1.
--
"Hay naku!"
Napa paypay ako sa sarili nang makasakay sa bus na mahigit kumulang isang oras kong hinintay bago dumating. At sa kamalas-malasan ay siksikan na nga, wala pang aircon ang bus na nasakyan ko.
Jusko! Nasaan na ba ang swerte ko ngayong araw?
Kung 'di lang talaga dahil broken hearted ang bestfriend ko, ay hindi ako lalabas ng bahay. Mangingitim ako sa global warming na nangyayari e.
Napahawak ako sa balikat ng lalaking katabi ko nang biglang huminto ang bus, kamuntikan na akong masubsob sa dibdib niya.
"Pasensya na po," pag hingi ko ng paumanhin, saka agad na tumalikod sa kanya, hindi hinintay ang kanyang sagot at nagmamadaling umupo sa bakanteng upuan na nakita.
Mabuti na lamang at nagsipagbabaan na 'yong iba at kaunti na lang ang pasahero.
Agad na umangat ang paningin ko nang may tumayong lalaki sa harapan ko. Siya 'yong lalaking na-chansingan ko kanina.
"Usog ka, miss."
Tinaasan ko siya ng kilay na agad ikinanuot ng kanyang noo. Napabuga ako ng hangin saka umusog malapit sa bintana. Agad na nanuot sa ilong ko ang amoy ng gamit niyang pabango nang tumabi ito sa akin.
Napatingin ako sa kanya't bahagyang napanganga nang makita sa malapitan ang kagwapuhang kanyang tinataglay. Nakapikit siya kaya malaya kong napagmamasdan ang makinis niyang mukha, makapal at itim na kilay, mahaba at makapal na pilik-mata, matangos na ilong at ang labi niyang nakakurba.
Mabilis pa sa takbo ng bus ang paglipat ko ng tingin nang dumilat siya't idineretso ang paningin sa akin.
Kahit nasa labas ng bintana ang tingin ko'y rinig ko ang bahagyang pag tawa niya, nang iinis marahil.
Napahawak ako suot kong sling bag nang maramdaman ang pag va-vibrate ng cellphone ko.
Nang kunin ko ito at tignan ay nakita ko ang pag rehistro ng pangalan ng kaibigan ko.
"Oh?" bungad ko sa kanya.
"So tagal mo, where are you na ba?"
"Aba, excited ah. Parating na ako, hintayin mo ako d'yan."
Wala akong natanggap na sagot mula sa kabilang linya at tanging tunog lang, senyales na tinapos na niya ang tawag, ang tanging narinig ko.
Nang huminto ang bus ay nagmadali na akong tumayo, dahan-dahan pa ang pag galaw ko para lang hindi maisturbo ang lalaking katabi ko, mukha kasing natutulog ito.
Napabuntong-hininga ako nang makita kung gaano pa kalayo ng lalakarin ko upang makarating sa mall.
Wala pa man din akong dalang payong.
Mangingitim talaga ako nito, panigurado. Malalim pa ang naging paghugot ko ng hangin at pagbuga rito bago nag lakad papuntang mall.
Malapit na ako nang mapansin kong may sumisitsit sa likuran ko. Nang lingunin ko'y nagtama ang aming paningin ng lalaking kanina lang ay katabi ko sa bus.
"Excuse me, ako ba sinisitsitan mo?" tanong ko. Pinagtaasan niya naman agad ako ng kilay. Gumaganti ang loko.
"Are you stalking me?" dagdag ko sa naunang sinabi.
Pero imbis na sagutin ako'y, ngiti ang itinugon niya sa akin.
"No."
"Tss," inirapan ko siya saka ako nagpatuloy sa paglalakad papasok ng mall.
Habang chini-check ng lady guard ang laman ng sling bag ko ay napalingon ulit ako sa likod nang maramdaman kong may tumama sa akin.
"Ikaw ulit? Mag m-mall ka rin?"
Nagawa niya ulit ngumiti sa akin. "Bawal ba?"
Nagkibit-balikat ako. "Hindi naman."
Tinalikuran ko siya't naglakad muli, napahinto lamang nang magpalinga-linga ako, hinahanap ang National Bookstore kung saan naghihintay sa akin ang bestfriend ko.
"Miss!"
Kanina lang kami nagkita pero kilala ko na agad ang boses niya. Muli akong lumingon sa kanya, hindi ko pa man alam kung anong nais niyang sabihin ay pinagtaasan ko na siya ng kilay na dahilan ng bahagya niyang pag atras.
Bumuga pa muna siya ng hangin bago nagawang magsalita.
"Miss, saan ba ang daan?" dahan-dahan siya kung magbitiw ng salita, parang mahinhing babae.
"Daan?" nakataas ang dalawang kilay na tanong ko.
"Daan...papunta sa puso mo."
What the!?
Mas lalo pang tumaas ang kilay ko at bahagyang napanguso, pinipigilang matawa.
"Are you asking me?" natatawa kong tugon.
Nakatitig lamang siya sa akin. In fairness ah, ang gwapo niyang tumitig. Feeling ko, anytime mahuhubaran ako.
"May iba pa ba akong kaharap?" matamis ang ngiting tugon niya.
"Stalker ka ba?"
Natawa siya at natigilan ako. Namamangha akong napatitig sa kanya. Gosh! Ang gwapo niyang tumawa, ang macho pakinggan at ang hot niyang tignan.
"No. Admirer ako," natatawa pa ring sagot niya.
Pinaglololoko yata ako nito.
"Why are you stalking me?" tanong ko ulit, binabalewala ang sagot niya.
Nahinto siya sa pagtawa at marahang pumikit, hinimas ang sintido na parang nahihirapan sa sitwasyon saka muling nagdilat ng mga mata at tumitig sa akin.
"I just wanna get your number," cool na cool niyang sagot.
I was taken aback. Why the heck?
"Bakit?" tanong ko.
"Para ma-contact kita," cool na cool pa ring sagot niya na para bang matagal na kaming magkakilala.
"Why?" muli kong tanong.
"Para ma-contact nga kita."
"Bakit mo nga ako kokontakin?" naiinis ko ng tanong sa kanya.
"Ang pangit naman kasi kung wala akong number ng future wife ko, 'di ba?"
Mabilis na nanlaki ang mga mata ko at agad na tumalikod sa kanya. Nababaliw na siya. Sayang, gwapo sana e.
"Miss, sige na," habol niya sa akin nang akma akong maglalakad muli.
"Ang kulit mo ah!" bulyaw ko sa kanya nang muli ko itong harapin.
"Sige na nga, kasi. Number lang naman," pamimilit niya pa.
Naku ah! Baka modus nila ito upang kidnapin ako at hingan ng ransom ang mga magulang ko. Hindi pwede, walang pang ransom ang mga magulang ko, wala silang pera.
Mabilis akong naglakad palayo sa kanya, pero agad lang ding natigilan nang makahabol siya sa akin at nagawa akong hawakan sa siko.
"No, hindi ko nga kasi ibibigay sa 'yo ang number ko."
"Sige na, please," pagsusumamo niya, naku ah! Nakakahabag siyang tingnan.
"No, stop stalking me," pagmamatigas ko.
"Please."
"Ganito mo talaga ako kagusto at ganyan ka na lang kadesperadong makuha ang numero ko?"
Marahan siyang napabuntong-hininga. "Mukha ba akong desperado sa paningin mo? Bigay mo na lang kasi ang number mo, promise hindi kita ite-text."
Natawa ako sa kanya. "Hindi mo naman pala ako ite-text. Bakit mo pa kukunin ang number ko?"
At mas lalo pa akong natawa. Tunog nag e-expect ako na ite-text niya e.
"Tatawagan kita."
Jusko. Ang haba na ng buhok ko ah!
"Wala akong cellphone."
Napangisi siya. "Don't lie to me. Alam kong may cellphone ka, magkatabi tayo sa bus kanina habang magkatawagan kayo ng kaibigan mo 'di ba?"
"Hiniram ko lang 'yong cellphone na gamit ko."
"Liars go to hell. Mainit do'n, ayaw mo ro'n hindi ba? Kaya sige na, bigay mo na number mo."
Napailing ako sa kanya at mabilis na naglakad muli. At aba! Consistent si kuya, hinabol-habol talaga ako kahit ang layo na ng narating ko.
"Sige na, bigay mo na."
"If I were you, titigil na ako sa pangungulit, dahil wala kang makukuha sa akin," sabi ko sa kanya habang mabilis pa ring naglalakad.
Nakakahiya na, ramdam ko na ang paningin ng ibang tao sa amin.
"Please," aniya at mahigpit akong hinawakan sa braso na siyang nakapagpatigil sa akin.
"Ano ba? Ano bang gusto mo ha? Nakakapikon ka na e," hindi ko napigilang bulyaw sa kanya.
Mas lalo pa tuloy dumami ang napahinto at napatingin sa amin. Eksena 'tong isang ito.
"Number mo nga kasi ang gusto ko, mahirap ba intindihin 'yon?" Mahina pero pasigaw na sagot niya.
Aba! At siya pa ang galit ngayon.
"Sinabi ng wala kang makukuhang number mula sa akin e, ang kulit mo!"
"Lahat gagawin ko, makuha lang ang number mo."
Nagpang-abot ang kilay ko habang nakatitig sa maitim niyang mga mata, tunay nga pala talagang napakagwapo ng isang 'to. At masyado na akong maganda, para habulin ng isang tulad niya.
"Hindi ka ba nahihiya d'yan sa ginagawa mo? Pinagtitinginan na tayo, oh!"
Agad naman niyang nailibot ang paningin sa paligid upang tingnan ang mga taong nakikichismis na sa pinagtatalunan naming numero. Pero ikinagulat ko ang pag ngisi niya bago muling ipukol ang paningin sa akin.
"Ba't naman ako mahihiya? Kung ang pangarap ko rin naman ang susundan at aabutin ko. Now, tell me, bakit kita ikakahiya?" malamig ang boses, at seryosong saad niya.
Parang hinaplos ang puso ko. How did he do this to me?
Tumalikod akong muli at natigilang muli. Jusko talaga!
"Alam mo, para kang bituin. Ang hirap-hirap mong abutin."
Itinuloy ko ang paglalakad at itinuloy niya rin ang pagsunod.
"Luluhod ako at magmamakaawa sa 'yo."
What the heck? As-in, what the heck talaga!
"Nababaliw ka na."
Mabilis na ang lakad ko pero hindi ko na siya nararamdaman sa likod ko. Sumuko na marahil ang loko.
Pero iyon ang akala ko.
"Sandali!" sigaw niya na nakapagpahinto sa paglalakad ko at ng maraming tao.
Napalingon ako't nanlaki ang mga mata nang makitang nakaluhod na siya.
Malakas ang kabog ng dibdib ko, kinakabahan ako sa maaari niyang gawin. Bakit ba ako napunta sa sitwasyong ito?
Mas lalo pang nanlaki ang mga mata ko't napanganga nang marinig ang mga salitang binitawan niya.
"Baby, mahal na mahal kita. At ipinapangako ko sa 'yong hindi ko tatakasan ang responsibilidad ko sa magiging anak natin, mamahalin at aalagaan ko kayong pareho. Kaya please, huwag ka ng magalit please. Kausapin mo naman ako!"
Damn this handsome man!
--
Spectacular Journey
@Emoticonslover