“SIGURADO KA ba sa plano mong gawin?” tanong ni Trutty nang matiyempuhan niyang mag-isa si Blumentritt sa ikalawang palapag ng bahay. Hindi niya maitago ang kaunting pag-aalala sa kanyang tinig.
Pinaupo siya ni Blumentritt sa sofa sa nagsisilbing maliit na sala sa palapag na iyon. Ipinagpaliban nito ang pagpunta sa silid. “Kailangan na nilang malaman ang totoo tungkol sa akin.”
“Wala naman silang alam na hindi totoo tungkol sa `yo. You just omitted some truth.”
Napangiti si Blumentritt.
“Totoo naman,” giit ni Trutty dahil pakiramdam niya ay hindi naniniwala sa mga sinasabi niya si Blumentritt. “Totoong nasa ibang bansa ang mga magulang mo. Hindi lang nila alam na you have two sets of parents, two sets of family.”
“It’s time they know.”
“Alam ko na naging mahalaga na sila sa buhay mo. Hindi mo man madalas ipakita o sabihin. Alam ko rin na matatanggap nila ang mga ipagtatapat mo. Siguro may magtatampo nang kaunti. For sure, magugulat sila nang husto. Pero in the end, you’d always be Blu, the good friend of theirs. Hindi ka nila iiwan anuman ang malaman nila. Hindi ko lang maiwasang mag-alala. May dahilan kung bakit ka itinago ng pamilya mo. Hindi biro ang isinakrispisyo ng mom mo para maitago ka sa kapahamakan. You’re working in the entertainment industry, Blu.”
Sandali munang nag-isip si Blumentritt bago sumagot. “May ideya ka na siguro kung bakit tinanggap ko ang alok ni Vann Allen na mapasama sa grupo na ito, Charles.”
Tumango si Trutty. “I’m guessing because of Alana’s medical bills.”
Tumango si Blumentritt. “Ang sabi ni Mommy, siya na ang bahala sa lahat. Hindi ko maipagkatiwala ang mga gastusin sa mga magulang ko dahil alam kong mas may kontrol ang Dad sa pera nila. Siya ang talagang hindi ko pinagkakatiwalaan. Malaki na ang napakawalan ni Mommy sa sarili niyang pera para kay Alana. I know she didn’t have much because of her charity programs. Nang alukin ako ni Vann Allen, nag-isip ako nang husto. Hindi sang-ayon ang Mom at Lolo sa plano kong gawin noong una. Bukod sa pangangailangan, tinanggap ko ang alok para kay Sally.”
Nagsalubong ang mga kilay ni Trutty. Alam niyang may ibang bahagi pa ng kuwento ang hindi niya alam kaya nanahimik siya pansamantala. Medyo ikinagulat din niya ang galit sa mga mata ni Blumentritt.
“Naisip ko na tapos na ako sa pagtatago. Hindi na ako ang helpless na sanggol na kailangan niyang idispatsa. I can protect myself. I hid myself in plain sight. Hindi ko na hahayaan na ibang tao ang masaktan dahil sa obsession niya sa akin.”
“S-so, nasa ganoong kalagayan si Alana dahil kay Sally?”
Tumango si Blumentritt, lalong sumidhi ang galit sa ekspresyon ng mukha. “By being a celebrity, I’ve made myself a target. Hinihintay kong kumilos siya, magpakita uli. Pero sa nakalipas na mga taon ay nanahimik siya. Hindi siya ma-locate ni Mommy. Maraming pagkakataon na nakakalimutan ko ang panganib. May mga pagkakataon na nakakalimutan ko ang existence ni Sally. Ngayon ko lang naiisip na inilagay ko rin sa panganib sina Zane, Kent, Tutti at Estong. Hindi ko siguro inakala noon na magiging mahalagang parte sila ng buhay ko kaya hindi ako gaanong nag-alala. Kailangan nilang malaman ang tungkol kay Sally, ang tungkol sa pamilya ko. Kailangan nilang mag-ingat at maprotektahan. Kung ayaw na nila akong maging parte ng grupo, maiintindihan ko.”
Nakita ni Trutty na totoong maiintindihan ni Blumentritt ngunit labis ding masasaktan at malulungkot ang binata. Hindi rin marahil nito inakala na mamahalin nito ang kasalukuyang buhay.
“Hindi nila kailanman gagawin sa `yo ang bagay na iyon,” ang nakatitiyak na wika ni Trutty, may munting ngiti sa mga labi. “They love you, you know.”
Kunwaring napangiwi si Blumentritt, ngunit nakita niya ang pagkislap ng mga mata nito.
Ako rin. Mahal na maha kital.
Tumango si Blumentritt, seryoso ang ekspresyon ng mukha. Sinalubong ng binata ang mga mata ni Trutty. Inabot ang kamay at banayad na pinisil. Waring may nais sabihin ngunit hindi nito magawa. Bahagyang nanikip ang dibdib ni Trutty. Waring may tinig siyang naririnig ngunit napagpasyahan niyang huwag pakinggan at paniwalaan ang tinig na iyon. Gumitiw sa isipan niya ang payapang mukha ni Alana. Walang malay at nakaratay.
Iniiwas ni Trutty ang mga mata. Banayad niyang inalis ang kamay mula sa pagkakahawak ni Blumentritt.
Halos sabay silang napabuntong-hininga.
“IYAN ANG isusuot mo?” tanong ni Trutty sa kakambal pagsapit ng araw ng Linggo. Maaga siyang nagtungo sa bahay ng mga Charmings. Pagdating niya roon ay hindi pa naghahanda ang mga lalaki na ikinaloka niya nang bahagya. Natatawa si Blumentritt nang simulan niyang utusan ang mga lalaki na maghanda na. Nagreklamo ang mga ito dahil tinatamad pa, ngunit sumunod din naman.
Pinamaywangan ni Trutty ang kakambal na masyadong kaswal sa suot na maong na pantalon at puting T-shirt. “Naligo ka ba?”
Pinamaywangan din siya ni Tutti. “Siyempre naligo ako. Ano’ng akala mo sa akin?” Pinasadahan nito ng tingin ang kanyang kabuuan. “Bakit ganyan ang hitsura mo?”
Hindi hinayaan ni Trutty na makaramdam ng anumang self-consciousness ang sarili. Madaling-araw pa lang ay nakabangon na siya at naghahanda. Ang totoo ay hindi siya nakatulog sa magdamag. Paulit-ulit niyang sinabi sa sarili na hindi niya kailangang mag-alala, na magiging maayos ang lahat, ngunit hindi pa rin niya mapayapa ang sarili. Wala naman siyang dapat na ipag-alala. Alam ng isang bahagi ng isipan niya iyon. Umasa siya na mas paniniwalaan niyang walang mangyayaring hindi maganda mamaya. It would be a fun lunch.
Naisip ni Trutty na nag-aalala siya para kay Blumetritt. Matagal nitong itinago ang tungkol sa bahaging iyon ng buhay. Matagal na sinarili ang dinadala, ang totoong pagkatao. Alam niya na hindi madaling gawin ang mga hindi nakasanayan, ang baguhin ang takbo ng mga bagay-bagay.
“You look too stiff,” sabi ni Tutti, bahagyang nagsasalubong ang mga kilay. “You’re wearing pearl earrings. You’re not fan of pearl earrings.”
Hahawakan sana ni Trutty ang tainga na may suot na perlas na hikaw ngunit pinigilan niya ang sarili sa huling pagkakataon. Ayaw niyang isipin ng kapatid na masyado niyang pinag-ukulan ng panahon ang hitsura sa araw na iyon. She wanted to be presentable and not too casual. She chose a white long-sleeved collared blouse tucked in a high-waisted skinny jeans. On her feet were lovely loafers. Her hair was in a neat bun. She managed a no-makeup makeup look.
“I don’t look stiff.”
“You totally do,” ang nakangiting sabi ni Blumentritt.
“I look great.”
Halos wala sa loob na tumango si Blumentritt. “Pero stiff pa rin. Ano’ng nangyari sa mga kaswal mong damit? Dati naman ay hindi mo gaanong pinaglalaanan ng panahon at effort ang pagbibihis.”
Medyo hindi siya komportable sa ganoong daloy ng usapin kaya binago na lang niya ang paksa. “Even Blu is wearing something with a collar, Tu. Palitan mo ang damit mo.”
Bago pa man makasagot ang kakambal ay bumungad sa paningin ni Trutty si Zane. Hindi niya mapigilang mapasigaw nang makita ang suot nitong gula-gulanit na pantalong maong at itim na band T-shirt. Kasunod nito si Kent Lauro na may collar nga ang suot na pang-itaas ngunit short naman ang pang-ibaba. Ang suot ni Estong ay katulad din ng kay Tutti.
“What is wrong with her?” tanong ni Zane.
Natawa si Blumentritt, ang tanging nakaintindi ng reaksiyon niya.
“Okay. Everyone should change into something more semi-formal,” aniya sa mahinahong tinig. “Ako ang pipili ng mga isusuot n’yo.”
“Lunch lang ang pupuntahan natin,” ang sabi ni Estong, bahagyang nakakunot ang noo dahil sa pagtataka.
Naiintindihan naman ni Trutty kung bakit ganoon ang apat. Nasanay na ang mga ito sa hindi pormal na lunch kasama ang kapamilya. Hindi kailangang mag-alala ng mga ito sa sasabihin ng tao. They were required to dress up whenever they were at work. Ang mga ganoong araw na lang ang nagbibigay sa mga ito ng kalayaang isuot ang anumang nais at maging komportable. Inasam niyang sana ay alam ng mga ito kung saan magpupunta at kung sino-sino ang makikilala upang mas ganahang mag-ayos.
“Wala nang magpapalit,” ani Blumentritt. “You all look fine.”
Pinanlakihan ng mga mata ni Trutty ang binata na ngumiti lang at waring nagsasayaw sa kaaliwan ang mga mata. Kahit na paano ay napayapa siya sa nakitang ekspresyon ng mukha nito. Kung hindi labis na nag-aalala si Blumentritt, walang dahilan upang mag-alala din siya.
Dumating na rin ang mga babae. Nagpasalamat si Trutty nang makita naka-bestida ang mga ito. Nang makitang kasama rin nila si Kyle, ang nobya ni Estong ay nanumbalik ang kaba. Kaagad niyang nilapitan si Blumentritt at binulungan.
“Taga-press si Kyle.” Bakit hindi niya kaagad naalala ang bagay na iyon?
Hinawakan ni Blumentritt ang kamay ni Trutty at banayad na pinisil. “Don’t worry.” Hindi na mabilang ni Trutty kung makailang beses na iyong sinabi sa kanya ni Blumentritt. “Kinausap ko na siya. Hindi niya alam ang particulars pero nangako siya na wala siyang pagsasabihan ng makikita o mararanasan sa araw na ito. Hindi niya isusulat at ipo-post sa blog niya.”
Hindi ganap na nakampante si Trutty. Mabait naman si Kyle at kasundo nilang mga babae. Ngunit si Kyle ang pinakabago sa grupo at natural na hindi pa ganap ang tiwala nila sa dalaga lalo na sa uri ng trabaho nito. Napakalaking scoop ng buhay ni Blumentritt. Kahit na ang mga beteranong journalist ay siguradong matutuksong ilabas ang nalalaman sa media.
“I trust her,” ang sabi ni Blumentritt sa seryosong tinig. “Tignan mo nga, pangnormal na tao ang buhok niya.”
Kahit na paano ay napangiti si Trutty. Itim ang buhok ni Kyle ngayon. Nakasanayan na nila ang pag-iiba nito ng kulay ng buhok at istilo na medyo kakaiba sa paningin nila ang “normal” na ayos.
“You look kind of stiff, Tru,” ang sabi ni Justienne. “What’s up with the pearls?”
Natawa si Blumentritt. Naitirik ni Trutty ang mga mata. Nagpasya siyang hayaan na ang mga ito.