"Ang guwapo? Ang macho? Ang matangkad? Ang Mr. Perfect na nasa listahan mo? Sa ilusyon na lang nag-eexist, teh! O kung hindi naman, 'yong pasado sa physical asset diyan sa listahan mo, guwapo na rin ang gusto, gaga!" ang litanya si Jessaline, ang maarte at malditang bading na kaklase niya at kaibigan. Presidente ng section nila na Joselino ang totoong pangalan. Aksidenteng nakita nito ang laman ng pulang notebook ni Daisy. Tatlo silang magkakaibigan; si Maruja ang isa pa—boyish na crush yata ang lahat ng maputi sa klase.
Sa pagdating ni Edgar Dimatulac, nabuhayan ng pag-asa si Daisy. Nag-eexist pa ang mga Mr. Right sa paligid. Maliit lang siguro ang mundong iniikutan niya kaya wala siyang makitang pasado. Check si Edgar sa physical asset, bagsak nga lang sa iba pang katangian na nasa kanyang listahan.
"Wala naman," si Edgar at ngumiti, ang parehong-parehong ngiti ng actor na si Derek—hindi buo pero ngiti pa rin. Ang isa pang napansin ni Daisy, matiim kung tumitig ang lalaki. Parang laging interesado sa bagay na tinititigan. "Naisip ko lang na baka kailangan mo ng kausap. Masarap akong kausap—"
"Makikitsismis ka lang naman tungkol kay Ate, eh," putol niya agad. "Ang dami pang sasabihin, mambobola pa..." bumulong-bulong siya. "Kesyo ganito, kesyo ganyan! Bakit 'di na lang kaya aminin na araw araw siyang nandito para makibalita?"
Narinig niya ang magaang pagtawa ni Edgar. "Galit ka, Daisy?" tanong nito. "Nakakaistorbo ba ako?"
"Hindi ako galit," sagot niya at nakairap na sinulyapan ito. "Pero oo, istorbo ka! Araw araw ka ba namang nandito. Parehong tanong lang naman ang itatanong mo—wala pa nga! Walang balita kay Ate Ara. Hindi pa rin nagte-text o tumatawag. 'Yong dati niyang number inactive na."
"Kay Mila, wala pa rin kayong balita?"
"Wala. Lagi namang nawawala 'yon kapag naihatid na sa Maynila ang mga tinutulungang tao, eh."
Natahimik si Edgar nang mahabang sandali. Nang sulyapan niya ito ay nakatingin na sa malayo.
"'Nak, luto na ang nilagang saging, meryenda ka muna—o, Edgar, 'andito ka pala?" sukbit na naman ng tatay niya sa baywang ang paborito nitong 'sundang'. Nahuhulaan na niyang papasyal na naman ito sa maliit na lupang nabili na ginawa nitong taniman ng mga gulay, kamoteng gapang at kamoteng kahoy. Iyon na ang naging buhay nito matapos iwan ang pagiging bus driver dahil lumalabo na raw ang mata.
"Napadaan lang ho uli, 'Tay Ceroy," si Edgar na tumayo at sinalubong ang ama niya. Nagmano ito. "Nangumungusta lang ho. Abala sina Tiyo, wala akong makausap sa bahay." Ang bahay ng tiyuhin sa kabilang barangay ang tinutukoy nito. Doon ito pansamantalang tumutuloy. Hindi alam ni Daisy kung hanggang kailan.
"Samahan mo na si Daisy sa meryenda," sabi ng ama niya na ngumiti. "Kukumustahin ko sandali ang mga pananim." Bumaling sa kanya ang ama. "Nakakahina ng memorya ang gutom, 'Nak," sabi nito. "Wala kang matatandaan sa pinag-aaralan mong 'yan kung 'di ka kakain."
"Kakain na ho, 'Tay," sabi niya naman at itiniklop na ang notebook. "Ingat kayo sa daan."
Tumawa ang ama niya. "Para namang ang layo ng taniman," sabi nito. "Hala, sige, maiwan ko na kayong dalawa. Nognog!" agad lumapit ang aso nilang kulay mocha. Asong kalye si Nognog dati. Naging guwardiya na kasa-kasama ng kanyang ama kahit saan ito magpunta..
Bumangon na si Daisy. Iniwan sa duyan ang notebook bago sinulyapan si Edgar. Sinusundan nito ng tingin ang ama niya. Ganoon lagi ito kung tingnan ang mga magulang niya. Parang may kung anong gustong sabihin na hindi masabi. Kapag tinanong naman niya kung may problema, umiiling lang.
Lumapit si Daisy at tinapik ang balikat ni Edgar. "'Oy!" pukaw niya. "Ang layo na naman ng tanaw mo!" saka lang tila natauhan ang lalaki, bumaling sa kanya. "'Lalim na naman ng iniisip mo, ah?" dugtong niya. "Gusto mong kape o juice?"
"Kape," sabi nito, hindi na nakatanggi nang hawakan niya sa bisig at hilahin papasok sa kusina nila.
"Samahan mo ako," sabi ni Daisy. "Ako'ng maghahanda, ikaw ang magdadala," patuloy niya, hila-hila ang lalaki. "Para naman may silbi 'yang muscles mo!" At kasunod ang magaang tawa.
Tumawa rin si Edgar. Nagpaubaya ito sa paghila niya.
NASA silid si Daisy at tulala. Nasa harap pa rin niya ang notebook, nagpapanggap na pinag-aaralan ang computation sa Math problem pero ang totoo, kung saan saan na ang tinakbo ng kanyang utak. Hindi niya mapigilan ang mag-alala sa kapatid na nasa Maynila at hindi niya alam kung ano na ang nangyayari. Pigil na pigil ni Daisy ang sariling sabihin sa mga magulang ang mga nalaman niya. Mag-aalala ang mga ito at hindi iyon gustong mangyari ni Ate Ara, ganoon rin siya.
Matapos malaman ang masamang balita ay saka lang naintindihan ni Daisy ang kilos ni Edgar at ang dahilan kung bakit pabalik-balik ito sa bahay nila. Hindi pala matahimik ang lalaki, gaya niya ngayon matapos malaman ang totoong nangyari sa kapatid.
Sino ba naman ang hindi mag-aalala matapos ang mga nalaman niya? Hindi tuloy mapigilan ni Daisy ang ma-guilty. Isa siya sa dahilan kung bakit nagpupursige ang ate Ara niya na makakuha ng magandang trabaho. Ang pag-aaral niya sa kolehiyo sa darating na pasukan ang iniisip nito. Una na naman siya sa listahan ni Ate Ara niya kaya ginagawa nito ang lahat. Kilala niya ang kapatid, lahat ng paraan ay gagawin nito makuha lang ang inaasam na magandang buhay para sa kanya...para sa kanila.
Pagdating sa pagmamahal sa pamilya, silang dalawa ang handang magsakripisyo. Ang ate Rose nila ay mas inuna ang puso. Nakalimutan ang usapan nilang tatlo noon na tutulungan ang isa't-isa. Mas pinili ng panganay nila ang bagong buhay kasama ang asawa. Naiwan si ate Ara niya na kinailangang tumulong sa mga magulang nila. Hindi nito natapos ang unang taon sa kolehiyo.
Natatandaan ni Daisy na isang gabi noon na masama ang panahon at nakasiksik siya sa tagiliran ni Ate Ara, binanggit ng kapatid na ang diplomang hindi nito nakuha ay makukuha niya. Gagawin raw nito ang lahat para suportahan siya. Sa Maynila siya mag-aaral at sa isang magandang University. Ito raw ang bahala sa kanya. Sa galing ng ate niya na dumiskarte, naniniwala si Daisy na matutupad ang lahat ng plano nito.
Hindi naisip ni Daisy na ikapapahamak pala ng kapatid ang paghahangad na tulungan siya. Namasa na naman ang mga mata niya nang maalala ang naging usapan nila ni Edgar kanina lamang. Nagulat siya nang makita ang lalaki sa labas ng eskuwelahan nila. Siya raw ang sinadya nito roon. Nagtaka man ay sumama si Daisy. Sa pinakamalapit na kainan siya dinala ni Edgar. Nag-order ito ng pagkain para sa kanilang dalawa na maagang hapunan na raw. Hindi siya tumanggi. Gutom na rin naman siya kaya magana siyang kumain. Kung siya ay walang pakialam na inubos ang pagkain, ang lalaki ay mas mahabang sandaling tinititigan lang siya na parang may sasabihin.
Hindi nito halos nagalaw ang pagkain. At pagkatapos kumain ni Daisy, saka nagsimulang magsalita si Edgar.