CHAPTER 2

1003 Words
Namutla si Iskria nang marinig ang mga salitang mariing binigkas ng kaniyang señorito. Umawang ang mga labi niyang hindi niya magawang itikom lalo na’t nakapukol pa rin sa kaniya ang mga titig ng binata na ubod ng talim. Ang mga mata nitong ang kulay ay magkahalong ginto at tsokolate ay nanunuot pa naman kung tumitig. Ayaw siyang lubayan ng tingin. “H-huwag mo naman ho akong t-takutin nang ganiyan, Señorito,” mabuway niyang sabi. Pinagsalikop niya ang dalawang kamay at pinisil-pisil ang mga daliri. Namumuo ang kaba sa kaniyang dibdib—dahil sa pagsusungit ng kaniyang amo at dahil na rin nasa harapan niya ito. Umigkas ang isang sulok ng mapula nitong mga labi upang iguhit ang kalahating ngiting puno ng pang-uuyam. “Tingin mo, tinatakot lang kita? Hah! No seas idiota, Iskria.” Hindi naiintindihan ni Iskria ang banyagang lengguwaheng binigkas ng binata, pero alam niya ang kahulugan ng salitang idiyota. Alam niyang iniinsulto siya nito. Nasaktan siya, at hindi niya nasikil ang pagkislap ng pait sa kaniyang mga mata. “What? You’re hurt now? Nagsasabi lang naman ako ng totoo,” anito. "Alangan namang sabihin kong matalino ka, kung pareho naman nating alam na kakarampot lang yata ang laman ng utak mo." Hindi nawala ang tigas sa ekspresyon ng mestizo nitong mukha. "Hindi naman ho ako 'idiot,' Señorito," mahina niyang sabi. “If you weren’t an idiot, you wouldn’t be standing here like a fool, staring at the guests and the food—and desperately looking for me. Masyado mong tinatakaw ang sarili mo sa mga bagay na hindi para sa ’yo.” Hindi na siya nakaimik. Napayuko na lamang siya. Napuno na ng luha ang kaniyang mga mata. Para kasing ikiniskis pa talaga ng binata sa pagmumukha niya na inaasam niya ang mga bagay na wala sa kaniya. Na masyado niyang ginugustong abutin ang mga hindi niya dapat pakialaman. Bumagsak ang mga luha niya. Kasabay ng pagdaloy ng mainit na likido sa magkabila niyang pisngi ay ang pagguhit din ng mahapding init sa kaniyang lalamunan. “Doon ka sa kusina,” pagtataboy ng binata sa kaniya. “You belong there. Hindi ka bagay dito. At hindi ka dapat nagpapakita sa mga bisita nina Mama at Papa.” Gusto na niyang tumalikod, ngunit hindi niya maigalaw ang nanlambot niyang mga binti. Kapag pinilit niyang humakbang, natitiyak niyang matatalisod lamang siya. Matutumba. Ramdam din niyang kulang na kulang ang lakas ng kaniyang mga tuhod. Umungol si Sixto. Iritado—malinaw iyon sa lalong paghatak ng mga kilay nito pagitna. “Hindi ka talaga aalis diyan?” Kaunti na lang, pasikmat na ang paraan ng pagtatanong nito sa kaniya. “N-nanlalambot ho ang mga binti at tuhod ko, Señorito,” matapat niyang sabi upang ipabatid dito na wala naman siyang balak magmatigas. Umarko ang mga kilay nito, hindi kumbinsido sa inaakala nitong palusot niya lang. Bumaba ang tingin ng lalaki sa ibabang parte ng katawan niya. Tapos ay ngumisi ito. “I don’t care, Iskria. Pilitin mong umalis diyan. Or, if you want, I can call the security and have you dragged to the kitchen. Hmm? Iyon ba ang gusto mo? Iyong may kakaladkad pa sa 'yo?” Ang sakit talagang magsalita ng kaniyang Señorito Sixto. “Señorito…” Kinagat niya nang mariin ang ibabang labi. Nanginginig iyon. Humugot siya ng hangin at pinuno ang dibdib, saka tumalikod. Pinuwersa ang mga paang gumalaw. “Good. Ituloy mo lang,” pauyam nitong sabi, nag-uutos. Isang hakbang, okay pa. Dalawang hakbang, parang nag-angat siya ng dos por dos na kahoy na nakapako sa sahig. Tatlong hakbang, nadapa na siya. Sumubsob sa sahig. Naitukod niya ang mga palad para hindi lang mangudngod ang mukha niya. Tumawa si Sixto. “Clumsy. Nagmumukha kang payaso.” Ang ibang tao ay napalingon na sa dako nila. Ramdam na ramdam ni Iskria ang mata ng iilang bisita na hinahayon siya ng tingin. Nag-iinit ang batok niya, ang kaniyang mga tainga, at magkabilang pisngi. “Ano ang nangyayari rito, hijo?” tanong ng ina ni Sixto. Kung istrikto ang binata, wala pa rin ito sa antas ni Señora Elvira—walang kapares ang pagiging istrikta nito. Palaging nakatikwas ang mga kilay at nakataas-noo. Kahit sa sahig nakatutok ang mga mata ni Iskria ay nandilat pa rin ang mga iyon nang marinig niya ang pamilyar na boses ng ginang. “Ma, nahuli ko lang na hindi nagtatrabaho nang maayos ang isa sa mga kasambahay natin,” ani Sixto. “Itaas mo nga ang ulo mo,” utos sa kaniya ng señora. “Gusto kong makita ang hitsura mo.” Ayaw niya sana, pero may magagawa ba siya? Hindi siya puwedeng tumanggi. Unti-unti siyang nag-angat ng mukha. Para na siyang sisiw na dinaluhong ng pusa—lugmok na lugmok. “Por Dios! Ang anak lang pala ng kusinera! Huwag kang pakalat-kalat dito, tonta!” asik nito sa kaniya. “Gusto mo bang mapansin ka ng mga bisita? Huwag ka nang mag-ilusyon. Walang papatol sa isang pobre!” “H-hindi ko naman ho gustong makaagaw ng atensiyon—” “Sumasagot ka pa?” “S-sorry ho, Señora Elvira.” Muli siyang nagyuko ng ulo. Nanginginig ang mga kamay niya. “Kung ayaw mong mawalan kayo ng trabaho ng nanay mo, gampanan mo nang maayos ang papel mo bilang kasambahay. Ibig sabihin, dapat ay nakalublob ang mga kamay mo sa lababo at kinukuskos ang mga hugasin! Naiintindihan mo ba ako?” “O-opo, naiintindihan ko po, Señora.” “Kung gano’n, tumayo ka na riyan at doon ka na sumiksik sa kung saan ka talaga dapat!” Sa puntong iyon, pinilit na niyang tumayo. At dahil siguro determinado ang utak niya na makaalis sa lugar kung saan nagigisa siya sa ilalim ng mga mapanghamak na tingin, kaya nagawa nang kumilos ng kaniyang mga paa. Dali-dali siyang tumakbo. Nakayuko ang ulo, at naiiwan sa hangin ang mga butil ng luha niya. Kumikislap sa ere. Habang tumatakbo siya, naikuyom pa niya ang isang kamay sa tapat ng kumikirot niyang dibdib. Masamang-masama ang loob niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD