7th Chapter

1568 Words
"BAKIT mo ba ko pinapunta rito? Hindi ba bawal ang mga babae rito sa dorm niyo? "Mava, lalaki ka naman kaya okay lang 'yan. Tulungan mo kong gumawa ng report." "Walanghiya ka talaga, Drei." Bumuntong-hininga na lang si Emil habang pinapakinggan ang pagtatalo nina Drei at Mava. Hindi siya makakilos mula sa kinahihigan niya – patalikod sa dalawa – dahil wala siyang mukhang maiharap sa mga ito. Wala tuloy siyang pagpipilian kundi ang magtulug-tulugan habang nakatalukbong ng kumot. Linggo ng umaga niyon kaya wala silang pasok. Tama ang lahat ng taong nagsabing nag-aaksaya lang siya ng oras kay Sava. Gayunman, hindi niya magawang magalit sa dalaga. May punto ito. Wala siyang maipagmamalaki sa buhay, at bukod sa mapangasawa si Sava ay wala na siyang ibang pangarap. Kahit siya siguro ang nasa kalagayan ng dalaga ay gano'n din ang gagawin – ang piliin ang isang lalaking may naabot na. Hanapin mo na ang pangarap mo, Emil. Nang sa gano'n, balang-araw ay may maipagmalaki ka na kay Sava at sa ibang tao. "Kumusta si Kuya Emil? Dinidibdib pa rin ba niya ang nangyari sa kanila ni Sava?" narinig niyang pabulong na tanong ni Mava, pero sapat parin para marinig niya. "Yes. He was crying the whole night." Eskaheradong sumimangot si Emil sa sagot ni Drei. Totoo iyon. Hanggag ngayon ay namumugto pa rin ang mga mata niya, kaya nga hindi niya maharap ang dalawa. "Si Sava, kumusta? Nakatulog ba siya pagkatapos ng ginawa niyang p*******t sa pinsan ko?" sarkastikong tanong ni Drei. "Hey, don't talk that way towards my sister. Spare her the insult since injured siya ngayon." Gumapang ang takot sa dibdib niya. Injured si Sava? "Paano?" tanong ni Drei. "Oo. Kagabi kasi umakyat siya sa bubong ng dorm namin. Hindi rin namin alam kung bakit. No'ng pababa na siya, dumulas 'yong paa niya kaya siya nahulog. Pero hindi naman malala ang natamo niyang injury dahil sa magkakapatong na dayami sa likod ng bahay siya nahulog. Na-sprain 'yong kaliwa niyang paa, at nagkaroon siya ng maliliit na gasgas sa mga braso at tuhod." Ang babaeng 'yon! Ano naman ang gagawin niya sa bubo – Natigilan siya nang maalala niyang ibinato niya ang mga singsing at sa bubong ng dorm bumagsak ang mga iyon. Napabalikwas siya ng bangon. Napatingin sa kanya sina Mava at Drei pero nakapako sa una ang tingin niya. "Nasa dorm lang ba si Sava?" "Oo. Sa tingin mo makakaalis siya gayong injured siya?" Napangiti siya, saka nagmamadaling lumabas ng kuwarto. "I hate you, Mava. Sinadya mong iparinig kay 'insan ang lahat ng 'yon," narinig niyang sabi ni Drei bago pa sumara ang pinto. Paglabas niya ng dorm ay sumakay agad siya ng jeep papunta naman sa dorm nila Sava. Sampung minuto lang ay nakarating na siya ro'n. Handa na siyang mag-tresspass uli ro'n pero sa bakuran pa lang ay natigilan na siya. Naroon kasi si Sava, hawak ng kung sinong malaking lalaki ang braso nito. May dalawa pang lalaki ang naroon. Nakaitim na fitted shirt ang mga iyon at may mga tattoo sa naglalakihang mga braso. Isang tingin pa lang, mukha nang goons ang mga iyon. "Bitawan mo nga ako!" sigaw ni Sava. Napatili si Sava at napaupo sa damuhan nang itulak ito ng malakas ng walanghiyang lalaki. No'n siya natauhan. Walang sabi-sabing sinugod niya ang lalaking nanakit sa dalaga at pinatikim ito ng suntok sa mukha. Bumagsak ang demonyito, duguan ang bibig. Susugurin pa sana niya ang dalawa pero pinigilan siya ni Sava. Kahit halatang hirap ay tumayo pa rin ito at yumakap sa kanya. "Tama na, Emil. Hindi mo sila kaya. May mga baril sila," pabulong na pakiusap ni Sava sa kanya. Napamura siya. "Pero sinaktan ka nila!" "Sino ba 'yang pakialamerong 'yan, Monliva?" tanong ng maliit na lalaki at pinaka-normal tingnan sa tatlo. May nakaipit na sigarilyo sa pagitan ng mga labi nito at ito rin ang mukhang pinakabata sa mga iyon. Kung tama ang tantiya niya, hindi lalagpas ng treinta ang edad nito. Tumayo si Sava sa harap niya. Hindi niya matanggap 'yon pero nakiusap itong do'n lang siya sa likuran nito kaya tumalima na lang siya. "Kiefer, wala siyang kinalaman sa pamilya namin kaya 'wag mo siyang idadamay." Nginuso ni 'Kiefer' ang kasamahan nitong nakatayo na pero nagmumura pa rin habang himas-himas ang nasaktang panga. "Nang saktan niya ang tauhan ko, damay na siya sa problema. Boyfriend mo?" "Hindi!" mariing tanggi ni Sava. "Hindi ko siya kaano-ano kaya 'wag niyo siyang gagalawin. Kapag ginawa niyo 'yon, hindi niyo na talaga kami makikita." Natawa ng pagak si Kiefer. "Monliva, para namang makakatakas kayo sa'min. 'Wag mong ibahin ang usapan. Magbayad na kayo. 'Yong tarantado niyong tatay, matapos ubusin sa casino ang perang inutang niya sa bossing namin, hayun at nagtago. Kaya kayo ang sisingilin namin." Nilahad nito ang palad nito. "Tatlong milyon." Nagulat siya. May gano'ng kalaking utang ang pamilya ni Sava sa mga taong ito? Sa nakikita niya, mapanganib ang mga iyon. "Wala kaming gano'n kalaking halaga ng pera! Kahit patayin mo pang magkakapatid, wala kang makukuha sa'min!" sigaw ni Sava sa basag na boses. Dahil sa mga sinabi ni Sava ay naging alerto siya, lalo na nang mapansin niyang nalukot na ang kalmadong mukha ng Kiefer na 'to. Subukan lang saktan ng mga ito si Sava, magkakamatayan sila ro'n. "Kung gano'n, magbigay ka! Hindi kami aalis dito nang walang nakukuha sa'yo." Nilabas ni Sava ang wallet nito at hinagis sa mukha ni Kiefer ang laman niyon. Pitong tig-iisandaang pisong papel iyon. "'Yan lang ang lahat ng pera ko." Ngumisi si Kiefer. "Ginagago mo ba ko, Monliva?" Nang kumilos ang dalawang lalaki para lapitan si Sava ay kumilos na si Emil. Itinago niya sa likuran niya si Sava at nilabas niya ang wallet niya at inabot ang laman niyon kay Kiefer. Ang limang libo ro'n ay galing sa allowance na pinadala sa kanya nina Mr. and Mrs. Roberts, samantalang ang sampung libo naman ay nagmula sa ipon nilang mag-ama na ipinabaon nito sa kanya para may pera siya in case of emergency. Patawarin niyo ko, Mr. and Mrs. Roberts. Patawarin niyo ko, Itay. "Labinlimang libong piso 'yan. Sapat na ba 'yan para umalis kayo ngayon?" "Emil!" saway ni Sava sa kanya pero hindi niya ito pinansin. Dinilaan ni Kiefer ang hinlalaki nito, saka mabilis na binilang ang perang inabot niya. "Puwede na. Malaki-laki na 'to kompara sa barya na inaabot ng Monliva triplets na 'yan sa'kin." Dumako ang tingin nito kay Mava, pero mabilis siyang humarang sa harap ng dalaga. "Ang protective mo naman!" "Lubayan mo si Sava. 'Wag na 'wag mo na uli siyang lalapitan." "Kung gano'n, ikaw na lang ang sisingilin ko?" nakangising tanong ni Kiefer at no'n niya napatunayan na mautak ang demonyo. "Emil, 'wag!" pigil ni Sava sa kanya habang binabayo nito ang likod niya. Umiiyak na ito. Lumunok siya. Alam niya kung anong pinapasok niya pero hindi niya kayang talikuran si Sava. "Oo. Kung kailangan mong singilin si Sava, ako ang lapitan mo at hindi siya." Isang kuntentong ngiti lang ang tinugon ni Kiefer, bago nito inaya ang mga kasamahan nitong umalis na. Pag-alis ng mga goons na 'yon ay napaupo si Sava sa damuhan. Agad niyang dinaluhan pero tinulak lang siya nito at tinapunan ng masamang tingin. "Bakit mo ginawa 'yon, Emil? Bakit isinangkot mo pa ang sarili mo sa problema naming magkakapatid?" galit na tanong ni Sava. "Hindi kita kayang talikuran, Sava." "Mapapahamak ka lang! Anak ng leader ng isang kilalang sindikato si Kiefer! Kilala ang tatay niya na nagpapautang ng malaki sa mga sugalor at adik na gaya ng papa namin, pero kilala rin siyang malupit at doble kung maningil! Alam mo ba kung anong pinasok mo? Puwede ka nilang patayin kapag hindi ka nakapagbigay sa kanila ng pera gaya ng ginawa mo kanina." Niyakap niya si Sava para kumalma ito. No'n ito umiyak. Nanginginig ang buong katawan nito dala marahil ng matinding takot. Nagtagis ang mga bagang niya. "Bakit wala man lang tumulong sa'yo sa mga kapitbahay niyo?" "Kilalang sindikato sina Kiefer sa lugar na 'to. Kahit ang mga tanod, takot sa kanila. Sinong tutulong sa'min? Dalawang taon na simula nang dumating sa buhay naming magkakapatid ang sindikatong iyon. Nalaman namin na si Papa, umuutang siya kay Kiefer at ipinapatalo lang iyon sa casino. Sa tuwina, kami ang sinisingil nila. Noon, kaya pa naming bayaran ang libo-libong inuutang ng walang kuwenta naming ama. Pero ngayon, saan kami kukuha ng tatlong milyon?" Humigpit ang pagkakayakap niya rito. Nasasaktan siyang malaman ang hirap na pinagdaanan ng babaeng mahal niya habang siya ay naroon sa probinsiya, naghihirap din sa buhay pero hindi naman nalalagay sa panganib. "Huwag kang mag-alala, Sava. Nandito ako. Hindi kita pababayaan. Magkasama nating haharapin ito." Lalo itong naiyak. "'Yon na nga, Emil. Para saan pa 'yong ginawa kong pagtalikod at pang-iiwan sa'yo para protektahan ka mula kina Kiefer kung ikaw pa mismo ang naglapit sa sarili mo sa kapahamakan?" Nabigla siya sa narinig niya. Kumalas siya sa pagkakayakap kay Sava upang mapagmasdan niya ang mukha nito. Wala na ang laging galit na anyo na pinapakita nito sa harap niya, at napalitan iyon ng dating maamo nitong mukha. "Sava, ang ibig mo bang sabihin, sinadya mong saktan ako para lumayo ako sa'yo nang sa gano'n ay hindi ako makilala nila Kiefer? Kung gano'n, hindi mo ginustong iwan ako." Ngumiti ito at sinuntok ng mahina ang dibdib niya. "Binale-wala mo lahat ng sakripisyo ko, sira-ulo ka." "Mahal mo pa ba ko, Sava?" Natawa ito ng mahina. "Hindi naman ako humintong mahalin ka, Emil. Kaya bakit umiiyak ka d'yan?" Imbis na sumagot ay niyakap niya lang ito at sinubsob niya ang mukha niya sa leeg nito para itago rito ang kahinaan niya. Akala niya, siya lang ang mas nagmamahal sa kanila ni Sava. Pero mukhang nagkamali siya. "Mahal na mahal din kita, Sava."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD