PINAGMASDAN ni Sally ang sanggol na nasa crib at mahimbing na natutulog. He was only two weeks old. Masyado pa marahil maaga ngunit masasabing kamukha na nito ang ama. Napangiti siya. Nakikinita na niya ang paglaki ng baby na ito. He would be great like his father. He could conquer the world when he grew up. He would be the best. Exceptional. Masyadong maliwanag ang bukas para sa sanggol. Hindi nito mararanasan ang hirap na pinagdaanan niya dahil ipinanganak itong may gintong kutsara sa bibig. Magagawa nito ang lahat ng gusto nito. Makakamit ang lahat ng hangarin.
Dinampot ni Sally ang isang stuffed toy sa malapit na shelf. Masasabi niyang hindi angkop ang laruan na iyon sa isang sanggol. Hindi na iyon nakapagtataka dahil wala namang alam ang ina nito. Gumalaw ang sanggol. Ngumiti si Sally.
“I’m sorry, babe,” bulong ni Sally, hindi sinsero sa sinasabi. “Hindi ko gustong gawin ito, maniwala ka.” Hindi iyon totoo sa kanyang loob ngunit waring kailangan pa rin niyang sabihin. “Hindi ko sana kailangang gawin ang bagay na ito kung hindi lang naging sakim at makasarili ang mommy mo.” Mabilis na umahon ang pagkamuhi nang maalala niya ang lahat ng ginawa ng ina ng bata sa kanya. “Hindi mo kailangang pagbayaran ang mga naging kasalanan niya pero wala na akong magagawa. Naging balakid ka para makuha ko ang mga gusto ko. You’ve suddenly became the reason I can’t have everything I deserved. Kung tutuusin ay kasalanan ng nanay mo. So let’s just blame her, okay? I promise you, I’m gonna make her life miserable, a living hell.” Mas lumawak ang ngiti sa kanyang mga labi. Nabubuo na sa kanyang isipan ang mga plano kung paano niya gagawin ang bagay na iyon. Napupuno ng pananabik ang kanyang puso dahil habang inilalapit niya ang stuffed toy sa mukha ng sanggol ay mas nasisiguro niya ang tagumpay.
Walang ibang hangad si Sally kundi ang magtagumpay at maging ganap na maligaya. At siya ang tipo ng tao na hindi basta-basta sumusuko o nagpapatalo. Hindi siya tumitigil hanggang sa hindi niya nakakamit ang gusto, hanggang sa hindi nararating ang lugar na kumbinsido siyang dapat niyang kalagyan. Wala siyang pakialam kung sinuman ang masagasaan niya, kung sinuman ang kailangan niyang alisin sa kanyang landas. Wala siyang pakialam kahit na kailangan niyang pumaslang ng sanggol. This needed to be done. Hindi niya kasalanan kung bakit napipilitan siyang gawin ang mga bagay na ito.
Gahibla na lang ang layo ng tagumpay nang bigla na lang bumukas ang pintuan ng nursery. Marahas siyang napalingon doon. Hindi nagmaliw ang ngiti sa kanyang mga labi nang makita niya si Bernadette, ang ina ng sanggol. Si Bernadette, ang kasalukuyang nagmamay-ari at tumatamasa ng lahat ng dapat na kanya.
Malakas na napasinghap si Bernadette nang ganap nang rumehistro ang presensiya ni Sally. Namilog ang mga mata ng ina ng sanggol. Kapagkuwan ay tiningnan nito ang anak. Sandaling dumaan ang relief nang makitang himbing pa ring natutulog ang munting anghel. Ngunit mas mababanaag ang takot ang kaunting determinasyon sa mga mata nito habang palapit kay Sally.
“Ano ang ginagawa mo rito? Paano ka nakapasok?” ang galit na sabi ni Bernadette. Sinikap nitong itago ang panginginig at takot ngunit hindi iyon nakaligtas kay Sally. Nais matawa nang malakas ni Sally. Dapat nga siya nitong katakutan dahil kahit na matagal na silang magkakilala, hindi pa rin nito alam ang sukdulan ng mga kaya niyang gawin.
“Gusto ko lang makita ang munting prinsipe.”
“You stay away from my son! Wala kang karapatang makita man lang ang anak ko.” Mas tumaas ang tinig nito habang nilalapitan ang anak. Nakita ni Sally sa mga mata ni Bernadette na kumbinsido itong kaya nitong protektahan ang anak mula sa kanya. Nais niyang matawa nang malakas.
Nakarinig si Sally ng mga yabag. Hindi niya gaanong maipaliwanag ngunit naramdaman niya kaagad kung sino ang parating. May naramdaman siyang pagtulay ng munting kuryente sa kanyang gulugod. Mabilis na nag-iba ang ekspresyon ng kanyang mukha.
“Berna? Who are you talk—“ Natigil si Ernest sa b****a ng pintuan nang makita si Sally sa loob ng nursery ng anak. Namilog ang mga mata nito. Sa kanyang utos, nangatal ang mga labi ni Sally. Mabilis namuo ang luha sa kanyang mga mata.
Napasinghap si Bernadette. Alam ni Sally na dahil iyon sa bilis ng pagbabago ng kanyang anyo. Hindi niya malaman kung bakit nagugulat pa ang dating kaibigan. Walang-wala pa iyon sa tunay niyang kakayahan.
“Sally,” ang natitigilan pa ring usal ni Ernest. “A-ano ang g-ginagawa mo rito? P-paano ka nakapasok?”
Nais sanang itirik ni Sally ang mga mata ngunit pinigilan niya. Paano siya nakapasok? Napakadali. Ang alam ng marami ay mahigpit ang seguridad sa bahay na iyon na siya namang totoo. Prominente ang pamilya ni Ernest. Maituturing na pinaka-prominente sa kasalukuyan. Ngunit kaya niyang pasukin ang anumang nais niyang pasukin hangga’t lalaki ang nagbabantay. Walang sinumang lalaki ang kayang tumanggi sa kakaiba niyang panghalina. Kahit pa si Ernest.
“May pinaplano siyang masama kay Juan Miguel, Ernest,” ang sumbong ni Bernadette sa asawa nito. “Nadatnan ko siyang nakayuko kay Juan, inilalapit ang hawak niyang iyan.” Itinuro ni Bernadette ang stuff toy na hindi pa pala nabibitiwan ni Sally. “She’s gonna smother our son!” Nasa tinig ni Bernadette ang hindi masukat na takot. Ramdam niya ang pagnanais nitong hablutin ang anak sa crib at itakbo palayo sa kanya.
Kung hindi lang sana dapat panindigan ni Sally ang akto niya ay malamang na napahalakhak siya ng malakas. Pinanatili niya ang mga namamasang mata kay Ernest. Siniguro niyang mukha siyang kaawa-awa sa kasalukuyan. Pinagmukha niyang si Bernadette ang nababaliw, ang paranoid.
“Ernest, h-hindi.” Hinayaan ni Sally na kumawala ang kanyang mga luha. “Hindi... hindi ko kayang gawin iyon sa anak mo. Please, huwag mo namang isipin na kaya kong saktan ang isang taong alam kong mahal mo. Mahal kita at mamahalin ko ang sinumang mahal mo. Tanggap ko naman na hindi tayo puwede. Naiintindihan ko ang kalagayan mo. Naiintindihan kung bakit hindi ako ang pinili mo. Hindi ko rin naman gugustuhing piliin mo `ko at talikuran ang isang magandang kinabukasan. Lumaki ako na walang mga magulang at wala akong hinangad kundi ang magkaroon ng kompleto at masayang pamilya. Your children deserve a happy and complete family.” Tumingin si Sally kay Bernadette na nanghihilakbot ang ekspresyon ng mukha. Hindi nito mapaniwalaan ang mga katagang lumalabas sa kanyang bibig, ang kapani-paniwalang tono ng kanyang tinig at ekspresyon ng mukha.
Mas pinaghusay ni Sally ang pag-arte. “Patawarin mo sana ako sa kapangahasan kong ito. Gusto ko lang siyang makita.” Mas pinag-igting niya ang pag-iyak. Iyong tipo na parang nahihirapan siyang huminga. Iyong tipo ng iyak na waring hirap na hirap ang kanyang kalooban at halos hindi kayanin ng kanyang puso. Kahit na wala siyang kaharap na salamin, nasisiguro niyang higit pa siya sa kapani-paniwala. This was her talent. Talento na pinaghusay niya sa nakalipas na maraming taon. “I just...” Tumingin siya kay Juan Miguel na nahihimbing pa rin at walang pakialam sa nangyayari sa paligid. “I just wanna remind myself that you—we made the right decision. The right choice. He’s beautiful, Ernest. Nakikita ko na susundan niya ang yapak mo pagdating ng araw. Lalaki siyang mahusay at mabuti. He’s worth everything. Mahal na mahal kita, Ernest. Mas minahal kita nang piliin mo ang pamilya mo dahil iyon naman talaga ang dapat. I came here to let you go.”
Base sa pagbanayad ng mga mata ni Ernest, nasiguro ni Sally na napaniwala niya nang husto ang lalaking iniibig. He bought every word, every sob and tear.
Hinablot ni Bernadette ang tangan ni Sally na stuffed toy. “Napakasinungaling mo talagang babae ka!” singhal nito. Napakislot si Juan Miguel ngunit hindi naman nagising. “Huling-huli kita. May plano kang masama sa anak ko.”
“Hindi ko malaman kung paano mo naisip na may kakayahan akong gawin ang bagay na iniisip mo, Ate Berna. Ganoon na ba kalaki ang kasalanan ko sa `yo para isipin mong sasaktan ko ang isang walang kalaban-laban na sanggol?”
“I know you are capable. I know, Sally! Sa palagay mo ay nakalimutan ko ang lahat ng mga ginawa mo sa mga tuta at kuting sa ampunan? Sa palagay mo ay hindi ko alam na ikaw ang nagsimula ng sunog noon sa kusina? Alam ko! Hindi ko maintindihan kung bakit ganoon ka noon pero alam ko na ngayon! Alam kong may kakayahan ka. Hindi na ako malilinlang ng mga paiyak-iyak mo.”
“Berna, please...” pagsusumamo ni Ernest. “Don’t overthink things. That’s a serious accusation.”
“She’s mentally ill,” ani Bernadette sa asawa, nanlilisik ang mga mata sa galit. “She’s a psychopath.”
Highly intelligent psychopath, pagtatama ni Sally sa kanyang isipan.
“Berna, please...”
“It’s okay, Ernest. Naiintindihan ko. Alam kong she’s suffering from post-natal depression. I know she’s just being paranoid. Naiintindihan ko. Hayaan mo lang siya dahil ganito siguro ang lahat ng ina. Alam kong mahirap ang pinagdaan niya at patuloy na pinagdadaanan. Kasalanan din natin kung bakit nagkaganyan si Ate.” Tumingin siya sa mga mata ni Bernadette. “I’m sorry, Ate. I’m really, really sorry. But you have them now. You have Ernest and two little lovely boys. You have your family.”
Sumingasing sa galit si Bernadette. “Napakawalang-hiya mo!” Akma siya nitong susugurin ngunit mabilis itong naagapan ni Ernest. Kunwari ay kinabahan at natakot si Sally ngunit kampante siya na kikilos si Ernest. Hindi nito hahayaan na masaktan siya ng asawa nito. Siya na pinakamamahal nitong kabit. Nais niyang humalakhak ngunit pinigilan niya ang sarili.
Habang pilit na kumakawala si Bernadette sa mga bisig ng asawa ay dinampot niya ang stuffed toy na nahulog sa sahig at maingat na inilapag sa crib, sa tabi ni Juan Miguel. Pinigilan niya ang masidhing kagustuhan na itakip ang laruan sa mukha ng nahihimbing sa sanggol. Magkakaroon siya ng perpektong pagkakataon isa sa mga araw na ito.
“He looks lonely,” ani Sally. “Gusto ko lang sana siyang bigyan ng kasama sa crib. I’m sorry. Wala akong planong masama. Wala akong gustong gawin. Ayoko lang na nag-iisa siyang natutulog. I used to get scared when I sleep alone at night. Ayokong matakot siya.” Sinalubong ng kanyang mga mata ang mata ni Ernest. Isang banayad at malungkot na ngiti ang sumilay sa kanyang mga labi. Mas umigting ang paghihirap sa mga mata ng lalaking iniibig. “This is goodbye. I will love you forever. Be happy, okay?”
Hindi na hinintay ni Sally ang anumang tugon mula kay Ernest. Tumalikod na siya at lumakad palayo, dahan-dahan dahil nais pa niyang marinig ang pag-uusap ng mag-asawa.
“May plano siyang hindi maganda sa anak ko,” ang narinig ni Sally na sabi ni Bernadette.
“Hindi iyon magagawa ni Sally, Berna. H’wag kang mag-isip ng kung ano-ano.”
“Hindi ako nag-iisip ng kung ano-ano! Kilala ko ang babaeng iyon! Alam ko ang mga kaya niyang gawin. Nararamdaman ko na hindi safe ang anak natin. She’s gonna do something. Hindi siya sumusuko. Hindi siya ang tipo na sumusuko.”
Ilang sandali na natahimik si Ernest. “I think we should see Doctor Fernandez first thing tomorrow morning.”
“Hindi ako nababaliw! Ang kabit mong iyon ang nababaliw.”
Napapangiting binilisan na ni Sally ang paglayo. Hindi man niya nagawa ang kailangan niyang gawin, hindi na rin masama ang kinahinatnan ng gabi. Darating ang araw na magtatagumpay din siya. Dahil hindi nababaliw si Bernadette. Lahat marahil ng ina ay may ganoong pakiramdam para sa kanilang mga supling. Hindi sumusuko si Sally. Hindi kailanman.
ENGGRANDE ang binyag ni Juan Miguel Tolentino, ang pangalawang apo ng presidente ng bansa. Isang simple at pribadong kasiyahan lang sana ang nais ni Bernadette para sa kanyang bunso ngunit hindi alam niyang hindi siya mapagbibigyan kaya hindi na lamang siya nagsalita. Sa dami ng mga kaibigan, kaalyado sa pulitika, at kapamilya ng biyenang presidente ng bansa at asawang mayor ay hindi na uubra ang simple. Sinubukan niyang paliitin ang guestlist hanggang sa maaari. Mga malalapit na kaibigan at kapamilya ang imbitado. Ngunit lumampas pa rin sa dalawang daan ang mga bisita. Siniguro na lamang ng ina na mahigpit na mahigpit ang seguridad sa buong venue.
Mas enggrande ang binyag ni Jose Maria, ang panganay nina Bernadette at Ernest. Hindi na-stress nang ganoon si Bernadette noon. Sa kanyang panganay kasi, kampante siya. Alam niyang walang mangyayaring masama. Hindi niya kailangang mag-ingat at mag-alala. Maligaya pa silang mag-asawa at hindi pa nakikialam sa pagsasama nila si Sally.
Sawa nang magtanong si Bernadette kung ano ang nangyari sa kanilang mag-asawa, kung ano ang nangyari sa sinumpaan nila sa simbahan. Sumuko na siya kahit na mahal pa rin niya si Ernest. Tinanggap niya na hindi na siya ang nasa puso ng asawa, na tapos na sila. Ngunit dumating si Juan Miguel at nagpasya si Ernest na manatili sa kanyang tabi, panatilihin ang kanilang kasal. Tinapos nito ang bawal na relasyon kay Sally. Alam niya na may kinalaman din ang ama nito sa desisyon na iyon. Mas naging matimbang din marahil ang pangarap ng asawa na sundan ang yapak ng ama nito. Hindi ihahalal ng mamamayan ang isang lalaking nang-iwan sa asawa at mga anak para sa ibang mga babae.
Bernadette Pascual had been this nation’s Cinderella. Nang pakasalan siya ni Ernest, ang anak ng bise-presidente noon, ganoon na ganoon ang kanyang pakiramdam. She was a nobody. A girl from an orphanage. Isang babaeng nagsumikap at nagtrabaho nang husto upang makapag-aral ng law. Every Filipino thought she was living her fairy tale.
Fairy tale na sinira ng isang Sally. She hated that woman to core. Noon, nagkaroon si Bernadette ng pagkakataong maampon ng isang mag-asawang maykaya sa buhay. They liked her brilliance. Ngunit sa huling sandali ay nagbago ang isipan ng mga ito. They took Sally instead. Sinubukan niyang kalimutan ang nangyari. Hindi niya hinayaan na magdamdam at malungkot ang sarili. Paulit-ulit niyang sinabi noon na may mas magandang plano ang nasa Itaas para sa kanya. Nahirapan siya nang husto upang maabot ang mga narating ngunit naniwala siyang iyon ang plano ng Panginoon para sa kanya. Mas naging matatag siya dahil sa mga pagsubok na pinagdaanan.
Isang taon na si Jose Maria nang muling magsalubong ang mga landas nina Sally at Bernadette. Kabilang si Sally sa staff ni Ernest. Dahil kinalimutan na ni Bernadette ang sama ng loob noong hindi siya ampunin, naging maganda ang pakikitungo niya kay Sally na naging napakabait din sa kanya. Naging magkaibigan sila. Kinalimutan niya ang mga nasaksihan niyang karumal-dumal na bagay na ginawa nito noong bata pa sila. Maganda na ang buhay niya at mukhang naging mabait din ang buhay kay Sally.
Ngunit isang araw ay nalaman niya na may sekretong relasyon sina Ernest at Sally. Nahibang ang asawa ni Bernadette sa kanyang kaibigan. Sa sobrang pagkahibang ay naisipan nitong iwanan at talikuran ang lahat.
Ngunit dumating nga si Juan Miguel. Hindi inakala ni Bernadette na magbubunga ang huling pagsisiping nilang mag-asawa. Nagpasalamat siya na kahit na paano ay hindi pinagdudahan ni Ernest kung anak ba nito ang kanyang dinadala. Nagbago ang lahat ng bagay. Nais nang pakawalan ni Bernadette ang asawa ngunit alam din niya na hindi siya maaaring maging makasarili. Kailangan ng kompletong pamilya ng kanyang dalawang anak. Hindi niya hahayaan na maranasan nina Jose Maria at Juan Miguel ang naranasan niya habang lumalaki. Kahit na paano ay nagpasalamat din siya sa desisyon ni Ernest na manatili sa kanila.
Sana ay sapat na iyon upang makampante si Bernadette. Nasa tabi man niya si Ernest, alam pa rin niyang may malaking bahagi sa asawa ang na kay Sally. Apektado siya dahil mahal pa rin niya ang asawa sa kabila ng lahat. Dahil doon, nakaranas siya mild post-partum depression.
Hindi niya sigurado kung post-partum depression pa rin ang kanyang nararanasan ngunit simula nang madatnan niya si Sally sa nursery ni Juan Miguel ay hindi na siya mapakali. Iba ang pakiramdam niya. Hindi siya gaanong makatulog sa gabi. Pakiramdam niya ay mayroong nakaambang panganib sa kanyang bunso. Maraming pagkakataon na halos hindi niya pakawalan si Juan Miguel sa kanyang bisig. Nais niyang palaging nakikita ang anak. Dahil habang lumilipas ang mga araw ay waring mas sumisidhi ang pakiramdam na mawawala ang anak sa kanya.
Hindi iyon mapapayagan ni Bernadette. She realized she was not just a typical housewife and mother. Napakarami na niyang hirap na pinagdaanan. Marami nang pagsubok na nalampasan at napanalunan. Kaya niyang makipagtuos sa kahit na kanino. Totoo ang sabi ng marami, ang ina ay kakayaning pumatay para sa kanilang mga supling. She would never let anything bad happen to Juan Miguel.
Pagkatapos sa simbahan ay naging abala na si Bernadette sa mga bisita. She kept the nanny close to her as much as possible. Sinubukan niyang ngumiti at tumawa. Ipinakita niya na maayos at masaya ang kanilang pagsasama ni Ernest. Nakakapagod magkunwari ngunit hindi niya ipapahiya ang asawa at biyenan sa mga kaibigan at kapamilya. Pagtalikod niya ay pag-uusapan pa rin siya, alam niya, ngunit mas pinili pa rin niyang magpakatatag at magkunwari.
“Mommy!”
Naramdaman ni Bernadette ang munting puwersa sa kanyang binti. Napangiti siya bago pa man niyuko ang panganay. Nakasunod na sa anak ang yaya nito. Hinagkan niya ang ibabaw ng ulo ni Jose Maria. Kamukhang-kamukha ng panganay ang lolo nito. Ang ilan pa sa mga kaibigan ni President Jose Tolentino ay nagsasabing magiging presidente rin ng Pilipinas si Jose Maria paglaki nito. Jose Maria loved the idea. Sigurado si Bernadette na magbabago pa iyon ngunit masarap isipin na iyon ang magandang kinabukasan na naghihintay para sa anak na panganay.
“Mommy, I want cake!” ang naglalambing na hiling ng anak.
“Okay but in a minute.” Nilingon ni Bernadette si Juan Miguel na himbing na natutulog sa bisig ng yaya. “Let’s take your baby brother to the holding area first.” Nagiging maingay na sa kasiyahan at nais niyang makatulog nang mahimbing ang kanyang bunso.
“Otay,” ang masiglang tugon ni Jose Maria habang inaabot ang kanyang kamay.
Kasama ang yaya, tinungo nila ang tahimik na holding area sa venue. Inayos iyon na para talagang nursery. Mayroong crib at rocking chair na maaaring upuan ni Bernadette kapag pakakainin na niya ang anak. Guards were situated outside the room.
Mapagkakatiwalaan ang yaya ni Juan Miguel. She was also loyal to Bernadette. Pagkatapos mailapag ang anak sa crib ay pinagmasdan niya ito nang matagal. She loved him so much. Waring naramdaman ni Juan Miguel ang pagmamahal na iyon dahil sumilay ang isang magandang ngiti sa mga labi nito. Her heart swelled with so much love.
“It must be a good dream, anak,” ang pabulong niyang sabi.
Hinila ni Jose Maria ang kamay ni Bernadette. “Mommy, cake,” ungot ng panganay.
Dahil ayaw din naman ni Bernadette na maramdaman ni Jose Maria na mas mahal niya si Juan Miguel, nginitian at hinagkan niya ang ibabaw ng ulo ng panganay. Hinagkan din niya ang noo ni Juan Miguel bago niya binalingan ang yaya. Hindi na niya kailangang magsalita dahil paulit-ulit na siya mula pa noong nakaraang linggo.
“Hindi ko hahayaang may mangyaring hindi maganda sa kanya, Madame,” ang taimtim na pangako ng yaya.
Hindi siya gaanong kampante ngunit alam din ni Bernadette na mayroon siyang mga responsibilidad sa labas. Sinabi niya sa sarili na walang makakapasok sa loob ng silid na iyon. Her little prince is protected, secured. Susubukan niyang silipin ang anak nang madalas dahil hindi mapayapa ang kaba sa kanyang dibdib. Humugot siya ng malalim na hininga bago lumabas sa silid, tangan ang kamay ni Jose Maria.
Makalipas ang kalahating oras, nagbalik si Bernadette sa silid. Nakahandusay ang yaya, dumurugo ang ulo. Wala sa kuna si Juan Miguel.
Seattle. Three years later...
NAPANGITI si Bernadette nang makitang tumatakbo ang isang batang lalaki sa playground. Hindi umuulan nang araw na iyon kaya marami-rami ang tao sa palaruan. Isang partikular na batang lalaki ang sinusundan ng tingin ni Bernadette. He was happy. Habang tumatakbo-takbo ay tangan nito ang isang laruang gitara. Suot niya ang isang malaking dark glasses upang maitago ang ginagawang pagmamasid.
Nanikip ang dibdib ni Bernadette. Nanakit ang kanyang lalamunan. Kanina pa namamasa ang kanyang mga mata. Pinigilan niya ang masidhing kagustuhan na lumapit at yakapin nang napakahigpit ang bata. Pinilit niyang magpakakontento sa kinalalagyan kahit na napakahirap. Napakalapit na nito ngunit hindi pa rin niya ganap na matawid ang distansiya sa pagitan nila.
My little prince...
Paglipas ng ilang sandali ay naramdaman ni Bernadette ang pag-upo ng isang lalaki sa dulo ng bench na kanyang kinauupuan. Hindi niya pinansin ang lalaki, nanatili sa batang lalaki ang kanyang mga mata.
“She wants to know if you want to talk to him, Madame,” anang lalaki habang nakatuon ang mga mata nito sa binabasang broadsheet. He looked relaxed and casual. Kahit na hindi nakatingin, alam ni Bernadette na hindi mahahalata ng sinuman na kinakausap siya nito.
Sinubukan niyang maging mahusay sa mga ganitong diskretong pag-uusap. “Not today,” tugon ni Bernadette. Siniguro niyang bahagya lamang gumalaw ang kanyang mga labi. Inabot niya ang cup ng kape sa kanyang tabi at sumimsim. Wala siyang ibang nais gawin kundi lumapit ngunit hindi maganda ang kanyang kutob sa kasalukuyan. Things had not been so well. Ayaw muna niyang mas makipagsapalaran pa. Pakikipagsapalaran na pagpunta niya roon. Kailangan niyang makontento sa pagmamasid sa malayo.
“He’s into music,” anang lalaki. “He really likes music.”
Napangiti si Bernadette. Sinikap niyang itago iyon sa pamamagitan ng muling pagsimsim sa kape. Napansin nga niya na hindi binibitiwan ng bata ang laruang gitara.
“Great.” Naiiba ang bata. Hindi ito katulad ng lolo nito o ng ama nito. “Take care of him, Meripen. Don’t let anything happen to him—to them.”
“Makakaasa ka, Madame. Hinding-hindi ko pababayaan si Blu.”
Nakampante siya kahit na paano sa taimtim na pangako na iyon. Maaasahan niya si Meripen. She specifically chose him for this task.
“Maraming salamat.”
Disimuladong tumango si Meripen, nanahimik. Nanahimik na rin si Bernadette at ipinagpatuloy ang pagmamasid sa bata. Someday, one day, they would be together again.