JAS Bakit ganoon? Kahit alam ko namang mangyayari 'to ay sobrang sakit pa rin? Alam ko namang hindi magtatagal ay tatanungin din niya 'yan sa 'kin. Wala ring silbi ang paghahanda ko. Sa tingin ko ay maaga ang pagtatanong niya at hindi ako masyadong handa sa mga sasabihin niya. Kahit na alam ko ang dahilan niya, hindi pa rin nabawasan ang sakit at tanong sa isip ko kung bakit niya 'yon ginawa. Lalo pang sumakit nang lumabas iyon sa bibig niya kanina. Ang sabi sa 'kin ni Gelo ay may malalim na dahilan siya pero hindi naman niya sinabi ang eksaktong dahilan niya para hiwalayan ako. Hindi ko na alam kung kanino pa ba ako maniniwala at makikinig. Kailangan ko rin ng masasandalan. Noon siya ang magpapatahan sa 'kin sa tuwing iiyak ako pero ngayon hindi na 'yon posible dahil may ibang babae n

