AUCTION: Chapter Three

1875 Words
NAPAILING si Ruth sa tanong ni Cheska. Alangan na ngumiti siya. “J-joke lang iyan, `di ba?” tanong niya. “Sana nga, joke lang, Ruth. Pero… hindi. Ito ang dahilan kung bakit may ganito kaming bahay ngayon,” anito habang diretsong nakatingin sa kanya. “Hindi kasi kapani-paniwala na may mga taong gagastos ng malaking halaga para bumili ng tao at kainin iyon, Cheska. Imposible…” “Sila ang mayayamang tao na may kakaibang trip sa buhay. Ewan ko, siguro, wala na silang magawa sa pera nila. Ganoon naman ang karamihan sa mga mayayaman—mga walang kaligayahan. Hindi nakukuntento kahit nasa kanila na ang lahat.” Hindi na siya nakapagsalita. “Hindi ko naman pinipilit na maniwala ka. Basta, ako, tumutulong lang sa’yo dahil alam kong kailangan mo ng pera.” ISANG phone number ang ibinigay nito sa kanya bago sila maghiwalay. Tawagan daw niya kung nakapagdesisyon na siya. At kahit kalahati ng kanyang utak ang hindi naniniwala ay tinawagan niya pa rin ang naturng numero sa isang payphone. Saglit lang na nag-ring ang telepono at meron na agad doon sumagot. “Password?” tila boses ng isang robot ang sumagot sa kabilang linya. Password… Oo nga pala, may sinabi si Cheska kapag tatawagan niya ang naturang numero. “Kapag tumawag ka sa number na `yan ay hihingan ka niya ng password…” ani Cheska. “Password?” kunot-noong tanong niya. “Oo. At ang password ay… I heart flesh!” Huminga muna ng malalim si Ruth bago sabihin ang password. “I heart flesh!” aniya. Sanaling katahimikan. “Ito ang Human Auction. Ano ang maipaglilingkod ko sa iyo?” “G-gusto kong magbenta!” At biglang lumakas ang kabog ng dibdib ni Ruth nang sabihin niya iyon. BUKAS, mag-ayos ka. Sa ganap na ika-walo ng umaga, sa labas ng squatter’s area kung saan ka nakatira may makikita kang kulay itim na kotse. Sumakay ka doon at ihahatid ka niya sa akin para makapag-usap tayo ng personal, Ruth… Tandang-tanda pa rin ni Ruth ang sinabi sa kanya ng nakausap niyang si Mr. Black. Ayon dito ay ito daw ang may-ari ng nag-iisang human Auction sa buong mundo. Ito na ang araw na sinabi sa kanya ni Mr. Black. Kahit hindi pa masyadong nakakapagdesisyon ay nag-ayos pa rin siya ng kanyang sarili. Mag-uusap pa lang naman sila ni Mr. Black. Gusto pa rin niyang malaman kung anu-ano ang mangyayari sa naturang human auction. Isinuot niya ang pinakamaayos niyang blouse at pantalon na tinernuhan niya ng nag-iisa niyang flat shoes. Nang lumabas siya ng kanilang barung-baron ay sumalubong sa kanya ang iba’t ibang mukha ng kahirapan. Mga dikit-dikit na bahay, mga nag-aaway na mag-asawa, madudungis na mga bata na madungis at mga lalaki na maagang naglalasing sa harap ng maliliit na tindahan. Matagal nang pangarap ni Ruth na maalis ang nanay at kapatid niya sa lugar na ito. Gusto niya ng kahit maliit ngunit disenteng tirahan para sa mga ito. Hindi butas-butas ang dingding at hindi tumutulo ang bubong kapag umuulan. Kung sakali, ang human auction ang magiging sagot sa kanyang pangarap na iyon. Halos tatlong minuto lang na naglakad si Ruth at nakalabas na siya ng squatter’s area. Gaya ng sinabi ni Mr. Black sa telepono ay may nakita nga siya doon na kotseng kulay itim. Lumapit siya doon at binuksan ang pinto sa may likuran. Agad siyang pumasok doon at nilingon siya ng driver nito na nakasuot ng maskara na parang sa masquerade party. “Ikaw ba ang pinadala ni Mr. Black?” kinakabahan niyang tanong. Hindi ito sumagot. In-start nito ang makina ng kotse. “Suotin mo ito…” ani ng lalaking driver sabay abot ng panyo. “Para saan?” “Ipiring mo sa mata mo.” Hindi na siya sumagot. Bagaman at may kaba pa rin ay sinunod na lang niya ang utos nito. Alam na niya kung bakit kailangan niyang piringan ang sarili, iyon ay upang hindi niya makita ang daan sa kanilang pupuntahan. Talaga ngang isang malaking sikreto ang Human Auction na iyon. Matapos piringan ni Ruth ang sarili ay naramdaman niya na umaandar na ang kotse. Matagal bago iyon huminto. Medyo inaantok na nga siya ng sandaling iyon. “Pwede mo nang tanggalin,” narinig niya. Agad naman niyang tinanggal ang piring sa mata niya. “Nasaan tayo?” tanong niya. “Bumaba ka na lang ng kotse. Pumasok ka sa bahay na iyong makikita. May isang babae ka na makikita na may suot ng maskara na katulad ko. Siya ang magdadala sa’yo kay Mr. Black.” “O-okey…” tugon na lang niya. Ganoon na na ang ginawa niya. Bumaba siya ng kotse at labis siyang namangha sa nakita niya. Sa tingin niya ay nagkakamali ang lalaki sa sinabi nito. Hindi isang bahay ang nasa harapan niya kundi isang mansion! Napakalaki ng bahay. Pakiramdam niya ay doble ang laki niyon sa Malakanyang! Sa harap niyon ay isang napakalaking hardin na puno ng samu’t saring mga bulaklak. May maliit na pathway na gumagabay patungo sa main door ng naturang bahay. Dahil sa pagkamangha sa mga nakikita ay bahagyang nakalimutan ni Ruth ang kaba sa kanyang dibdib. Naglakad na siya. At nang marating niya ang main door ay itinulak niya iyon. Marahan niya iyong binuksan at tuloy-tuloy siyang pumasok sa loob. “Welcome to Black’s Mansion, Ruth. My name is Cecilla—Mr. Black’s secretary. Come. This way…” Hindi na nakapagsalita pa si ruth dahil dire-diretsong nagsalita ang babae na sumalubong sa kanya. Napakasexy nito sa suot nitong black gown na bahagyang sumasayad sa sahig ang laylayan. Nang maglakad na si Cecilla ay sumunod na lang siya dito. Bago sila umakyat sa ikalawang palapag ng bahay ay napansin niya ang napakalaking bulwagan na kadugtong ng salas. Parang pwede iyong pagganapan ng malalaking pagtitipon o kaya ay isang party. Tumigil silang dalawa sa isang kulay itim na pintuan. Humarap sa kanya si Cecilla at ngumiti. “Pumasok ka na sa loob. Mr. Black is waiting for you…” Doon lang niya napagmasdan ng maigi ang mukha nito. Para itong Fil-Am dahil sa kulay brown nitong buhok. Ang features din ng mukha nito ay sa mga Americans. “Sige…” Bumalik na naman ang kaba sa kanyang dibdib. Pagkapasok ni Ruth sa loob ay wala siyang nakitang kahit anong gamit sa loob ng naturang silid kundi ang lalaking nakatalikod sa kanya na nakasuot ng suit. Kusang sumarado ang pinto kaya naman napapitlag siya. Puti ang wallpaper at sahig ng silid. Walang bintana o kahit na ano. Puro puti… “Welcome, Ruth Rodriguez. Ako si Mr. Black,” nagsalita ang lalaki at dahan-dahan itong humarap sa kanya. Nakasuot ito ng maskara. Rabbit na kulay itim. “M-magandang umaga po, Mr. Black…” nag-aalangan na tugon ni Ruth. “Lumapit ka sa akin. Let’s talk.” Lumapit naman siya dito. “So, hindi na ako magpapaliguy-ligoy pa. Ano ang ibebenta mo?” tanong agad ni Mr. Black sa kanya. “Teka lang po. Sa totoo lang, hindi pa ako sigurado kung magbebenta ba ako o hindi. Gusto kong malaman ang kalakaran niyo. Ano bang mangyayari sa akin at magkano ang maaari kong makuhang pera. At isa pa, totoo ba ang Human Auction? Para kasing… imposible!” Malakas na tumawa si Mr. Black. Dumadagundong ang tawa nito sa apat na sulok ng silid na iyon. “Pumunta ka dito pero duda ka pa rin sa Human Aucion. Okey, bibigyan kita ng pruweba…” Tatlong beses na pumalakpak si Mr. Black. Walang anu-ano ay biglang nagkaroon ng malaking flat screen TV sa dingding. “Watch this, Ruth, para maniwala ka…” At tumuon na ang mata niya sa telebisyon. Bumukas iyon at isang video ang nag-play doon. Nagulat siya nang makakita siya ng isang babae na sa tantiya niya ay nasa edad treinta ang nasa malaking hawla. May kadena iyon sa leeg at mga kamay. Sa harap nito ay maraming tao na magagara ang kasuotan. “That’s Mrs. Anjanette Reyes, our latest item. Ibinenta niya ang kanyang dibdib dahil kailangan niya ng pera. As usual… Malaki ang utang niya sa iba’t ibang tao kaya pumayag siya na maging item ko. Nabenta ang breasts niya sa halagang ten million pesos…” Tuloy-tuloy ang video. Nagpapataasan ng presyo ang mga tao doon. “P-pagkatapos, anong nangyari kay Anjanette?” tanong ni Ruth. Ngumiti si Mr. Black. “`Eto ang nangyari sa kanya…” Pumalakpak ito ng isang beses at biglang napalitan ang video. Labis na nagulantang si Ruth nang ang sunod na eksena na makita niya sa TV ay ang hubo’t hubad na si Anjanette. Walang malay itong nakahiga sa isang parang hospital bed. May isang lalaki na hindi kita ang ulo sa video na hinihiwa ang dibdib nito na parang steak sa isang sosyal na restaurant! “Tama na! Ayoko na! Patayin niyo na iyan!” nakapikit na pakiusap ni Ruth kay Mr. Black. Muli itong pumalakpak at muling lumubog ang telebisyon sa puting dingding. “Isang mayamang lalaki from Alabang ang nakabili sa breasts ni Anjanette. Sa ngayon, wala na siyang dibdib pero wala na siayng utang! Now, Ruth… naniniwala ka na ba sa negosyo ko? Seventy percent ng halaga ng parte ng katawan mo ay sa iyo, the rest, sa akin—“ “Hindi. Ayoko!” “Anong ibig mong sabihin, Ruth?” “Hindi ko kaya. Umaatras na ako,” sabay talikod niya at naglakad papunta sa pintuan. “I guess, hindi pwede ang gusti mo Ruth!” Ganoon na lang ang panlalaki ng mata ni Ruth nang pagbukas niya ng pintuan ay sumalubong sa kanya si Cecilla. May hawak itong baril na nakatutok sa mukha niya. Hindi agad siya nakagalaw sa labis na pagkabigla. “You can’t go, Ruth… Once na nalaman mo na ang tungkol sa Human Auction, wala kang pagpipilian kundi ang pumayag na maging item ko…” narinig niya ang boses ni Mr. Black sa likod niya. “Pero kung mapilit ka pa rin, pwede ka naman palang makalabas dito pero… patay ka na nga lang!” “Nilinlang mo ako!” gigil na turan niya. “No, Ruth. I am just here to help you. Kailangan mo ng pera, `di ba? Ako ang sagot. Tutulungan kita. Ano bang parte ng katawan mo ang ibebenta mo?” Napapikit siya. Mukhang wala na siyang pagpipilian kundi ang pumayag na magbenta ng kahit na anong parte ng katawan niya. Ayaw pa niyang mamatay. Marami pa siyang pangarap para sa pamilya niya at para sa kanyang sarili. Pero anong parte ng katawan niya ang ibebenta niya? Kailangan niyang mag-isip! Maya maya ay napangiti siya sa naisip. Humarap siya kay Mr. Black. “Sige… Pumapayag na ako na magbenta ng parte ng katawan ko.” “That’s good to hear, Ruth! So, ano ang ibebenta mo?” Ngumiti siya sabay sagot. “Ang buhok ko!” Maang na napatingin sa kanya si Mr. Black. Ngunit bigla itong ngumiti. “Alright, then… Ipa-pa-set ko na ang auction mamaya!” anito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD