ELARA LACANILAO
Nakaupo ako dito sa aming veranda at hinihintay naming magkkapatid ang pag uwi ni Nanay. Wala pa akong balita kung ano ba talaga ang nangyari kay tatay kung bakit siya dinala sa ospital. Sana lang hindi naman malala ang kalagayan niya.
"Ate, mamamatay na po ba si Tatay?" tanong ng kapatid kong si Jelay.
"Sshhh... Huwag kang mag isip ng ganyan Jelay, hindi tayo iiwan ni Tatay. Baka lang naaksidente siya at kailangan niyang dalahin sa ospital." sagot ko kay Jelay. "Pumasok na kayo sa loob at tignan kung ano ang pwede ninyong gawin. Pupunta lang ako sa pwesto ni Aling Martha at kukunin ko lang ang sweldo ko para may ipambili tayo ng ulam." Sabi ko sa mga kapatid ko.
Tumayo na ako at lumabas ng bakuran namin, tinatahak ko na ngayon ang daan papunta sa palengke. Ilang araw din ang naipasok ko kay aling Martha at makakabili na ako ng bigas namin at ulam kung sakaling ibigay niya ang sweldo ko.
Pagdating ko sa palengke ay agad akong dumiretso sa pwesto ni aling Martha.
"Oh, Lara, anong ginagawa mo dito?" tanong niya agad sa akin.
"Aling Martha, pwede ko po bang makuha ang sweldo ko doon sa tatlong araw na ipinasok ko. Kailangan ko lang po kasi ng perang pambili ng pagkain ng mga kapatid ko, nasa ospital po kasi si Tatay."
"Naku ineng, bumalik ka na lang sa sabado wala pa nga akong benta, saka hindi ko na problema kung wala kayong pambili ng pagkain. Ang usapan natin ay kada sabado ang sahod mo." masungit na sabi sa akin ni Aling Martha.
"Sige na po Aling Martha, maawa na po kayo sa akin. Hindi ko naman po ito gagawin kung hindi lang po kailangan." muli kong pakiusap sa kanya.
"Umalis ka na Lara, bumalik ka na lang sa sabado kung gusto mong makuha ang sweldo mo." Pagmamatigas ni Aling Martha.
Wala akong nagawa kundi ang umalis sa pwesto niya. Awang-awa ako sa sarili ko at lalo na sa mga kapatid ko. Paano ako uuwi kung wala akong dalang bigas na pwede naming isaing. Kawawa naman ang nanay ko kapag umuwi na wala man lang silang makain. Maluha-luha akong naglalakad, iniisip kung ano ang pwede kong gawin para kahit paano ay magkapera ako.
"Hoy Lara! Anong nangyari sayo?" napatingala ako para tignan ang tumawag sa akin. Nakita ko si Millet na kasama ang kanyang boyfriend.
"Millet, ikaw pala, nagpunta kasi ako sa palengke para sana kunin ang sweldo ko kay Aling Martha pero ayaw niyang ibigay. Sa sabado ko pa raw pwedeng makuha ang 3 araw kong sweldo." naluluha kong sabi.
"Napakasama talaga ng ugali niyan ni Martha, akala mo hindi tao. Kailangan mo ba ng pera?" muling tanong ni Millet sa akin.
Kahit nahihiya ako ay wala akong nagawa kundi mag kwento kay Millet ng problema ko.
"Itinakbo kasi sa ospital si Tatay kaninang umaga, pinuntahan siya ni Nanay. Hanggang ngayon wala pa akong balita dahil hindi pa umuuwi si nanay. Kukunin ko sana ang sahod ko para may ipambili ako ng bigas at ulam namin. Hindi ko na alam kung saan ako makakakuha ng pera para ipambili ng pagkain ng mga kapatid ko." umiiyak ko ng sabi kay Millet.
"Bakit hindi mo ako pinuntahan sa bahay? Pwede naman kita pahiramin ng pera para ipambili ng bigas. Ito kunin mo, pasensya kana kung 200 lang yan pero sana maktulong. Kahit huwag muna bayaran." sabi sa akin ni Millet.
"Thank you, Millet. Ang dami ko ng utang sayo, pangako pag nakaluwag luwag ako babayaran din kita."
"Sus! Ikaw pa ba, hindi naman kita sinisingil. Tulong ko yan sayo, kaya wag munang isipin na bayaran ako. Maiba ako, sabi sa akin ni Tina, yung anak ni Manang Sabel inalok ka daw na mag trabaho sa Maynila. Bakit hindi mo subukan? Ang balita ko mabait ang amo ni Manang Sabel, saka kilalang pamilya ang mga Saavedra at Sandoval, siguraaado akong malaki ang sasahurin mo doon. Tignan mo si manang Sabel katulong lang pero lahat ng anak niya nakatapos ng college. Kaysa mag tyaga ka ditong mamasukan, mas maraming opportunity kapag sa Manila ka nagtrabaho. Pwede mo pa akong puntahan kapag day off mo." sabi sa akin ni Millet.
"Gusto ko naman, kakausapin ko nga sana si Tatay na payagan akong magtrabaho sa Maynila, kaso paano ko gagawin ngayon kung nasa ospital siya. Mamaya pag umuwi si Nanay kukumbinsihin ko siya, gusto ko rin silang tulungan lalo na ang mga kapatid ko. Mahihirapan kami tiyak dahil sa nangyari kay tatay."
"Sige na, bumili ka na ng bigas ninyo para makapag asikaso ka na. Pag isipan mo rin ang alok sayo ni Manang Sabel. Malaki ang maitutulong nun sa pamilya mo." Sabi sa akin ni Millet bago nila ako iwan.
Bumalik ako sa palengke para bumili ng kailangan ko, nang makabili na ako ay diretso na akong umuwi ng bahay namin. Inabutan ko ang mga kapatid ko na nasa tarangkahan namin at mukang gutom na. May natitira pa akong bente pesos kaya ibinigay ko sa kanila ang tag limang piso para ibili nila ng tinapay sa tindahan.
Pumasok na ako sa loob ng bahay namin at inasikaso ko na ang aming hapunan. Nagsalang na ako ng kanin habang nililinis ko ang tilapyang binili ko, ipapaksiw ko na lang ito para kahit paano ay may sabaw ang ulam namin.
Patapos na akong magluto ng dumating si nanay, sinalubong ko ito at pinaupo saka binigayan ng tubig na maiinom. Mukang pagod na pagod siya at nanghihina.
"Nay, kamusta po ang tatay?" malungkot kong tanong.
"Anak, ayos na naman ang tatay mo, iniisip ko na lang ang gastos niya. Nahulog siya sa tulay na nilalakaran niya habang nagbubuhat siya ng mga bagahe ng biyahero sa pantalan. Sinagot na ng pier ang kalahati ng gastos, ang iniisip ko saan tayo kukuha ng pera para sa gamot ng tatay mo." problemadong sabi sa akin ni Nanay.
"Nay, payagan po ninyo akong magtrabaho sa Maynila, kahit hanggang gumaling lang po si tatay. Kahit papaano po kapag nakapagtrabaho ako ay may maipapadala ako sa inyo buwan-buwan. Makakatulong po ito sa pagpapagaling ni Tatay. Malaki na po ako at kaya ko na po ang sarili ko, mukang maayos naman po ang magiging amo ko. Tignan na lang po ninyo si Manang Sabel, naging maganda po ang buhay ng mga anak niya. Nay kailangan pong may kumilos sa atin, hindi po ako kikita ng malaki kung magtitindera lang po ako sa palengke. Isa nag aaral din po ang mga kapatid ko, paano po natin matutustusan ang pag aaral nila kung nandito lang din po ako at aasa sa kakarampot na kita ko sa pagiging tindera." Paliwanag ko kay nanay.
"Anak, kaya mo bang maging yaya ng isang bata?" nag aalalang tanong ni Nanay.
"Nay, ano po bang pagkakaiba ng batang aalagaan ko sa mga kapatid ko? Ako rin po ang nag-aalaga sa mga kapatid ko kapag umalis kayo ni tatay. Okay naman po sila at walang galos kapag umuuwi po kayo, kaya tingin ko po kakayanin ko ring alagaan ang batang anak ng magiging amo ko. Nay pumayag ka na para kakausapin ko na po si Manang Sabel, baka may makuha na po siyang iba ay sayang naman po ang pagkakataon." muli kong sabi kay nanay.
Niyakap ako ni Nanay ng buong higpit, dama ko ang labis na pagmamahal niya sa akin. Alam ko na kung may pagpipilian lang kami at kung may pera lang kami mas gugustuhin nilang magkakasama kami dito kesa mawalay ako sa kanila. Pero hindi naman lahat nabiyayaan ng magandang buhay, may mga ipinanganak na mahirap, pero ayaw kong tumanda na mahirap pa rin. Kaya hanggat bata pa ako at malakas gusto kong magtrabaho para sa aking pamilya. Gusto kong maranasan din naman nilang kumain ng masarap na pagkain at makapamasyal sa lugar na hindi pa namin napupuntahan.
"Papayagan kita anak, pero lagi ka sanang mag iingat doon. Mamaya pupuntahan ko si mareng Sabel para kausapin." natuwa ako sa narinig ko kay nanay. Kahit papaano nabigyan ako ng pag asa na makakaahon din kami sa hirap.
Ngayon pa lang ay ang dami ko ng pangarap a gustong gawin para sa kanila kapag sumahod ako. Para akong nabunutan ng tinik ng pumayag si nanay na magtrabaho ako sa Maynila. Normal naman dito sa amin ang maging kasambahay, dahil iilan lang talaga ang mga taga rito ang nakapagtapos hanggang kolehiyo.
"Nay, magsasandok na po ako para makakain na po kayo. Paksiw na tilapya po ang ulam natin. Kung babalik po kayo ng ospital ay ipaghahanda ko po si tatay ng pagkain para po madala ninyo sa kanya."
"Huwag na anak, bago ako umalis ng ospital ay pinakain ko na ang tatayn mo, nandoon naman ang tita Sonia mo; siya na muna ang pinagbantay ko sa Tatay po." sagot sa akin ni nanay.
Naghain na ako ng pagkain namin at tinawag ko na rin ang mga kapatid ko. Nagsimula na kaming kumain, tahimik ang lahat at walang imikan. Parang ang bigat lang dahil hindi namin kasabay si Tatay na kumain ngayong gabi.
Pagkatapos namin kumain ay nagligpit na rin ako ng pinagkainan namin.
"Anak, pupunta lang ako kay Kumareng Sabel para sabihin na pumapayag na ako." paalam sa akin ni Nanay. Tumango lang naman ako at muling ipinagpatuloy ang pag huhugas ko ng plato.
---------------------
Kinaumagahan ay maaga akong nagising para manguha ng sisi sa may mangrove. Ibebenta ito ni nanay para may pambili kami ng bigas, kasama ko ang dalawang kapatid habang si nanay naman ay naghanda na ng maaalmusal namin.
Mag aagaw pa lang ang liwanag ng makarating kami dito sa bakawanan kung saan kami palaging nangunguha ng laman dagat. Mukang marami kaming makukuha ngayon, sunod sunod ang mga seashells na nakukuha bandang alas syete ng umaga ay halos mapuno na ang dala naming timba. Sagana pa sa lamang dagat dito sa amin kaya marami pa kaming nakukuha.
"Ate, nagugutom na po ako." ani ng kapatid kong si Jojo.
"Sige na, tanggalan na ninyo ng tubig ang bangka at uuwi na tayo." sagot ko naman sa kapatid ko.
Pagkarating namin sa bahay ay inabutan ko si nanay na kausap si Manang Sabel.
"Nandito na pala si Elara," sabi ni Nanay kay Manang Sabel.
"Lara, tatawag daw ngayon si Ma'am Weng, gusto kang mainterview para kung papasa ka ay isasama na kita bukas pa Maynila." sabi sa akin ni Manang Sabel.
"Sige po Manang, mag aayos lang po ako at puro pa po ako putik," paalam ko sa kanila.
Nagmamadali na akong pumasok sa banyo at kahit malamig ay naligo na ako. Sinigurado ko na walang kahit isang putik na maiiwan sa balat ko. Hindi rin naman ako nagtagal sa paliligo, nagbihis na ako ng maayos na damit at nag suklay, naglagay din ako ng polbo at liptint sa aking labi para hindi naman ako mukhang may sakit. Nangmakita kong ayos na ang itsura ko ay lumabas na ako ng aming silid at pinuntahan ko na sila nanay sa maliit naming kusina.
"Handa ka na ba Lara? Doon na lang tayo sa bahay namin para may internet at hindi maputol ang pag uusap ninyo ni Ma'am Weng at Sir Arjhay." Ani ni Manang.
Nakaramdam naman ako ng kaba ng marinig ko ang pangalang Arjhay, hindi ko alam pero may kakaibang dating ang pangalan siya sa akin.
Nauna ng lumabas ng bahay namin si Manang Sabel, sumunod naman si Nanay at ako ay nasa likuran lang niya. Hindi ko alam ang nararamdaman ko, kinakabahan ako at natatakot. Ngayon lang kasi ako makikipag usap sa mayaman kaya medyo kabado talaga ako.
Pagdating namin sa bahay ni Manang Sabel ay hiniram niya ang malaking tablet ng anak niyang si Tina. Pina log in niya ang messenger niya dito at tinawagan ang amo niyang si Ma'am Weng daw. Pinaupo ako ni Manang sa harap ng Lamesa at pinalabas niya muna ang mga apo niya para walang maingay. Pinindot niya na ang pangalan ni Weng Sandoval at ilang minuto lang ay nakita ko na sa screen ang isang napakagandang babae. Nakangiti ito at halatang mabait naman ang kanyang mukha.
"Hello, ikaw ba yung sinasabi ni Manang Sabel na gustong maging yaya ng pamangkin ko." nakangiti niyang tanong sa akin. "Pwede ba namin malaman ang pangalan mo?" muli niyang tanong.
"Good morning po, Ma'am, ako po si Elara Lacanilao, 22 years old po at kapit bahay po nila Manang Sabel." Nahihiya kong sagot.
"Elara right? Marunong ka bang mag alaga ng bata at may experienced ka na ba?" tanong niya ulit.
"Experience po ma'am? Meron naman po, pero sa mga kapatid ko lang po. Ako po kasi ang nag aalaga sa kanila simula noong baby pa po sila hanggang ngayon kapag po umaalis ang nanay ko."
"Kaya mo bang mag alaga ng isang 5years old na bantang babae?" muling tanong ni Ma'am Weng.
"Ay opo Ma'am, mahilig din naman po ako sa bata. May kapatid din po akong babae at inalagaan ko rin po siya noong maliit papo siya."
"Arjhay, what do you think of her?" narinig kong tanong ni Ma'am Weng sa lalaking nasa gilid niya. Siya pala si Sir Arjhay, napakagwapo naman pala, sa isip-isip ko.
"What is your educational attainment?" narinig kong tanong niya.
"Po? Ano po yun?" kinakabahang tanong ko. Hindi ko alam kung anong ibig niyang sabihin.
"At your age, educational attainment lang hindi mo pa alam?" sarkastikong sabi ni Sir Arjhay.
"Ano po bang gusto mo Sir, magpanggap akong matalino? Di ba po mas nakakahiya yon?" prangka kong sagot.
"Ano raw ang natapos mo, Elara?" nakangiting sabi ni Ma'am Weng.
"Ah, ayun lang naman po pala, pinahirapan pa ako ni Sir. Highschool graduate lang po ako Ma'am, wala na po kasing pampaaral sa akin ang mga magulang ko kaya hindi ko na po naipagpatuloy ang pag aaral ko sa kolehiyo." diretsa kong sagot.
Narinig ko ang malakas na tawa ni Ma'am Weng, hindi ko alam kung ako ba ang pinagtatawanan niya.
"I like you, Elara, tanggap ka na." sabi ni Ma'am weng habang malakas pa rin ang pagtawa niya.
"Ate, I don't like her, saan ka nakakita ng nag aaply pa lang sumasagot na agad sa amo niya." Protesta naman ni Sir Arjhay.
"Kaya nga gusto ko siya, kasi alam kong hindi mo siya kayang sindakin. Kilala kita, Arjhay, kaya tumigil ka na. Siya ang magiging yaya ni Heaven, sa ayaw at sa gusto mo." Narinig kong sabi ni Ma'am Weng; wala naman nagawa si Sir Arjhay, kaya natatawa din ako sa isip ko. "Manang, please give Elara the money that I gave to you para may maiwan siyang pera para sa pamilya niya. Ipapasundo ko po kayo bukas sa terminal kapag nakarating na po kayo dito sa Manila. See you soon, Elara," nakangiting sabi ni Ma'am Weng sa akin bago niya pinatay ang tawag niya.
Agad naman kinuha ni Manang ang pera na nasa bulsa niya at ibinigay niya sa akin.
"Ito ang perang 10 thousands na ipinabibigay ni Ma'am Weng kung sino man ang makukuha kong yaya. Ang swerte mo Lara at nagustuhan ka niya. Tyagaan mo nga lang si Sir Arjhay dahil kamamatay lang ng asawa niya, pero sinisiguro ko sayo na mabait naman siya lalo na ang anak niyang si Heaven." Sabi sa akin ni Manang.
TInanggap ko ang ibinigay niyang pera at tuwang tuwa ako dahil may pambili na kami ng gamot ni Tatay. Napaiyak pa si Nanay dahil iniabot ko sa kanya ang pera. Nagpaalam na kami kay Manang Sabel at sisimulan ko na ang pag eempake ng gamit ko dahil bukas ng umaga ay aalis na ako. Alam kong hindi magiging madali ang trabaho ko sa magiging amo ko, pero kaya kong tiisin ang lahat basta makita ko lang na magiging maayos ang kalagayan ng pamilya ko. Bahala na kung paano ko pakikisamahan si Sir Arjhay, pero gaya nga ng sabi ni Ma'am Weng hindi niya ako masisindak. Kaya goodluck na lang sa aming dalawa.