KAHIT NA hindi nagsasalita, alam ni Blumentritt na namamangha ang mga kasama sa pinasok na bakuran. Sa harapan siya ng van nakapuwesto at bahagya niyang ikinatatakot ang magiging reaksiyon ng mga kaibigan. Alam niya na labis mabibigla ang lahat, ngunit umaasa siya na bibigyan siya ng mga ito ng panahong magpaliwanag. Umaasa siya na mauunawaan siya ng mga ito at katulad ni Trutty ay hindi magbabago ang tingin sa kanya.
Sana patuloy siyang maging si Blumentritt sa paningin ng mga ito at hindi maging Juan Miguel.
Nang sabihin niya sa ina na dadalhin niya ang mga kaibigan doon at ipakikilala, walang pagsidlan ang tuwa nito. Hindi sumagot ang kanyang lolo ngunit may munting ngiting gumuhit sa mga labi nito. Nahaluan ng pananabik ang kanyang nararamdamang kaba.
Naisip ni Blumentritt na panahon na upang mas ipakilala ang sarili sa mga kasamahan. Lubos ang tiwala niya kina Zane, Estong, Kent Lauro at Tutti. Mahalagang parte ng buhay niya ang apat na kaibigan. Hindi man niya sigurado kung handa na siya, alam niya na panahon na upang gawin ang bagay na ito.
“Ako lang ba o nararamdaman n’yo rin na parang may kakaiba sa atmosphere dito?” tanong ni Justienne paghinto ng van sa porte cochere. Binuksan ng mga nakaabang na nakabarong na guards ang mga pintuan.
Tahimik na sumang-ayon ang lahat. Ramdam ni Blumentritt ang mga nagtatanong na mga mata sa kanyang likuran. Totoong iba ang atmospera sa lugar. Mas mahigpit kaysa sa karaniwan ang security detail sa tahanan ng pamilya niya. Sa ibang pagkakataon ay sasabihin niyang hindi iyon kailangan ngunit wala siyang reklamo sa kasalukuyan. Kahit na matagal nang tahimik ang buhay niya, hindi pa rin niya kinalilimutan ang pag-iingat. Hindi nila sigurado kung kailan susulpot ang panganib. Sally was still out there.
Sinalubong sila ni Bernadette, abot hanggang sa tainga ang ngiti. “Welcome.” Nilapitan siya nito at hinagkan.
Hinarap niya ang mga kaibigan matapos niyang magmano sa ina. “Mom, these are my friends.” Kabisado na ni Bernadette ang mga pangalan ng bawat isa ngunit binigkas pa rin niya isa-isa. Ngumiti at nagmano ang mga kaibigan kahit na may pagtataka sa ekspresyon ng mukha ng mga ito. Some of them knew Mrs. Bernadette Tolentino. Ang larawan ng kinalakhang ina ang ipinakita niya sa mga ito. “Guys, this is my mother,” pagtatapos niya sa introduksiyon.
“I’m so happy to finally meet you all,” ang masayang sabi ng ina sa mga kaibigan niya. Mas tumagal ang pagkakayakap nito kay Trutty. Mas espesyal din ang ngiting ibinigay nito sa dalaga.
Noon lang uli nakita ni Blumentritt na kuminang nang ganoon ang mga mata ni Bernadette sa kaligayahan.
“Lunch will be ready soon. Nasa garden niya ang lolo mo, dalhin mo ang mga kaibigan mo roon at ipakilala sila.”
Tumalima si Blumentritt. Mas mahirap ang pakikiharap sa kanyang abuelo. Siguradong mayayanig ang mundo ng mga kaibigan niya. In a way, nananabik din siyang makita ang magiging reaksiyon ng mga ito.
“May lolo ka?” tanong ni Estong habang patungo sila sa hardin. “Hindi mo nabanggit na may lolo ka. Maaalala ko kung nabanggit mo kahit na minsan lang. Wow,” usal nito pagkakita ng hardin.
Hindi na sinagot ni Blumentritt si Estong dahil nakita na niya ang lolo niya. Nakatalikod sa kanila ang matanda. Nakaupo ito sa paborito nitong wooden bench at pinagmamasdan ang mga malulusog na tanim. Ang sabi noon ng Kuya Pepe niya, kahit na mukhang relaxed ang posture ng Lolo Jose nila ay abala naman ang isipan nito sa pag-iisip ng napakaraming bagay.
Hinarap ni Blumentritt ang mga kaibigan bago tuluyang makalapit kay Lolo Jose. “Questions will be answered later, okay?”
Nagtataka man sa tono at pananalita niya, nagsitanguan naman ang mga kaibigan. Tumingin si Blumentritt kay Trutty. She was already looking at him. Waring sinasabi ng mga mata nito na magiging maayos ang lahat. Hindi siya nito iiwan. Hindi siya mag-isa sa kinahaharap. Dahil doon, mas nadagdagan ang lakas ng kanyang loob.
Nilapitan ni Blumentritt si Lolo Jose. Naramdaman niyang nakasunod ang mga kaibigan. Bago tuluyang makalapit at maabot ang kamay nito upang magmano ay napatingin na sa kanya ang matanda. Munti man ang ngiti sa mga labi, nakita naman niya ang kaligayahan sa mga mata nito. Kaligayahan na makita siya. “Narito ka na pala, Juan Miguel.”
“Kumusta po, Lolo?” ang magalang na pagbati ni Blumentritt matapos magmano.
Tumayo si Lolo Jose at hinarap ang mga kaibigan niya. Napasinghap ang mga babae. Nanlaki ang mga mata ng mga lalaki. Lumapad ang ngiti ni Lolo Jose at kaagad nahulaan ang sitwasyong pinagsadlakan niya sa mga kaibigan. Isa-isa uli niyang ipinakilala ang mga kaibigan sa abuelo.
“Nakaharap ko rin kayo sa personal sa wakas,” anang lolo niya sa pormal ngunit hindi nakaka-intimidate na tinig. “I’m a fan.”
Noon lang nalaman ni Blumetritt ang bagay na iyon. Sa mga nakalipas na taon ay walang binanggit ang matanda na anuman tungkol sa kanilang musika o sa kanilang trabaho. Ngunit alam niya na maramihan ang bili nito ng albums nila at ipinamimigay sa mga malalapit na kaibigan at staff. Naniniwala siya na hindi nito sinabi sa mga kaibigan ang huling pangungusap bilang pleasantry. Blumentritt realized his grandfather was truly a fan.
Labis man na nagulat, nagawa pa ring ngumiti at magpasalamat ng mga kaibigan ni Blumentritt. Nagkalakas siya ng loob na tumingin sa apat na malalapit na kaibigan. Nakatingin na ang apat sa kanya. Nakahinga siya nang maluwang nang makitang mas higit ang pagtataka at kalituhan kaysa akusasyon at galit.
“MAN, HINDI pa rin ako makapaniwala,” namamanghang sabi ni Estong habang nakatitig sa screen ng cell phone. Nasa bahay na silang apat nang gabing iyon.
“I can’t wait to show this picture to my dad,” ani Zane, puno ng pananabik ang tinig. Katulad ni Estong, nakatingin din sa screen ng cell phone. Tinitingnan ng mga kasama ang mga larawan na kinunan kasama ang lolo niya. Hindi man siya nakiusap, kaagad nangako ang mga ito na hindi ipo-post ang mga larawan sa social networking sites.
Natawa si Blumentritt. “Prominenteng tao rin ang tatay mo, Zane. It’s not really a big deal.” Nakatuon ang mga mata niya kay Estong sa huling pangungusap. Sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng ilang taon ay nakadama siya ng hindi maipaliwanag na kagaanan ng kalooban. He was carrying less secrets. Kahit na hindi alam ang mga detalye kanina, nakasundo ng mga kaibigan ang kanyang pamilya.
Halos sabay-sabay na namilog ang mga mata ng apat na kaibigan. “Not a big deal!” bulalas ni Tutti. “Hindi pa nga ako ganap na nakaka-get over sa nangyari sa araw na ito, sa mga nalaman namin mula sa `yo ngayong gabi. It’s crazy.”
“Lolo mo ang dating pangulo ng bansa,” wika ni Kent Lauro, puno ng pagkamangha ang tinig at ekspresyon ng mukha. “Who would’ve thought?”
Napangiti si Blumentritt. Tiwala siya na maipoproseso rin ng mga kaibigan ang mga nalaman mula sa kanya at lilipas din ang pagkamanghang nadarama. Inulit niya ang mga bagay na sinabi niya kay Trutty ngunit hindi pa alam ng apat ang tungkol kay Alana. Nabanggit niya ang dalaga ngunit hindi niya idinetalye ang mga bagay-bagay. Sa ibang pagkakataon marahil ay maipakikilala niya si Alana sa mga kaibigan.
Kapag nagising na ang dalaga at makakangiti na.
Hindi ikinahihiya ni Blumentritt si Alana o ang kalagayan nito. Ayaw lang niyang alisin ang dignidad o i-invade ang privacy nito. He wanted his friend to meet the lively and beautiful Alana.
Siguro ay natatakot din siya na baka kaawaan siya ng mga kaibigan.
“Anak din siya ng senador,” ang sabi ni Estong, maingat ang tono.
Natigilan si Blumentritt. Ibinaba niya ang hawak na bote ng beer. Sadya niyang itinaon ang pagpapakilala sa mga kaibigan habang wala ang ama sa bansa. Sinikap niyang huwag magsabi ng hindi maganda tungkol sa ama habang nagkukuwento sa mga kaibigan, ngunit dahil kilala na siya ng mga ito ay siguradong naramdaman ng bawat isa na hindi maganda ang relasyon nilang mag-ama.
“Ang hirap talagang paniwalaan, Blu,” dagdag ni Estong. “O Juan Miguel?”
“Mas komportable ako sa Blu. Ako pa rin naman ito. Sort of. I’m sorry for keeping things from you, guys.”
“Naiintindihan namin,” sabi ni Kent Lauro. “Nakakagulat at parang nakakapagtampo kasi ngayon mo lang inamin. Matagal-tagal na rin tayong magkakasama. Akala namin alam na namin ang lahat ng tungkol sa `yo. Pero kahit na paano ay naiintindihan namin. Lalo na pagkatapos mong ikuwento ang tungkol kay Sally. Nasa nature mo rin talaga na hindi kaagad nag-o-open up. At sa totoo lang, noon pa man ay medyo duda na ako sa pagkatao mo. Siguro dahil sa presensiya ni Meripen. We’re told he’s our security pero mas binabantayan ka niya. Ikaw ang palaging priority. Pero hindi ko nahulaan, man. Hindi ko inakala.”
Tumango si Zane. “Kahit na ako ay nagduda sa kanya. Hindi na nga lang ako nangalkal. You know I have means. I know the right people.”
Nasa law enforcement ang buong pamilya ni Zane. May mga kuya ang kaibigan na nasa NBI at PNP. He could’ve easily found out about him and his family. Ngunit bilang kaibigan, hindi man lang nito tinangkang pakialaman ang pribado niyang buhay kahit na mayroon nang tumubong hinala. Labis siyang nagpapasalamat na nakatagpo siya ng mga totoong kaibigan.
“Thank you, guys.” Napalunok si Blumentritt nang sunod-sunod. Nag-init ang sulok ng kanyang mga mata. Nais niyang matawa. Hindi siya emosyunal na tao. “Hindi n’yo lang alam kung gaano kaimportante sa akin ang pagtanggap n’yo. T-thank you.”
Tinapik-tapik ng mga kaibigan ang kanyang likuran at balikat. “Bigyan mo lang kami ng kaunting panahon para mag-adjust,” ang sabi ni Estong. “Makakasanayan din namin ang kaalamang kaibigan namin ang apo ng dating presidente ng bansa.”
Napatingin si Blumentritt kay Tutti na tahimik. Sinalubong ng kaibigan ang kanyang mga mata. “My sister knew about this first,” wika nito sa halos pabulong na tinig.
Sinikap ni Blumentritt na huwag baguhin ang ekspresyon ng mukha. “My mother thought I needed a friend. Alam niya na nahihirapan akong balikatin mag-isa ang mga bagay-bagay.”
“Ang mommy mo ang nagsabi kay Tru?”
Tumango si Blumentritt. Ayaw niyang magsinungaling kay Tutti at sa mga kaibigan. Mas madali lang tumango. Hindi gaanong komplikado. Ayaw niyang isipin ni Tutti na ginagamit niya ang kakambal nito. Ayaw din marahil niyang mag-isip ang mga kaibigan ng may romantikong namamagitan sa kanila ni Trutty. Hindi magiging maganda ang mga bagay-bagay sa pagitan nila ni Tutti kapag nalaman ng mga ito ang tungkol kay Alana.
“May mga bagay pa akong hindi sinasabi,” sabi ni Blumentritt sa seryosong tinig. Hindi pa siya handang sabihin ang lahat ng tungkol kay Alana at Jose Maria ngunit kailangan niyang sabihin iyon. Kailangan niyang ipaalam na may mga bagay pa siyang kailangang itago. Umasa siya na mauunawaan siya ng mga ito.
Nabasa marahil ng apat ang pakiusap sa kanyang mga mata dahil ginawaran siya ng bawat isa ng banayad at nakauunawang ngiti.