AUCTION: Chapter One

1726 Words
“ANO ba?! Hindi ka ba makaintindi? Wala nga akong pera! `Wag ako ang pestehin mo.” “Kahit magkano lang naman, ineng… Kailangan ko lang talaga ng pera para sa gamot ng anak ko na nasa ospital.” “Alam niyo, ale. Hindi ako charity, okey? Lubayan niyo na nga ako at baka hindi ko na mapigilan ang sarili ko at masaktan ko pa kayo. Ang kulit niyo!” Nasa terminal ng jeep si Ruth Rodriguez nang araw na iyon. Pauwi na siya ng bahay mula sa pang-gabing shift sa tinatrabahuhan na pabrika ng candy. Naagaw ng isang dalaga at isang may edad na ginang ang kanyang pansin. Mukhang mayaman ang dalaga. Maganda ito at medyo matangkad. Habang ang ginang naman ay maitim ang balat, payat at ang suot nitong damit at palda ay kupas na. Nanghihingi ang matanda sa babae at mukhang ayaw magbigay ng babae kahit anong pilit nito dito. “Kahit magkano lang naman, ineng…” “Ano ba? Bitiwan niyo ako!” sigaw ng babae na nakaagaw na ng atensiyon ng ibang tao roon na naghihintay din ng jeep. Itinulak ng babae ang matanda. Natumba ang huli sa lupa at mukhang masama ang pagkakatama ng pang-upo nito dahil tila nahihirapan ito na tumayo. May awa na humaplos sa puso ni Ruth para sa matanda. Agad niya itong nilapitan at inalalayang makatayo. Matalim niyang tiningnan ang babae. “Bakit mo naman tinulak? Wala ka bang awa?” inis na turan niya. Tinaasan siya ng kilay ng babae. “Excuse me! Ang matandang `yan ang sisihin mo. She’s so kulit at mabaho. Tingnan mo, ang daming langaw na sumusunod sa kanya. Eeww! Gross!” At nag-martsa ito palayo. Nakita niya na kinuha nito ang cellphone at mukhang may tinatawagan. “Ang arte!” nakangusong bulong niya. Ang matanda naman ang binigyan ng pansin ni Ruth. Inalalayan niya ito hanggang sa makaupo ito sa upuan na naroon. Tumabi siya dito at saka iyon kinausap. “Bakit niyo po ba kailangan ng pera?” tanong niya dito. “Nasa ospital kasi ang anak ko, ineng. May kanser siya sa baga… Wala man lang ako na pambili ng gamot!” mangiyak-ngiyak na sagot nito. Nakagat ni Ruth ang pang-ibabang labi niya. Mas lalo tuloy siyang naawa dito. Agad niyang kinuha ang purse sa kanyang shoulder bag at napangiwi siya nang buksan niya iyon. Dalawang isangdaang piso na papel at ilang barya na lang ang laman niyon. Ah, bahala na nga! bulong niya. Hinugot niya ang isangdaang piso at inilagay iyon sa kamay ng matanda. “Sa inyo na po iyon. Alam kong mas kailangan niyo po iyan,” nakangiti niyang sabi. “Salamat, ineng! Maraming salamat. Napakabuti mo!” sa sobrang tuwa nito ay niyakap pa siya ng matanda. “Hayaan niyo po at ipagdadasal ko ang paggaling ng anak niyo…” aniya. PAGKABABA ni Ruth ng jeep ay nakita niya si Honeylyn. Ito ay ang kababata niya na nagtatrabaho sa isang night club. Mas maliit ito sa kanya at medyo kayumanggi ang balat. Mukhang galing ito sa bakery na nasa labas ng squatter’s area kung saan sila nakatira dahil may dala itong plastik na may laman na pandesal. “Good morning, Ruth! Sa’n ka galing?” Malakas talaga ito magsalita na parang palaging may kaaway. “Parang bago ka na lang ng bago, Honeylyn. Malamang, sa pabrika. Antok na nga ako, eh.” “Aba, malay ko ba na pang-gabi ka. Teka, kumusta na nga pala si Tonton?” tukoy nito sa fourteen years old niyang kapatid na nasa ospital. May sakit kasi itong leukemia at sumasailalim sa iba’t ibang gamutan. Bumuntung-hininga siya. “Ayun, parang walang pagbabago. Ganoon pa rin. Sa susunod na linggo, i-ki-chemo na naman siya…” Nagulat siya nang bigla siyang hampasin sa braso ni Honeylyn. “Hay naku! Bakit kasi hindi ka na lang mag-pokpok like me? Sa pabrika, five thousand ang kinikita mo sa isang buwan. Pero sa club, alam mo bang kaya kong kumita ng five thousand sa isang linggo lang? Bongga, `di ba? Maganda ka naman kaya pasok ka doon, Ruth. Ano? Type?” “Hay naku rin, Honeylyn. Ayoko. Hindi ko ibebenta ang katawan ko para lang kumita. Hindi ko kaya.” “Kahit na… para kay Tonton?” “May mga charities naman na tumutulong sa amin para sa gamutan niya. Ayoko talaga, Honeylyn. Ikaw na lang!” “Ewan ko sa’yo! Teka, nakita mo na ba si Cheska?” tukoy naman nito sa kaibigan nila na kapitbahay lang ni Honeylyn. “Hindi pa. `Di ba, isang buwan na iyong hindi umuuwi sa kanila…” “Well, umuwi na siya. At mukhang maraming pera ang loka! Aba, kahapon, nagmamadaling umalis. Ang ganda-ganda ng damit, naka-shades at may kotseng pula. Hula ko, nakasungkit iyon ng poreyner! Gagang `yon! Hindi man lang ako pinansin,” umirap pa ito. “Oh? Talaga? Baka naman tumama sa lotto?” “Imposible. Eh, wala ngang pambili ng kapeng tig-dalawang piso pamilya no’n, ticket pa kaya sa lotto. Ah, basta, hate ko na siya. Yumaman lang, akala mo kung sino. Eh, sa akin nga nanghihingi nanay niya ng bigas nang isang buwan siyang hindi umuwi! Imbyerna, `di ba? Parang itinapon na lang niya nang basta-basta iyong twenty-three years nating friendship! Oh, `di ba? Kung anong edad natin, ganoon din tayo katagal na magkakaibigan. Naku, baka naman kapag yumaman ka, Ruth, ganoon ka rin kay Cheska, ha. Kakalbuhin ko buhok mo sa ibaba!” walang prenong sabi nito. “Hindi, `no! `Wag kang mag-alala at hindi naman ako yayaman!” biro pa niya. Narating na niya ang bahay nila. Nagpaalam na siya kay Honeylyn at saka siya pumasok sa loob ng bahay nila na yari sa pinagtagpi-tagping plywood, tarpaulin at yero. Doon ay nadatnan niya ang kanyang ina na si Rita. Nagkakape ito habang nakasalampak sa sahig. May pandesal sa harap nito na isinasawsaw nito sa kape. “Mano po, `nay…” aniya. Inabot niya ang kamay nito at idinaiti sa kanyang noo. “Kaawaan ka ng Diyos,” anito. “Kumain ka na ba?” “Hindi pa po, eh. Pero busog pa naman po ako. Matutulog na lang siguro po muna ako.” Hinubad niya ang kanyang sapatos at inilagay iyon sa likod ng pintuan. Nagpalit na rin siya ng damit. Wala namang kaso sa kaniya kung sa harapan ng nanay niya siya magpalit dahil kapwa naman sila babae. “O, sige. Ah, Ruth, ako nga pala ay papuntang ospital ngayon. Dadalawin ko ang kapatid mo at pihadong naiinip na iyon doon. Dadaan na rin ako kay Mayor at kukunin iyong pangako niyang tulong.” “Sige po, `nay. Pakisabi na lang po kay Tonton na sa darating na Sabado na lang ako makakadalaw sa kanya. Tuloy-tuloy po kasi ang pasok ko sa pabrika at kulang kami ngayon sa tao,” kinuha niya ang purse niya. “Ah, `nay. Pagpasensiyahan niyo na po muna ito. Hayaan niyo at bukas ay susweldo naman ako.” Inabot ng nanay niya ang isangdaan na piso sa kamay niya. Ngumiti ito at niyakap siya. “Walang problema, anak. Malaking bagay ito. Sige na, matulog ka na at alam kong puyat ako. Ako naman ay liligo lang at—“ Biglang natigilan ang Nanay Rita niya sa pagsasalita. Bumakas sa mukha nito ang sakit sabay sapo sa kaliwang dibdib nito. “`N-nay, anong problema? M-masakit na naman ba ang dibdib niyo?” Halos isang taon nang ganoon ito. Pinipilit niya itong magpa-check-up sa doktor ngunit ayaw naman. Gastos lang daw iyon. Mas kailangan daw ni Tonton ang pera kesa dito. Pilit itong ngumit. “Wala ito, Ruth. Pagod lang siguro…” “`Nay naman kasi… Magpa-check-up naman kasi kayo…” ungot niya. “Naku, `wag na. Gastos lang iyon. Mawawala din ito.” “Sigurado po kayo?” “Oo naman.” “O, siya, kapag kayo sumakit na naman ang dibdib, hihilahin ko na kayo sa ospital!” “Ikaw talaga! Sige na, liligo na ako,” anito at tinalikuran na siya nito at pumasok na sa banyo. Naglatag na ng karton sa sahig si Ruth. Pinatungan niya iyon ng banig at saka humiga. Ngunit hindi pa man siya napapapikit nang makarinig siya ng ingay sa banyo. Parang may natumba at tumama sa sahig. Agad siyang kinabahan. Kahit inaantok pa ay nagmamadali na tinungo niya ang banyo nila. At ganoon na lang ang kanyang pagsigaw nang makita ang nangyari sa kanyang nanay. “Nanay!!!” Nakita niya na nakahandusay ito sa sahig at walang malay. At may umaagos na dugo sa likod ng ulo nito! “DOK, kumusta na po ang Nanay Rita ko? A-ano po ba ang nangyari sa kanya?” tanong agad ni Ruth sa babaeng doktor na lumabas sa operating room kung saan ginagamot ang kanyang ina. “She’s out of danger… sa ngayon. Okey na ang sugat sa ulo niya sanhi ng pagkakabagok niya. Wala namang internal bleeding o ibang damage. Pero, hindi ang sugat sa ulo ang tunay na problema ng nanay mo, kundi dito…” Itinuro ng doktor ang kaliwang dibdib niya. May pagtataka na tiningnan niya ito. “Ano pong ibig niyong sabihin? May sakit sa puso ang nanay ko?” Tumango ito. Nanginig ang buong katawan ni Ruth sa nalaman. TULALA si Ruth habang naglalakad siya pauwi. Kakababa lang niya ng jeep at binabagtas na niya ang eskinita pauwi. Malapit na raw bumigay ang puso ng kanyang Nanay Rita at kapag nangyari daw iyon ay mamamatay ito. Kailangan na raw nito ng heart transplant. Hanggang ngayon ay umaalingawngaw pa rin sa isipan niya ang napag-usapan nila ng doktor sa ospital kung saan niya dinala ang kanyang nanay. “Magkano naman po ang halaga ng sinasabi niyong heart transplant? One hundred thousand po ba? Two hundred?” Umiling ito. “Hindi thousand, Ruth… Millions. Estimated amount is forty million pesos dahil sa ibang bansa isasagawa ang operation.” Saan naman siya kukuha ng ganoong kalaking halaga? Forty million pesos! Iyong pang-chemotheraphy nga ni Tonton, hindi nila malaman kung saan sila kakamot, iyon pa kayang ganoong halaga! Gusto na niyang panghinaan ng loob ng oras na iyon. Bakit kasi kung sino pa ang mahirap, sila pa ang mas lalong pinahihirapan…
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD