How strong is your trust?
"Pauwi na ako. Nasa baba ka na ba?"
chat ni Seviana sa asawa habang nag aayos ng kaniyang mga gamit.
Napabuntong hininga siya nang makita ang oras na nasa phone niya. Alas-diyes na ng gabi. Lumipas na ang rush hour pero paniguradong anong oras na siya makakarating sa bahay nila dahil sa sobrang traffic. Closing kasi siya ngayon sa pinapasukang mall kaya anong oras na siya nakauwi.
Nag vibrate ang phone niya hudyat na may nag message.
"Di kita masusundo dahil nasa meeting pa kami kasama ng boss ko. Ngayon ko lang nasabi. Sorry."
Muling bumuntong hininga si Seviana sa nabasa. Akala pa naman niya ay makakauwi na siya kaagad dahil malaking menos sa oras sana kung susunduin siya ng asawa. Kahit papaano, maiiwasan ang traffic dahil sa motor na gamit nito.
"Ilang araw na yang meeting na yan ha." reply niya.
Ilang minuto ang lumipas bago muling nagba vibrate ang phone niya.
"Anong magagawa ko? Kailangan naming mapataas ang sales namin ngayong buwan. Sige na. Nasa meeting pa ako. Mag chat na lang ako pag pauwi na ako."
"Sige. Ingat ka. I love you." reply niya.
"Ily." maikling sagot ng asawa.
Naghintay siya kung may susunod pang message pero lumipas ang ilang minuto ay wala siyang natanggap.
"Di ka na naman susunduin ng asawa mo?" tanong sa kaniya ng kasamahan niya sa trabaho na si Mirna.
Sasagot pa lang siya ay sumingit na ang isa pang kapwa niya sales clerk na si Shanelle.
"Sinasabi ko sayo, Seviana, may babae yang asawa mo. 'Yang pa late-late na uwing 'yan saka di pag sundo sa 'yo, lumang tugtugin na 'yan."
"Itong si Shanelle, lakas maka demonyo. 'Di lahat ng lalaki kagaya ng naging asawa mo."
"Ay, Day! Papaputol ko daliri ko pag mali ako, ano?" lakas loob ni Shanelle na sagot kay Mirna bago bumaling kay Seviana. "Kung ako sa 'yo manmanan mo 'yang asawa mo. Iba ang kutob ng babae maniwala ka."
Napapailing na lang si Mirna sa sinasabi ni Shanelle habang si Seviana naman ay hindi malaman ang sasabihin.
Naiintindihan naman ni Seviana kung busy ang asawa niya dahil halos kareregular lang nito bilang sales engineer sa pinapasukang kumpanya kaya natural na gawin nito ang lahat sa trabaho. Ganoon din naman siya noong nag uumpisa pa lang siya sa trabaho niya ngayon bilang sales clerk pero hindi maiwasang umasa ni Sevi na baka sakali— for once, alalahanin din muna siya ng asawa kagaya ng pag aalala nito noong bago pa lang silang nagsasama. Marahil malaki ang nagbago sa pagsasama nila after nila magkaroon ng anak pero kahit kailan ay hindi pumapasok sa isip niya na mambababae ito.
"Wala pa naman akong lipstick na nakikita o pabango ng babae na naaamoy sa kaniya." natatawang katwiran na lang ni Sevi. Hindi alam kung sino ang kinukumbinsi niya. Kung si Shanelle ba o ang sarili niya.
"Bahala ka. Basta sinabi ko lang sa 'yo."
"Dedmahin mo lang 'yang si Shanelle. Palibhasa bitter pa sa ginawa ng asawa niya, feeling niya lahat ng lalaki gano'n."
Pahapyaw na ngiti at tango ang sagot ni Sevi sa sinabi ni Mirna. Habang umismid naman si Shanelle.
Pagkalabas mula sa mall na pinapasukan ay saktong may humintong mini Bus sa tapat no'n kaya dali-dali si Sevi na nakipagsiksikan sa mga taong nais din makasakay. Puno ang loob ng bus kaya nagkasya na lang siya sa pagtayo. Humawak siya ng maigi sa railings para hindi siya sumubsob sa katabi niya sa oras na biglang huminto ang sinasakyan.
Naagaw ang attensiyon ni Seviana ng dalawang taong magkatabi sa upuan at magkahawak kamay. Nakasandal pa sa balikat ng lalaki ang babae.
Siguro bago pa lang.
Bitter niyang komento sa isip. Ganiyan na ganiyan din sila noon ni Marcus—ang asawa niya— noong bago pa lang silang magkasintahan. Di mapaghiwalay. Akala mo hindi mabubuhay ng wala ang isa. Lagi mag kausap. We against the world ika nga nila. Pero kung pagmamasdan mo sila ngayon, swerte na lang kung mag-usap pa sila dahil pagdating sa bahay ay matutulog na lang dahil sa pagod.
Siguro ganito na talaga kapag ilang taon nang nagsasama.
pang-aalo ni Seviana sa sarili.
Mag a-alas-dose na nang makarating siya sa bahay nila. Naabutan niyang nakaupo at nag gagantsilyo ang biyenan habang nakabukas ang mahinang volume ng tv. Lumapit siya dito at nagmano.
"Wala pa po si Marcus?" tanong niya sa biyenan nang mapansin na wala pa sa labas ng bahay ang motor ng asawa.
"Bakit ako ang tinatanong mo e ikaw ang asawa?" walang amor na sagot nito sa kaniya.
Hindi na lang siya sumagot.
"May samba ako bukas. Sinong aattend sa school meeting ni Aaron bukas? Hapon pa ang tapos namin." anito na ang tinutukoy ay ang bunso niyang anak na lalaki.
"Kakausapin ko po si Marcus."
"Naku! Aabalahin mo pa yung taong nakita mong kareregular lang." diretsong kontra ng biyenan niyang babae.
Sa pangalawang pagkakataon ay pinili ni Seviana ang manahimik.
"Kelan ka ba titigil sa trabaho mo? akala ko ba magre resign ka na para ma focus-an mo na ang mga bata? Ikaw ang ina. Dapat nasa bahay ka." sermon nito kay Sevi.
"Nakapagpasa na po ako ng resignation letter. mag rerender na lang po ako." tipid niyang sagot.
"Dapat nag immediate resign ka na." habol pa nito na hindi niya na pinansin.
Dumiretso na lang siya sa kwarto at hindi na kumain saka nag half bath dahil sa pagod pagkatapos ay pinuntahan ang kwarto ng dalawa niyang anak. Magkasama sa iisang kwarto ang 13 year old niyang panganay na si Ayesha at ang 5 year old na si Aaron. Nakontento na lang siya sa pagtitig sa dalawa para hindi na maistorbo ang pagtulog ng mga ito na may pasok pa kinabukasan.
Pagbalik niya sa kwarto nilang mag-asawa ay bumalik sa isipan niya ang sinabi ng biyenan kanina tungkol sa immediate resignation. Napaisip si Sevi na siguro nga dapat iyon na lang ang gawin niya. Habang kasi pinagmamasdamn niya kanina ang mga anak ay doon niya lang napuna na lumalaki na ang mga ito ng di man lang niya namamalayan. Halos limang taon na siya sa pinapasukang trabaho at hindi na gaanong naaasikaso ang mga bata simula noon kaya pakiramdam niya’y malayo na ang loob ng mga ito sa kaniya. Umaalis kasi siyang tulog pa ang mga ito o di kaya'y nakapasok na sa school at umuuwi din siyang tulog na ang mga bata. Wala na siyang pagkakataon para malaman kung ano ang nangyayari sa mga anak niya sa araw-araw.
Nakatulog si Seviana na buo na ang isip na mag immediate resign na lang.
Nagising si Seviana sa kalagitnaan ng gabi para umihi. Napansin niya na katabi na niyang matulog ang asawa na sa sobrang pagod ay hindi na nakuhang magpalit pa ng damit.
"Sinasabi ko sayo, Seviana, may babae yang asawa mo."
Bigla na lang pumasok sa isip niya ang sinabing iyon ng katrabaho.
Dahan-dahan siyang lumapit sa asawa at inamoy ito. Nakahinga siya ng maluwag nang hindi siya nakaamoy ng alak at pabango ng asawa lang ang naamoy niya.
Wag kang paranoid, Sevi! Totoo ngang nasa meeting siya!
kausap niya sa sarili.
Tumayo na siya mula sa hinihigaan para pumuntang banyo nang biglang umilaw ang cellphone ng asawa niyang nasa side table. Hindi niya gawain ang tignan ang phone ni Marcus dahil malaki ang tiwala niya dito pero parang may bumubulong sa isip niya na silipin iyon.
Isang notification galing sa di familiar na app ang bumungad kay Seviana pag silip sa cellphone ng asawa.
"Kailangan nating mag-usap. Magkita tayo sa Dollores after office hour."
Basa niya sa nilalaman ng notification na galing sa username na @maemiñez.
Walang concrete information na nilalaman ang message pero binundol ng kung anong kaba si Seviana sa nabasa.