CHAPTER 1
“Ang tayog din naman ng ambisyon mo, Iskria. Ikaw, magugustuhan ko? Tumingin ka na ba sa salamin? Hah!”
“Simpleng kasambahay, kusinera ng pamilya namin ang nanay, walang ama—ano ang kaya mong ipagmalaki sa akin? Bakit ako magkakainteres sa isang tulad mo?”
“Kahit baligtarin pa ang mundo, nunca kong pag-aaksayahan ng oras ang babaeng halos mamalimos ng pera sa pamilya namin upang magkaroon lang ng disenteng buhay!”
Ang mga salitang iyon ay nagpapaulit-ulit sa utak ni Iskria. Ang malulupit na salitang kinatatakutan niyang ihiyaw sa kaniya ng kaniyang señorito, na lihim niyang minamahal. Ang binatang gustung-gusto niya.
Arogante pa naman ito, suplado, at tuwing nagtatagpo ang mga mata nila ay palaging nagdidilim ang anyo ng mukha nito.
Magkagano’n man, hindi niya pa rin mapigilan ang pintig ng pasaway niyang puso. Pilit na nagmamatigas. Likas na suwail.
Ibig niya pa rin itong makita.
Gusto niya pa ring mapagmasdan ang mestizo nitong mukha.
Mula sa kusina ay sumilip si Iskria sa eleganteng komedor na puno ng mga bisitang ang kasuotan ay elegante at pormal. Pinong kumilos. Ang bawat halakhak ay tila kaymahal. Ang kikinis ng balat. Magaganda ang mukha. Puno ng sopistikasyon ang kilos ng mga ito. Humahalo sa hangin ang tunog ng banayad na pagpipingkian ng mga mamahaling kopita.
Muling inilibot ng dalaga ang tingin sa paligid. Sobrang lapad ng lugar at antigo ang mga muwebles. Ang mga upuan at mahabang mesa ay gawa sa solidong kahoy. May tatlong kandelabra sa ibabaw niyon—isang ipinuwesto sa pinakagitna, at ang dalawa ay nasa magkabilang gilid. Bukod sa mga kandelabra, may mga eleganteng aranya rin ang nakalawit sa mataas na kisame. Ang hapag ay puno ng iba’t ibang putahe. Lahat nag-uusok sa init, lahat humahalimuyak sa bango. Nangtatakam.
Napalunok si Iskria nang mapasulyap siya sa letson. Sana, bisita rin siya sa pagtitipong iyon para malaya niyang matikman ang mga putaheng humahalimuyak sa bango. Ang kaso, siya ay simpleng kasambahay doon. Bawal siyang makipagbungguang-siko sa mga mayayamang amiga at kumpadre ng may-ari ng mansiyon—ang pamilya Cruzano. Isa sa pinakamaimpluwensiya at makapangyarihang pamilya sa buong lalawigan. Katunayan niyan, sobrang lawak ng Hacienda Cruzano, at maraming mga taong kilala sa lipunan ang palaging nagagawi roon.
Ang nanay ni Iskria ay matagal nang kusinera sa mga Cruzano. Ang nanay niya rin ang nagpasok sa kaniya sa mansiyon bilang kasambahay. Okay naman sa kaniya ang trabaho, at pamilyar na siya sa lugar. Maliit pa lang kasi siya’y isinasama na siya ng kaniyang ina roon.
“Hoy, Iskria! Ano ang ginagawa mo riyan? Pasilip-silip ka na naman. Sino ang sinisilip mo? Ang señorito natin?” Tinapik ni Tisay ang balikat niya. Ito ang pinakamalapit sa kaniya sa lahat ng mga katrabaho niya sa mansiyon. Pareho kasi silang disiotso anyos. Madali silang maka-relate sa isa’t isa.
Maganda si Tisay. Maputi. Matangos ang ilong. Ang buhok ay maypagka-mais na ang kulay. Kaya siguro ‘Tisay’ ang tawag dito. 5’6” ang height nito. Matangkad.
Ang sabi ng nanay niya, Briton daw ang totoong ama ni Tisay.
Siya naman ay hindi kasingputi ni Tisay, pero makinis din siya. Maganda rin siya. Tama lang ang sukat ng ilong niya, hindi man kasingtangos ng kay Tisay ay manipis naman at maganda ang hulma. Ang buhok niya ay purong itim naman—na tila kalangitang walang mga bituin sa kalaliman ng gabi. 5’3” naman siya. Mas maliit kung itatabi siya sa kaibigan.
“Shh. Hinaan mo ang boses mo. Baka mapansin tayo ng mga bisita,” aniya. Itinapat pa ang hintuturo sa ilong at mga labi niya.
“Tiyak na mapapansin ka na talaga riyan dahil kanina ka pa hindi umaalis sa kinapupuwestuhan mo. Mamaya, mahuli ka ng nanay mo, lagot ka talaga sa kaniya.”
Ang dahilan kung bakit gusto niyang sumilip sa komedor, bukod sa inaasam niyang matikman ang letson, ay para rin makita ang señorito niya. Si Jose Sixto Cruzano. Beinte singko anyos. Nag-uumapaw ang karisma. Matangkad na umaabot sa anim na talampakan at apat na pulgada ang taas. Maganda ang pangangatawan. Matipuno.
Nag-iisa itong anak nina Señora Elvira at Señor Almario. Parehong may dugong Kastila ang mag-asawa, at may dugong Filipino rin.
Mula pagkabata, crush na niya ang Señorito Sixto niya. Ang sarap kasi nitong titigan. Halos perpekto na ang pagkakabuo sa hugis ng mukha nito. Taglay nito ang mukhang supladong tingnan, at mga matang natural na matalim kung tumitig.
“Ang sabi ng nanay mo, huwag mo nang palaguhin ang nararamdaman mong paghanga para kay Señorito Sixto, masasaktan ka lang. Kapag nalaman niyang hindi ka pa rin tumitigil, makukurot ka talaga sa singit. Sige ka.” Natawa pa ito.
Ang lutong ng tawa ni Tisay, na tila nakikinita na nito ang pagtili niya oras na ipitin ng mga daliri ng nanay niya ang balat sa kaniyang singit.
Iningusan niya lang ang kaibigan.
“Alam mo, Iskria, tama na iyan. Tara na sa likod. Maghuhugas pa tayo ng mga plato at kubyertos,” ani Tisay. Hinila-hila na nito ang manggas ng uniporme niya.
“Limang minuto na lang. Saglit na lang talaga,” apila niya.
“Bahala ka nga riyan. Aalis na ako, ha?”
“Oo, sige na. Susunod ako.” Pagkaalis ni Tisay ay muli niyang hinanap ang pigurang pamilyar na pamilyar sa kaniya. Ang pigurang palagi niyang pinagmamasdan tuwing nabibigyan siya ng oportunidad na makalapit dito o masilip ito mula sa malayo.
Nanigas ang katawan niya nang biglang dumako ang mga mata niya sa matangkad na binatang nakasandal sa dingding sa di-kalayuan. Sa kaniya rin ito nakatingin. Titig na titig. Pero walang init ang mga titig nitong iyon, kundi nababalot sa nakalulusaw na lamig.
Señorito Sixto!
Matigas ang ekspresyong nakaguhit sa mukha nito. Malinaw na hindi ito natutuwa sa kaniya.
Tumuwid ito ng tayo at nagsimulang humakbang—palapit sa kinaroroonan niya!
Nalaglag ang panga ni Iskria. Nataranta siya. Hindi niya alam kung aatras siya o tatakbo palayo, ngunit alin man do’n sa dalawa ay wala siyang nagawa sapagkat nanatiling nakapako sa sahig ang mga paa niya. Natuod siya at hindi makagalaw, habang kumakabog sa nerbiyos ang kaniyang dibdib.
“What are you doing?” magaspang na tanong ni Sixto sa kaniya nang nasa harapan na niya ito. Ang sungit nito. Istrikto ang bukas ng mukha. Iritado ang tono ng boses.
Napalunok ang dalaga at kinailangan pa niyang tumingala para lang matingnan sa mata ang kaniyang señorito. “A-ano po?”
“I’m asking you, what are you doing? Tumatakas sa trabaho? Dapat naghuhugas ka ng mga pinggan ngayon imbes na nakatayo ka lang dito.” Malinaw na hindi ito natutuwa sa kaniya.
“N-nagpapahinga lang ho ako saglit,” palusot niya.
“No, you weren’t just resting. You were looking for me. You think I wouldn’t notice how your gaze combed through the crowd?”
Mabuti na lang nakakaintindi siya ng English dahil umabot naman siya hanggang second year college. Hindi lang talaga niya natapos ang apat na taong kurso dahil kapos sila sa pera.
“Huwag kang tingin nang tingin sa akin palagi. Hindi ako komportable kapag palaging nakasunod sa akin ’yang mga mata mo.”
Nakagat ni Iskria ang ibabang labi at napayuko siya. Bakit pagdating sa kaniya, palaging galit ang binata? May nagawa ba siyang hindi nito nagustuhan? Kahit ba ang simpleng pagtitig ay mali para rito?
“If I catch you staring at me again, I will have you fired. I’m serious,” pagbabanta pa nito sa kaniya bago siya nito tinalikuran.