Mahigpit ang kanyang pagkakakapit sa hawakan ng jeep at malikot ang kanyang mga mata na inoobserbahan ang mga lugar na kanyang nadadaanan. Hindi nito mawari kung bakit kabisado niya ang pasikot-sikot ng kanyang bagong probinsya ngunit malaki ang pasasalamat nito sa Poong Maykapal dahil kahit malabo pa sa kanyang pag-iisip ang mga nangyayari ay naroroon pa rin ito at humihinga. Nang makita niya ang kanto paliko sa lugar ng S&R ay pumara ito pababa ng jeep. Tumawid ito sa kalsada at pinagmasdan ang lugar. Mangilan-ngilan na lamang ang mga tao na naglalakad sa pasilyo dahil lumalalim na ang gabi kaya naman nagkaroon siya ng pagkakataong masipat ang anggulo ng lokasyon at alalahanin kung paano ito naaksidente sa harapan ng nasabing mall. Banayad itong naglakad at tinunton ang mga kaganapan noong araw na iyon hanggang sa masilayan niya ang isang metal na signage kung saan bumungo ang kanyang ulo nang tumilapon siya dahil sa pagkabangga nito sa kotse. Mabilis siyang naglakad patungo dito at tinitigang mabuti ang bakal na frame nito. Dahan-dahan niyang inangat ang kanyang kamay at may pag-aalinlangang humawak sa bakal. Nang dumampi ang kanyang palad dito ay muling nagdilim ang kanyang paningin at lumipad ang kanyang isip sa nakaraan.
---
Maulang Gabi ng Mayo, 1868
“Hawakan mo ng mabuti ang aking kamay at huwag kang matakot, Senyorita. Kasama mo ako at itataya ko ang buhay ko para sa iyo…” Nagmamadaling pangungusap ni Miguelito kay Graciella habang sinisikap na ibaba nito ang kanyang kasintahan sa matayog na bintana ng bahay na bato.
Nakaapak si Miguelto sa kahoy na hagdan upang maabot nito si Graciella at matulungang bumaba sa ikalawang palapag ng mansyon.
“Ka…kaunting bilis, Senyorita bago pa makapasok sila Senyorita Leonora…” Paalala ni Luwalhati kay Graciella habang hinihila ang telang kinakapitan ng kanyang amo.
Nabigla si Luwalhati, kasama ng kanyang mga kasambahay nang biglang may bumitaw sa isa sa mga katulong sa tela at lalong bumigat ang kanilang paghila. Lumingon sa likuran si Luwalhati at nakitang isa sa mga kasama nito ay lumabas ng kanilang silid at tumungo sa pintuan ng bahay na bato upang mapagbuksan sina Senyorita Leonora at Don Mariano.
“Saan ka pupunta, Elena!!! Huwag mong gawin iyan!!!” Sigaw nito.
Binalot ng pangamba ang puso ni Luwalhati at nag-isip.
“Miguelito, maghanda ka at saluhin mo ang Senyorita!” Muli nitong sigaw upang paalalahanin ang nobyo ng kanyang amo.
Pinakawalan nito ang telang kanilang hinihila at mabilis na dumausdos si Graciella sa mga malalaking bisig ni Miguelito. Matagumpay naman niya itong nasalo at tinulungang bumaba sa hagdan. Dumungaw sa ibaba ng bintana si Luwalhati at lumigaya ang kanyang puso nang makitang malapit na nilang marating ang pinakababa ng mansion. Ngunit kaagad ding natabunan ng ligalig ang kanyang nararamdaman nang marinig niya ang boses ni Senyorita Leonora.
“Graciella!!! Alam ko ang iyong binabalak!!! Huwag mo ng ituloy ito upang wala ng masaktan!!! Graciellaaaaaa!!!” Dumadagundong na sigaw ni Leonora.
Napuno ng pangamba si Luwalhati at muling lumingon sa bintana.
“Hawakan niyo ng mabuti ang tela at bababa din ako!” Mabilis na sambit ni Luwalhati sa kanyang mga kasama.
Sinubukan siyang pigilan ng kapwa niya kasambahay ngunit mabilis itong nakaapak sa bintana at tinunton ang tela at hagdan.
Nang makababa ng tuluyan ang magkasintahan sa lupa ay hinila ni Miguelito ang kamay ni Graciella upang tahakin ang kalesang kanyang inihanda para sa kanilang pagtakas. Hinawakan ni Graciella ang pisngi ng kanyang makisig na nobyo at nagsalita.
“Miguelito… Hindi mo ito kailangang gawin. Napakarami na ng inyong sakripisyo upang ako’y inyong mailigtas… Hindi makakayanan ng aking puso kung ikaw ang mailagay sa panganib dahil sa akin…”
Itinaas ni Miguelito ang kanyang palad at marahang hinaplos ang kamay ni Graciella na nakadantay sa kanyang pisngi.
“Irog ko… Walang kahit na anong unos ng pagsubok ang hindi kayang tawirin ng isang pusong wagas ang pagmamahal. Higit sa aking pangako sa yumao mong ama, saksi ang mga tala at bituin kung gaano kasidhi ang aking pag-ibig. Kulang ang himpapawid upang ilulan ang aking nararamdaman para sa iyo, Senyorita Graciella…” Sambit ni Miguelito.
Yumuko si Miguelito at kinuha ang isang bagay sa kanyang bulsa. Sa gitna ng malakas na ulan ay nasilayan ni Graciella ang kanyang maaliwalas na ngiti nang ilagay ni Miguelito ang pulseras na gawa sa bulaklak ng sampaguita sa kanyang pulsuhan.
“Salat man ang aking pamumuhay at hindi ko maipapangako sa iyo ang karangyaang iyong nakagisnan, Senyorita… ngunit tanggapin mo sana ito bilang tanda ng aking walang kapantay na pagmamahal…” Banayad na bulong ni Miguelito kay Graciella habang ibinubuhol nito ang dulo ng pulseras.
Lalong umalab ang pagmamahal sa puso ni Graciella sa tinuran ng kanyang kasintahan. Mariin niyang hinawakan ang pisngi ni Miguelito at kanya itong ibinaba upang mahalikan ang kanyang mga labi. Sinuklian naman siya nito ng napakatamis na halik at niyakap ito ng mahigpit.
“Miguelito!!! Husto na iyan!!! Maaabutan tayo nina Senyorita Leonora!!!” Sigaw ni Luwalhati habang tumatakbo ito palapit sa kanila.
Napanganga si Graciella nang mapagtanto niyang sumunod sa kanila si Luwalhati. Kanya itong sinalubong at pinaalalahanan.
“Luwalhati! Bakit ka sumunod? Bumalik ka sa mansyon para sa iyong kaligtasan!” Nangangaralgal na sambit ni Graciella.
“Senyorita, wala na tayong panahon! Humayo na kayo, Miguelito!” Nagmamadaling tugon ni Luwalhati at tinignan si Miguelito.
Tumango si Miguelito at tinangay ang braso ni Graciella. Bagamat napakahirap sa kanila ang tumakbo ng mabilis dahil sa bigat ng patak ng malakas na ulan ay kanila paring tinahak ang maputik na daan patungo sa kalesa ni Miguelito.
Nang marating ni Leonora ang silid ng mga kasambay ay kanya nitong ipinagtutulakan ang mga tao upang makadungaw siya sa bintana. Nasilayan niya na hindi pa nakakalayo ang tatlo kaya naman inaya niya si Don Mariano na sila’y kanilang habulin.
Magkahawak-kamay na tumakbo sina Miguelito at Graciella. Nakangiti si Miguelito at bakas na bakas sa kanyang mukha ang kaligayahan na kanyang nararamdaman. Hinawakan ni Graciella ang kanyang saya upang hindi sumayad sa lusak na daan at pinagmasdan ang kanyang kasintahan. Umaapaw ang ligaya sa kanyang puso habang masaya silang nagtitigan sa gitna ng marahas na unos ng ulan.
Nang makaalpas sila sa kahabaan ng taniman ng kanilang pamilya ay kaagad na tumungo ang tatlo sa daan patungo sa kinalalagyan ng kalesa. Nang lumiko sila sa kalye ay biglang humiyaw ang langit sa malakas na ugong ng kulog at kidlat. Napabitaw si Graciella sa pagkakahawak nito sa kamay ni Miguelito at nailagay ang mga palad nito sa kanyang tenga sa takot. Napigtas ang suot nitong pulseras na sampaguita at nalaglag sa basang lupa. Yuyuko na sana ito at pupulutin ang sagisag ng pagmamahalan nila ni Miguelito nang unahan ito ng kanyang kasintahan sa pagpulot. Nang makuha niya ito ay kanya itong pinagpag sa kanyang mga daliri at tumingala upang ngitian si Graciella.
Biglaang bumagal ang agos ng mga sandali sa oras na iyon habang dahan-dahang tumatayo si Miguelito. Nang pagmasdan siya ni Graciella ay sumilid sa kanyang paningin ang unti-unting paglitaw nina Leonora at Don Mariano sa di-kalayuang distansya sa kanila. Nakita niya na nanlilisik ang mga mata ng kanyang kapatid at kapwa may hawak na bayoneta sina Leonora at ang kanyang itinakdang mapapangasawa. Nanlaki ang mga mata ni Graciella at napanganga. Nasilayan ni Luwalhati ang biglaang paninibago ng ekspresyon ng mukha ng kanyang amo at siya din ay napalingon. Kusang gumalaw ang kanyang katawan upang mayakap ang kanyang amo at ipagsanggalang ang sarili nang mapagtanto niya ang gagawin ni Leonora. Ipinaputok ni Leonora ang kanyang bayoneta at nabaril si Luwalhati sa halip na si Graciella. Nasaksihan ni Graciella ang dahan-dahang pagbulusok ng katawan ni Luwalhati sa lupa habang ito ay nakatitig sa kanya. Ipinaputok din ni Don Mariano ang kanyang hawak at pinaslang si Miguelito. Nakita ni Graciella ang umagos na luha ni Miguelito sa kanyang mga mata bago ito nabuwal sa lupa. Nanlambot ang mga tuhod ni Graciela at tumigil ang t***k ng kanyang puso. Napahandusay siya sa putikan sa gitna ng marahas na buhos ng ulan. Nanatiling nakabukas ang kanyang bibig ngunit hindi makapagsalita sa bilis ng mga pangyayari.
Napanganga naman si Leonora nang masilayan niya ang unti-unting pagbaksak ng katawan ni Miguelito dahil sa pagpaslang sa kanya ni Don Mariano. Siniil ng poot ang kanyang puso at itinutok ang baril sa kasama nito.
“HAYOOOOP KAAAA!!!” Sigaw ni Leonora at binaril sa sentido si Don Mariano.
Napaluhod si Leonora at umagos ang kanyang mga luha dahil sa sinapit ng kanyang minamahal na si Miguelito. Sinikap niyang gumapang at abutin ang pumapanaw na lalaking kanyang lubos na hinahangaan ngunit tumigil ito ng marinig niya ang sinabi ni Miguelito sa kay Graciella.