dahil kung mayro'n pa kahit kaunti, hindi ako magdadalawang isip na ilaban pa.
Hinayaan ka ngang matulog sa ulanan at iwan ka sa gitna ng kalsada, tapos umaasa ka pang mag-aalala siya sa 'yo, Leira? Talaga ba? Hindi ka niya tutulungan dahil sinabi niya sa 'yo nang harapan na wala siyang pakialam kahit mamatay ka pa sa daan. Paalala ng kabilang bahagi ng isip ko.
Muli ay mapait akong napangiti. "Bakit nga ba umaasa pa akong siya ang nagdala sa akin dito? Imposible, Leira. Imposible kaya itigil mo na ang pag-asam na siya."
Isang buntong-hininga ang pinakawalan ko upang pagaanin ang namimigat kong dibdib.
Mayamaya'y naramdaman kong tila may nagbubukas ng pinto ng kuwartong kinaroroonan ko kaya dumilat ako at tumingin sa pintuan.
Isang nurse na lalaki ang pumasok doon at lumapit sa akin. "Kumusta po, Ma'am? I-check ko lang po ang temperature n'yo, ha?" Paalam niya, saka itinapat sa noo ko ang isang infrared thermometer.
"Bumaba na ang lagnat n'yo, Ma'am, 38 na lang. Kanina nang dinala kayo rito, 40 ang lagnat n'yo. Sobrang taas." Sabi niya matapos malaman ang temperature ko.
Inusisa rin nito ang dahilan kung bakit ako nilagnat nang gano'n. Sinabi kong naulanan ako.
"Kaya pala, Ma'am. Mas'yado kang nababad sa ulan tapos hindi agad nakaligo. Lagnat talaga ang aabutin mo kapag gano'n."
Tumango lang ako bilang komento.
"Mabuti na lang nadala kayo agad dito."
Dahil sa sinabi niyang 'yon, naisip kong itanong sa kaniya kung sino at nasaan ang nagdala sa akin dito. Nagulat siya sa pagtatanong ko dahil akala daw niya ay kamag-anak ko ang nagdala sa akin dito.
Malungkot akong napangiti dahil walang alam ang pamilya ko sa tunay na nangyari sa akin. At hindi ko rin alam kung alam ba nilang wala na ako sa bahay ng mga Thompson.
Napabuntong-hininga ako, saka tumingin sa kisame na para bang nando'n ang makapagpapagaan ng dibdib ko.
"Maiwan na kita, Ma'am, ha? May pasyente pa akong pupunta." Paalam ng nurse.
Tumango lamang ako.
Palabas na siya nang may dumating na babaeng sa hula ko'y kaedad ni Mama.
Nakangiti siyang lumapit sa akin at agad na kinumusta ang pakiramdam ko.
"Mabuti na po ako. Kayo po ba ang nagdala sa akin dito?" tanong ko kahit may hinala na akong siya nga 'yon.
"Ah, oo. Nakita ka namin ng asawa ko kanina sa daan na naglalakad. Napansin agad namin na parang madadapa ka kaya sinabi ko sa asawa ko na hintuan ka. Eksaktong pagbaba ng asawa ko, nawalan ka ng malay. Nasalo ka niya bago pa man tuluyang bumagsak sa kalsada. Ang taas ng lagnat mo kaya nagdesisyon kaming dalhin ka na sa pinakamalapit na hospital. Kaya ka nandito ngayon," mahabang paliwanag niya.
"Maraming salamat po sa pagmamagandang-loob ninyo sa akin, Ma'am." Bukal sa loob na pasalamat ko.
Dahil kung hindi sa kanila, baka kung sino na ang nakakuha sa akin. At kung hindi sila, baka tuluyan nang nasira ang buhay ko.
"Tatanawin ko pong malaking utang na loob sa inyo ang ginawa ninyong pagtulong sa akin," dagdag ko.
"Walang anuman, Ineng. Ang mahalaga'y ligtas ka na't maayos na ang pakiramdam." May matamis na ngiti sa mga labi niya nang sabihin 'yon.
"Salamat po ulit."
"Wala 'yon. Siya nga pala, bumili ako ng pagkain, kumain ka muna para lumakas ka na." Alok niya, saka binuksan ang paper bag na dala niya nang dumating kanina.
"Heto, oh. Kain ka." Inilapit niya sa akin ang platong nilagyan niya ng pagkain.
At dahil gutom na talaga ako, hindi na ako nagpapilit. Isinantabi ko muna ang hiya ko at piniling busugin ang sarili.
"Gusto mo pa?" Tanong ng babae na hindi ko pa alam ang pangalan.
"Sige po."
Napangiti ito habang nilalagyan pa ng pagkain ang plato ko. Mukhang natuwa siya na ganado akong kumain. Sinong hindi gaganahan kung bukod sa gutom ako ay masasarap din ang mga pagkain na binili niya.
Habang kumakain ako, napansin ko na parang may ka-chat ito dahil panay ang beep ng hawak niyang cellphone.
"Anak ko. Tinatanong kung gising ka na raw," paliwanag nito nang mahuli akong nakatingin sa kaniya.
"Kanina pa niya ako kinukulit kung gising ka na," dagdag niya.
Anak niya? Mukhang nabasa niya ang tanong sa isip ko dahil sa kasunod niyang sinabi.
"Oo, anak ko. Nakalimutan ko pa lang banggitin na kasama namin siya ng asawa ko kanina. At siya rin ang nagpabili ng pagkain mo."
"Gano'n po ba? Pakisabi po sa anak n'yo na salamat."
"Makakarating." Magiliw niyang sabi, saka muling nagpipindot sa cellphone niya.
Pagkatapos kong kumain, nakipagkuwentuhan siya sa akin. Nalaman kong Rosa ang pangalan niya at sengk'wenta anyos na siya. Kaya gusto niyang Nanay Rosa ang itawag ko sa kaniya. Nalaman ko rin na Felipe ang pangalan ng asawa niya at ang anak naman niyang lalaki na kasama raw kanina ay Ran Alister ang pangalan. Trenta na raw ang binata pa.
"Sana'y magkakilala kayo ng anak ko, Leira." Hiling niya, may kakaibang kislap sa mga mata.
"Sana nga po."
Madaldal si Nanay Rosa kaya sa maikling sandali na kausap siya ay parang kilala ko na ang bawat miyembro ng pamilya niya. Ramdam ko 'yong pagkagiliw niya sa akin.
"Ang daldal ko, ano?" Natatawa niyang sabi, humihingal pa sa dami ng kuwento. "Pasensya ka na."
"Okay lang po. Nakakatuwa nga po kayo, eh."
Ngumiti siya at muling dumaldal.
Mayamaya'y nagtanong na siya ng tungkol sa akin. Kung bakit ako naglalakad sa katirikan ng araw na wala man lang payong na panangga sa init. Kung nasaan ang pamilya ko. Bakit ako mag-isa. Taga-saan ako.
"Iloilo po ang probinsya ko, 'Nay."
"Ang layo. Paano ka napadpad dito sa Manila? Nawawala ka ba? Naliligaw ka? Kaya ba naglalakad kang mag-isa?" Sunod-sunod niyang tanong.
Naliligaw? Opo. Naliligaw ako. Nawawala ako sa dating ako at hindi ko na alam kung paano makabalik. Gusto ko sanang isagot sa kaniya, pero wala akong lakas ng loob.
Dahil aminado ako sa sarili ko na kahit anong sakit ng pinagdadaanan ko ngayon ay walang ibang may kasalanan kundi ako. Pagod na akong sisihin ang sarili ko. At ayoko nang makarinig ng sisi mula sa ibang tao dahil hindi naman lahat ay kayang unawain kung bakit ko nagawa 'yon. Hindi lahat maiintindihan ako. Alam kong maraming tataas ang kilay at sasabihing deserve ko ang mga nangyayari sa buhay ko.
Muli ay nakaramdam ako ng paninikip ng aking dibdib nang maisip ang mga anak ko. Na kung sana'y hindi sila nawala, 'di sana'y may magbibigay ng tapang at lakas sa akin sa mga panahong ganito, na pakiramdam ko'y wala ng may paki sa akin.
Nag-iinit ang mga matang dinama ko ang impis kong tiyan. Kung nandito sila, hindi siguro ganito kasakit. Hindi ko siguro nararamdaman na para akong mag-isa.
Bakit n'yo kasi iniwan si Mama k-kung puwede n'yo naman akong isama... Mariin akong napapikit at hinayaang maglandas ang mga luha.
Ayokong magmukhang kawawa, pero kapag naiisip ko ang mga anak ko, nanghihina ako. Para akong unti-unting tinatakasan ng lakas, at ng pag-asa.
Kung hindi pa nagsalita si Nanay Rosa, hindi ko maaalalang kasama ko siya.
"N-Nanay Rosa," sambit ko, 'yon ang gusto niyang itawag ko sa kaniya.
"Okay ka lang ba? Bakit ka umiiyak? May nasabi ba akong masama?"
Hindi ko alam kung anong nangyari, basta natagpuan ko na lamang ang sarili ko na yakap si Nanay Rosa habang humahagulhol ng iyak sa mga bisig niya.
At sa pagitan ng mga hikbi ko, nasabi ko sa kaniya na hindi ako okay na kailangan ko ng tulong. Hindi tulong financially kundi
emotionally.
"Leira," sambit niya habang hinahagod ang likod ko.
Mas lalo akong napaiyak. Dahil habang yakap ako ni Nanay Rosa ay pakiramdam ko, siya si Mama. At ito 'yong yakap na kailangan ko. Yakap na may pang-unawa at may pag-intindi.
Hinayaan ako ni Nanay Rosa na umiyak sa mga bisig niya. Hinayaan niya akong ilabas ang sakit at ang bigat.
Pagkalipas ng ilang sandali, kusa na akong bumitaw kay Nanay Rosa. Medyo nahiya ako nang makitang basa ang damit niya dahil sa mga luha ko.
"Pasensya na po, nabasa ko po ang damit n'yo."
Ngumiti siya. "Ayos lang 'yan. Sana'y gumaan kahit papa'no ang dibdib mo."
Pinahid ko ang mga luha ko, saka nagpasalamat sa kaniya.
"Walang anuman." May simpatya niya akong tiningnan, "hindi ko alam kung ano ang pinagdadaanan mo. Pero kung anuman 'yan, sana'y kayanin mo."
"S-Sana nga ho."
Hinawakan niya ang magkabilang kamay ko. "Ngayon lang tayo nagkakilala, pero hindi ko alam kung bakit ang gaan ng loob ko sa 'yo, Leira. Siguro dahil nakikita ko sa 'yo ang anak kong babae, bunsong kapatid ni Ran. Kaedad mo lang siya." Nagkaroon ng lungkot ang mga mata ni Nanay Rosa sa pagbanggit sa anak niya.
"Nasaan po siya?"
"Wala na siya. 20 years old siya nang mawala."
"May sakit po?"
Umiling siya, saka tumikhim bago muling nagsalita. "Nagpakamatay siya, iniwan kasi ng lalaking nakabuntis sa kaniya, na-depress siya kaya nakunan. Nawala ang baby niya sa sinapupunan niya. At ayon, kahit nandito kami, hindi pa rin niya kinaya. Bumigay siya, Leira." Tuluyang napaiyak si Nanay Rosa, hindi naitago ang sakit sa pagkawala ng bunsong anak niya.
"Limang taon na ang lumipas, pero hanggang ngayon ay sariwa pa rin sa isip ko ang nangyari noon sa anak ko. Hindi niya kinaya, mas ginusto niyang tapusin ang buhay niya. Bilang ina, napakasakit sa akin, Leira, lalo na't ako ang unang nakakita sa kaniya...sa banyo namin sa bahay, nadatnan ko siya, may marka ng tuyong luha sa pisngi niya, nangingitim na at wala nang buhay." Kuwento niya sa pagitan ng pag-iyak.
Luhaan siyang tumingin sa akin, hinawakan nang mahigpit ang mga kamay ko. "Kaya ikaw, huwag kang susuko sa kung anong pinagdadaanan mo ngayon. Kayanin mo kahit gaano kabigat, dahil bata ka pa. Marami pang oporturniad na naghihintay sa 'yo. Kahit pakiramdam mo, sobrang sakit na, sobrang hirap na, kayanin mo, 'wag kang bibigay. Huwag kang tutulad sa anak ko na hindi nakayanan kaya iniwan na lang kami."
"Nanay Rosa..." Napahikbi ako dahil minsan, naiisip ko na ring gawin 'yon.
"Kayanin mo... Maging matapang ka. Huwag kang bibigay kahit pakiramdam mo ay wala nang liwanag na naghihintay sa 'yo."
Napahikbi ako.
"Sabi mo may pamilya ka pa, 'di ba? Subukan mong magsabi sa Nanay mo kung anuman 'yang bitbit-bitbit mo sa dibdib mo. Maiintindihan ka niya... tatanggapin ka niya kahit anong pagkakamali ang nagawa mo. Dahil gano'n ang mga nanay, Leira."
Hindi na ako nagsalita, yumakap na lang ako sa kaniya.
Ilang sandali din kaming magkayakap ni Nanay Rosa bago pinakawalan ang isa't isa.
Sinapo niya ang mukha ko kapagkuwan. "Gusto mo bang magpatulong sa psychiatrist? Kung gusto mo, tutulungan kita."
"'Nay Rosa..."
"Hindi ka magpapatulong sa kaniya dahil nababaliw ka na, kailangan mo 'yon para matulungan kang makalaya diyan sa dala-dala mo. Gusto mo ba?"
Natagpuan ko na lamang ang sarili ko na tumatango sa kaniya.
"Good. It can help you para maging okay ka."
"Salamat po, 'Nay Rosa. Tatanawin ko pong malaking utang na loob na pinagmalasakitan n'yo ako. Na tinulungan n'yo po ako."
"Oo naman. Kailangan mo ang tulong ko at handa kong ibigay 'yon sa 'yo."
Minsan pa akong nagpasalamat sa kaniya bago niya ako sinabihang magpahinga muna. Pero bago 'yon, pinahiram niya muna ako ng cellphone at sinabing tawagan ko ang nanay ko at sabihing nasa maayos na kalagayan ako para hindi mag-alala sa akin.
Sinunod ko siya.
Tinawagan ko si Mama. Kagaya nang inaasahan ko, pinagalitan niya ako dahil hindi man lang daw ako nagpaalam sa kaniya bago umalis. Humingi lang ako ng sorry at piniling ilihim na hindi ko gustong umalis kundi pinaalis ako ni Mico.
"Saan ka ba, Leira? Sabihin mo at susunduin ka raw ni Michael diyan--"
"Huwag na po, Ma. Ayos lang po ako. Pinasyalan ko lang po ang kaibigan ko rito sa Manila bago tayo bumalik ng probinsya." Pagdadahilan ko.
Dinig ko ang buntong-hininga ni Mama bago um-oo at binilinan akong mag-ingat.
"Sige po, Ma. Tatawagan ko na lang po ulit kayo."
"Paano ka tatawag? Iniwan mo ang cellphone mo rito."
"Makikitawag po ako sa kaibigan ko."
"Sige. Basta mag-ingat, Leira."
"Opo, Ma. I love yo--" hindi ko na natapos ang pagsasalita dahil nawala na si Mama sa kabilang linya.
Natapos kaming mag-usap na hindi ko sinabing nasa hospital ako.
Ibinalik ko ang cellphone kay Nanay Rosa at nagpasyang matulog.
__________
PAGGISING KO, sumalubong sa akin ang tatlong pares ng mga mata. Kay Nanay Rosa at mula sa dalawang lalaking katabi niya.
"Gising ka na." Si Nanay Rosa ang bumasag sa katahimikan. Lumapit siya sa akin at ipinakilala ang dalawang lalaking mukhang banyaga. Nalaman ko na ang mga ito pala ang asawa at anak niya.
Hindi ko alam na foreigner pala ang asawa niya. Hindi niya nabanggit sa akin. At ang anak niyang si Ran Alister ay mukha ring banyaga. Sa madaling salita, guwapo ang anak ni Nanay Rosa.
"How are you feeling?" baritonong boses na tanong ni Ran nang lumapit sa akin.
"Mabuti na kaysa kanina."
"Good. Nabanggit ni Mommy na wala kang matutuluyan dito sa Manila, if you want, welcome ka sa bahay namin." Nakangiti niyang sabi, wala akong maramdamang pagkailang sa kaniya.
"Nabanggit din ni Mommy na you need a professional help. May kaibigan ako, puwede kitang i-recommend sa kaniya."
Habang nagsasalita siya, nakatingin lang ako sa kaniya dahil mukha siyang banyaga tapos ang tatas magsalita ng Tagalog.
"Hey, are you listening?" Untag niya.
"Yes. Thank you."
Ngumiti siya. "You're welcome."
Ibinaling ko ang tingin sa mag-asawa. At gano'n na lang ang pagtataka ko nang mahuli kong titig na titig sa akin ang asawa ni Nanay Rosa.