Chapter 3: Grace Lyne Smith

1407 Words
“UUUUUUUUHHHHHH!” Matinding paghabol ni Gigi sa kanyang paghinga matapos ang kanyang napakahabang pagkakahimlay. Umangat ang kanyang katawan at pinilit niyang kabugin ang kanyang dibdib. Napaubo ito at muling sumagap ng hangin upang mapatatag ang kanyang mga baga sa paghinga. Nang umayos na ang kanyang pakiramdam ay mabilis itong sumulyap sa paligid. Kahit nanlalambot pa ang kanyang katawan ay sinikap niyang tumayo at napahandusay sa sahig. Buong lakas siyang gumapang papunta sa bintana na tila may kailangan siyang habulin at makita. Inabot ng kanyang nanginginig na kamay ang stool ng bintana upang tulungang iangat ang kanyang sarili. Nang makatayo ito ay tumingin siya sa baba ng gusali. Nakita niya ang isang binatang nakabisikleta na nakatitig sa kanyang kinaroroonan. Nagdala ito ng kapanatagan sa kanyang balisang puso at nanginginig na katawan. Tumawid ang binata sa pedestrian lane at unti-unting naglaho sa kanyang paningin. Bumitaw si Gigi sa stool ng bintana at bigla itong bumagsak sa sahig. Napapikit ito sa sakit at naitukod ang kanyang mga palad sa semento upang maisandal ang kanyang likuran sa pader. Mabilis ang kanyang paghinga at malilikot ang mga mata. Hindi niya alam kung nasaan siya at hindi pamilyar sa kanya ang lahat ng kanyang nakikita. Hinawakan niya ang kanyang leeg at sinabunutan ang kanyang buhok para lakbayin ang kanyang nakalipas. Sa gitna ng kanyang magulong pag-iisip ay binagtas niya ang pinakaunang hibla ng alaala na kanyang naaaninag sa alapaap ng kanyang utak. At ang una niyang naalala ay ang kanyang nakaraan—bilang si Graciella Katigbak. --- MARSO, 1861 Banayad na hinahaplos ni Don Victoriano Katigbak ang malambot at alon-along buhok ng kanyang bunso na anak na si Graciella. Kapwa sila nakatayo sa balkonahe ng kanilang tatlong palapag na bahay na bato habang pinagmamasdan ang kalawakan ng kanilang taniman at lupain. “Iha, ang lahat ng abot ng iyong paningin ay atin. Sa mura mong edad ay kinakitaan ka na ng katalinuhan at pagka-maalalahanin sa ating mga katulong. Nawa’y pagyamanin mo ang mayroon tayo hindi lamang para sa ikabubuhay ng ating pamilya at ng susunod pang henerasyon ng ating angkan, kundi pati na rin sa ikabubuti ng kalagayan ng mga taong tumutulong at umaasa sa atin.” Nakangiting payo ni Don Victoriano sa kanyang anak. Tumingala si Graciella sa kanyang butihing ama. Hangang-hanga si Don Victoriano sa bibiluging mga mata na kulay kastanyas ng kanyang anak na minana niya sa yumao niyang asawa. Hinaplos nito ang mala-porselana nitong kutis niyang pisngi at idinaop naman ng kanyang anak ang kanyang kamay sa palad ng kanyang ama. “Ama, isa lamang akong hamak na babae. Nangangamba ako sa maaaring maging bunga nito kung ako ang magmamana sa pamamalakad ng ating negosyo. Isa pa, nariyan din ang aking nakatatandang kapatid na si Leonora. Batid kong malapit na itong magkaroon ng kabiyak at maghahangad sila bilang iyong tagapagmana…” Malambing na pananalita ni Graciella sa kanyang ama. Huminga ng malalim si Don Victoriano at humarap sa kanyang napakagandang anak. Hinawakan niya ang mga balikat nito at nagpaalala. “Hindi kailanman hadlang ang kasarian upang maging karapat-dapat ang isang tao sa kinatatayuan ko ngayon. Pantay-pantay tayong hinubog mula sa alabok ng Poong Maykapal at wala sinuman sa atin ang may karapatang humusga sa kakayahan ng isang tao. Huwag kang mabahala para sa iyong kapatid. Marami tayong negosyo at hindi ko papabayaan ang kanyang pamilya. Ngunit sa iyo ko ipapaubaya ang pamamalakad nitong ating taniman.” Malumanay na sambit ng kanyang ama. Sinuklian ng ngiti ni Graciella ang kanyang butihing ama at ipinagpatuloy nila ang pagmamasid sa kanilang napakalawak na hacienda. Bagamat araw-araw niya itong nakikita ay hindi pa rin niya mawaglit ang katotohanang sila ay isa sa mga pinakamayamang Pilipino sa buong bansa. Ang pangunahing negosyo ng kanyang ama ay ang kanilang pataniman at pangangalakal ng kapeng barako mula pa noong sinakop sila ng mga Kastila. Isang libong hektarya ang kanilang taniman ng puno ng kape sa Lipa, Batangas at kanilang inaangkat ang mga ani sa bansang Mehiko mula nang buksan ng mga Espanyol ang Manila-Acapulco (Galleon Trade) na rota. Sa kabila ng malupit na pamamalakad ng mga Kastila noong mga panahong iyon ay isa sila sa mga hinayaang magpatuloy sa kanilang pamumuhay sapagkat tapat na nagbabayad ng buwis ang kanyang ama sa mga ito. Masipag ang kanyang ama. Nagsimula ang kanilang pamilya sa simpleng pagsasaka. Nakatagpo ito ng isang butihing prayle at tinuruan siya nitong magtanim ng puno ng kape. Pinayuhan siya nito na alagaan niyang mabuti ang mga puno at palaguin dahil balang araw ay ito ang magsasalba sa kanilang pamumuhay. At iyon nga ang naging kasagutan sa matagal na nilang panalangin dahil habang namumukadkad ang negosyo ng tabako sa bansa ay lumalabong din ang pagkakakilanlan sa kapeng barako na pumupukaw sa panlasa hindi lamang ng mga taga-Mehiko, maging ng mga taga-Tsina, Siam, Borneo at Moluccas. Hinawakan ni Don Victoriano ang kamay ni Graciella at sabay na bumaba sa kanilang malapad na hagdan patungo sa taniman. Inayos ng dalaga ang kanyang kulay tsesang balabal na yari sa hibla ng pinya at itinaas ang kanyang sumasayad na puting filipiniana sa semento. Nang marating nila ang harapan ng taniman ay masiglang sumalubong ang kanilang mga trabahador sa kanila. “Halika’t ipakikilala kita sa ating mga tagapag-alaga, iha.” Bulong ni Don Victoriano. Humarap si Graciella sa lahat ng mga tao doon at iginiya ang kanyang paa para bahagyang lumuhod upang magbigay-galang. Yumuko ang kanilang mga trabahador at hindi maiwasang mamangha sa kanya. “Ginoo, tunay ngang walang kapantay ang ganda ng inyong anak! Para siyang isang diyosa!” Sambit ng isang matanda. Tumawa si Don Victoriano at isa-isang ipinakilala ang mga ito sa kanyang anak. Tuwang-tuwa si Graciella sa mga papuri at magigiliw nilang mga katulong, ngunit isang binata ang pumukaw sa kanyang atensyon—si Miguelito. Nakasuot ito ng puting kasuotan na may bahid ng natuyong lupa at dumi. Ibinaba nito ang kanyang salakot at yumuko upang magbigay-galang sa kanyang mga amo. Lumakas ang pintig ng puso ni Graciella nang masilayan nito ang hitsura ng binata. Banat sa mabibigat na gawain ang maskuladong hubog ni Miguelito at nilapatan ng kayumangging balat ang kabuuan nito. Mapupungay ang kanyang mga mata na may malapad na panga at matambok na labi. “Ikinalulugod ko po kayong makilala, Senyorita Graciella.” Magalang na pagbati ni Miguelito sa kanyang amo. Bahagya itong ngumiti at nasilayan ni Graciella ang mga biloy sa kanyang pisngi. Tila umakyat ang init sa kanyang puso dahil sa matinding paghanga nito sa kanyang kaharap. --- Unti-unting nabura ang mga naglalarong eksena sa isipan ni Gigi nang maramdaman nito ang paninikip ng kanyang dibdib hanggang sa makabalik ang kanyang wisyo sa kasalukyan. Hinabol niya ang kanyang paghinga at kinabog ang dibdib. Balisang-balisa ito sapagkat hindi niya maunawaan kung bakit natagpuan niya ang kanyang sarili sa lugar na hindi niya kilala. Kahit na nanlalambot ang kanyang mga paa ay pinilit nitong tumayong muli at tignan ang kanyang hitsura sa repleksyon ng glass window. Kinapa-kapa niya ang kanyang pisngi dahil hindi niya mamukhaan ang kanyang sarili. Pinasadahan niya ng mabilis ang kanyang mga braso, paa, dibdib at ang kanyang kasuotan. At doon niya natiyak na siya ay nasa loob ng katawan ng isang hindi niya kilalang babae. Nakakita siya ng itim na purse sa mesa at kanya itong inabot. Tinanggal niya ang lahat ng laman nito at nakita ang kanyang Identification Card. Sa hindi malamang dahilan ay batid niyang siya rin ay si Grace Lyne Smith, isa sa mga Creative Directors ng Smith-Hutgens Communications at 30-anyos na babae na walang asawa’t mga anak. Memoryado niya ang kanyang pagkatao noong 1800s at kabisado niya ang kanyang pagkakakilanlan ngayong 2024. Lalo itong naguluhan at napasabunot sa kanyang buhok sa tindi ng sakit ng ulo na kanyang nararamdaman. “Ahhhhhhhhh!” Sigaw nito at naglupasay sa sahig. Biglang may pumasok na babae sa kanyang silid at nabitawan nito ang dala niyang bungkos ng bulaklak. “Oh my God, Gigi! You’re awake! Thank God!!!” Bulalas ng babaeng ito at patakbo siyang lumapit sa kanya. Hinagkan siya ng maganda at mabangong babaeng ito. Tila hinugot ang kanyang kaluluwa sa kanyang katawan nang madampian siya ng yakap ng babae. Mariing hinawakan ng babae ang kanyang mga pisngi habang ito ay naluluha sa galak. “Oh my God, Gigi! I can’t believe it! What do you feel? Are you alright?” Natatarantang sambit nito sa kanya. Umagos ang mga luha ni Gigi nang mahawakan niya ang kamay nito. “Ikaw ba yan… Luwalhati?” Nasambit nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD