Ipinikit ni Miggy ang kanyang mga mata upang muling maalala ang mukha ni Graciella. Kahit iniisa-isa niya ang bawat pahina ng kanyang buhay mula noong siya ay bata pa ay wala talaga siyang matandaang ganoong hitsura at pangalan. Isinantabi nito ang kanyang iniisip at sinuri ang kanyang katawan. Kumunot ang kanyang noo nang masilayan niyang muli ang may kahabaang pilat sa kanyang tagiliran.
Naaksidente ito noong siya ay labing-anim na taong gulang pa lamang dahil sa pagmomotor nito ng lasing ng hatinggabi. Masasabi nitong pinalaki siya sa layaw dahil nag-iisa itong anak ng mga nagmamay-ari ng malaking patahian sa Pampanga. Tanyag ang kanilang negosyo sa buong Pilipinas, maging sa ibang bansa sapagkat nag-aangkat din sila ng iba’t ibang uri ng damit na karaniwang binebenta ng mga online sellers. Dahil sa milyonaryo ang kanyang angkan ay lumaki itong nakukuha ang lahat ng kanyang nais. Matunog ang kanyang pangalan sa kanilang lugar hindi dahil sa kanilang angking yaman kundi sa pagiging basagulero, pagiging chikboy at iba pa.
Akala ng kanyang mga magulang ay tuluyan na itong papanaw sa kanyang pagkakasalpok sa pintuan ng 7-11 Convenience Store dahil sa pagmamaneho nitong lango sa kalasingan. Isang linggo siyang nasa comatose stage ngunit isang araw ay bigla na lamang siyang nagising at mabilis na gumaling.
Laking pasasalamat ng kanyang mga magulang hindi lamang dahil siya ay nakaligtas sa trahedya kundi pati na rin sa biglaan niyang pagbabago. Mula nang bumalik ang kanyang sigla ay nawalan na ito ng interes sa mamahaling mga bagay. Naging mas malapit ito sa mga tao at sa kanilang mga trabahador. Hinayaan siya ng kanyang mga magulang na kuhanin ang kanyang nais na kurso—Fine Arts, at nagtapos ito ng Magna c*m Laude sa Ateneo De Manila University.
Mula sa pagiging patapon ay inukit niyang muli ang kanyang buhay upang mapabuti nito ang kanyang sitwasyon. Biniyayaan siya ng kanyang mga magulang ng kapital upang mapagpatayo ito ng art gallery. Mabilis na nakilala ang kanyang mga gawa dahil sa kanyang mga kakaibang disenyo. Ang una niyang galeriya ay pinamagatang, “Sulyap sa Kasaysayan: A Glimpse of Filipinos in the 1880s.” Hindi nito mawari kung saan nanggagaling ang kanyang mayamang kaalaman pagdating sa kasaysayan ngunit simula nang maaksidente ito, ay parang gumising siya na may napakaliwanag na detalye ng mga galaw, pananamit, pamumuhay, pakikitungo at mga wangis ng mga sinaunang Pilipino. Dito siya humugot ng inspirasyon upang mabuo niya ang kanyang mga nililok at mga ipinintang obra maestra. Noong una ay mga kaibigang mayayaman lamang ng kanyang mga magulang ang bumibista sa kanyang galeriya ngunit mabilis na naging laman ng social media at mga balita ang kanyang mga likha. Bawat nakakakita at bumibili sa kanyang mga gawa ay nagsasabing tila may buhay ang kanilang mga nasasaksihan sa kanyang galeriya. Lahat ng pumasok sa kanyang pook-tanghalan ay hindi lumalabas ng hindi nakangiti, naiiyak o naaantig sa mga larawang kanyang ipininta.
Ngunit sa kabila ng kanyang tagumpay ay nanatili itong mapagpakumbaba at magalang sa lahat ng mga mamamayang nasa kanyang paligid. Nakahiligan nitong magbisikleta tuwing umaga at hapon upang makipag-usap sa mga ordinaryong mga mamamayan, makipag-chess sa parke sa mga hindi niya kilalang matatanda o kaya naman ay makipagkuwentuhan sa mga nagtitinda. Nakakahugot siya ng kapanatagan at inspirasyon sa kanyang mga likha sa tuwing ginugugol nito ang kanyang oras sa pakikipagkuwentuhan sa kanilang mga may edad na mananahi, mga naglalako ng paninda sa daan o sino pa mang kanyang mahagilap sa daan.
Tinatangi siya ng halos lahat ng mga taong nakakakilala sa kanya, hindi lamang sa kanyang kabaitan kundi maging sa kanyang angking kagwapuhan. Kayumanggi ang kanyang balat at may tangkad na maihahambing sa mga sikat na basketbolista. Biniyayaan siya ng napakagandang anyo dahil sa pagtatambal ng dugong Pinoy ng kanyang ama at lahing Hapones ng kanyang ina. Kaya naman may kaunting kasingkitan ang kanyang mga mata na pinapayungan ng kanyang makakapal na kilay. Tamang-tama ang hulma ng tangos ng kanyang ilong at maninipis at kulay rosas na mga labi. Hindi na mabilang ang mga lumapit na talent scouts sa kanya simula ng siya ay makilala sa kanyang mga obra ngunit tumatanggi ito dahil ang puso niya'y nakatalaga lamang sa sining ng pagpipinta at pag-ukit.
---
Tinahak ng kanyang mga daliri ang kahabaan ng kanyang pilat sa tagiliran at sinalat ng dahan-dahan ang umbok ng nasirang balat nito. Tinitigan niya ang tattoo na ipinapatong niya sa kanyang pilat sa salamin at ang nakasulat ay, “Till the End of Time.” Nakuha niya ito mula sa isang gold-plated na Zippo lighter na kanyang natagpuan sa ilalim ng kanyang unan sa hospital kung saan siya dinala noong siya ay mag-agaw-buhay. Sinikap niyang alalahanin kung ito ba ay kanyang pag-aari ngunit wala itong matandaan. Nagtanong siya sa kanyang mga magulang pero maging sila man ay walang ideya. Mula noon ay itinago niya ito sapagkat nararamdaman niya ang matinding koneksyon sa bagay na iyon. Dala-dala niya ang lighter saan man siya magpunta at ipinalagay niya ang mga salitang, “Till the End of Time” na nakaukit sa katawan ng bagay na ito sa kanyang natatanging tanda ng muling paggising upang parati niyang mapaalalahanan ang kanyang sarili na ito ay ikalawa na niyang buhay na dapat na pagyamanin at pahalagahan.
---
Pagkatapos nitong maligo ay tumungo siya sa kanyang computer table at isa-isang isinilid ang kanyang mga iba’t ibang uri ng graphite pencils at ang isang malaking sketch notebook sa kanyang black backpack. Daglian siyang humablot ng isang loose-fit basic, beige T-shirt at black na jogging pants sa kanyang walk-in closet at isinuot ang mga ito. Sinuklay niya sa kanyang mga daliri ang kanyang bagsak na buhok na tumutulay sa kanyang makakapal na kilay at napangiti sa kanyang ayos. Nagmamadali itong lumabas sa kanyang condo unit nang hindi pa naaayos ang sintas ng kanyang mga sapatos habang inilalakad niya ang kanyang Brusko Arrow Mountain Bike papunta sa elevator. Nais niyang maagang makadating sa Astro Park upang maguhitan ang mga nagjo-jogging, naglalaro ng badminton na mga magbabarkada o kaya naman ay ang mga pamilyang nagpi-picnic sa lugar na iyon.
Pagkababa niya sa elevator ay sinaluduhan niya si Mang Gido, ang security guard ng kanilang condominium.
“Sir, bili ka na kasi ng sasakyan, oh. Napapagod ka lang sa kakapadyak diyan at kainit na ngayon ng umaga.” Paalala ng security guard sa kanya.
“Para lang po sa mayayaman ang kotse, Chief.” Tugon naman nito at dumaklot pa ng isang pirasong pandesal sa supot ni Mang Gido.
Tumawa naman ang guard sa kanyang tinuran at muling sumagot.
“Dito ka nakatira. Ang bisikleta mo ay katumbas ng tatlong buwan kong sweldo tapos sasabihin mo ‘di ka mayaman. Anong tawag mo samin, Sir?” Pagbibiro naman ni Mang Gido.
Sumakay si Miggy sa kanyang bisikleta at nagpatalbog-talbog upang tignan kung hindi flat ang mga gulong ng kanyang sinasakyan. Pagkatapos ay tumingala ito sa entrance ng condominium upang muling kausapin si Mang Gido.
“Pamilya, Chief. Ka-pamilya ang tawag ko sa inyo.” Maaliwalas na ngiting pagsagot ni Miggy sa guard at tumulak na papunta sa park.
Napailing si Mang Gido sa hindi mapaniwalaang kabaitan ng kanyang pinaglilingkuran.
“Napakapalad ng mapapangasawa ng batang ito. Grabe ang kabaitan at kapogian. Sayang nga lang at walong taong gulang pa lang ang anak ko.” Sambit naman ni Mang Gido habang masayang pinagmamasdan ang nagbibisikletang si Miggy papunta sa parke.
Lumilipad ang tuwid na buhok ni Miggy habang sinasalubong nito ang manipis na hamog ng umaga at malamig na hangin ng Balibago. Tinanggal niya ang kanyang kaliwang kamay sa manibela ng bisikleta upang itulak ang pandesal sa kanyang bibig. Ngumuya ito at napangiti sa masarap na yakap ng hangin sa kanyang mga pisngi na lalong nagpasingkit sa kanyang mga mata.
Tumigil ito pansamantala sa isang sangang-daan upang sundin ang streetlights. Sa kanyang paghihintay ay tila hinigop ang kanyang atensyon papunta sa isang silid sa ika-limang palapag ng PMP Medical Center na nakatayo sa kabilang kalsada. Napakunot ang kanyang noo dahil sa hindi nito mapagtantong dahilan kung bakit bumilis ang t***k ng kanyang puso nang masilayan niya ang isang silid ng hospital na ito.