Miyona Saimori
Hindi na ako makagalaw sa kinahihigaan ko. Nanatili pa rin akong nakatitig sa mga labi ni Noah, na sa kauna-unahang pagkakataon ay natikman ko.
At hindi ko maipaliwanag ang pakiramdam. Sobrang bilis ng t***k ng puso ko. Para bang may maliliit na kuryenteng dumaloy mula sa mga labi ko pababa sa dibdib ko. Nanuyo ang lalamunan ko, at kahit gusto kong magsalita, walang lumalabas na boses.
May kakaibang init na kumalat sa buong katawan ko. Nanlalambot ako na hindi ko maipaliwanag. Malambot, mainit at mabango ang mga labi niya kahit bagong gising lang kami.
"Hey," untag niya, kasabay nang pagngiti. "Natulala ka na. Don't tell me that was your first kiss?"
Napaangat ang paningin ko sa kanya hanggang sa magtama ang aming mga mata.
Marahan akong tumango. "Ng-Ngayon ko lang talaga naranasang mahalikan," nahihiya kong sagot.
Lalo namang lumapad ang ngiti niya. "But you're already twenty-six. Didn't you ever have a boyfriend before?"
Agad akong umiling.
"Ah, kasi may crush ka dati kay Vin-Vin."
"H-Ha?" Nagulat naman ako sa sinabi niya.
Tumawa naman siya. "I could see it in your eyes back then whenever you looked at him. And as far as I know … Ember used to get jealous of you."
"N-No… Kuya ko lang si Kuya Devin. Mabait siya. 'Yon lang."
"But eyes don’t know how to lie."
"Dati lang talaga 'yon. Noon pa 'yon. Matagal nang may asawa si Kuya Devin, kaya matagal ko na ring tanggap—"
"That you loved him before?" agad niyang dugtong sa sinasabi ko.
Lalo naman akong napanganga. Naku naman, baka kung ano'ng isipin niya tungkol sa akin.
"I’m right, aren’t I?" Muli siyang ngumiti. "Why didn’t you tell him?"
Agad akong umiling, pero hindi ko malaman ang sasabihin ko. Nahuli niya akong bigla!
"Baka sakaling nagkaroon pa kayo ng ... chance noon," aniya pa.
"Hindi," sagot ko. "Alam kong si Ate Ember ang gusto niya; mga bata pa lang sila. Lagi niyang kinukuwento sa akin si Ate Ember. At saka, may mga picture siya ni Ate Ember na tinatago noon sa kuwarto niya. Pinakita niya sa akin ang mga 'yon."
"Hmm..." Siya naman ang tumango-tango.
Natigilan ako nang muling bumaba nang mas malapit ang mukha niya sa akin at tinitigan akong mabuti sa mga mata.
"Do you still have feelings for him?" tanong niya. Tumatama na sa mukha ko ang mainit at mabango niyang hininga. Naging seryoso na ang kanyang mukha.
Sobrang linis niya sa ngipin at marahil ay gumagamit rin siya ng mamahaling mouthwash, kaya long-lasting ang bango ng hininga niya.
Lumunok muna ako bago nagsalita. "Wala na talaga, I swear." Itinaas ko ang kanan kong kamay sa harapan niya. "Hindi ko pahihirapan ang sarili ko, gayong may pamilya na siya at masaya na siya sa buhay niya ngayon... Masaya rin ako para sa kanya."
Muli naman siyang ngumiti. "Then what about me? Do you feel anything for me?"
"H-Ha?" Muli naman akong natigilan. Bakit naman ganun pa ang tanong niya? Diretsahan agad?
"Baka kasi hanggang ngayon ay katulad ka pa rin ng dati, na kinikimkim lang ang mga nararamdaman," aniya.
"Ah..." Hindi naman ako makasagot. Bigla kong naalala sina Tita Laura at Lynette. "M-Mag-ready na tayo, para makababa na tayo," ani ko. "Para hindi na rin magtagal sina Tita Laura at Lynnette sa baba."
Hindi siya sumagot. Unti-unti ring nawala ang ngiti sa mga labi niya.
Maya-maya'y tumango rin siya at lumayo na sa akin. "Yeah… okay. Let’s get up."
Agad na rin siyang bumangon.
Natakot naman akong bigla. Nagalit kaya siya sa akin?
*****
THIRD PERSON POV
HALOS lumuwa ang mga mata ng mag-inang Laura at Lynette nang makapasok sila sa gate ng mansyon ni Noah Abram Delavega.
"Sumunod lang po kayo sa akin," turan ni Carlo sa kanila, ang kanang kamay ni Noah. Nauna na itong naglakad patungo sa mansyon.
"M-Mama, b-baka hindi naman dito," turan ni Lynette habang nakahawak sa braso ng ina at lumilibot naman sa kabuuan ng mansyon at sa buong paligid ang mga mata. "Sobrang laki ng bahay na 'yan. Mansyon na 'yan, eh."
"Tanungin natin ang guwardya," sagot naman ni Laura
Binilisan nila ang paglalakad at sinabayan si Carlo.
"Ah, mawalang galang na, Iho," ani Laura.
Agad din naman silang nilingon ni Carlo. "Yes, Ma'am?"
"B-Baka naligaw lang kami. I-Ito ba talaga ang tirahan ng anak kong si Miyona Saimori? Isa siyang vet. 5'5 ang height niya. Payat lang siya, maputi at may mahabang buhok na straight hanggang baywang."
"Yes, Ma'am," muli namang sagot ni Carlo. "Siya nga po si Ma'am Miyona, ang fiancée ng boss naming si Sir Noah Abram Delavega. Siya po ang may-ari ng mansyon na 'to."
Hindi nakasagot si Laura. Lumarawan muli ang gulat sa kanyang mukha.
Nagkatinginan sila ng anak niyang si Lynette.
Nagpatuloy silang muli sa paglalakad.
"M-Mama, tingnan mo do'n, ang daming sasakyan," turan ni Lynette habang tinatapik sa braso ang ina at tumuturo sa kaliwang bahagi. "May mga sports car pa. Siguradong mahal ang mga 'yan."
Napatingin din naman sa bahaging 'yon si Laura. "Ah, boy," tawag niyang muli kay Carlo.
Nilingon naman silang muli ni Carlo. "Yes, Ma'am? Tawagin niyo na lang po akong Carlo," anito sa kanila.
"Carlo, 'yong mga kotse na 'yon? Sino ang nagmamay-ari?" tanong muli ni Laura.
"Lahat po ng mga nakikita niyo sa loob ng bakuran na ito ay pag-aaring lahat ni Sir Noah," sagot naman ni Carlo.
Muling natahimik ang mag-ina. Makailang ulit napalunok si Lynette.
Hindi nagtagal ay tuluyan na rin silang nakalapit sa mansyon.
Umakyat muna sila ng limang baitang bago tuluyang nakarating sa grand double doors.
Bumungad naman agad doon si Yaya Martha at sumalubong sa mag-ina.
"Magandang umaga," bati nito sa kanila. "Ako si Martha, ang mayordoma sa bahay na ito at yaya ni Noah. Pumasok kayo."
Agad rin namang pumasok ang mag-ina at lumibot kaagad ang mga mata sa buong paligid.
"M-Mama, nakakahilo sa sobrang laki," bulong ni Lynette sa ina. "P-Parang mall ang mansyon na ito at sobrang engrande, kahit 'yong hagdan. At ang bango pa dito sa loob."
"Maghintay lamang muna kayo dito sa visitor's area," turan muli ni Martha habang inaalalayan ang mag-ina patungo sa kanang bahagi ng mansyon kung saan doon ay may nakapalibot na mga sofa at coffee table sa gitna.
"D-Dito ba talaga nakatira si Miyona?" paniniguro pa rin ni Lynette.
Tumango naman si Martha. "Dito nga po."
Muling nagkatinginan ang mag-ina at tila hindi pa rin makapaniwala.
Magkatabi silang naupo sa malambot at malapad na sofa.
"Pati sofa, parang ang bango-bango," muling bulong ni Lynette sa ina.
"Naririyan na sila," turan ni Martha habang nakatingin sa kaliwang bahagi ng mansyon.
Napalingon din doon ang mag-inang Laura at Lynette.
Sa gilid ng hagdan ay bumukas ang pinto ng elevator at lumabas mula doon si Noah habang buhat si Miyona.
"M-May elevator kayo?!" bulalas ni Lynette, na mas lalo pang nagulat.
Agad naman siyang siniko ng kanyang ina. "Huwag ka ngang maingay," bulong nito sa kanya.
Unti-unting umawang ang mga labi ni Laura habang nakatitig kay Noah. Napansin rin niya ang mga pasa sa braso ni Miyona.
Seryoso naman ang mukha ni Noah habang nakatitig sa kanila.
Miyona Saimori
"I-Ikaw ba 'yong ... b-bumili kay Miyona?" tanong ni Tita Laura nang tuluyan na kaming makalapit sa kanila ni Noah.
"Yes," malamig na sagot naman ni Noah bago niya ako maingat na ibinaba sa isang single sofa.
Malambot ang sofa kaya hindi gaanong masakit sa balakang ko.
Kumuha pa siya ng dalawang throw pillow at maingat ding inilagay sa likod ko. “Is this okay? Does it still hurt?” malambing niyang tanong sa akin.
"Okay na. Thank you," sagot ko.
Ngumiti siya ng bahagya bago muling hinarap sina Tita Laura at Lynette.
Nakikita ko ang gulat sa kanilang mga mukha, na para bang hindi makapaniwala sa mga nakikita nila ngayon sa paligid nila.
"Ikaw si Laura Andico, right?" tanong ni Noah habang nakatingin kay Tita Laura.
Agad din namang ngumiti nang pagkatamis-tamis ang madrasta ko, gayundin si Lynette.
"A-Ako nga," sagot ni Tita Laura. Inilahad niya ang kamay niya sa harap ni Noah.
Pero hindi ito tinanggap ni Noah.
Kita ko ang paglunok niya at kusa na lamang ibinaba ang kamay niya. "A-Ako ang stepmom ni Miyona. Ako ang nag-alaga at nagpalaki sa kanya sa loob ng 20 years buhat nang iwan sila ng kanilang ama. Ganundin dito sa anak naman namin ni Milanor, si Lynette." Hinila niya at mas inilapit pa si Lynette sa harap ni Noah. "Isa ring napakagandang bata, hindi ba? 23 pa lang siya, mas bata siya kay Miyona—"
"Dala niyo ba ang 20 million?" agad na tanong ni Noah, na tila hindi interesado sa mga sinabi niya.
Natigilan naman si Tita Laura. "H-Ha?"
"Hindi ba kaya kayo naririto ngayon ay para ibalik sa akin ang 20 million?" muling tanong ni Noah.
Nagkatinginan sila ni Lynette.
"P-Pero ... i-ibinayad na 'yon sa akin ng assistant mo, at sinabi pa nga niya na magbibigay ka pa ulit ng another 20 million sa oras na maikasal na kayo ni Miyona. Nang-i-scam ka ba?"
“You called me a scammer?” Tumigas bigla ang boses ni Noah. Ni hindi na niya inabala pang paupuin silang muli.
Lumarawan naman agad sa mukha nina Tita Laura at Lynette ang takot.
"H-Hindi sa ganun," sagot ni Tita Laura. "Pasensiya na sa nasabi ko. Pero bakit mo naman babawiin ang pera? Sinabi sa akin ni Lynette ang mga nangyari kahapon kung bakit nagkaganito ngayon si Miyona. Diyos ko naman, anak." Bigla siyang lumapit sa akin at hinawakan ang mga braso ko.
Umasta siyang parang alalang-alala sa kalagayan ko.
"Bakit kasi hindi ka nag-iingat?" aniya pa. "Alam mo namang delikado talaga sa hagdan ng bahay nati—"
Agad kong binawi sa kanya ang kamay ko na ikinahinto naman niya.
Tumalim ng bahagya ang mga mata niya habang nakatitig sa akin. Pero hindi ako nagpatalo sa kanya kahit baldado ako.
"Itinulak ako ng anak mo," sagot ko sa kanya. "Kailanman, kahit noong bata pa lang ako, hindi ako nadudulas sa hagdan na 'yon."
"P-Pero nadulas ka naman talaga?!" sagot naman agad ni Lynette, pero wala ang tapang sa boses niya, hindi katulad kahapon, na puno ng kamalditahan. "Sobrang dami mo kasing dala—"
“I saw everything with my own eyes, woman,” sabat naman ni Noah, na ikinahinto niya. “Before you even reached the stairs of your house, I was already at your front door… And because of what you did, my fiancée is now suffering in pain... Tingin mo hahayaan ko na lang 'yan?"
Hindi nakasagot si Lynette. "S-Sorry, h-hindi ko sinasadya. Nagtatalo kasi kami noong oras na 'yon. Ipinagmamayabang niya sa akin ang mga suot niya na branded at ang kotse niya ngayon na halagang 20 million daw. Kasing halaga lang daw 'yon ng 20 million na ibinigay mo sa mama ko. Yumabang na kaagad siya kahit unang araw niya pa lang dito sa mansyon mo! 'Yan ba ang pakakasalan mo?! Gold digger ang babaeng 'yan!" Bigla na lamang niya akong dinuro.
Naikuyom ko ng mahigpit ang mga kamao ko.
Tumingin din naman sa akin si Noah.
"Ako na lang ang pakasalan mo, Noah," biglang sabi ni Lynette, na ikinanganga ko. "Pangako, hinding-hindi ka magsisisi sa akin. Hindi ako katulad ng babaeng 'yan. Ibibigay ko sa'yo ang pangangailangan mo bilang lalaki."
What?
Halos malaglag ang panga ko sa mga sinabi niya.