Kahit na pagod galing sa biyahe ay hindi nagpatinag si Jeffrey na hindi umakyat ng ligaw sa iniibig nito na siyang dahilan ng pagsita ng kanyang mga magulang.
"Jepoy, hindi ka pa ba nadadala diyan sa anak ni Kapitan. Pupunta ka na naman at aakyat ng ligaw eh alam mo namang hindi ka gusto no'n. Masyadong ambisyosa 'yon at ang gusto ay gwapo at mayayaman, 'kala mo naman ang ganda-ganda. Mabuti pa ang kapatid no'n na si Moring, maganda at masipag na bata." Galit na sita ng nanay ni Jeffrey.
"At kailan pa gumanda si Moring. Ang itim-itim no'n."
"Bulag ka talaga. Bagay nga kayo ni Diyosa." Singit naman ng tatay ni Jeffrey. Kahit na nanghihina ay sumasagot pa rin ito. Nakahiga lamang iyon sa kama malapit sa pintuan ng kanilang kwarto at naririnig nito ang usapan nina Jeffrey at ng kanyang nanay.
"Kayo naman, 'Nay, 'Tay, masyado niyong kinakawawa si Diyosa. Alalahanin niyo, siya ang magiging manugang ninyo kaya huwag na kayong kumontra. Tutal gusto niyo naman akong mag-asawa, si Diyosa ang gusto kong asawahin at makakasama habambuhay." Sagot ni Jeffrey.
"Lumayas na nga kayo at malamang ay nag-aantay na sa inyo si Diyosa. Jeffrey, 'yang kaibigan mo, ingatan mo 'yan at baka gayumahin ni Diyosa. Malakas ang pakiramdam ko na kaya 'yon pumayag na umakyat ka ng ligaw ay dahil diyan sa kaibigan mo." Walang prenong paalala ng nanay ni Jeffrey.
"Masyado talaga kayong mapaghinala, 'Nay. Alis na nga kami." Badtrip na sabi ni Jeffrey at inakay na palayo si Angelo.
"Pasensiya ka na pala Boss sa nanay at tatay ko. Mabunganga talaga ang mga 'yon. Ayaw kasi nila kay Diyosa dahil ang gusto nila para sa akin ay ang kapatid nito na si Moring. " Wika ni Jeffrey kay Angelo habang pababa na sila ng bundok patungo sa bahay ng kapitan.
"Okay lang. Ikaw lang naman ang inaalala nila." Sagot ni Angelo.
“Hmmm… ‘wag mo na silang kampihan, Boss. Ganyan talaga sila pagdating kay Diyosa.”
"Okay sige.”
Nagpatuloy na sa paglalakad ang dalawa. Nangangalahati na sila ng nilakbay ng tumigil saglit si Angelo.
"Parang may naririnig akong tugtog.." pinakinggan nito ng mabuti at minuwestra kay Jeffrey kung saan niya naririnig ang tugtog.
“Galing 'yan sa discohan sa baba.. sa may covered court."
"Discohan?" takang tanong ni Angelo.
"Disco o bayle ang tawag namin sa sayawan dito sa probinsiya. Sa Manila kasi uso doon ang club at doon naman sa inyo sa hasyenda, wala namang disco, Boss, kaya boring kahit maganda ang lugar ninyo. Dito kasi sa amin, hindi kumpleto ang fiesta kapag walang malalakas na tugtog.” Pagmamayabang naman ni Jeffrey.
"Oo nga malakas nga habang pababa tayo ng pababa."
"Sige, Boss, daan muna tayo doon bago pumunta kila Diyosa, my loves. Medyo maaga pa kaya wala pang tao sa covered court. Mas maganda sana pumunta doon kapag maraming tao dahil marami nang kadalagahan na sumasayaw galing sa ibang lugar."
"Ayokong sumayaw. Dumiretso na lamang tayo doon sa nililigawan mo."
"Hindi, Boss. Saglit lang tayo. Ilang metro lang naman ang covered court sa bahay nila Kapitan."
"Okay!"
Habang pababa ng pababa ay mas lalong lumalakas ang tugtog. Si Angelo naman ay medyo naririndi na sa lakas ng tugtog lalo na’t hindi niya alam ang mga kantang kanyang naririnig, Hindi naman ito ang naririnig niya sa mga club na pinupuntahan nila ng kanyang mga kaibigan.
Gusto na nga sana niyang umangal kay Jeffrey na huwag nang tumuloy doon pero mukhang enjoy na enjoy si Jeffrey sa tugtog at sumasabay din ito sa pagkanta at pagsayaw habang papalapit sila kaya sumunod na lamang siya dito.
(Music background playing)
PARO PARO G
Flying High Butterfly! ...
Fly high Butterfly Ta,ta,ta,ta..
Fly high Butterfly ta,ta,ta,ta
Fly high Butterfly
Flying High Butterfly
Paro-Paro G Paparo-Paro G
"Boss! Boss! Ito ang sinasabi ko sa inyong budots--- paro-paro g.." kumanta at sumayaw pa si Jeffrey sa gitna ng daanan kahit sila lamang dalawa.
"What the heck! Anong klaseng sayaw 'yan!" Gulantang na wika ni Angelo kay Jeffrey.
"Ganito talaga ang sayaw na 'to, Boss. Dati nga sumayaw din ang presidente natin ng budots eh. Popular kaya 'to." Ayaw pa ring paawat ni Jeffrey kaya naman hinayaan na niya ito.
Nagpatuloy na lamang sila sa paglalakad hanggang sa makarating sila sa covered court. Kita ni Angelo ang iba’t ibang klase ng laser lights na katulad din sa club sa Manila. Ang kaibahan lang, dito ay open area at kitang-kita kung sino ang nagsasayawan sa gitna.
'Hindi ba nahihiya ang mga taong sumayaw sa ganitong ka-open na lugar. Kapag sumayaw ka dito ay makikita ka ng lahat ng tao.' Sa isip-isip ni Angelo.
"'Di ba, Boss, ang saya dito sa'min?" sumasayaw na naman si Jeffrey pero ngayon ay hindi na naalibadbaran si Angelo dito dahil ganito rin sumayaw ang mga kabataang nakikita niya sa covered court.
"Yeah. Obvious ngang masaya dito." Sigaw na sagot ni Angelo para magkarinigan sila ni Jeffrey.
"Halika ka na, Boss. Punta na tayo sa bahay ni Kapitan para makita ko na si Diyosa, my loves." Akay ni Jeffrey kaya umalis na sila sa covered court.
Ilang metro lamang ang kanilang nilakad at narating na nila ang bahay ng Kapitan.
"Malapit lang pala ang bahay ng Kapitan niyo dito." Sigaw na wika ni Angelo. Kahit na dito ay malakas pa rin ang tugtog pero hindi kasinglakas kapag nasa mismong covered court.
"Oo kaya nga pinakita ko sa'yo, Boss. Teka, lang--- Tao po! Kap! Kap!" Sigaw ni Jeffrey sa labas ng gate.
Maya-maya ay may lumabas na isang may-edad na babae na kamukha ng babaeng kausap ni Jeffrey noong hapon.
"M-magandang gabi po, Nay-- ang ibig kong sabihin, Aling Neneng." Bati ni Jeffrey sa may-edad na babae.
"Walang maganda sa gab--- ay, Jepoy may kasama ka pala." Biglang nag-iba ang mukha ng may-edad na babae ng makita ang kasama ni Jeffrey. "Sino 'yang kasama mo at ngayon ko lamang nakita. Aba'y nakapagwapo at macho naman." Ni hindi man lang nahiya si Aling Neneng na magsabi no'n sa harap ng dalawa. Parang si Angelo pa tuloy ang nahiya dahil hindi niya alam na gano'n kaprangka ang mga tao sa probinsiya.
"Kaibigan ko po, siya si---"
"Magandang gabi po, Aling Neneng!" Natigil sa pag-uusap ang tatlo ng may isa pang lalaki ang biglang dumating.
Nabaling naman ang atensiyon nina Jeffrey at Angelo sa bagong dating.
May hitsura ang lalaki. Matangkad ito at hindi nalalayo ang tindig at hitsura kay Angelo. Mas matangkad at malaki lang ng kaunti ang katawan ni Angelo pero maputi at malinis ang lalaking biglang dumating. Sa unang tingin pa lamang ay mukha na itong maykaya dahil malinis at magara ang suot na damit. May dala din itong bulaklakak at chocolate.
"Oy, Mayor, kayo pala. Napadalaw kayo?" Nahinto ang pagpunta ni Aling Neneng kina Jeffrey at Angelo, bagkus ay lumiko ito pinuntahan si Mayor.
"Dadalaw po sana kay Moraine," nakangiting wika ng Mayor.
"Ah.. eh... Wal---"
"Magandang gabi po, Aling Neneng." Napatingin ang lahat sa isa pang bagong dating.
Isang matikas din na lalaki ang bumati sa may-edad na babae at katulad ni Mayor ay nakasuot din ito ng maayos na damit. Halatang galing din ito sa isang mayamang pamilya dahil may dala din itong bulaklakak at chocolate... pagkain at alak. Dinoble nito ang bulaklakak at chocolate na dala ng Mayor.
"Magandang gabi naman, Congressman." Abot tenga ang ngiti ni Aling Neneng pagkakita sa Congressman. Imbis tuloy kay Mayor ay kay Congressman ito lumapit.
"May dala po pala akong pagkain at alak, para po sana sa inyo at kay Kapitan." Kaagad na inabot nito ang dalang pagkain at alak kay Aling Neneng.
"Salamat, Congressman. Nako nag-abala pa kayo. Pasok po kayo." Mas lalong lumapad ang ngiti nito ng makuha na ang pagkain.
"Nariyan po ba si Moraine?" tanong din ng Congressman.
"Ah eh.. w-wala pero hahanapin ko. Ang babae kasing 'yon, dalaga na pero kung saan-saan pa gumagala alam naman niyang gabi na. Pasok po kayo at pagsasabihan ko si Diyosa na asikasuhin muna kayo. Nariyan sa loob si Eduardo at sasabihan ko na narito kayo."
"Aantayin---"
"Huwag na po kayong mahiya Congressman at bukas lagi ang tahanan namin sa inyo." Papasok na sila ng bumaling naman ang babae sa mayor. "Mayor, pasok din po kayo!"
Umiling naman ang Mayor. "Sige po, mauna na po ako. Baka makita ko sa daan si Moraine. Pakibigay na lamang po sa kanya," inabot na nito ang dalang bulaklakak at chocolate sa babae at umalis.
"Aling Neneng, paano po kami? Pwedeng dumalaw kay Diyosa?" Lakas-loob na tanong ni Jeffrey. Naagaw naman nila ang pansin ng dalawang lalaki.
Napatingin ang mga ito kay Jeffrey at lumipat kay Angelo.
Nagsukatan naman ng tingin ang tatlo kahit ngayon pa lamang nagkita.
May binulong naman ang Congressman kay Aling Neneng kaya nagsalita ito, "Jepoy, ipakilala mo naman 'yang kasama mo para madalaw mo si Diyosa."
Gustong manguno't ng noo ni Angelo sa sinabi ng babae. Alam niyang gustong malaman ng Congressman kung sino siya kaya bumulong ito kay Aling Neneng.
"Kaibigan at katrabaho ko po. Ulila na po siya at walang kamag-anak kaya sinama ko dito sa atin para sumayaw ng budots." Pagmamayabang naman ni Jeffrey.
Gusto sanang batukan ni Angelo si Jeffrey dahil sa sinabi nito pero pinigilan niya ang kanyang sarili. Ginawa pa siya nitong katatawanan. Sino naman ang maniniwala na gusto niya ng budots eh ang laki ng katawan niya at matangkad pa.
Biglang tumawa naman si Congressman at Mayor sa sinabi ni Jeffrey. Bumulong ulit ang Congressman sa babae kaya nagsalita ito, "okay sige, pasok na din kayo."
Natuwa naman si Jeffrey sa sinabi ni Aling Neneng. Kasunod lamang nito si Angelo na gusto nang upakan ang driver dahil sa sinabi nito kanina. Ang Mayor naman ay umalis na at hindi tumuloy ng marinig na bago lamang si Angelo kanilang lugar.
Pagpasok sa sala ay kaagad naman na tinawag ni Aling Neneng ang Kapitan at si Diyosa.
Nang makita ang Congressman ay magiliw naman na kinausap ito ng Kapitan samantalang si Diyosa ay akala mo kiti-kiti na hindi mapakali. Panay ang pa-cute kay Congressman na kinangiwi naman nito.
Nang mapadako ang tingin ng mag-ama kay Jeffrey at Angelo ay kaagad namang bumitiw si Diyosa kay Congressman at magiliw na lumapit kay Angelo.
Pero bago pa makalapit si Diyosa ay iniharang na ni Angelo si Jeffrey sa kanyang harapan.
"Para pala sa'yo, Diyosa." Sabay abot ni Jeffrey ng dala nitong maliit na paper bag.
Kaagad din itong kinuha ni Diyosa pero malapad ang ngiti kay Angelo.
"Ah, Jepoy, ano nga pala ang pangalan nitong kaibigan mo?" tanong nito kay Jeffrey na lihim na kinangiwi naman ni Angelo.
'What the heck. Bakit tinatanong nito ang pangalan ko?’ Ito naman ang naisip ni Angelo.
"Siyanga pala--"
"Hello? Hello..? Hindi kita marinig.. sandali." Nilabas ni Angelo ang cellphone at nagkunwari na may tumatawag sa kanya at sumenyas na lalabas para marinig ang kausap. "Sige, lalabas na para marinig kita. Hello...."
Bago tuluyang makalabas ng pinto ay nakita pa ni Angelo na susundan pa sana siya ni Diyosa, mabuti na lamang at maagap naman si Jeffrey na harangan ito kaya nakalabas siya sa bahay ng matiwasay.
Nakahinga ng maluwag si Angelo ng hindi na siya sinundan ng nililigawan ni Jeffrey.
"What the heck. Sa susunod talaga ay hindi na ako sasama kay Jeffrey na pumunta dito. Iba ang kutob sa nililigawan niya."
Tinago na ni Angelo ang kanyang cellphone at maghahanap n asana ng mapupuwestuhan habang inaantay si Jeffrey ng makarinig siya ng boses na parang galing sa likod ng bahay.
Dala ng kuryusidad ay sinundan ni Angelo kung saan nagmumula ang kanyang naririnig.
"Ikaw na malandi ka, ilang beses ko nang sinabi sa'yo na 'wag kang lalabas ng bahay. Suwail ka talaga, nagmana ka sa nanay mong haliparot." Nakita ni Angelo ang isang babae na sinasabunutan ni Aling Neneng at nginungodngod sa isang lutuan. Ito ang tipikal na lutuan sa probinsiya na hiwalay ang lutuan sa kusina, nasa labas ito ng bahay.
"'Wag na 'wag niyong idadamay ang nanay ko kapag galit kayo sa akin. Masyado kayong abusado porke't hindi ko kayo pinapatulan. Puwes hindi ko palalampasin ang pang-iinsulto niyo sa nanay ko!" Kahit na nasasaktan ay nagawa ng babaeng kumawala sa pagkakasabunot ni Aling Neneng. Sa isang iglap ay pinagsasampal nito si Aling Neneng dahilan ng pagkatumba nito.
"Tulong! Tulong! Eduardo!" Sigaw ni Aling Neneng. Lalapitan pa sana ulit ito ng babae ng biglang bumukas ang isang maliit na pintuan at niluwa noon ang Kapitan at si Diyosa. Kaagad na dinaluhan nila si Aling Neneng at pinatayo samantalang akmang sasampalin sana ni Diyosa ang babae pero sinaway ito ng Kapitan.
"Eduardo, tulungan mo ako! Tingnan mo ang ginawa niyang bastarda mong anak. Pinagsasabihan ko lamang na labasin si Congressman dahil kanina pa nag-aantay, pero sinagot lamang ako at tinulak--"
"Moraine! Hindi kita tinuruan na saktan ang Nanay Neneng mo."
"Sinungaling ka!"
"Huwag kang sumagot kapag pinagsasabihan kita!" Sigaw ng Kapitan.
Kaagad namang tumahimik ang babae.
"'Yan kasi, hindi mo masyadong dinidisplina 'yang anak mo."
"Tumigil ka na, Neneng! Moring, puntahan mo na si Congressman sa sala dahil nag-aantay siya sa'yo," utos nito sa babae.
"Pero, Tay! Ayoko po! 'Di ba sinabi ko na sa'yo na hindi ko siya gusto kahit na 'yang si Mayor. Huwag niyo na akong ipagtulakan diyan sa kanila dahil hindi ko sila gusto. Nandiyan naman si Diyosa, mas nababagay sila sa kanya!" Sagot ulit ng babae. Nakatalikod ito sa puwestong pinagtataguan ni Angelo kaya hindi niya makita ang kabuuan ng babae. Nacucurious siya kung anong mukha nito dahil dalawang bigating tao ang nanliligaw dito.
"Tandaan, mo kapag isa sa kanila ang naging asawa mo, matutulungan nila ako kapag tumakbo ako sa darating na eleksiyon. 'Di ba mahal mo si Tatay. Hindi mo naman siguro ako hahayaang matalo sa eleksiyon.." bigla ay naging malumanay na ang tinig ng Kapitan.
"Bakit ako pa, nariyan naman si Diyosa?" nag-aalburutong sagot nito.
"Ewan ko nga sa mga lalaking 'yon. Mga bulag sila. Hindi ka naman maganda. 'Di hamak naman na mas maganda sa'yo si Diyosa, mas maputi pa. Ikaw na n*gra, ikaw pa ang nagustuhan nila!" Gigil na sabi ni Aling Neneng.
"Neneng! Kapag hindi ka pa tumigil, makakatikim ka sa akin. Pumasok na muna kayo ni Diyosa," Utos ng Kapitan.
"Kaya lumalaki ang ulo ng anak mong 'yan dahil lagi mong pinapanigan," Biglang sabi ni Aling Neneng.
Biglang sinamaan ito ng tingin ng Kapitan kaya nag-aalburutong pumasok na ang dalawang babae sa loob.
Nang makapasok na ang dalawa ay saka niyakap ng Kapitan ang babae.
"Pasensiya ka na sa Nanay Neneng mo. 'Di ba sinabihan na kita na huwag mo siyang papatulan. Alam mong malaki ang utang na loob ko sa kanya kaya ako nakalaya sa kulungan at naging Kapitan pa. Simula ng mawala ang nanay mo ay siya lamang ang tanging tumulong sa atin kaya kung ano man ang ginawa niya sa'yo, ako na ang humihingi ng pasensiya, Moring." Masuyong sabi ni Kapitan.
"Hindi ko naman siya papatulan kahit na anong pananakit niya sa akin dahil lagi ko kayong iniisip pero ibang usapan kapag ininsulto niya si Nanay. Hindi ako makakapapayag na pagsalitaan niya ng gano'n si Nanay kahit wala na ito." Matapang na sabi ng babae at umalis sa pagkakayakap ng Kapitan.
"Papasok na ako sa loob at baka magtampo na silang dalawa. Ayusin mo na din ang sarili mo at pakiharapan mo si Congressman. Alam kong hindi mo sila gusto pero, Moring, alang-alang sakin pakiharapan mo sila ng maayos kahit hanggang matapos lamang ang darating na eleksiyon. Mahirap silang kalaban kaya nakikisama lang din ako."
"Sige po, Tay, para sa inyo, pakikisamahan ko sila. Mauna na po kayong pumasok at maglilinis lang po ako ng katawan."
"Salamat, Moring."
Nauna nang pumasok si Kapitan at naiwan naman ang babae sa labas.
Hindi naman makaalis si Angelo sa pwesto niya dahil makikita siya nito. Nagtago kasi siya sa loob ng banyo. Kanina ay hindi pa siya napansin ng babae at ni Aling Neneng kasi nag-aaway pa ang dalawa. Pero ngayong ay hindi alam ni Angelo kung paano siya makakalabas doon ng hindi nakikita. Narinig pa naman niya na maglilinis ng katawan ang babae.
'Bahala na.'