Hindi naman ako nabigo sa sinabi ni Kvein dahil tumawag sa akin si Ekang at sinabing may mga bodyguard na raw sila, lalong-lalo na si Maru. Dahil doon, nakahinga ako ng maluwag at napanatag ang loob. At least, hindi na ako maa-stress kung ano ang pwedeng mangyari kay Maru kapag lumalabas siya ng bahay.
"You're smiling again."
Napalingon ako kay Kvein at mas lalong nilakihan ang ngiti sa aking mga labi.
"Maraming salamat."
"Told you, basic."
Gustuhin ko man sumimangot, pinili ko na lang na hindi. Maganda ang araw, magandang balita. Kaya ngayon ako muna ang mag-a-adjust sa kanya.
Papunta kami ngayon sa OB katulad ng gusto ni Sir Kez. Kahit magkasama kami sa bahay ni Sir Kez, parang bihira ko na lang siyang makita.
Hindi ko maiwasan na hindi panoorin si Kvein habang nagda-drive; nakasuot siya ng shades habang may bubblegum sa bibig. Parang sanay na sanay na siya sa ganoon. Ang ganda ng kurba ng kanyang panga habang ngumunguya ng bubblegum. Ang minsan niyang pagdila sa kanyang labi. Ang kaliwang kamay ay nasa manibela habang ang kanan naman ay…
Napasimangot ako nang makitang nasa hita ko pala iyon nakapatong. Lahat talaga ng bahagi ng katawan niya, napaka-landi.
"Why wanna kiss?" Umirap ako sa hangin at tinuon na lang ang tingin ko sa kalsada.
Pagdating sa OB, inalalayan niya ako papasok. Hanggang sa tinawag na kami para makapasok sa loob kasama ang doktora. Nakayakap ang braso niya sa aking bewang habang ang isa ay nakaalalay sa kamay ko.
Eto naman, kahit kaya ko naman. Kung makaalalay siya, akala mo iire na ako kay Doc.
Mag-iisang oras din kami nakipag-usap kay Doc, ay hindi pala kami. Siya lang kasi puro tanong ng tanong. Napagkamalan na nga kaming mag-asawa. Ultimo pagdilig ng halaman, tinatanong kung pwede. Hindi ko alam kung maiinis ba ako sa sobrang OA niya o matatawa na lang. Ma-appreciate kahit papaano ang pag-aalala niya sa anak ko, na kahit minsan siya ang rason ng stress ko kapag nagkakainisan kami dahil sa maliit na bagay. Buti na nga lang, di niya tinatanong ang tungkol sa s*x. Kasi jusko po, kakainin na ako ng lupa.
"Ano? Mukhang kulang na kulang ka pa sa mga tanong mo." Sabi ko sa kanya pagkalabas namin galing clinic.
"Well, the line is already long. I’m kind naman." Napailing na lang ako at nang sandaling mapalingon ako sa gilid, halos manlamig ako sa pwesto ko.
Mukhang nahalata ako ni Kvein at napalingon din sa pinagtitinginan ko. Humarap siya sa akin at tinignan ng maayos ang mga mata ko. Halatang halata siguro sa mukha ko kaya parang gets na niya agad kung sino ang tinitingnan ko.
"The Doctor just said, no stress."
Dahan-dahan akong tumango at bumuntong hininga. Bakit ba kasi sa dami-dami naming pwedeng makita sa lugar na 'to, bakit si Benedict pa?
"Let's just buy you a milktea." Hahatakin na sana ako ni Kvein palayo ng marinig ko ang boses ng lalake na matagal ko nang hindi naririnig.
"Kiara, is that you?" Nakagat ko ang labi at napahawak sa kamay ni Kvein nang nasa harapan na namin si Benedict, kasama ang ilan naming mga katrabaho noon.
Ang mga tingin nila sa akin parang nandidiri. Mga tinginan nila sa isa't isa na alam na alam kong negatibo tungkol sa akin. Nakatingin sa akin si Benedict na parang malungkot ang itsura, pero alam ko. Alam na alam ko na hindi. Ang bagay na inaasahan ko, iiyak ako kapag nakita ko siyang muli. Pero sa nakakagulat na pangyayari, walang luha ang tumulo sa aking mga mata. Maski isa, at wala akong ibang maramdaman kundi galit.
“Woah, ang laki na ng tiyan mo.”
“Obvious ba?” naiinis na tanong ko na ikinagulat niya. Pero agad naman siyang tumawa ng mahina.
“Kiara, don’t be mad at me. Masisisi mo ba ako na pagkatapos ng ilang taon nating magkasama, malalaman ko na lang na niloloko mo ako?” Natawa ako sa boses niya na akala mo sobra siyang nasaktan. Himala nga at buhay pa ito at hindi namamatay sa konsensya. Siguro nga, demonyo talaga ang isang ito.
Taas-noo akong nakipagtitigan sa kanya. “Hindi ko alam na sa tagal nating magkasama, may hidden talent ka pala.” Sinimangutan niya ako sa sinabi ko. Marami pa akong gustong sabihin, pero kinalma ko ang aking sarili. Tsaka na, kapag nakapanganak ako ng maayos. Yari talaga sa akin ang lalaking ito.
“Tapos ipapalit mo sa akin ang janitor ng kumpanya? Nasan na ang pagmamahal mo sa sarili mo? Hindi ka ba nandidiri sa nangyari—“ Hindi na niya natapos ang sasabihin ng malakas siyang sinuntok ni Kvein, dahilan para lumipad siya sa kalsada. Dahil nasa gilid na kami ng kalsada, kaya hindi imposibleng mapunta siya doon. At sakto, pagtumba niya, muntik pa siyang masagasaan ng kotse. Sayang, hindi pa natuluyan. O baka dahil hindi pa oras niya para pagbayaran ang ginawa niya sa akin.
“Talk s**t about her and I won’t think twice dragging your tongue in the street.”
Napalingon ako kay Kvein ng marinig ang nakakatakot na tono ng kanyang boses. Sa tagal naming nagkasama, never ko pa narinig ang ganitong boses niya, at mga mata niya na akala mo papatay na ng tao. Umiigting ang kanyang panga sa sobrang galit, pati ang mga kamao niya na willing pang sumuntok kay Benedict ng walang katapusan. Pero hindi ko siya pinigilan. Tinignan ko ng malamig si Benedict habang inaaway ng mga driver ng may-ari ng mga kotse na kesyo paharang-harang sa daan. Kulang pa sa kanya 'yan, demonyo siya.
Tinignan ko naman ang mga dati naming katrabaho. May halong nerbyos ang mga mata nila, pero ningitian ko lang sila ng peke. “Wag kayo mag-alala. Ligtas yang kaibigan niyo. Artistahin lang talaga yan.” Inirapan ko sila at hinatak na si Kvein papalayo sa kanila.
Wag ka mag-alala, Benedict. Hindi pa ito ang tamang araw. Pagpasok namin sa kotse ni Kvein, agad niya akong hinalikan na dahan-dahan at malambing. Nagpaubaya naman ako at nakipaghalikan sa kanya na parang doon kumukuha ng lakas.
“ Tss, your ex is so ugly.”