SPNJ-2

1160 Words
Si Angelo Sobrevega ay ang nag-iisang apo at tapagmana ng Sobrevega Corporation na nagmamay-ari ng pinakakilalang alak sa Pilipinas. Bata pa lamang ay namatay na sa plane crash ang kanyang mga magulang habang papunta sa Hawaii para sa kanilang fifth anniversary. Mabuti na lamang at hindi nila isinama si Angelo sa kanilang biyahe dahil nagkataong maysakit ito kaya naiwan ito kay Senyor Pepito na kanyang lolo. Nang pumanaw ang mga magulang ni Angelo ay si Senyor Pepito na ang namahala sa naiwang negosyo ng kanyang anak. Pinalago niya ito hanggang sa lumaki at naging kilala sa buong bansa. Pero kahit na mayaman at billyonaryo na ang pamilya Sobrevega ay hindi naman sila matapobre. Katunayan ay tinuruan din ni Senyor Pepito si Angelo na makisama ng maayos sa kanilang mga tauhan, sa hasyenda man o sa kanilang main office sa Manila dahil kapag hindi mo minahal ang iyong mga tauhan ay hindi din sila magtatrabaho ng maayos kaya naman kahit na lumaking may gintong kutsara si Angelo ay marunong itong makibagay sa mga mahihirap. Kaya nga noong nalaman niya ang plano ng kanyang abuelo na ipapakasal kay Lindsay ay hindi talaga siya pumayag. Hindi lingid sa kaalaman niya na nalulugi na ang hasyenda ng pamilya ng dalaga at hindi din maganda ang pakikitungo nila sa kanilang mga tauhan. Siya mismo ay saksi kung paanong sigaw-sigawan nina Lindsay at ng kanyang pamilya ang kanilang mga tauhan kapag nagkakamali ang mga ito. Magkaibigan kasi sina Senyor Pepito at Senyor Juan na lolo ni Lindsay kaya naman nagkasundo ang dalawang matanda na ipakasal sila. Nang hindi siya pumayag ay tinakot siya ng kanyang Abuelo na tatanggalan ng mana kapag hindi pinakasalan si Lindsay. Hindi naman siya takot mawalan ng mana dahil may sarili siyang negosyo na nakapangalan talaga sa kanya at hindi kay Senyor Pepito kaya malakas ang loob ni Angelo na suwayin ang matanda. Mas gugustuhin pa niyang maghirap kesa makasal kay Lindsay na hindi niya mahal. Magtatago muna siya at babalik kapag humupa na ang galit ng matanda. “Boss, gising! Narito na po tayo!” “Sabi ko sa’yo ‘wag mo’kong tatawagin na Boss kapag nasa labas tayo. Angelo na lang.” Pagtatama ni Angelo kay Jeffrey. “Eh hindi pa kasi ako masyadong sanay.” Kakamot-kamot sa ulo na sagot ni Jeffrey. Kinuha na nila ang mga bagahe ni Jeffrey at nagsimulang maglakad paakyat sa isang bundok. Habang naglalakad ay may nadaanan silang isang bahay na agaw pansin dahil bukod tanging-ito lamang ang pinakamalaki at sementado sa lugar na ‘yon. Mula sa bahay na ‘yon ay may natanawan silang isang babae na nagwawalis sa loob ng bakuran. Tumigil si Jeffrey sa harap ng gate ng bahay at binati ang babaeng nagwawalis, “Diyosa! Diyosa! Magandang hapon.” Kaagad namang tumigil sa pagwawalis ang babae at lumapit sa dalawa. Una nitong tiningnan si Jeffrey at pagkatapos ay tumingin kay Angelo. Namula kaagad ang pisngi nito ng makita si Angelo. “J-jeffrey, ikaw pala. Nakauwi ka na pala. Kamusta naman?” nahihiyang tanong ng babae. “Okay naman. Ito sa awa ng Diyos ay bakasyon na naman. Mauuna na pala kami, dumaan lang ako para batiin ka.” “Eh, Jeffrey, sino ‘yang kasama mo?” nahihiyang tanong ulit ng babae sabay turo kay Angelo. “Ahh… Angelo si Diyosa, kababata ko. Diyosa si A-angelo pala, k-kasamahan ko ‘ding driver sa pinatatrabahuhan ko.” Sagot ni Jeffrey. Nakipagkamay naman si Angelo sa babae pero hindi niya inaasahan na pipisilin ng babae ang kanyang palad kaya kaagad niyang kinuha ang kanyang kamay. “Sige, Diyosa, mauna na kami ni Angelo. Inaantay na kami nina Nanay at Tatay. Pwede bang dumalaw sa ‘yo mamayang gabi?” banat ni Jeffrey bago umalis. “Pwede basta isama mo si Angelo.” Kuntodo ngiti na ngayon ang dalaga. “Bakit kasama siya? Ako lang naman ang aakyat ng ligaw?” Bigla ay nagselos itong si Jeffrey. “Kung ayaw mo, eh ‘di---” “Joke lang, Diyosa. Siyempre isasama ko siya para naman makadalaw ako. Sige mauna na kami ha.” Tuluyan na ngang nagpaalam ang dalawa at iniwanan ang babaeng kausap ni Jeffrey. Nang makalayo-layo na sila ay saka nagsalita si Angelo. “Nililigawan mo?” “Oo, Boss. Kaso, masyadong pakipot. Wala namang ibang gwapong lalaki dito sa amin kundi ako lamang kaya malamang, hanggang ngayon ay single din ‘yang si Diyosa dahil ako ang inaantay niya,” mayabang pang wika nito. “Baka nga…” nakangiwing wika naman ni Angelo. Gusto niya sanang kumontra sa sinabi ni Jeffrey na gwapo ito. Hindi naman kasi sa pang-aano, hindi naman kagwapuhan si Jeffrey. Pandak ito na moreno at payat. Ang maganda lang talaga dito ay ang ngipin nito. Mukha nga itong sanggano tapos mayabang pa kaya nga wala itong masyadong kaibigan sa kanilang hasyenda. “’Di ba sabi ko sa’yo, Boss. Maraming maganda dito. Si Diyosa ang pinakamaganda sa lahat ng dalaga dito sa aming barangay. Anak siya ng aming kapitan kaya nga gustong-gusto ko siyang mapangasawa dahil bagay naman kaming dalawa--pogi at maganda.” Tumigil pa si Jeffrey at nakangiting lumingon sa bahay ng dalaga. “Oo na,” sang-ayon na lamang ni Angelo para hindi sumama ang loob ni Jeffrey. Nagpatuloy pa sila sa paglalakad at halos lampas isang oras din ang kanilang nilakbay bago narating ang bahay nina Jeffrey. “Okay naman pala dito sa inyo, Jeffrey.” Puri ni Angelo sa kanilang driver. “Oo, Boss. Salamat at malaki ang sinasahod ko kaya nakabili ako ng bahay at lupa para kina Nanay at Tatay. Kaya nga loyal ako sa inyo ni Senyor eh.” “Dati ‘yon.. pero sa ngayon, sa akin muna ang loyalty mo at hindi kay Abuelo, ha?” “Siyempre, Boss. Mas lalo pa akong magiging loyal sa’yo kapag napasagot ko si Diyosa.” ‘Nalintik na. Gagamitin pa ako sa panliligaw sa kanyang iniibig,’ wika ni Angelo sa kanyang isipan. “Sana nga dahil bagay kayong dalawa. Kapag kinasal kayo, sagot ko lahat ng gastos.” “Talaga, Boss?” “Oo.” “Tamang-tama, kapag sinagot niya ako. Magpapakasal na kami sa fiesta.” “Nagdaraos pala kayo ng fiesta dito?” “Oo, Boss. Masaya ang mga fiesta dito sa amin sa probinsiya dahil unlimited ang pagkain at may sayawan pa sa covered court. ‘Yon ang gustong-gusto ng mga kabinataan at kadalagahan dahil nga maraming tao. Sasayaw tayo ng budots, Boss.” Excited na sabi ni Jeffrey na nagsimula pang sumayaw. “Anong budots?” “Budots, katulad nito.” At gumiling-giling pa si Jeffrey sa sayaw na hindi maintindihan ni Angelo kaya napangiwi na lamang ito. “Ahhhhh….” Tanging nasagot na lamang ni Angelo. “Basta, Boss, samahan mo ako mamayang gabi para umakyat ng ligaw, ha?” “Oo na..” hindi na tumutol si Angelo para tumigil na si Jeffrey. Ngayon niya lang nakitang excited si Jeffrey kaya pagbibigyan na niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD