17

1989 Words
PAGKATAPOS NG mahabang pag-iisip at pakikipagdeabate sa sarili, tinawagan ni Trutty si Blumentritt. Halos isang linggo na ang nakalipas mula noong mananghalian sila sa tahanan ng pamilya nito. Halos hindi sila nakapag-usap noong araw na iyon. Maraming beses na tinangka niyang tumawag o magpadala ng mensahe sa mga nakalipas na araw ngunit pinipigilan niya ang sarili sa huling sandali. Alam niya na abala si Blumentritt sa trabaho. Nais din niyang bigyan ng panahon at distansiya ang binata upang ganap na makapag-adjust sa bagong sitwasyon.  Minsan ay kaswal na kinumusta ni Trutty si Blumentritt kay Tutti. Ang sabi ng kakambal ay mas madalas nang nakangiti ngayon si Blumentritt. Mas magaan daw ang dinadala. Mas maaliwalas ang mukha at mas madalas na maganda ang mood. Ikinatuwa ni Trutty na marinig ang mga iyon. Sinabi niya sa sarili na hindi na niya iistorbuhin si Blumentritt. Ididistansiya niya ang sarili, poprotektahan. Kalilimutan niya ang anumang nadarama para sa binata. Ngunit madali lang pa lang sabihin at isipin, mahirap panindigan. Kahit na alam niyang masasaktan lamang siya, sumisige pa rin ang kanyang puso. Nagmamahal, nangungulila, umaasam... Mabilis ang t***k ng kanyang puso habang hinihintay na sagutin ni Blumentritt ang tawag. Kagat ang ibabang labi na ipinangako niyang hindi na siya tatawag uli kung hindi nito masasagot ang tawag na iyon. Alam niya na nasa taping ang Charmings ngayong araw. Susuko na sana si Trutty nang biglang sagutin ni Blumentritt ang tawag. “Hey,” ang masigla nitong pambungad. “How are you?” Missing you. “O-okay. I’m okay, Blu.” Naipikit ni Trutty ang mga mata. Bahagya siyang nainis sa sarili dahil bahagyang nanginig ang kanyang tinig. Kahit na paano ay naibsan ang pangungulila niya sa binata. “How’re you?” “Things are doing great.” “I’m glad to hear that.” “I’m glad you called.” Mas bumilis pa ang t***k ng puso ni Trutty. Nagbubunyi at naliligayahan. Ipinilig niya ang ulo. Ayaw niyang makalimot sa kanyang sitwasyon. “Tumawag ako kasi hihingi sana ako ng permiso.” “Permiso? Para saan?” “Gusto ko lang ipauna na puwede kang tumanggi. Hindi ako magtatampo o magagalit. G-gusto ko lang makatulong kahit na paano. Pero kung hindi ka komportable, okay lang naman.” Hindi nagsalita si Blumentritt, hinintay lang ang mga susunod na sasabihin ni Trutty. “Gusto ko sanang bisitahin si Alana,” wika ni Trutty bago pa man siya takasan ng lakas ng loob. Kagat ang ibabang labi na hinintay niya ang sagot ni Blumentritt. Inihanda na niya ang sarili sa pagtanggi nito. Ganap pa niyang naiintindihan ang desisyon na iyon. “W-why?” tanong ni Blumentritt pagkalipas ng mahabang sandaling pananahimik sa kabilang linya. Walang bahid ng inis o katulad na emosyon sa tinig nito. Labis lang itong nagtataka. Ang totoo ay hindi talaga alam ni Trutty ang sagot sa tanong na iyon. Humugot muna siya ng malalim na hininga bago sumagot. “Naisip ko lang na baka kailangan niya ng bagong kaibigan, bagong makakausap. Bagong boses na mapakikinggan. I know she has a personal nurse pero iba pa rin siguro kung may ibang taong bumibisita sa kanya.” Nagsasabi rin naman siya nang totoo. Naisip niyang talaga ang mga bagay na iyon. May malaking bahagi sa kanyang puso ang naaawa kay Alana. May bahagi siyempre na nagseselos ngunit alam niyang walang nagawang hindi maganda sa kanya ang dalaga. Walang dahilan upang makaramdam siya ng negatibong emosyon. May bahagi rin kay Trutty na curious kay Alana. Nais niyang mas makilala ang nakaratay na dalaga. Hindi niya sigurado kung paano iyon gagawin sa kalagayan nitong ganoon ngunit nais pa rin niyang bumisita at maglaan nang kaunting panahon. Naisip din niya na baka ito ang pinakamabisang paraan upang mabago ang anumang nararamdaman niya para kay Blumentritt. Ang paalalahanan ang sarili na mayroon nang isang babae na nagmamay-ari sa puso ng binata at hindi siya iyon. Idagdag pang nais niyang matulungan si Blumentritt. Naisip niya na mas makakagaan sa binata kung may makakasama si Alana habang abala ito sa trabaho. Sa dami ng mga dahilan, hindi na malaman ni Trutty kung ano talaga ang pinakapangunahin. Hindi niya sigurado kung ano ang talagang nag-udyok sa kanya na gawin ang bagay na iyon. Alam naman niya na pahihirapan lamang niya ang sarili. Tumikhim si Blumentritt. “I... I’m not s-sure.” “It’s okay. Hindi mo naman kailangang pumayag. Ang sabi ko nga, maiintindihan ko kung hindi ka papayag.” “Sa palagay ko ay magugustuhan ka ni Alana, Charles. You could easily be friends.” Napangiti si Trutty. “Is that a ‘yes?’” “Thank you.” Sandaling natigilan si Trutty. “Para saan?” “For being a friend to Alana already. Thank you for thinking about it. Hindi mo kailangang gawin ang bagay na ito. Masyado ka nang abala sa maraming bagay. Pero naglalaan ka pa rin ng effort at panahon.” Hindi masabi ni Trutty na ginagawa niya iyon dahil kay Blumentritt. “It’s not a big deal.” “It is for me, Charles. Naninibago ako at medyo naiilang, aaminin ko. Pero nakakagaan ng loob ang kaalamang nariyan ka, handang tumulong at maging k-kaibigan.” “Kagaya ng sinabi ko, maliit na bagay. We’re f-friends.” Alam ni Trutty na niloloko lamang niya ang sarili ngunit ano pa nga ba ang masasabi niya? “Sige na, hindi na kita aabalahin. Alam kong may trabaho kayo. Ite-text ko na lang sa `yo kung kailan ako makakadalaw sa ospital. Thank you.” “Ako ang dapat na nagpapasalamat.” “Enough with the thank yous already. Ilibre mo na lang ako minsan kung talagang grateful ka,” aniya sa tinig na pilit niyang pinagtunog kaswal at nagbibiro. “Walang anuman, Blu,” dagdag niya sa mas seryosong tinig. “I’ll buy dinner one of these days,” pangako nito. “I’ll look forward to it,” tugon ni Trutty bago pa man niya mapigilan ang bibig, bago pa man niya ma-filter ang mga salita sa kanyang utak. Marahas na napabuntong-hininga si Trutty pagkatapos nilang mag-usap ni Blu sa telepono. “Nababaliw ka na, Trutty. Nababaliw ka nang talaga.” INAKALA NI Trutty na ganap na niyang naihanda ang sarili sa pagbisita kay Alana. Tahimik siyang nakatayo sa may pintuan. Kanina pa nakalabas ang personal nurse upang bigyan siya ng pribadong oras kasama si Alana. Nakatingin lang siya sa walang malay na dalaga, hindi sigurado kung ano ang unang gagawin. Lahat ng plinano niya kanina bago magtungo roon ay naglaho sa kanyang isipan.  Humugot siya nang malalim na hininga. “Okay, Trutty, snap out of it. Ginusto mo ito kaya panindigan mo. Walang pumilit sa `yo.” Pilit niyang inihakbang ang mga paa palapit kay Alana. Inilapag niya ang mga halaman at bulaklak. Naghanap siya ng houseplants na mahusay luminis ng hangin. Pinili rin niya ang bulaklak na mahalimuyak. Nabasa niya sa isang artikulo sa internet na buhay pa rin ang senses ng mga  pasyenteng nasa coma. Talking and music was also good. Touch was encouraged.  Ilang sandali uling nag-atubili si Trutty bago siya naupo sa malambot na upuang nasa malapit sa kama. Makailang beses siyang tumikhim bago may katagang nanulas sa kanyang bibig. “Hi, Alana,” pagbati niya, nakangiti. Bahagyang nanginig ang kanyang tinig sa pinaghalong kaba at pagkailang. “Nagtataka ka siguro sa bagong boses kung totoong nakakarinig nga ang mga taong...” Muli siyang tumikhim. “I’m sorry, I honestly don’t know how to do this. Siguro ay dapat muna akong magpakilala sa `yo bago ang lahat. I’m Trutty Charles Madrigal. Kaibigan ako ni Blumentritt. Naging magkaibigan kami dahil kasama niya sa iisang grupo—boyband—ang kakambal kong si Tutti. Narinig mo na siguro ang tungkol sa kanya mula kay Blu—Do you call him that or do you prefer Juan Miguel more?” Halos wala sa loob na napangiti si Trutty. “I prefer Blu. Kahit na hindi niya gusto, nakyu-cute-an pa rin ako sa buong pangalan niyang Blumentritt. May dahilan daw kaya iyon ang ibinagay na pangalan ng adoptive parents niya. Jose kasi ang pangalan ng lolo niya. Jose Maria s***h Pepe naman ang sa kuya niya. May close friend daw noon si Jose Rizal na ang pangalan ay Blumentritt. Ikinonekta pa rin nila sa dating buhay niya ang bago niyang pangalan. I know you already know these things, baka mas marami ka pang alam tungkol sa kanya kaysa sa akin. Na-excite lang ako nang kaunti dahil may makakausap na ako sa wakas tungkol sa mga bagay tungkol sa kanya na hindi nag-aalala na baka mahalata ang nararamdaman ko.” Unti-unting nagmaliw ang ngiti ni Trutty. “Hindi ako nag-aalala dahil sa kasalukuyang kalagayan mo. Pasensiya ka na kung parang napaka-insensitive ko. Kung wala ka sa estadong ganyan, malamang na hindi ako magsasalita nang ganito. Ni hindi siguro ako lalapit. Puwede mong isipin na sinasamantala ko ang sitwasyon. Puwede kang mainis sa akin, magalit.” Sandaling nanahimik si Trutty bago nagpatuloy. “I like him. I like him so much. Makapal ba ang mukha ko para aminin ang bagay na iyon sa `yo ngayon? Sinasabi ko iyan sa `yo ngayon para hindi ko makalimutan na nariyan ka na. Nauna ka. Ikaw ang mahal ni Blu. Masakit pero kailangan kong tanggapin ang katotohanan, `di ba? It’s easy to wish you don’t wake up ever. Sana bumigay ka na lang. Pero... hindi ko magawa. Kasi alam ko na ikaw ang kaligayahan niya.” Nanikip ang dibdib ni Trutty. Hindi lamang siya nagsasalita, totoo sa loob ang mga lumalabas sa kanyang bibig. Maging siya ay nagulat nang mabatid ang sidhi ng sinseridad na nadarama. “Kaya sana ay magising ka isa sa mga araw na ito. Sana ay matapos na ang paghihintay ni Blu. When that time comes, ipapangako ko na pipilitin kong maging masaya. Kahit na labis akong masaktan, alam ko na may parte sa akin ang magiging tunay na maligaya dahil maligaya si Blu.” Noon nabatid ni Trutty ang talagang ibig sabihin ng selfless love. The kind of love that was not destructive. Sana ay mapanindigan niya ang huling sinabi kapag nagising balang-araw si Alana. “Everything will be fine when you wake up. Siguro ay naive ako para sabihin iyan dahil alam kong may mga panganib pa ring naghihintay. Alam ko rin na hindi katulad ng sa Sleeping Beauty na automatic happy ever after na paggising mo. Alam ko na higit pa sa true love’s kiss ang kakailanganin mo. Pero naniniwala pa rin ako sa mga happy ending. Naniniwala pa rin ako na magiging maayos ang lahat. Natatapos ang mga pagsubok. Nagkakaroon ng reward ang hard work. Nagkakatuluyan ang dapat na magkatuluyan. Naghihilom ang mga sugat. Hihintayin kitang magising at kakaibiganin nang totoo. Sana ay magustuhan mo ako. Sana rin ay hindi ako nakakaabala sa pananahimik mo rito. Plano ko sana na gawing regular ang pagbisita.” Siyempre ay walang natanggap na sagot si Trutty. Magtatatalon marahil siya kung bigla na lang magmumulat ng mata si Alana at magsasalita. Ngumiti na lang siya at tumango-tango. “Wala kang choice sa ngayon kundi pagtiyagaan ang presence at boses ko.” Tumayo siya at kinuha ang gitara na nakasandal sa isang sulok ng silid. Muli siyang bumalik sa kinauupuan at sinubukan ang gitara. Ang hula niya ay madalas iyong gamitin ni Blumentritt. Hindi madalas tumugtog at kumanta si Trutty ngunit marami ang nagsasabi na kung gugustuhin niyang magkaroon ng album at singing career, madali iyong mapapasakanya. May talento siya katulad ni Tutti. Mas mahusay si Tutti sa larangan na iyon ngunit dahil magkasama sila sa lahat ng trainings at workshops noong mga bata sila, sa palagay niya ay nahasa kahit na paano ang munting talento niya sa musika. Hindi gaanong komportable si Trutty na kumanta sa audience kahit pa walang malay. Ngunit ang sabi ng artikulong nabasa niya na malaki ang naitutulong ng musika sa paggaling ng pasyente. She sang and she prayed she was doing the right thing.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD