"Dria, ano ba talaga ang problema mo? Kaninang umaga ka pa, ah?!" pagrereklamo ni Samantha sa kanya. Naririto na sila ngayon sa sasakyan nila at pauwi na mula sa university.
Kanina pa kasi mula nang manggaling sila sa bahay nila at sumakay sa kotse para maihatid na sila sa eskwelahan ay hindi na niya masyadong kinikibo si Samantha. Abala ang isipan niya sa pagpaplano kung paano siya makakakuha ng ebidensiya mula rito para sa gagawin niyang rebelasyon tungkol sa totoong relasyon nito at ng kanyang ama. Patango-tango lang siya kapag may sinasabi ito. Sumasagot kapag may tanong ito ngunit hindi siya nagsisimula ng anumang topic na pwede nilang pag-usapan. Alam niyang nagtataka na ito sa kanya dahil hindi siya ganon dito. Malapit sila sa isa't isa. Lahat ng bagay sa buhay nila ay ikinukuwento nila kahit nga ang pagtubo ng pimples nila.
Ngunit anong magagawa ni Dria kung hindi na niya mapipilit ang sarili na ibalik ang amor niya sa dating kaibigan pagkatapos ng mga naranasan nila ng kanyang mga magulang sa mga kamay nito? Hindi naman pwedeng iwasan na lang niya ito dahil siguradong hahabulin siya nito dahil napapakinabangan pa nito ang pera nila. Sigurado siyang gagawa ito ng drama at palalabasin na siya ang masama kung sasabihan niya itong huwag nang magpapakita sa kanya at sa pamilya niya. Ngunit kung kinakailangang puwersahin niya ito palayo sa kanya at sa pamilya, gagawin niya iyon alang-alang sa buhay ng Mommy niya. Mas importante ang buhay ng Mommy niya kesa sa pagkakaibigan nila ni Samantha. Kilala niya si Samantha at kung paano ito kumilos at mag-isip kaya mas mabuti pang unahan na niya ito.
Natigilan si Dria. Hindi. Mali pala siya. Hindi pa pala niya kilala nang lubos ang mahigpit 15 years niyang kaibigan. Hindi niya alam noon kung gaano katuso ang utak nito sa pagbabalak nito na maakit ang Daddy niya. Hindi niya alam noon kung hanggang saan ang kasamaan nito, manakaw lang ang kayamanan nila. Kung wala siyang nagawa sa unang pagkakataon, hindi na iyon mangyayari ngayong bumalik siya sa kahapon.
"Tahimik ka na naman," pagrereklamo nito. "Akina nga yan!"
Sinubukan ni Samantha na agawin ang phone na hawak ni Dria ngunit kaagad niya itong inilayo.
"Hindi mo ba alam, Samantha, na bawal kang kumuha ng hindi naman sa'yo? Pagnanakaw ang tawag doon." Kung noon ay napagbibigyan ni Dria ang mga kalokohan ni Samantha, hindi na iyon mangyayari ngayon.
"Grabe ka naman. Nakaw agad? Itatago ko lang naman para pansinin mo na ako!" nagtatampo nitong sabi sa kanya sabay halukipkip pa. Ngumuso rin ito para ipakita sa kanya ang pagtatampo nito ngunit hindi na magpapadala si Dria sa drama nito.
"Pwes, simula ngayon ay bawal mo nang hawakan ang mga gamit ko na hindi ka muna nagpapaalam sa akin, Samantha."
Nawala ang pagnguso ni Samantha at naibaba pa nito ang mga kamay bago seryosong tumingin kay Dria.
"Dria, mag-usap nga tayo nang masinsinan. Ano ba talaga ang nagawa ko sa'yo? Bakit bigla kang naging malamig sa akin? Bakit parang nag-ibang tao ka na? Si Dria ka ba talaga o nasasaniban ka ng ibang kaluluwa?"
Tumingin si Dria nang diretso sa mga mata ni Samantha.
"Kapag nasaksihan mo na ang hinaharap mo at bumalik ka sa nakaraan, siguradong magbabago ka rin," matalinhagang sagot ni Dria na lalong ikinakunot ng noo ni Samantha.
"Ano?!"
"Iyan ang sabi ng bidang babae sa bidang lalaki doon sa pinanuod ko kagabi."
"Ha?!"
Pagak na tumawa si Dria. "Wala. Mine-memorize ko kasi yung mga linya ng bida sa series na pinapanuod ko tapos istorbo ka." Hinaluan ng nagbibirong tono ni Dria ang sinabi niya.
"Ibig mong sabihin, nagme-memorize ka ng dialogue sa napanuod mong series kaya maghapon kang hindi namamansin?"
"Oo!" pagtatakip ni Dria sa totoo. Nakita niyang nakangiti nang napailing si Samantha.
"So, anong title ng series na iyon nang mapanuod ko rin? Malay mo, matulungan kita sa pagme-memorize mo sa lines ng bidang babae."
Natigilan si Dria ngunit mabilis na gumana ang isipan niya.
"Ano... Chinese kasi iyon. Ang hirap i-pronounce," pagrarason niya.
"Sus, ikaw pa ba? Sige na, ano nga yung title?" Nang magkatinginan sila, nabasa ni Dria ang paghahamon sa mga mata ni Samantha. Napalunok siya ngunit pinatatag niya ang sarili niya.
"Wǒ de pàntú péngyǒu," diretsong sagot niya. Mabuti na lang at marunong siyang mag-Chinese dahil sa isang kaklase niyang kapitbahay nila noong elementary siya. Palagi itong nakikipaglaro sa kanya noon kaya may natutunan siyang ilang Chinese words mula rito. Sayang lang nga at bumalik ito sa China kasama ang pamilya noong Grade 2 sila kaya naging loner na si Dria.
"Ha? Wo de pante...? Ano yun? Anong English translation niyan?" natatawang tanong ni Samantha.
"My. Traitor. Friend." Dahan-dahan at inisa-isa talaga ni Dria ang bawat salita at nag-abang sa magiging reaksiyon ng kaharap. At kitang-kita na naman niya kung paano nawala ang kislap sa mga mata nito kahit na nananatili ang ngiti sa mga labi nito.
"So ano ang genre?" walang sigla na rin ang boses nito kahit nakangiti pa rin ito. Lihim na umismid si Dria.
"It's about romance, rebirth, and revenge. May mag-best friend tapos inagaw ng isa yung asawa ng best friend niya to the point na pinapatay niya ito sa asawa nito," pag-iimbento ni Dria ng kuwento.
"Hmm, interesting." Tumango-tango ito para ipakita sa kanya na hindi ito apektado sa pinag-uusapan nila.
"At hindi lang iyon. Pati yung kayamanan ng babae, ninakaw rin ng best friend niya. Pinaghatian nila ng asawa niya. Tapos bumalik yung babae para gumanti sa ginawa nila sa kanya," patuloy na paghahabi ng kuwento ni Dria.
"Talaga? Nabuhay yung babae pagkatapos siyang patayin ng asawa niya?" Bumalik ang excitement ni Samantha nang makitang casual na si Dria sa pagkukuwento sa kanya.
"Hindi. Bumalik siya bilang multo. Imposible namang mabuhay ang taong pinatay na, hindi ba?"
"Pwede. Malay natin may milagro..."
"Hindi, Samantha. Walang himala. Betrayal. Greed. Jealousy. Iyon ang meron."
"Fine. Anong ginawang paghihiganti nung multo sa asawa at kaibigan niya?"
"Gabi-gabing binabangungot yung dalawa na halos maubos na yung perang ninakaw nila pero hindi pa rin sila makatakas mula sa bangungot na iyon. Halos hindi na sila makatulog. Kahit ilang psychiatrist pa, wala talagang nakakagamot sa kanila. Sabi nga di ba, money can buy a bed but not sleep." Ngumiti si Dria kay Samantha na tila may malalim na iniisip dahil sa mga sinabi niya.
"Ikaw, Samantha, ano ang kaya mong gawin para magkaroon ka ng maraming-maraming pera?"
"Ha? Syempre, magtatrabaho ako. Hindi ako titigil hanggang hindi ako ang may pinakamataas na sahod sa pagtatrabahuan ko."
"Pero alam mo ang pinakamadaling paraan, di ba?" panunubok ni Dria.
"Alin? Yung four M? Maghanap ng matandang mayaman na malapit nang mamatay? Ayoko nga. Hindi ako cheap ‘no!" Hindi pinansin ni Dria ang sinabi nito.
"Samantha, crush mo si Daddy, di ba?" diretsahang tanong ni Dria.
Nakita niyang biglang namula ang buong mukha ni Samantha.
"Ano ba yang tinatanong mo, Dria? Nakakahiya kay Uncle Ben," tukoy nito sa driver nila.
"Hindi! Sabihin na lang natin na sa edad ni Daddy ngayon, kunwari binata siya tapos mayaman tapos manliligaw siya sa'yo, papatulan mo ba siya? Guwapo si Daddy. Maganda pa rin ang katawan. Matalino. Mayaman. Actually, ubod ng yaman tapos charming pa kahit para na kayong mag-ama. Tapos crush mo pa siya. Aayaw ka ba sa kanya kung manliligaw siya sa'yo?"
Sumeryoso si Samantha.
"Kung binata siya at wala kayo ng Mommy mo, papatulan ko siya, Dria."
Si Dria naman ang natigilan. Nagsimulang magngitngit ngunit itinago niya iyon sa pamamagitan ng pagngiti.
"Pero nandito kami ni Mommy kaya sorry ka na lang."
Pagak na tumawa si Samantha.
"Hindi ko papatulan ang daddy mo, Dria dahil nandyan kayo ng Mommy mo."
"Kahit pilitin ka niya?"
"Dria, naman. Parang tatay ko na rin ang daddy mo. Tapos mag-bestfriend pa tayo. May delikadesa rin naman ako. Sa dami ng naitulong nyo sa pamilya ko, hinding-hindi ko gagawin o iisipin man lang iyan!"
Sinungaling ka! gustong isigaw iyon ni Dria sa mukha ni Samantha ngunit nagpigil siya.
"Alam kong hindi mo nga gagawin iyon, Samantha. Mabait ang Mommy ko sa'yo at sa pamilya ninyo. Ganon din kami ng Daddy ko. Hinding-hindi mo sisirain ang tiwala at pagmamahal namin sa'yo nang dahil lang sa crush mo si Daddy. Kapag ginawa mo iyon, triple ang karma na darating at sa pamilya mo. Buhay ka pa lang, susunugin na ang kaluluwa mo sa impyerno." Natulala si Samantha nang marinig ang mga sinabi ni Dria.
"Hindi ko gagawin iyon, Dria. Hinding-hindi."
Mariing tinitigan ni Dria si Samantha.
"Kung ganon, layuan mo ang Daddy ko, Samantha."
Napanganga si Samantha sa kanya.
"Uncle, itigil mo po muna sa gilid ang kotse. Tapos maglakad-lakad ka po muna. May pag-uusapan lang kami ni Samantha," utos ni Dria sa driver na agad naman nitong sinunod. Nang sila na lang dalawa sa loob ng sasakyan, itinaas ni Dria ang kamay niya.
"Akina ang phone mo, Samantha."
Tumalim ang mga mata nito at nasulyapan ni Dria kung paano humigpit ang pagkakahawak ni Samantha sa bag nito kung saan nakatago ang phone nito.
"Dria, akala ko ba pagnanakaw ang pagkuha sa gamit na hindi sa'yo?" matigas nitong tanong sa kanya. Sa pagkakataong ito, hindi na itinago ni Dria ang pag-ismid niya.
"Nakalimutan mo na ba, Samantha, na pera ng pamilya ko ang pinambili ng phone mo? So that means, pag-aari namin iyon. Ultimo ang mga suot mo, galing sa pera ng pamilya ko ang ipinambili!"
"Ano? Kukunin mo rin pati itong mga damit ko?! Paghuhubarin mo ako rito, Dria?!" galit na nitong tanong. Halos umatras na si Dria sa mga ginagawa niya. Ngayon lang niya nakitang nanlilisik ang mga mata ni Samantha ngunit nagpakatatag siya. Inisip niya na ginagawa niya ito alang-alang sa Mommy niya.
"Phone mo lang ang gusto ko, Samantha. Huwag mo akong pilitin na kunin pati ang mga suot mo ngayon," mahinahon ngunit matigas ding saad ni Dria. "Ibibigay mo naman kung wala kang itinatago, di ba?”
Nakipagtitigan muna si Samantha sa kanya na waring sinusuri kung gaano siya kaseryoso at nang makita nitong determinado talaga siya, kinuha na nito ang phone at halos ibato iyon sa kanya.
"Hayan, magpakasawa ka!"
Hindi na siya pinatulan ni Dria at mabilis nitong na-unlock ang cellphone ni Samantha. Pumunta siya sa messenger nito ngunit wala itong conversation sa Daddy niya. Pumunta rin siya sa messages nito, at wala rin. Nagsimulang kabahan si Dria. Paano kung wala siyang makikitang ebidensiya? Mapapahiya siya kay Samantha! Tiyak din na magsusumbong ito sa parents niya at palalabasin nitong marumi ang utak niya.
Nanginginig ang mga kamay na pumunta siya sa gallery nito at nag-scroll ng mga pictures nito. Nanlamig si Dria nang makitang wala ring picture na magkasama ang dalawa.
"Ano? May nakita ka?" nang-uuyam na tanong ni Samantha ngunit hindi pa rin niya ito pinapansin.
Saan pa?
Saan pa siya pwedeng maghanap ng ebidensiya?
Napatingin siya sa phone icon at isang ideya ang kumislap sa utak niya. Pumunta siya sa call logs nito at nakita niyang ang nasa unahan ay isang numero na may nakalagay na S. S? Shaun? Shaun ang pangalan ng Daddy niya.
Pinindot niya ito at saka niya inilagay ang phone sa may tenga niya.
"A--anong...?! Dria!" Tinangka nitong agawin sa kamay niya ang phone nito ngunit iniwas niya iyon at gamit ang kabilang kamay, pinigilan niya ang mga kamay nito.
“Dria, akin na yan!”
Hindi na niya nagawang sagutin si Samantha dahil may sumagot na sa kabilang linya.
"Hello, honey...?"
Nanlalaki ang mga matang napatingin siya kay Samantha na namumutla na sa kinauupuan nito.
Hindi pwedeng magkamali si Dria.
Boses iyon ng Daddy niya!