Prologue
San Felipe
TUMINGIN si Emil sa pinanggalingan ng ingay matapos niyang makarinig ng sigaw ng isang babae. Nagkatinginan sila ng mga kabataang kasama niya ng mga sandaling iyon, saka sila nagpalitan ng mga senyas. Bitbit ang mahahabang kahoy, dumiretso sila sa may kadilimang eskinita na matatagpuan sa bukana ng barrio nila.
Gaya ng inaasahan niya, tumambad na naman sa kanya ang eksena nang hindi katanggap-tanggap na pang-ho-holdap ng mga kawatan sa mga turista ng bayan nila. Takot na takot ang dalawang matandang dayuhan na sa tingin niya ay mag-asawa. Nakataas ang mga kamay ng mga ito habang tinututukan ng kutsilyo ng mga masasamang loob. Ang isa pa nga sa mga iyon ay nasa akto ng pagsakay sa magarang kotse ng mga dayuhan upang marahil tangayin sa pagtakas ng mga ugok.
"Mga sira-ulo kayo," iritadong sigaw niya na gumulat sa mga holdaper. May takip sa mukha ang mga ito at tanging mga mata lang ang nakikita. Malamang ay dayo ang mga ito. Kilala niya ang halos lahat ng tao sa bayan nila kaya imposibleng mambiktima ang mga ito ng mga turista na ikinabubuhay ng halos lahat sa kanila. "Kayo ang dahilan kung bakit humihina ang turismo dito sa bayan namin!"
"Sino ka ba? Ang tapang mo, ha!" angal ng isa sa tatlong lalaki, saka sumugod sa kanya habang may hawak na kutsilyo.
Nabiyayaan man siya ng malaking bulto ng katawan, maliksi pa rin siyang kumilos at mabilis at malinaw din ang mga mata niya. Ginamit niya ang mga iyon sa advantage niya. Hindi niya inalis ang tingin niya sa kutsilyo ng kawatan. Nang akmang sasaksakin na siya ng walanghiya, mabilis siyang nakaiwas gamit ang malalakas niyang binti, saka niya hinawakan sa braso ang lalaki na ikinapilipit niyon hanggang sa mabitawan nito ang kutsilyo. Pagkatapos ay buong lakas niya itong sinuntok sa sikmura na ikinaluhod nito sa lupa.
Sinenyasan niya ang mga kasamahan niya na sugurin ang dalawang natitirang kawatan. Dahil nakakalamang sila sa bilang – nasa labinlima silang kalalakihan – ay madali nilang nadakip ang mga holdaper.
Hinagis niya ang hawak niyang lalaki sa mga kasamahan niya habang ipinapaikot-ikot niya ang kanyang leeg. "Dalhin niyo na 'yan kina Kapitan."
"Opo, Bossing!"
Namaywang siya habang hinahatid ng tingin ang mga kasamahan niya habang bitbit ang tatlong kawatan na bugbog-sarado na, lalo na 'yong sinuntok niya sa sikmura na halos hindi na makalakad o makatayo man lang.
Sumobra na naman kaya ako? Lagot na naman ako kay Kapitan nito.
Tiningnan niya ang kanang kamao niya. Malaki iyon at kitang-kita pa ang parang nangangalit na mga ugat do'n. Ang sabi ng mga kababayan niya, malakas daw siyang sumuntok, para raw siyang boksingero, idagdag pa ang malaking bulto ng katawan niya. Hindi naman siya palaaway. Nakuha niya marahil ang lakas at pangangatawan niya sa trabaho niya.
Mag-araro ka ba naman ng bukid araw-araw at s-u-m-idline ng kargador sa palengke.
"Excuse me, boy."
Nalingunan niya ang dayuhang mag-asawa. Napakamot siya ng ulo. Patay, mapapalaban pa yata siya ng Ingles. "Don't worry. You safe now." Napangiwi siya. Ang tigas talaga niyang bumigkas ng salita sa sabing iyon, at pakiramdam din niya, mali ang sinabi niya. Gayunman, nagpatuloy siya. Tinuro niya ang sarili niya. "I bring..." Tinuro naman niya ang mag-asawa. "You to Kapitan." Napaisip niya. "Captain. Barangay captain, you know?"
Napabuga na lang siya ng hangin. Nakatuntong naman siya ng unang taon sa kolehiyo, pero sadyang mahina talaga siya sa sabing Ingles.
Nagulat siya nang tumawa ng marahan ang mga dayuhan. Mas umamo ang mukha ng mga ito. Mukhang nawala na rin ang takot ng mag-asawa.
"Thank you for saving us, young man," nakangiting sabi ng matandang ginang.
Napangiti na lang siya. Bakit pa nga ba siya nagpipipilit mag-Ingles gayong puwede naman silang magkaintindihan sa ngiti pa lang.
***
NAPAKAMOT na lang ng ulo si Emil habang nakatayo sa harap ng barangay hall. Pinatawag siya ng kapitan nila kanina. Siguradong sesermunan na naman siya nito dahil sa ginawa niya no'ng nakaraang araw sa holdaper na balita niya ay na-ospital dahil sa paninikmura niya rito.
Bahala na nga.
Pumasok na siya sa barangay hall. Sumalubong agad sa kanya ang kapitan na sila na si Mang Emyong na nakaupo sa likod ng mesa habang may binabasang kung anong mga papeles. Nag-angat ito ng tingin nang marahil ay maramdaman ang presensiya niya.
"Maupo ka, Emilio," utos nito.
"Si Kapitan... sinabi nang 'Emil' na lang ho," reklamo niya habang paupo. Hindi niya gusto ang tunog-matanda niyang pangalan na 'Emilio'.
"Tumigil ka. Emilio naman ang pangalan mo," saway ni Mang Emyong sa kanya. "Tungkol sa ginawa niyong pagtulong sa mag-asawang dayuhan –"
"Pasensiya na, Kapitan," putol niya sa sinasabi nito. "Alam ko namang kami lang na mga kabataan ang nag-volunteer na mag-patrol sa bayan natin, at hindi niyo kargo kung may mangyari man sa'min. Alam ko ring mapanganib ang ginawa namin, pero wala namang masamang nangyari, hindi ho ba? At tungkol naman ho do'n sa sinikmuraan kong holdaper, hindi ko naman ginustong mapuruhan ang ugok na 'yon sa isang suntok lang. Ipinagtanggol ko lang ang sarili ko sa tangka niyang pananaksak."
Bumuga ng hangin ang kapitan nila. "Ang daldal mo talagang bata ka. Hindi naman 'yon ang gusto kong pag-usapan natin. Saan mo gustong mag-aral ng kolehiyo?"
Napakurap siya. Saan nanggaling ang tanong na 'yon? "Ho?"
"Nakatuntong ka sa unang taon sa kolehiyo sa state university natin. Pero huminto ka sa pag-aaral dahil sa problemang pamipinansiyal, at nagpasya kang tumulong na lang sa ama mo sa bukirin. Kung mabibigyan ka ng pagkakataong maipagpatuloy ang pagkokolehiyo mo sa anumang unibersidad sa Pilipinas, tatanggapin mo ba?"
Masyadong seryoso si Mang Emyong para isipin niyang nagbibiro ito. Gayunman, naguguluhan pa rin siya sa pinagsasasabi nito. "Hindi ko ho maintindihan."
Umangat ang sulok ng labi ni Mang Emyong. "'Yong mag-asawang dayuhan na iniligtas mo, nagkataon palang mga philantrophist sila. Mayaman sila. Masyado lang silang naging kampante sa bayan natin, at gusto nilang mapag-isang mag-asawa, kaya hindi sila nagsama ng mga bodyguard nang mamasyal sila no'ng nakaraang araw. Mabuti na lang at nagpa-patrol kayo–"
"Philanto – ano ho?" kunot-noong tanong niya.
"Ang philantrophist ay ang mga taong bukas-palad na tumutulong sa mga nangangailangan. At hindi lang sila basta tumutulong – galante pa sila kung magbigay."
Pumito siya. "Ang talino niyo naman, Mang Emyong."
"Tinanong ko pa 'yon sa anak kong nag-aaral sa Maynila." Iwinasiwas nito ang kamay nito. "Hindi 'yan ang gusto kong pag-usapan. Kinausap ako ng mag-asawang tinulungan mo, sina Mr. and Mrs. Roberts. Mukhang natuwa sila sa'yo at gusto nilang tumanaw ng utang-na-loob. Tinanong nila ako tungkol sa buhay mo, at naikuwento ko nga na hindi mo naipagpatuloy ang pagtatapos ng pag-aaral dahil sa kakapusan. Ang sabi nila, kung papayag ka, gusto ka raw nilang pag-aralin sa kahit anong unibersidad na gusto mo dito sa Pilipinas."
Nabingi yata siya sa lakas ng dating ng mga narinig niya. Hindi siya makapaniwala. "Seryoso, Mang Emyong?"
Hinawakan siya nito sa balikat. "Naiintindihan ko na mahirap paniwalaan, pero oo, napakasuwerte mo dahil nakagaangan ka ng loob ng mag-asawa. Isa pa, pina-imbestigahan ko muna sa mga kasamahan ko sa munisipyo kung totoo ang sinabi nina Mr. and Mrs. Roberts na tumutulong talaga sila sa mga kabataang 'Pinoy. At oo, totoo nga. Nabalita pa nga sila sa telebisyon at mga pahayagan. Masuwerte ka, Emilio, dahil sa dinami-dami niyong kabataan dito sa San Felipe, ikaw ang napili nilang tulungan."
Napangiti siya, pero agad-agad din iyong nawala nang mapalitan ng pangamba ang kasiyahan niya. "Hindi ko naman ho yata kayang iwan ang mga kaibigan ko rito. Ako, mag-aaral pagkatapos ay iiwan ko sila rito?"
"Huwag kang mag-alala, Emilio. Tutulungan din naman sila nina Mr. and Mrs. Roberts. Nagkataon lang na sa'yo sila pinakagalante."
Bumuntong-hininga siya. "Gusto ko ho sana, pero paano naman si Itay? Bata pa lang ho ako nang mamatay si Inay. Hindi ko naman yata kayang iwan ang ama kong mag-isa."
Tinapik-tapik siya nito sa balikat. "Ilang taon kang huminto sa pag-aaral para tumulong kay Jacinto," anito na ang tinutukoy ay ang ama niya. "Sigurado akong gugustuhin niyang sunggaban mo ang ganito kalaking oportunidad para makapagtapos. Bilang kapitan ng bayan natin, gusto ko ring tanggapin mo ang alok na 'to, Emilio. Para kapag naging matagumpay ka, ang mga naiwan mo naman dito ang matulungan mo."
Mabilis na sumuksok sa isip niya ang mga sinabi ni Mang Emyong. Tuluyan nang nawala ang pag-aalinlangan niya. "Totoo ho bang kahit saang unibersidad ay puwede? Kahit do'n sa mamahalin?"
Tumango si Mang Emyong. "Sa katunayan nga, ang gusto ng mag-asawa ay sa pinakamahusay na unibersidad ka pumasok. May napili ka na ba?"
Pumasok agad sa isipan niya ang mukha ng babaeng pinaka-espesyal sa buhay niya. Napangiti siya. "Gusto kong mag-aral kung saan nag-aaral si Sava."
Bumuga ng hangin si Mang Emyong. "'Sabi ko na nga ba't 'yan ang magiging sagot mo. Hanggang ngayon pala ay umiibig ka pa rin kay Sava."
Lalong lumuwang ang ngiti niya. "Mang Emyong, nangako kami sa isa't isa noong mga bata pa kami. Magpapakasal kami balang-araw."
Naramdaman niya ang bumilis na t***k ng puso niya. Nilapat niya ang mga labi niya sa silver ring na suot niya sa daliri.
Sava... makikita na uli kita.