6

2298 Words
“TRENDING KA, Ate Tru.” Napabuntong-hininga si Trutty habang inaalis ang ipinasuot na jacket kay Cookie, ang pinakabago niyang intern. Nasa opisina silang dalawa. Abalang-abala si Trutty sa araw na iyon kaya naman hindi niya gaanong napagtutuunan ng pansin ang kaganapan sa social media, ngunit alam niya na trending siya. Ilang kaibigan ang nag-text at tumawag para sabihin iyon. Kaninang paggising niya ay nakita na niya ang ilang notifications. Dahil hindi niya sigurado kung paano pakikitunguhan ang sitwasyon ay mas pinili niyang manahimik at huwag munang pansinin ang lahat. “In fairness naman, tama ang netizens. Bagay na bagay nga kayo ni Blu. Bakit hindi ko napansin ang bagay na iyon dati?” Marahas na napabuga ng hangin si Trutty habang nagsusulat sa kulay dilay na sticky note. Idinikit niya ang note sa larawang ng jacket. Itinuro niya ang isa pang jacket at kusa na iyong isinuot ni Cookie. Hindi pa dumarating ang modelo na dapat na nagsusukat ng mga jacket sa rack niya. Wala na siyang gaanong panahon para alamin kung ano ang nangyari sa modelo at lalong wala siyang gaanong panahon para maghintay dahil punong-puno ang schedule niya sa araw na iyon. May ilang importanteng kliyente siyang darating sa opisina. Kailangan niyang bisitahin ang isa sa kanyang apat na workshop. Mayroon din siyang meeting sa ilang partners at staff. “Ate Tru, hindi ako tsismosa pero—“ “Cookie, I like you and you know I’m usually nice but really... Can you...?” She knew she didn’t make any sense but she truly had no idea how to answer questions. “Okay.” Itinikom na nga ng assistant ang bibig nito habang pinagmamasdan ang bawat anggulo ng jacket na isinuot nito. Waring kinabahan at natakot ang intern na baka nainis siya nang tuluyan. Hindi sanay si Cookie na ganoon ang mood niya. Kaya marahil hinahayaan siya nito sa ginagawa. Typically ay kinaiinisan nitong magamit bilang modelo. Nakilala niya si Cookie dahil kay Jay Ann. Dating beauty queen ang ina ni Cookie kaya natural ang pagiging matangkad, balingkitan at maganda ng dalaga. Dahil din doon ay marami ang pumipilit rito na sumali sa prestihiyosong beauty pageant at sundan ang yapak ng ina. Hindi bumigay sa pressure si Cookie at pilit na naghanap ng internship sa fashion designing sa halip. Alam niya na hindi na hindi natutuwa si Cookie sa kasalukuyan niyang ginagawa ngunit wala siyang pagpipilian sa ngayon. Dahil distracted sa kumakalat na larawan nila ni Blumentritt ay wala rin siyang gaanong masabi. Bumukas ang pintuan ng kanyang opisina habang hinuhubad ni Cookie ang jacket. Sumungaw ang ulo ni Marjorie, ang kanyang assistant. “Mrs. Tolentino is already here.” “Really?” Sinipat ni Trutty ang relong pambisig upang tingnan ang oras. Inakala niya na hindi niya namalayan ang paglipas ng oras at oras na ng appointment niya, ngunit maaga ng kalahating oras ang kanyang kliyente. Bahagya siyang na-stress dahil hindi pa sila tapos ni Cookie sa ginagawa ngunit hindi naman niya maaaring paghintayin kahit na sandali lang ang kliyente. Mrs. Tolentino was one of her VVIP clients. Sa nakalipas na halos dalawang taon ay inirekomenda siya nito sa ilang kaibigan kaya lumaki ang client list niya sa sirkulo nito. “Okay, we’ll just tidy this up. Let her in after a few minutes. Prepare snacks.” Habang nagsasalita ay abala na sila ni Cookie sa paglalagay ng mga jacket sa isang durabox. Inilibot ni Trutty ang paningin sa paligid ng kanyang opisina upang siguruhin na walang kalat. Isang nakangiting Mrs. Bernadette Tolentino ang pumasok sa kanyang opisina. Nakasunod sa ginang ang isang lalaking nakabarong, bitbit ang isang potted orchid. Inilagay ng bodyguard ang orchid sa kanyang lamesa habang hinahagkan ni Mrs Tolention ang kanyang pisngi. Madalas talaga siya nitong dalhan ng kung ano-ano. Mabait daw talaga ang asawa ni Senator Ernest Tolentino. “I’m sorry I was early,” ani Mrs. Tolentino habang nauupo sa isa sa mga visitor’s chair sa harapan ng desk ni Trutty. “Naglaan talaga ako ng panahon para sa traffic dahil ayokong nahuhuli. Nagulat ako na hindi gaanong ma-traffic ngayong araw.” “It’s okay, Mrs. Tolentino. Early is better than late.” Mas sanay si Trutty sa mga kliyente na atrasado ang dating sa appointment. Hindi kailanman na-late sa appointment si Mrs. Tolentino. Binuksan niya ang file ni Mrs. Tolentino sa kanyang laptop. Naaalala pa ni Trutty ang unang pagkakataon na nakipag-appointment sa kanya ang asawa ng senador. Madalas na sa telebisyon at magazine lang niya nakikita dati si Mrs. Bernadette Tolentino. Wala pa siyang gaanong kliyente na katulad nito noon. Mga asawa ng politiko o politiko mismo. Hindi katulad niya ang madalas na designer ng damit ng mga ito. Bata pa siya at medyo makabago ang mga desenyo ng damit. Ni hindi niya nalaman kung paano siya nito nahanap. Naniniwala kasi siya na mas kilala siya sa everyday casual wear dahil na rin sa Tutti & Trutty. “I need new set of evening gowns, Trutty,” ang magiliw na wika ni Mrs. Tolentino. Nabanggit na iyon ng assistant nito nang magpa-appointment kaya kahit na paano ay handa na si Trutty. Nakangiting iniharap niya ang laptop sa ginang at ipinakita ang ilang priliminary sketch. Inihanda na rin niya ang sample ng mga tela na plano niyang gamitin. Dahil ilang beses na niyang iginawa si Mrs. Tolentino ng mga gown para sa maraming social and political events, kabisado na niya ang mga gusto nito. Simple, conservative and elegant. She had never wanted extravagant. Nang mga sumunod na sandali ay naging abala na sila. Ipinaliwanag ni Trutty ang mga nais niyang gawin, ang magiging hitsura ng aktuwal na gown. Pagkatapos ay mataman niyang pinakinggan ang mga nais nitong baguhin sa mga sketch at ilang suggestions. Sinagot niya ang ilang tanong nito tungkol sa materyales at labor. Ayaw ni Mrs. Tolentino na gumamit siya ng mga mahal na tela. Hanggang sa maaari ay locally sourced ang lahat ng mga materyales ng gown nito. Nais din nitong naisusuot uli ang gown. Hindi nito alintana ang sasabihin ng iba ukol doon. Kaya naman sinusubukan ni Trutty na makagawa ng gown na maaaring isuot sa ibang istilo o gumagawa siya ng accessories upang magbago ang hitsura niyon kahit na paano. It was always a challenge and delight to make gowns for Mrs. Tolentino. Kaya ring sabihin ni Trutty na si Mrs. Bernadette Tolentino ang pinakapaborito niyang kliyente. Bukod sa palaging mabait sa kanya ang ginang, hindi rin ito mahirap kausap. Hinahangaan din niya ang asawa ng senador sa lifestyle nito. Aktibo ang ginang sa napakaraming charity organizations. Si Mrs. Tolentino lamang ang asawa ng politiko na kilala niyang walang collection ng mga mamahaling bags. She managed to find elegant items from budding designers. She had expensive shoes but they were only few. Minsan ay hindi napigilan ni Trutty na tanungin si Mrs. Tolentino tungkol doon. Sa mundo nito, hindi luho ang mga ganoong bagay kundi neccesity minsan. Tandang-tanda niya ang naging sagot nito noon. “The cost of one item can feed a family of five for months to a year. Lumaki ako sa isang mahirap na orphanage, Trutty. Bawat donasyon ay mahalaga para sa mga bata. At sa palagay ko ay naging madali pa ang buhay para sa akin. Ang iba ay walang bubong na masisilungan, wala talagang nakakakain. Sa palagay ko ay hindi ko kailanman ibibili ang sarili ko ng mamahaling bag na ang magiging main purpose ay status symbol.” May nabasa sa Internet si Trutty minsan na kung si Mrs. Bernadette Tolentino ang tatakbo sa isang puwesto, garantiya ang pagkapanalo nito. Ang ilan nga ay hayagan ang pagsasabi na ang ginang ang dahilan ng pagkapanalo ng asawa nito noong nakaraang eleksiyon. Hindi madalas manood ng balita o magbasa ng diyaryo si Trutty ngunit alam niya ang ilang eskandalo na kinasangkutan ni Senator Ernest Tolentino. Kung hindi dahil kay Mrs. Tolentino ay mawawala na sa isipan ng mga tao ang lahat ng kabutihang nagawa ng dating presidente, ng kagalang-galang na Jose Tolentino dahil sa dami ng kinasangkutan ng senador. Popular si Mrs. Tolentino sa kawanggawa at malasakit sa kapaligiran.  Isang inspirasyon si Mrs. Tolentino sa lahat ng mga babae. “I think that’s it,” ang nakangiting sabi ni Mrs. Tolentino kapagkuwan. Isinara ni Trutty ang laptop matapos niyang maglagay ng notes. “Maraming salamat sa palaging pagtitiwala, Madame.” “You never disappoint, Trutty.” Mas lumapad at mas tumamis ang ngiti ng ginang. “You’re trending.” Natigilan si Trutty. Natawa si Mrs. Tolentino sa naging reaksiyon niya. “You think I’m not into social media? Nakakatulong nang husto sa akin ang pagiging aktibo sa ilang social media.” “Of course,” ang nasabi na lang ni Trutty. Sinikap niyang ibalik ang masiglang ngiti dahil hindi niya sigurado kung ano pa ang sasabihin. “I don’t mean to be...,” banayad na natawa si Mrs. Tolentino bago nagpatuloy, “tsismosa. But the picture is just so lovely, Trutty. Young love. It reminds me of fairy tales.” Naramdaman ni Trutty ang pag-iinit ng kanyang mga pisngi. Kahit na hindi niya nakikita ang sarili sa salamin ay alam niyang namumula ang kanyang mukha. Hindi rin niya maipaliwanag ang ligayang nadarama niya sa narinig na komento tungkol sa larawan. They were lovely together. “You like him?” seryosong tanong ni Mrs. Tolentino. “Po?” “The guy you were with in the photo. You like him?” “I... I... We’re good f-friends. There’s nothing really going on.” Alam niyang hindi niya direktang sinagot ang katanungan nito ngunit iyon lang ang talagang kaya niya. “Saan pa ba nagsisimula ang isang magandang relasyon kundi sa isang magandang pagkakaibigan?” ang nanunudyo nitong sabi. Natatawang umiling si Trutty kahit na ang totoo ay masarap isipin. Masarap umasa. “You make him happy.” “Po?” “You make each other happy. Iyon ang nakita ko sa kumakalat n’yong larawan.” “We’re... just f-friends.” “I’m hoping for the best, hija.” “Me, too,” usal ni Trutty. Kahit naman ikaila niya nang napakaraming ulit, hindi niyon mababago ang katotohanan na umaasa nga siya. She was the cliched girl who fell in love with her brother’s best friend. Pag-alis ni Mrs. Tolentino ay binuksan ni Trutty ang isang file sa kanyang laptop imbes na balikan ang hindi pa natatapos na trabaho kanina. Natagpuan niya ang sarili na pinagmamasdan ang mga larawan nila ni Blumentritt sa nakalipas na dalawang taon. Hindi siya mahilig magpakuha ng larawan kung siya lang. She loved group pictures though. Napangiti siya nang makita ang “transition” ng friendship nila. Sa mga naunang taon, palagi nilang kasama ni Blumentritt ang mga kaibigan sa larawan. Palagi silang nasa magkabilang dulo, hindi magkatabi. Hanggang sa nagkatabi sa larawan. Naging mas komportable ang body language sa isa’t isa. Mayroong larawan na kaswal na nakasampay na sa balikat ni Trutty ang braso ni Blumentritt. Mayroon ding nakakapit si Trutty sa baywang ni Blumentritt. Hanggang sa pakaunti nang pakaunti ang nakakasama nila sa mga larawan. Ang unang larawan nila sa file ni Trutty ay Holloween. They were both in costumes. He was in one of his Prince Charming costume complete with hair. She was on her post-apocalyptic outfit. Their friends said it wasn’t a costume, it was a fashion statement. Iniisip niya kung bakit hindi siya nagsuot ng princess costume para bumagay silang dalawa. Isa pang larawan nilang magkasama ay noong nanood sila ng band concert sa New York. Iyon ang unang US tour ng The Charmings. Nagkataon na sa pagtatapos ng tour ay mayroong concert ang isang sikat na banda. Sumama si Trutty sa tour noon dahil isa ang Tutti & Trutty sa sponsor ng event. Nasorpresa ang lahat nang sabihin ni Blumentritt na nakakuha ito ng anim na ticket para sa concert. Hindi niya sigurado kung plinano na nito dati pa ang pagpunta sa concert o mayroon itong kaibigan na nakuhanan nito ng emergency ticket.  Trutty remembered she had so much fun in the concert. Mababakas sa larawan ang saya niya. Hindi niya sigurado kung namumula, nanginginang ang mga mata at nakangiti siya nang malapad dahil sa kasiyahan sa concert o sa kasiyahang makadikit kay Blumentritt. Nakapaikot sa kanyang leeg ang braso ni Blumentritt sa larawan. Si Tutti pa ang kumuha ng larawan na iyon gamit ang kanyang cell phone.  Ang isang larawan ay selfie niya na nasa background ang natutulog na si Blumentritt. She had lots of those. Kahit na saan, kahit na kailan ay kayang mahimbing ni Blumentritt. His face looked so serene, so vulnerable. Iyon ang mga larawan na hindi niya ibinahagi sa madla. May account siya sa lahat ng social media. Aktibo siya sa ilan. The Internet helped so much with her business and career. Ngunit mayroon iilang bagay na ayaw niyang ibahagi sa iba. Ni hindi niya maibahagi iyon sa intimate friends niya. May parte sa kanya ang nagnanais na itago ang mga iyon habang-buhay. Pakiramdam kasi niya ay masisira iyon kung hindi niya pakaiingatan. Binuksan din niya ang isa pang file. Puro larawan naman ni Blumentritt iyon. May mga kuha na hindi nito alam. May mga pagkakataon kasi na hindi niya mapigilan ang sarili. Mayroon namang mga kuha pagkatapos niya itong bihisan. Mayroon din namang d-in-ownload o kinopya sa ilang website. Some pictures were used fo ad campaigns.  Napabuntong-hininga si Trutty. Umaasa siya. Naghihintay. Ngunit gaano katagal? Hanggang kailan? Kaya siyang biglang nagbakasyon ay upang makalimot sa nadarama niya, hindi ba? Dahil sinabi mismo ni Blumentritt na hindi nito maibibigay ang kanyang nais. Sinabi nitong hindi sila pupuwede. Bakit pa siya umaasa at naghihintay? Bakit ang kulit ng puso niya? Inilabas ni Trutty ang cellphone at pinagmasdan ang larawan nila ni Blumentritt na kasalukuyang kumakalat ngayon sa social media. They were beautiful. Lovely couple. If only.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD