Linggo. Paglabas ko ng pinto ng kwartong tinutulugan ko, saktong kalalabas lang din ni Miss Irene na halatang bagong gising.
Iniabot niya sa 'kin ang perang budget sa loob ng isang linggo uli. Ito ang unang beses na mamamalengke akong mag-isa.
Actually, ang budget na ibinibigay sa 'min ng mga amo ko ay para lang talaga sa aming mga nagtatrabaho sa kanilakasi minsan lang naman kumain sina Miss Irene at Sir ng mga luto ko. Madalas sila nagpapabili sa labas o nagpapa-take out. Pansin kong mahilig sila sa instant at hindi sila mahilig sa gulay. Karne lang at isda ang madalas nilang ipaluto sa 'kin. Madalas pang prito.
Naghilamos ako at nagtoothbrush, nagbihis at nagsuklay. At saka, nagtungo na sa palengke na sabi ko nga ay walking distance lang. Pinuntahan ko ang suki dati ni Ate Donna at ng huli nilang katulong. Ibinigay ko ang listahan sa kanila at hinintay na makuha nila ang lahat.
Napansin ko na panay ang tingin sa akin ng isa sa mga boy roon. Binigyan ko siya ng masungit na irap. Napangiti ito.
"Ano'ng pangalan mo?" tanong niya sa 'kin. Hindi ko siya pinansin.
"Hoy Alex, tigilan mo si Nene. Magtrabaho ka riyan!" bara sa kanya ng matandang babaeng may-ari ng pwesto. Napakamot sa ulo ang lalaki. Mukhang bata pa. Sa tingin ko ay mas bata sa 'kin. Nakakailang ang mga tingin niya. Buti nalang at naibigay na sa 'kin lahat ng nasa listahan at umuwi na 'ko. Nailagay ko na sa ref ang ibang mga gulay na pwedeng magtagal kagaya ng repolyo at carrots. Kapag maisipan naming maggulay ng iba, malapit lang naman ang palengke. Nailagay ko na rin sa kabinet ang mga de bote at de latang gamit sa pagluluto. Naitabi ko na rin ang mga rekado.
Umalis ako ulit at pumunta naman ako sa meat shop na siyang suki naman ni Miss Irene. Puro mga lalaki ang tendero roon hanggang sa kahero. Binati pa nila ako. Ngumiti lang ako.
"Di ba ikaw 'yong bagong katulong ni Miss Irene?" tanong sa akin ng isa sa mga tinderong nagtatadtad ng karne.
"Opo," sagot ko.
"Mabuti naman nakakuha na sila ng magandang katulong," sabi naman ng isa.
Mukhang mga presko. Nagtawanan sila. Napaismid na lang ako. Promdi ako pero hindi ito madaling mabola!
Inilagay nila sa harap ko ang limang plastik na malalaki na may lamang karneng baboy at baka na tinadtad depende sa kung paano ko iyon lulutuin, kasama na ang ilang piraso ng buong manok. Walong kilo din ang dala ko. Mabigat syempre. Buti na lang at may mga tricycle na dumadaan kaya mabilis akong nakasakay.
Pagdating ko sa bahay ay kaagad ko iyong inilagay sa freezer. Umagang umaga, banat na banat ang mga buto ko.
Umalis si Miss Irene. Ang dinig ko bukas na raw ito babalik. Si Sir Ken ulit ang magpupunta sa shop.
Hindi naman naging pasaway nang araw na 'yon si Terence. Okay na siya sa paglalaro sa kanyang Xbox na nasa kwarto ko at sa panunuod ng cartoons.
Kinagabihan pag-uwi nina Sir, may mga kasama siya. Mga tatlo. Mga lalaking yayamanin din ang itsura, at mga gwapo ring katulad niya. Narinig ko tinawag siyang kuya ng isa. Si Troy iyon, nag-iisa at nakababata niyang kapatid. May bitbit itong maliit na asong mabalahibo. Ang cute ng aso kasi naka-ponytail pa. Kahol ito ng kahol nang ilagay ni Sir Troy sa sahig.
Hindi magkamukha si Sir Ken at si Troy. Gwapo rin naman si Sir Troy pero magkaiba ang features ng kanilang mga mukha. Mukha silang hindi magkapatid. Maliit din si Sir Triy, hindi kagaya ni Sir Ken na matangkad.
May dala silang alak at may dala ring pagkain at pulutan.
"Wala ka na bang gagawin?" tanong sa 'kin ni Sir Ken.
"Wala na po Sir."
"Sige na, pahinga ka na. Kami na ang bahala rito."
Laking pasasalamat ko. Umakyat ako at inilatag na ang sofa bed. Maaga aga ako ngayong makapagpapahinga.
Wala pang 30 minutes akong nakakaidlip nang may kumatok na sa pinto. Nag-la-lock na ako.
Pagbukas ko, si Sir Troy ang bumungad. Nakangiti siya sa 'kin. "Pwede bang dito muna si Mumbai?" Aso niya ang kanyang tinutukoy.
"Po?" sabi ko.
"Pwede bang tabi muna kayo?"
"Ha?"
Natatawa siya sa 'kin. "Mabango naman si Mumbai, eh. Naliligo siya everyday." Hinalikan niya ang aso. Naniniwala na ako. "Aalis kasi kami nina Kuya. Pupunta muna kami sa bahay, may kukunin kami. Ok lang ba?" Tumango ako. "'Wag kang mag-alala, ako nga magkatabi rin kaming matulog ni Mumbai." Ibinigay niya sa 'kin si Mumbai at itinabi ko nga sa pagtulog.
Mabango nga si Mumbai, niyakap ko pa nga habang natutulog, eh. Mas mabango pa siya kaysa kay Kuya Danny!
Hindi ko alam kung gaano na ako katagal na natutulog nang may kumatok na naman sa pinto. Kahit ang bigat na ng katawan ko at parang ayaw ko nang bumangon, tumayo pa rin ako. Pagbukas ko ng pinto, si Sir Ken naman ang bumungad. Nakabalik na pala sila.
"Hi Inday!" sabi niya sa 'kin. Alanganin ang ngiti niya.
"Bakit po?" kako.
"Pasensya ka na ha, pwede bang sa baba ka na muna matulog?" Nagsisilip sa loob ng kwarto ang iba niyang kasama. Mas marami na sila ngayon. May kalbo siyang kasama na nakakairitang ngumiti. Mataba ito. "'Di kasi sila makakauwi ngayon. Walang ibang kwarto, eh. Dito muna sila."
"Sige po," sagot ko. Iniabot ko na si Mumbai kay Sir Troy. Pinulot ko ang unan at kumot ko at saka bumaba na.
Napatingin ako sa sahig. Saan ako banda matutulog? Wala pa man din akong banig. Itinabi ko ang mahabang sofa at winalisan iyon. Doon ko inilatag ang kumot ko.
Gusto kong maiyak. Mahirap kami pero hindi ko pa naranasang matulog sa ganitong lagay. Nahiga ako at niyakap na lang ang sarili ko. Muntik pa akong mapatili nang may dumaang bubwet sa may ulunan ko papunta sa paanan ko. Gawa siguro na luma na ang bahay kaya may mga daga nang nakikitira rito. Wala e, kailangan kong magtiis. Pinilit kong makatulog, maaga pa ako bukas dahil may pasok na ulit si Terence.
Kinabukasan, ang daming kalat. Ang daming ligpitin. At ang ikinainis ko, hindi pa umaalis ang kalbong bisita ni Sir. Pinsan niya pala ito, Anton ang pangalan. Dito raw muna siya sa loob ng isang linggo. Ibig sabihin, isang linggo pa akong sa baba matutulog kasama ang mga bubwet. Madadagdagan na naman ang alaga ko. Ang siba pa naman nitong si Anton, maya't maya nagpapaluto tapos panay pa reklamo. Kesyu matabang ang luto ko o masyadong maalat. Ang dami pang request at nagpapalaba pa.
Tatlong araw pagkalipas, nabalitaan naming may bagyo. Bahain pala ang lugar namin. Hanggang tuhod ang abot ng tubig sa labas. At imbes na matulog, naglimas ako ng tubig baha sa sahig at paulit ulit na naglampaso. Syempre, doon pa rin ako matutulog, buti na lang humupa na ang baha nang lumalim na ang gabi. Doon na talaga ako naiyak. Ramdam ko ang lamig ng sahig, tapos hindi na lang mga bubwet ang dumadaan sa akin, kundi pati na rin sangkatutak na ipis.
Manhid ba ang mga amo ko? 'Di ba sila naaawa sa lagay ko? Doon ako medyo na-disappoint sa kanila.
Buti nalang, lumipas na ang makalbaryong isang linggong 'yon at umalis na si Anton. Wala na akong alagang matandang demanding. Sarap tuklapin ng anit nito. Kulang na lang magpahugas pa ng puwet! Ipinagdasal kong huwaag na siyang bumalik.
Naging maayos na ulit ang lagay ko.
Kensenas na. Natanggap ko na ang unang sahod ko. Dinalaw ako ni Ate Lina. Alam niyang sasahod nga ako sa araw na 'yon at alam niyang wala akong cellphone. Pinahiram niya ako at tinawagan ko sina nanay na nakihiram lang din ng cellphone sa kapatid ni Ate Lina na nasa probinsya. Sinabi ko sa kanila na sa katapusan na ako magpadala para malakilaki ang maibigay ko. Miss na miss ko na sila.
Tinanong ako ni Ate Lina kung kailan daw ang day off ko. Oo nga pala, nakalimutan kong tanungin ang mga amo ko tungkol roon. Kapag nagday-off daw ako at libre si Ate Lina, sasamahan niya akong mamasyal.
Humanap ako ng magandang tiyempo para magtanong kay Miss Irene.
"Miss Irene, kailan po ako pwedeng magday-off?" nahihiya ngunit derekta kong tanong sa kanya.
"Tuwing linggo pwede kang lumabas. Basta bago ka umalis sa umaga, kailangan nakapagluto ka muna ng agahan at nakapaglinis ng bahay. Tapos, kailangan ding umuwi ka sa gabi dahil alam mo namang may pasok si Terence kinabukasan."
Ikinatuwa ko 'yon. Apat na beses sa isang linggo akong pwedeng lumabas at makapagpahinga kahit papaano. 'Yon nga lang ay hindi naman laging libre para sa akin si Ate Lina. Kailangan ko nang matutong mamasyal mag-isa. Sayang naman ang ganda ng Maynila. Gusto kong mapuntahan ang mga lugar na parating binabanggit ng mga kakilala ko sa amin na pabalik balik na sa Maynila, kagaya sa Luneta Park kung saan nagkikitakita ang mga magkakababayan o 'yong magkakaprobinsya.
Nagpasalamat ako kay Miss Irene.
Nang sumunod na linggo ay nagpaalam ako kay Miss Irene na lalabas. "Pwede bang malaman kung saan ka pupunta?"
"Ah, sa Mall lang po. Mamasyal lang po tsaka may bibilhin na rin," sagot ko sa kanya.
"Wala kang cellphone diba?"
"Wala po."
"Gusto mong mag-advance para makabili ka?"
"Talaga ho?" masaya kong sabi.
Tumango siya at saka kumuha ng tatlong tig iisang libo sa kanyang pitaka at ibinigay 'yun sa'kin. Tapos kumuha pa ulit siya ng 1500. "Oh, ayan. 4500 na 'yan. Ibibigay ko na sa'yo pati ang sahod mo sa katapusan. Maraming magaganda at murang cellphone kang mabibili. Tapos magpadala ka sa Nanay at Tatay mo para makabili na rin sila ng cellphone para hindi kayo nanghihiram lang. Para anytime, pwede mo silang tawagan."
Gustong gusto kong yakapin si Miss Irene nang mga oras na 'yun. Sobrang ang bait niya!
Umalis na ako. Saan pa ba ang ibang pwede kong puntahan, kundi sa Cash & Carry lang. Doon lang naman ang alam ko. Sumakay ako ng taxi at nagpunta nga doon. First time kong mag-sa-shopping at sobrang excited ako. Unang beses akong maglilibot ng mall na walang kasamang batang makulit na takbo ng takbo.
Syempre, inuna ko muna ang cellphone,para 'di naman nakakahiya kay Miss Irene. Maraming magagandang touchscreens pero murang cellphone na may keypad lang ang binili ko. Ang mahalaga, ma-i-text ko at matawagan sina Nanay. Halos anim na raan lang, may budget pa ako para makabili ng ibang bagay na gusto ko.
Bumili ako ng maayos ayos na mga damit para may napagsasalitan naman ako sa tuwing aalis kami ni Terence at para may maisuot na rin ako sa mga pamamasyal ko sa mga darating pang linggo. Para naman i-reward ang sarili ko sa pagtatrabaho ko, kumain ako sa masasarap na food chains na sa TV ko lang noon nakikita.
Ang saya ng araw na 'yon, pagod pero sobrang nag-enjoy ako.
Hindi ako nagpagabi. Matapos kong maipadala kayna Nanay ang pera ay umuwi na ako.
Naabutan ko na nagluluto si Miss Irene. Tapos nakita kong nilapitan siya ni Sir Ken at niyakap ito mula sa likod. Naglalambingan ang dalawa. Bagay na bagay talaga sila.
Hindi sana ako mag-iingay at baka madisturbo ko sila pero napansin pa rin nila ang pagdating ko.
"Oh!" sabi ni Miss Irene. "Kumusta ang pamamasyal mo? Nakabili ka na ba ng phone?"
Tumango ako at ipinakita ko sa kanila ang nabili ko. Hinawakan pa 'yon ni Sir Ken. "Pwede na kung text at tawag lang naman," sabi nito.
"Sige na, pahinga ka na," sabi sa 'kin ni Miss Irene. "Off mo pa naman magdamag. I-explore mo ang bago mong cellphone. Kami na bahala rito."
Hay, ang bait talaga ni Miss Irene! Mukhang anghel na nga, anghel pa pati ang ugali.
"' Wag kung kanikanino ibigay ang number ha!" sabi ni Sir. Natawa ako. "Madaming siraulo rito. Baka kada nahingi ng number mo, bigyan mo."
"Hindi po," sabi ko. Tawa ng tawa si Miss Irene. Umakyat na ako at nagkulong sa kwarto. Sarap ng buhay sa isang araw!
Inabot na ako ng isang buwan dito sa kanila. Masaya ako. Sa tingin ko, magtatagal ako rito sa kanila. Ipinapangako ko sa sarili kong pagbubutihin ko pa lalo ang trabaho ko para mas matuwa pa sila sa 'kin.
Nang umabot na ako ng dalawang buwan, nagulat ako ng abutan ako ng dalawang libo ni Miss Irene kasi ang alam ko, wala na akong dapat na matanggap kasi nag-advanve na ako para sa buwan na iyon. "'Di ba sabi ko sa'yo, kapag nagustuhan namin ang serbisyo mo uumentuhan namin ang sahod mo. Ito 'yon. 'Di ba nag-advanve ka ng tatlong libo? Heto ang dalawang libong umento mo. Starting next month, limang libo na ang sahod mo."
Napatalon ako sa tuwa. At naiyak. "Salamat po Miss Irene. Ang bait bait n'yo ni Sir. Maraming maraming salamat po!"
"Masipag ka at gusto ka ni Terence. You deserve it," nakangiting sabi niya sa 'kin. Tinapik niya 'ko sa balikat, at saka umakyat na siya.
Para akong lumilipad sa saya. Mas malaki na ang maibibigay ko kayna Nanay at Tatay.
Araw ng linggo noon at nagkasakit si Ate Donna. Hindi raw ito makakapasok sa shop. Wala rin si Miss Irene. Isinama niya si Terence para bumisita sa Lolo at Lola nito sa Antipolo.
"Inday, pwede bang ikaw na lang muna ang sumama sa akin sa shop?" pakiusap sa akin ni Sir Ken. Nakabihis na ito habang ako naman ay naglilinis ng bahay.
Nag-aalangan ako pero nakakahiya namang humindi. "Sige na, magbihis ka na, hihintayin kita," sabi pa ni Sir sa'kin.
"Ano po ang isusuot ko Sir?" sabi ko.
"Kahit ano, basta komportable ka. Hindi naman opisina ang papasukan natin. Pwede na 'ying mga isinusuot mo kapag umaalis kayo ni Terence."
Umakyat na ako para magbihis. Mabuti na lang at ugali ko nang maligo nang maaga kung hindi ay baka mabaho akong sasama kay Sir.
'Di ko alam ang isusuot ko. Sa huli, napagpasyahan kong magsuot ng kulay puting sleeveless na damit at pinatungan 'yon ng blazer, at saka maong naman.
Bumaba na ako. Ay! Ayon na naman ang tingin ni Sir na 'di ko maintindihan. Para siyang biglang natitigilan at napapatitig. Nakakailang ang mga tingin niya.
"Pangit po ba?" sabi ko. "Saglit lang po, magpapalit ako."
"Hindi, hindi!" sabi niya nang akmang tatalikod na ako. "Ok na 'yan. Tara na, baka marami nang customer."
Sa likod lang sana ako ng pick up sasakay pero sinabihan niya akong sa harap na sumakay.
"May boyfriend ka ba Inday?" tanong niya sa 'kin habang nagmamaneho.
"Wala po, " sagot ko.
"Weh?" sabi niya. Mukhang ayaw talagang maniwala.
"Wala po talaga!"
"Hindi ako naniniwala."
Hindi na ako nagsalita.
"Pwede bang Lynette na lang itawag ko sa 'yo?" Napatingin ako bigla kay Sir. "Kasi puro Inday rin ang tawag sa mga katulong ng Mommy at Daddy ko. Parang napaka-sterotype naman 'di ba? Lynette na lang itawag ko sa 'yo ha? At saka 'di bagay sa 'yo ang Inday."
"Bakit naman po hindi bagay?"
Tiningnan niya 'ko tsaka umiling lang at ngumiti.
Tumigil na ang pag-uusap namin at nakarating na kami sa shop.
"Halika!" tawag sa 'kin ni Sir. "Turuan kitang mag-inventory. Matalino ka naman, kaya sisiw lang sa 'yo 'to," sabi niya.
Madali nga lang ang pinagawa niya sa 'kin. Ililista ko lang ang item na nabenta at ilalagay ang presyo. Pagkatapos nang closing na, kailangan bilangin ko lahat ng kinita sa buong araw, at kung sakto ba lahat ng nasa kaha, menus sa mga nagastos o nabili gamit ang pera sa shop sa araw ring iyon. Si Sir na ang bahala sa iba.
Napakagaan ng araw na 'yon para sa 'kin. Nakaupo lang ako at nag-aabang ng ililista. Walang stress. Okay pala ang trabaho ni Ate Donna.
Pagkauwi namin, ang dami ko pang gagawin. Wala pang sinaing at wala pang ulam. Doon na ako na-stress.
"Lynette! Halika, samahan mo 'ko, bili tayo ng ulam para 'di ka na magluto," sabi ni Sir.
Hindi na ako nagtanong pa at sumunod na lang ako nang lumabas ng bahay si Sir. Sa harap ulit ako ng pick up sumakay.
"Nag-text sa 'kin si Irene, bukas na raw sila uuwi. Wala naman daw pasok si Terence."
"Ah," sabi ko lang. Nakatingin lang ako sa daan. Ang ganda kasing tingnan ng mga ilaw sa paligid.
Tumigil kami sa tapat ng isang restaurant. At bumaba na kami ni Sir. Naupo kami sa table na pangdalawahan lang. Inabutan niya 'ko ng menu.
"Pili ka ng gusto mo," sabi niya.
Isinauli ko sa kanya ang menu. "'Yong parehas na lang din po ng sa inyo."
"Sige," mabilis niyang sabi at saka tinawag ang isa sa mga waiter.
Nag-order siya ng pasta at inumin. "Baka may gusto kang iba?"
"Ok na po 'to," sabi ko.
"Sige, kain ka na."
Nakakailang kumain kasalo si Sir. Parang ang hirap ngumuya at lumunok. Hindi ko inakalang doon na kami kakain. Akala ko ay mag-ti-take out lang kami.
"Wala kang kamag-anak dito sa Luzon?"
Umiling ako. "Wala po, e."
"Saan ka namamasyal kapag lumalabas ka, at saka sino ang kasama mo?"
"Ako lang po. Diyan lang po ako sa malapit na mall. Lakad lakad lang."
Umismid si Sir. "May boyfriend ka, e!"
"Wala po talaga!" mariing wika ko.
"'Wag ka na kasing mahiya sa 'kin. Ok lang naman kung meron," sabi niya. "Hindi naman 'yon bawal. At saka lahat ng tauhan ko open sa 'kin," nakangiti niya pang sabi.
"Wala po talaga, Sir."
"Bakit?"
Natawa ako sa tanong niya. "Bakit po ba kasi kayo nagtatanong tapos ayaw n'yo namang maniwala? Wala po talaga akong boyfriend. Wala pa pong naduduling."
Siya naman ang natawa. "Hindi ka naman pangit, ah, pa'nong walang maduduling?" Sumubo siya ng pasta. Napangiti ako pero hindi ko iyon hinayaang makita ni Sir. "E 'yong huling yaya ni Terence, ang daming boyfriend, kaliwa't kanan ang pangit naman!" Humalakhak ito.
"Ay grabe ka manlait Sir!" sabi ko.
"Ha? Bakit, totoo naman eh! Mas maganda pa si Cherry, eh!" Humalakhak ito ulit. Si Cherry ang pangalan ng alaga nilang asong bulldog.
"Grabe siya!" natatawa ko pa ring sabi. "Pero Sir," sabi kong mas seryoso na, "alam n'yo po 'yong kasabihang 'daig ng malandi ang maganda'? Baka po gano'n siya, malandi?" pabulong kong sabi.
Natawa siya. "Oo nga," sabi niya. "Naiinis ako ro'n, tamad na nga tapos 'di pa maalagaan ng maayos ang anak ko. Palaging cellphone ang inaatupag, at palaging may katawagan. Tapos lagi lang nakatambay sa labas. Kilala niya lahat ng dumadaang lalaki."
Natuwa ako kay Sir kasi kung kausapin niya ako parang barkada lang. Kaya siguro close sa kanya lahat ng tauhan niya.
Pagkatapos naming kumain, dumaan kami sa isa pang fast food at saka siya nag-takeout.
Pagkadating namin sa bahay, pinagpahinga niya na rin ako. Sa isang araw na 'yon, napagaan ang pakiramdam ko kay Sir Ken dahil siya mismo ang gumagawa ng paraan para maging bukas ako sa kanya kahit katulong lang nila ako.