One

1518 Words
MASAMA ang panahon. Matatalim ang kidlat na sinusundan ng tila galit na mga kulog. Malakas ang ulan na sinamahan pa ng pabugso-bugsong hangin. Wala namang balita tungkol sa bagyong pumasok sa Pilipinas kaya panatag si Daisy na magpaiwan sa bahay—na pinagsisisihan na ng dalaga mismo nang sandaling iyon. Sana pala ay sumama siya sa mga magulang. Magkasama ang amang si Tatay Ceroy at inang si Nanay Feling na dumalaw sa panganay niyang kapatid na si Ate Rose. Nasa kabilang probinsiya ang huli kasama ang pamilya nito. Nagpaiwan siya dahil sa tinatapos na project. Hindi naman kasi nahulaan ni Daisy na may masamang panahong parating. Ang resulta ay heto siya ngayon, nakasiksik sa isang bahagi ng silid at yakap nang mahigpit ang sarili. Hindi niya mapigilan ang walang paliwanag na takot sa kulog at kidlat. Mula bata pa si Daisy hanggang ngayong seventeen na siya ay walang ipinagbago ang epekto sa kanya ng kulog at kidlat. Nagsimula ang takot na iyon noon, nang tamaan ng kidlat ang pusa ng kapitbahay. Tuwing may kulog at kidlat, lagi siyang naghahanap ng taguan. Pakiramdam kasi ni Daisy, siya na ang tatamaan sa susunod na pagkidlat. Natatandaan ng dalaga na ang kanyang kapatid na si Ate Ara ang laging nasa tabi niya sa mga ganoong pagkakataon. Kung hindi siya nagsususumiksik sa tabi nito, bigla bigla na lang niyang niyayakap. Hindi naman aalis sa tabi niya ang kapatid hanggang tumigil ang kulog at kidlat. Iiwan lang siya ni Ate Ara kapag payapa na ang kanyang pakiramdam. Nang sandaling iyon, wala na nga ang kapatid na tagasagip sa kanya sa mga ganoong pagkakataon, wala pa ang mga magulang. Mag-isa si Daisy sa loob ng bahay nila. Bahay na pakiramdam niya ay tatagusin ng kidlat para puntiryahin siya. Kung may espasyo lang sa loob ng mga cabinets, baka pumasok na si Daisy para magtago. Tinakpan niya ng mga palad ang magkabilang tainga; napatili nang muling kumulog nang malakas. Hindi man niya nakikita ang paligid, nasisiguro ni Daisy na madilim na madilim na kahit takipsilim pa lang. Nami-miss niya ang kapatid na si Ate Ara. Ilang linggo na sa Maynila ang kapatid. Lumuwas ito para sa mas magandang trabaho—para sa kanya. Sinusuportahan ng kapatid ang kagustuhan niyang magkolehiyo sa isang magandang University sa Maynila. Wala sa kanilang magkakapatid ang nakapagtapos ng apat na taon sa kolehiyo. Si Ate Rose ay nag-asawa nang maaga. May dalawang anak na sa edad na thirty five. Si Ate Ara ay walang boyfriend, tutok ang atensiyon sa iba't ibang raket para makatulong sa mga magulang nila. Lahat ng pagkakakitaan sa lugar ay sinusubukan nito, kaya naman hindi na nagtaka si Daisy nang agad na pumayag ang kapatid sa alok na trabaho sa Maynila. Si Mila, isang kababayan ang nag-alok ng tulong kay Ate Ara. Mabilis na nag-ayos ng mga requirements para sa bagong trabaho ang kapatid. Ang huling text ni Ate Ara sa kanya may isang linggo na ang nakaraan ay maayos ito sa bagong trabaho. Hintayin na lang daw niya ang susunod nitong text message o kaya ay tawag. Hindi na raw nito gagamitin ang numero na ipinangtawag sa kanya. Nagtaka man ay hinayaan na iyon ni Daisy. Naghintay na lang siya ng tawag—na hindi pa nangyayari hanggang nang sandaling iyon. Kumidlat at kumulog uli. Mas niyakap ni Daisy ang sarili. Mariin na rin ang pagkakapikit niya habang pinipilit kalmahin ang sarili. "Tao po! Nanay Feling? Ara? Tao po!" Natigilan si Daisy at napatingin sa pinto. May malakas na katok na siyang naririnig. Boses lalaki ang nasa labas. Sino ang maghahanap sa kanyang ina sa gitna ng masamang panahon? Hindi tuminag si Daisy, nakatingin lang sa pinto. "Tao po! Tatay Ceroy? Pakibukas ho ng pinto!" sabi ng boses. Patuloy ang pagkatok ng lalaki sa pinto. Sa lakas ng ulan at sa dami ng lalaki sa bayan nila na kakilala ng ama ay hindi mahuhulaan ni Daisy kung sino ang nasa labas. Nakiramdam si Daisy. Nang sa palagay niya ay hindi na uulit pa ang kidlat at kulog ay tinungo niya ang pinto—na agad itinulak ng lalaki para makapasok—at agad rin namang isinara. "Ang lakas ng ulan," sabi ng lalaki at sinipat ng tingin ang sarili. "Inabutan ako sa daan." At saka lang nag-angat ng tingin sa kanya. Ilang segundong nagtama ang mga mata nila. Natigilan rin ito. Sa anyo ay hindi siya ang inaasahang makita sa bahay. Napatitig lang silang pareho sa mga mata ng isa't isa. Iniisip ni Daisy kung sino ang estranghero. Hindi ito isa sa mga namumukhaan niyang kasa-kasama ng ama. Sigurado ang dalaga dahil wala siyang matandaang look-a-like ni Derek Ramsay sa mga lalaking iyon, gaya ng kaharap niya ngayon. Wet look version ni Derek, dagdag ng isip niya. Basang-basa nga ang lalaki mula ulo hanggang paa. Pati ang sukbit na gym bag ay basa rin. Bumakat na sa manipis na puting t-shirt ang magandang katawan. Maong ang pang-ibaba na basang-basa rin. Sa mismong oras na magtatanong si Daisy ay saka naman kumidlat. Napatili siya. Kasabay ng kulog na parang yumanig sa buong bahay ay ang wala sa loob niyang pagyapos sa bagong dating na estranghero. Huli na nang ma-realize ni Daisy ang nagawa. Pagtahimik ng paligid, agad siyang kumalas sa lalaki—na napatitig naman sa kanya nang matagal. Kung dahil sa walang permiso niyang pagyakap o may iba pang dahilan ay hindi tiyak ni Daisy at hindi na mahalaga. "S-Sorry," basag niya sa katahimikan, binawi na ang tingin. "Hindi ko lang gusto ang...ang kulog at kidlat. Wala sina Tatay at Nanay. Bumalik ka na lang sa ibang araw—" "Ikaw na ba si Daisy?" ang tanong ng lalaki na nagpabalik ng mga mata niya rito. Hindi na niya itinuloy ang pagbubukas ng pinto para itaboy ito. Kilala siya? Sino ang lalaki? "Kuya Ed ang tawag mo sa akin noon." Kuya Ed? Parang pamilyar ang pangalan pero sigurado si Daisy na unang beses pa lang niyang nakita ang look-a-like ni Derek Ramsay. A few days later... "KAILANGAN talaga araw araw kang dumaan, Kuya Ed?" salubong agad ni Daisy sa bagong dating na lalaki. Nasa likod-bahay siya, nakahiga sa duyan habang nasa kandungan ang notebook kung saan niya pinag-aaralan ang masakit sa ulong computation sa Math. Linggo ng araw na iyon at kinabukasan ay may long quiz sila—problem solving lang naman—kaya heto siya, ilang oras nang nagbababad sa pag-aaral. Matalino naman siya. Consistent nga na pasok si Daisy sa top ten students sa section nila pero pagdating sa Math ay lagi talagang mababa ang score. Kuya Ed ang tawag niya rito pero sa isip ay Edgar lang. Liban kasi sa bayaw ay wala na siyang ibang tinatawag ng 'Kuya'. Para kay Daisy, kung hindi kadugo ay para lang sa lalaking malapit ang kanyang loob ang tawag na iyon. Pero dahil 'Kuya Ed' raw ang tawag niya sa lalaki noong bata pa siya, iyon na rin ang tawag niya ngayon. "Ayaw mo akong makita?" Si Edgar na ngumiti. Dumeretso ang lalaki sa upuang gawa ng kanyang ama. Magkatapat ang dalawang malaking puno na iyon. Ang isa ay nilagyan ni Tatay Ceroy ng duyan at ang isa ay upuan na kasyang higaan ng isang tao. Doon madalas magpahinga ang mga magulang ni Daisy tuwing maganda ang panahon. Malakas ang kuwentuhan ng mga magulang ng dalaga sa loob ng bahay kaya lumabas siya para makapag-aral nang tahimik. Hindi nga lang niya nahulaan na dadaan na naman ang kaibigang ito ni Ate Ara. Walang kasawa-sawa sa pagdaan sa bahay nila si Edgar para magtanong kung dumating na ang kapatid niya. Nasa kabilang barangay ang bahay ng kamag-anak nito pero lagi namang nasa kanila. Sa hula ni Daisy ay walang trabaho kaya ang daming oras tumambay. Sa check list niya ng Mr. Right—bagsak si Edgar Dimatulac. Hindi siya boto sa lalaki para maging bayaw. "Bakit naman kita gugustuhing makita, aber?" balik ni Daisy na tinaasan ito ng kilay. Sa check list, puwede niyang i-check ang dalawang item sa 'physical asset'. May mukha at katawang maipagmamalaki si Edgar Dimatulac. Mukha at katawan lang. Tsk! At ngumiwi si Daisy sa isip. Hindi nakakain ang magandang mukha at katawan. Sa totoo lang, nagiging dahilan pa nga iyon ng panloloko. Kapag guwapo at macho ang lalaki, maraming babae ang nahuhumaling. Papatulan ng mga baliw na babaeng iyon ang lalaki kahit may asawa na—isang katotohanang nakakagalit. Kaya naman ang check list niya sa kanyang pulang notebook ang nakasulat ay: Mr. Right/Mr Perfect Must Have (Physical Asset) Handsome* Macho* Tall* Na ang ibig sabihin ng asterisk ay 'disadvantage'. Ginawa ni Daisy ang listahan na iyon noong sixteenth birthday niya. Naisip ng dalaga na dalawang taon na lang ay eighteen na siya. Legal na siyang botante ng Pilipinas. Hindi naman siguro masamang maging bukas na ang mga mata niya sa mga potential Mr. Right sa paligid. Nakakalungkot nga lang dahil wala siyang makita ni isa na pasado sa listahan niya! Lahat ng lalaki sa paligid mula sa mga kaklase hanggang sa mga kakilala ng Tatay niya ay bagsak lahat. Nasaan ang isang Mr. Right? Ang Mr. Perfect? Nasaan ang pag-ibig?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD