AUCTION: Chapter Two

1622 Words
“FORTY million pesos? Seryoso ka, Ruth? Forty million pesos?” hindi makapaniwalang turan ni Cheska sa kanya. Nasa bahay si Ruth ng kanyang kaibigan ng sandaling iyon upang humingi ng tulong. Sinunod niya ang suhestiyon sa kanya ni Honeylyn na dito humingi ng tulong tutal naman ay mukhang mayaman na daw ito. At totoo naman pala. Nakabili agad ito ng isang bahay sa isang subdivision malapit sa squatter’s area. Hindi man iyon ganoon kagara ngunit masasabi namang disente. May kotse na rin ito na ang tatay nito ang gumagamit. Tinanong niya ito kung paano ito yumaman ngunit ayaw naman nitong sabihin. Ang ipinagtataka lang niya ay hindi nito tinatanggal ang suot na shades kahit na nasa loob sila ng bahay. Nahihiyang tumango si Ruth. “Oo, Cheska. Ganoon kalaking halaga ang kailangan ko para sa operasyon ni nanay. Pasensiya ka na talaga at ikaw lang ang alam kong malalapitan ko.” Sa totoo lang ay nahihiya siya na mngutang dito, kinakapalan na lang niya ang mukha para sa kapakanan ng ina. “Ruth, wala akong ganoon kalaking halaga pero mapapahiram naman kita. Hanggang five hundred thousand…” anito. Napalunok ng laway si Ruth. Kalahating milyon. Kahit wala pa iyon sa kalahati ng halagang kailangan niya ay napakalaking halaga na niyon. Kung sakali ay ngayon lang siya makakahawak ng ganoong pera. “S-sige, Cheska. Napakalaking tulong niyon.” “Pasensiya ka na, ha. Kung may mas maitutulong sana ako sa inyo…” “Naku, wala iyon. Oo nga pala, si Honeylyn, nagtatampo sa’yo.” “Ha? Bakit daw?” “Hindi mo yata pinansin no’ng huli kayong nagkita. Nagsumbong siya sa akin noong isang araw. Hala ka!” “Ang bruhang `yon!” sabay tawa nito nang mahina. “Nagmamadali kasi kami nang maglipat kami. `Yaan mo at minsan ay dadalawin ko siya. Hindi naman porket nagkaroon ako ng pera ay kakalimutan ko na kayo. Kumusta na nga pala si Aling Rita?” “Nasa ospital pa rin, eh. Hindi pa pwedeng ilabas dahil sa…” biglang nabasag ang boses ni Ruth dahil sa naiiyak na naman siya. Naalala na naman niya ang hitsura ng kanyang Nanay Rita. Napakaraming tubo at aparato ang nakakabit sa katawan nito. “Dahil sa kalagayan niya. K-kung may magagawa nga lang ako sa sitwasyon niya ngayon, eh…” Napansin ni Ruth na natahimik si Cheska sa sinabi niya. Titig na titig ito sa kanya at parang pinag-aaralan ang kanyang nararamdaman. “C-cheska? Bakit? May dumi ba ako sa mukha?” tanong niya dito. Umusog pa ito palapit sa kanya at hinawakan ang isa niyang kamay. “Ruth, gagawin mo ba ang lahat para lang magkaroon ng pera?” seryosong tanong nito. “Ha?” “Oo o hindi lang. Kaya mo bang gawin para magkaroon ng forty million pesos o higit pa?” Napatawa siya sa kaseryosohan ng kaibigan niya. “Ano bang sinasabi mo, Cheska? `Wag mong sabihin na pagbebentahin mo ako ng laman? Ayoko. At isa pa, walang magbabayad sa akin ng forty million pesos sa pagbebenta ko ng laman!” “Meron, Ruth. At marami sila!” Siya naman ang natahimik. Tila seryoso ang kaibigan niya sa sinasabi nito. “H-hindi kita maintindihan…” Huminga ng malalim si Cheska. Dahan-dahan nitong tinanggal ang suot na shades. Kaya pala lagi itong naka-shades ay dahil sa may parang benda ang kaliwang mata nito. Tinanggal nito ang benda at doon ay nakita niya na wala na ang isang mata nito! NANG tanggalin ni Cheska ang benda sa kaliwa niyang mata ay ikwenento niya kay Ruth ang dahilan kung bakit wala na ang isa niyang mata… “Eight million pesos!” sigaw ng isang may edad nang babae na nakasuot ng puting long gown. “Going once… Going twice… Sold!” ani Mr. Black at biglang namatay ang ilaw. Nakaramdam ng takot si Cheska nang balutin ng dilim ang kanyang paligid. Naroon siya sa isang malaking hawla. May kadena sa magkabilang kamay at leeg. Narinig niya ang pagbukas ng pintuan ng hawla at naramdaman niyang may papalapit sa kanya. Ngunit dahil madilim ay wala siyang ideya kung sino ang mga iyon. Hindi niya malaman kung saan siya sisiksik ng sandaling iyon. Hanggang sa may humawak sa braso niya at may itinurok doon. Unti-unti ay nakaramdam siya ng panghihina at tuluyan na siyang bumagsak sa malamig na sahig. SUMALUBONG kay Cheska ang magarang hapag-kainan nang magkaroon siya ng malay. Maraming iba’t ibang putahe ang nakahain sa napakahabang lamesa habang nakaupo siya sa dulo niyon. Nang mapadako ang kanyang mata sa kabilang dulo ay nakita niya doon ang ginang na nakabili sa kanyang kaliwang mata. Human Auction… Sinabi sa kanya ng isang kaibigan na sagot kung nais niyang magkaroon ng malaking halaga. Isa daw iyong lihim na auction event para sa mga mayayamang tao na may kakaibang “trip”—ang kumain ng karne ng tao o ibang parte ng katawan nito. Kailangan niya ng pera kaya pumayag siya. Isang mata lang naman ang mawawala sa kanya kapalit niyon ay makakaalis na sila sa kinasasadlakan nilang kahirapan ng kanyang pamilya. Seventy-thirty daw ang hatian. Seventy percent sa kanya at thirty percent naman sa auctioneer. “Good evening. Ako si Miss Villarueta…” Mahinhin ang boses ng ginang na iyon. Sa tantiya ni Cheska ay nasa edad treinta pa lang ito. Balingkinitan at maputi. Nakatali pataas ang itim nitong buhok at nakasuot pa rin ito ng maskara. Lumapit ito sa kanya at hinaplos ang kanyang pisngi. Gusto sanang umiwas ni Cheska ngunit doon lang niya napagtanto na naka-posas ang kanyang mga kamay sa armrest ng upuan niya. “Are you scared, Cheska?” tanong ni Miss Villarueta. “Gusto mo nang umayaw? Hindi pwede dahil binayaran ko na ang isang mata mo. Eight million pesos. It’s mine now… Ang isang mata mo ay akin na!” sabay dampot nito ng table knife. Nanlaki ang mga mata niya nang idampi nito ang malamig na kutsilyo sa pisngin niya. Gumapang ang kilabot sa kanyang katawan. “A-anong gagawin mo sa akin?” tanong niya kahit alam na naman niya ang gagawin nito. “Tinatanong mo pa talaga `yan? Of course, kukunin ko lang ang item na ibinili ko!” At unti-unting inilapit ni Miss Villarueta ang table knife sa kaliwa niyang mata. Sa sobrang takot niya ay ipinikit niya nang mariin ang kanyang mga mata. Ang inaasahan niyang pagtarak sa kanyang mata ng kutsilyo ay hindi nangyari, bagkus ay ang malakas na pagtawa ni Miss Villarueta ang kanyang narinig. Iminulat niya ang kanyang mata at nakita niya na halos gumulong na sa sahig sa kakatawa ang mayamang babae. May pagtataka na tiningnan niya ito habang tumitigil ito sa pagtawa. “Natatakot ka ba na baka masakit ang gagawin ko sa’yo, Cheska? `Wag kang mag-alala, wala kang mararamdaman dahil buong katawan mo ay tinurukan ng anesthesia. Look!” Biglang kinurot ni Miss Villarueta ang braso niya habang nakatingin ito, siya naman ay nakatingin sa braso niya na kinukurot nito. Mas diniinan nito ang pagkakakurot at tama nga ito, wala siyang nararamdaman na kahit katiting na sakit. Bahagya nang bumabaon ang kuko nito sa balat niya. “M-miss Villarueta, tama na po…” aniya. Wala nga siyang nararamdaman ngunit ang makita niya na bahagya nang dumudugo ang balat niya dahil sa pagkakakurot nito ay nagbibigay sa kanya ng kilabot. Bigla nitong hinila ang balat niya at napasigaw siya nang may konting laman na natanggal sa braso siya. Isinubo ni Miss Villarueta ang laman na nakuha nito at nginuya iyon na parang isang masarap na karne. Nahihintakutan na tiningnan niya ang uka sa kanyang braso. Patuloy iyon sa pagdugo. “Ngayon, siguro naman ay hindi ka na matatakot, Cheska?” Mariin na hinawakan ng ginang ang kanyang ulo. “`Wag kang kukurap, Cheska!” anito at dahan-dahan nitong itinarak ang table knife sa gilid ng kanyang mata. Ramdam na ramdam niya ang pagbaon ng malamig na metal sa kanyang mata. Halos isang pulgada din ang bumaon sa kanyang mata at dahan-dahan na tinungkab ni Miss Villarueta ang kanyang mata. Nang bahagya nang nakaangat iyon ay dinampot nito ang kanyang eyeball at hinila iyon palabas. Hindi maiwasan ni Cheska ang sumigaw nang gawin iyon ng ginang at nang maputol na ang ugat na nakakonekta sa kanyang mata! Halos panawan na siya ng ulirat ng oras na iyon. Wala na ang isang mata niya. Nasa kamay na iyon ni Miss Villarueta! Naglakad ito pabalik sa kabilang dulo ng mahabang lamesa. Inilagay ang mata niya sa puting plato. Sa pamamagitan ng table napkin ay pinunasan nito ang dugo sa kamay. Binudburan nito ng asin at paminta ang kanyang mga mata. Kinuha nito ang table knife at tinidor. “Bon appetit!” excited nitong turan at hiniwa nito sa dalawa ng mata niya. Tinusok ng tinidor ang isang bahagi at isinubo. Nakapikit na isinubo iyon ni Miss Villarueta. Mukhang sarap na sarap ito sa kinakain. Dinig pa niya ang pagnguya nito at pagkadurog ng mata ng loob ng bibig nito. Umaagos pa sa gilid ng bibig nito ang katas at dugo na galing sa kanyang mata. Biglang umikot ang paligid ni Cheska, dahil na rin siguro sa dami ng dugo na nawawala sa kanya. Gumaan ang kanyang pakiramdam at sumalubong sa kanya ang kadiliman. NAGMAMADALI na ibinalik ni Cheska ang benda nito sa mata at shades pagkatapos nitong magkwento sa kanya. Hindi malaman ni Ruth kung totoo ba ang kinuwento nito sa kanya ngunit may isang bahagi ng utak niya ang naniniwala. “Ano, Ruth, kaya mo bang gawin ang ginawa ko para sa pamilya mo?” tanong nito sa kanya. Hindi agad siya nakasagot.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD