“ALANA! I GOT something—“ Biglang natigilan si Trutty sa pagsasalita at pagpasok sa hospital suite ni Alana nang makitang hindi nag-iisa ang pasyente sa silid. Hindi ang personal nurse ang nadatnan niya kundi si Blumentritt na kaagad siyang ginawaran ng matamis na ngiti.
Nagulat si Trutty dahil hindi niya inasahan na makikita ang binata roon. Hindi iyon ang karaniwang araw ng pagbisita nito. Hindi na niya kabisado ang schedule ng Charmings.
“H-hi,” nakangiting bati ni Trutty nang makahuma. Hindi niya napigilan ang sarili na pagmasdan ang mukha nito. Totoo ang sinabi ng kakambal na mas maaliwalas na ang mukha nito. Mas relaxed. Mukhang masaya ang binata na makita siya.
Masaya siyang makita si Alana.
Hindi niya hinayaan na mabura ang ngiti sa kanyang mga labi. Ilang linggo na niyang iniiwasan si Blumentritt. Hindi siya tumatawag at nagpapadala ng mensahe. May mga pagkakataon na ang binata ang tumatawag at nagte-text sa kanya ngunit hindi niya sinasagot.
Inilapag ni Trutty ang mga dala sa malapit na mesa at umatras ng dalawang hakbang. “Hindi ko alam na narito ka. I’d give you two some time alone.” Muli siyang umatras patungo sa pintuan.
“You’ve been avoiding me,” ang banayad na akusa ni Blumentritt. Mukhang hindi naman gaanong naiinis o nagagalit ang binata.
Tumigil sa pag-atras si Trutty. “Who? Me?” pagkakaila niya.
Natawa si Blumentritt. Ikinagulat ni Trutty ang naging reaksiyon nitong iyon. Tila may mainit na likido na pumuno sa kanyang dibdib. Masarap sa tainga ang tawa nito. Bihira niyang marinig ang ganoong uri ng tawa mula kay Blumentritt. Tuluyan na siyang natigil sa pag-atras. Tuluyan na ring nagbago ang kanyang isipan tungkol sa pag-alis, sa pag-iwas. Hindi naman masama kung hahayaan niya ang sarili sa araw na iyon.
Halos hindi namalayan ni Trutty na nakahakbang na pala siya palapit kay Blumentritt. She had missed him so much.
“Yes, you,” ang sabi ni Blumentritt, nanginginang pa rin ang mga mata sa kaaliwan. Wala siyang ideya kung ano ang nakakaaliw sa kanya sa kasalukuyan ngunit naligayahan pa rin ang kanyang puso. “Hindi mo sinasagot ang mga tawag at text ko. Hindi ka na nadadalaw sa bahay o sa taping. Assistant mo lagi ang nagdadala ng wardrobe. Pero may panahon kang bumisita dalawang beses sa isang linggo kay Alana at magdala ng kung ano-ano.”
Dinampot ni Trutty ang mga paperbag na dala at inilabas ang mga laman niyon upang may mapagkaabalahan kahit na paano. “At nakakatawa iyon?” Ang mga “kung ano-ano” na tinutukoy ni Blumentritt ay mga lotions, moisturizers, shampoo at mababangong sabon. Naisip niya na kailangan pa ring maging maganda ni Alana kahit na nasa ganoong kalagayan. Minsan ay dinadalhan din niya ng pagkain ang private nurse. Bumili siya ng mga CDs ng mga nakakarelax na musika. Nagdagdag din siya ng ilang air cleanser sa hospital suite.
“Hindi nakakatawa, nakakatuwa, Charles. There’s a difference.”
“Eh, natatawa ka.”
“Kasi natuutuwa ako. Kasi masaya ako.”
“Dahil nakita mo si Alana?”
“Dahil nakita kita at nakakausap. It’s been a while.”
Sandali lang natigilan si Trutty. “Pero mas masaya kang makita at makasama si Alana, hindi ba?”
Ilang sandali na tumingin lang si Blumentritt sa mukha ni Trutty na nagdulot ng hindi komportableng pakiramdam. Tumango ang binata kapagkuwan. Iniiwas na ni Trutty ang mga mata.
Namayani ang katahimikan sa silid. Inabala ni Trutty ang sarili sa pag-aayos ng mga bago niyang dalang “kung ano-ano.”
“Thank you,” usal ni Blumentritt kapagkuwan.
Hindi tumingin si Trutty sa binata. “Hayan ka na naman sa mga thank you mo. Hindi mo `ko kailangang pasalamatan sa tuwina. Gusto ko naman ang ginagawa ko. Masaya akong makasama si Alana.”
“Maraming salamat pa rin.”
Tumingin na si Trutty kay Blumentritt sa pagkakataon na iyon at ngumiti. Nakatingin na sa kanya si Blumentritt. Kagaya ng madalas na nangyayari, waring nagwawala sa kanyang puso sa loob ng kanyang rib cage. Ibinaling niya ang paningin sa kasama nila sa silid upang mapayapa niya ang sarili. Sinundan ni Blumentritt ang kanyang mga mata at napabuntong-hininga.
Malungkot na napangiti si Trutty. Kung alam niya na magiging ganito ang kanyang unang pag-ibig, sana ay hindi na lang niya hinayaan ang sarili na mapalapit kay Blumentritt o kahit na sa Charmings. Ngunit wala naman siyang kontrol sa kung sino ang mamahalin ng kanyang puso. Kailangan marahil maranasan ng isang katulad niya ang mga ganoong bagay. May bagay na hindi makakamit ang isang Trutty Charles Madrigal.
Ngunit lahat naman ng mayroon siya ay hindi niya madaling nakamit, hindi basta na lang inihain o ibinigay sa kanya. She had worked hard to be who she was right now. Would she had to work hard to get Blumentritt’s love?
Marahas na ipinilig ni Trutty ang ulo. Pinalalahanan niya ang sarili na nasa silid sila ni Alana. Si Alana, ang babaeng pinangakuan ni Blumentritt na mamahalin at poprotektahan habang-buhay.
“Are you okay?” tanong ni Blumentritt, bahagyang nagsasalubong ang mga kilay. Nahuli nito ang pagpilig niya ng ulo.
“Of course,” tugon niya. Sinikap niyang ngumiti. “Bakit naman ako hindi magiging okay?”
Inabot ni Blumentritt ang gitara at sinimulang tugtugin.
“Do you want me to...” Itinuro ni Trutty ang pintuan. Bukod sa nais niyang bigyan ng pribadong panahon ang dalawa, sigurado siya na mahihirapan siyang panoorin ang binata na kinakantahan ang natutulog na nobya. Madalas niyang sabihin na wala siyang karapatang magselos ngunit hindi niya mapigilang masaktan sa tuwina. Kasalanan din niya dahil hindi niya ganap na maidistansiya ang kanyang sarili.
“Stay,” ang wika nito, may bahid ng pakiusap sa tinig.
Natigil sa paghakbang patungo sa pintuan palabas si Trutty. Kaagad ding naglaho ang mga dahilan kung bakit kailangan niyang lumabas sa silid na iyon. Nakalimutan niya na masasaktan siya. Ang tanging mahalaga ay mapagbigyan ang pakiusap ni Blumentritt. Nais pa nga niyang sabihin na hindi na nito kailangang makiusap sa kanya.
You are hopeless, Trutty Charles.
Kaagad sumang-ayon si Trutty sa sinabi ng tinig sa kanyang isipan.
“Can you sing something?” kaswal na hiling ni Blumentritt habang abala na ang mga daliri sa gitara.
“Ha?”
Nginitian siya nang matamis ni Blumentritt. Trutty managed not to swoon. “Matagal-tagal na rin mula nang huling beses kitang marinig na kumanta. You have a very lovely voice.”
Bahagyang nag-init ang mga pisngi ni Trutty. Dapat ay sanay na siya sa mga ganoong papuri dahil hindi lamang si Blumentritt ang nakaringgan niya niyon. Hindi siya napa-flatter dahil hindi naman niya hilig ang pagkanta. Ang huling beses na kumanta siya ay sa Open Mic, ang paborito nilang bar-restaurant. Maaaring kumanta sa stage ang mga customer. Hindi man siya komportable, ginawa pa rin niya dahil kaarawan ng isang kaibigan nila nang gabing iyon.
Nakilala ni Trutty ang piyesang tinutugtog ni Blumentritt sa gitara. Halos wala sa loob na napangiti siya nang matamis. Kasabay ng pagbuka ng kanyang bibig ang pagdagsa ng alaala...
“Everthing you do, it sends me higher than the moon. With every twinkle in your eye, you strike a match that lights my heart on fire.”
“Hello, how are you, my darling today? I fall into a pile on the floor. Puppy love is hard to ignore. When every little thing you do, I do adore.”
Dahil wala pang gising sa kabahayan, bigay na bigay sa pagkanta si Trutty habang nakaharap sa kalan. She was cooking breakfast. Wala pang alas-kuwatro ng madaling-araw at nasa bahay siya ng mga magulang. Hindi na naman siya makatulog. Ginugol niya ang magdamag sa pagbuo ng mga sketch. Nang magutom ay napagpasyahan niyang magtungo sa kusina at ipagluto ang sarili ng almusal.
“Nice.”
Napapitlag si Trutty nang makarinig ng tinig ng lalaki. Nang lumingon siya ay natagpuan niyang nakasandal sa hamba ng pinto si Blumentritt. Nakangiti at nanunudyo ang mga mata. Nag-init ang mukha niya sa kahihiyan. Nakalimutan niya na nasa bahay din ang kakambal at mga kagrupo nito. May show ang The Charmings sa malapit at napagpasyahang sa bahay na lang nila magpalipas ng magdamag.
Hinarap ni Trutty ang kalan at iniahon ang bacon mula sa frying pan. “Breakfast?” kaswal niyang alok.
“Sure, thanks.”
Dinagdagan ni Trutty ang itlog na ipirito. Halata marahil ang pagkailang na nadarama niya sa kasalukuyan. Kasundo na niya ang halos lahat ng mga bagong kaibigan ni Tutti maliban kay Blumentritt. Hindi gaanong maganda ang naging impresyon niya sa binata noong nagkatrabaho sila para sa clothing line niya. He was grumpy and he complained a lot. Ang sabi naman ng kakambal ay mabait din naman ang binata. Sadyang hindi lang sanay sa bagong mundo. Complaining and being grumpy was his way of dealing.
Kailangang aminin ni Trutty na curious siya sa binata kahit na hindi niya gaanong nagustuhan ang attitude nito noong una. At ang dahilan ng pagkailang niya ay dahil attracted siya kay Blumentritt. The first time she met him, her heart went crazy.
Iyon ang unang pagkakataon na nagkalapit at napag-isa sila nang ganoon. Napansin ni Trutty na hindi madalas magsalita o makisali sa kuwentuhan si Blumentritt. Mas lumago ang curiosity niya para sa binata dahil doon. Mas sumidhi ang kagustuhan niyang alamin ang bawat misteryo.
Naupo si Blumentritt sa isa sa mga high stool sa kitchen counter. Inilapag ni Trutty ang isang plato sa harapan nito. Hinati niya sa dalawa ang bacon at itlog. Nasa pagitan nila ang isang supot ng wholegrain bread.
“Bakit maaga kang nagising? Usually ay parang mantika kang matulog,” sabi ni Trutty bago nagsimulang kumain.
“How do you know I’m usually a heavy sleeper?”
“Tutti,” ang mabilis na sagot ni Trutty. Nais niyang sampalin ang sarili. “He tells me almost everything about you guys. Hindi siya usaully tsismoso, it’s a twin thing.” Tumigil na siya sa pagsasalita bago pa man siya magtunog defensive. Ang totoo ay siya ang tanong nang tanong sa kapatid tungkol sa mga kagrupo nito, partikular kay Blumentritt.
“Nagising ako at hindi na makatulog. Parang may naririnig akong kumakanta kaya lumabas ako.”
Tumikwas ang isang kilay ni Trutty. “Nasa kabilang dulo ang kuwarto n’yo ni Estong. Hindi mo `ko narinig kumanta.”
“Masyadong tahimik ang kapaligiran, Charles. Maririnig ang kahit na ano, kahit na medyo malayo. Plus, I have a good ear. Especially in music.”
Umiling si Trutty. “Don’t call me ‘Charles.’” May nabanggit ang kakambal tungkol sa husay ni Blumentritt ngunit hindi pa rin niya nais maniwala na bumangon sa higaan ang binata dahil narinig nito ang kanyang tinig.
“Katunog ng Tutti ang Trutty. Nakakalito. I’m calling you, Charles.”
Karaniwan na hindi gusto ni Trutty ang ikalawang pangalan na kapareho ng kay Tutti. Medyo masculine sa kanyang pandinig kahit na maaari namang gamitin ng babae. Ngunit iba pala kapag namutawi ang pangalan sa bibig ni Blumentritt. Suddenly, ‘Charles’ was the most feminine name in the planet. It suddenly felt like hearing an endearment.
Tumayo si Trutty bago pa man niya maubos ang almusal. Walang paalam siyang lumabas ng kusina. Hindi rin naman nagtagal ay bumalik na siya. Bitbit ang gitara na naiwan ng mga ito sa sala kagabi. Walang salita na iniabot niya ang gitara kay Blumentritt at ipinagpatuloy ang pagkain.
“Gusto mong i-test kung narinig nga talaga kita?” tanong ni Blumentritt, nakangiti.
Tumango si Trutty, nakangiti at naghahamon ang mga mata. “Pakinggan nga natin kung gaano kahusay ang tainga mo.”
Blumentritt strummed the guitar. Kahit na mataas ang expectations, hindi inasahan ni Trutty na perpekto nitong makukuha ang kanta. Kabisado nito ang buong piyesa. Tama ang liriko. Trutty was mesmerized. Kung kaakit-akit na si Blumentritt nang walang ginawa, mas higit na kaakit-akit ang binata habang tumutugtog at kumakanta. Hindi na nakalma ang kanyang puso at may pakiramdam siya na hindi na iyon kailanman makakalma kapag nasa malapit si Blumentritt.
“Everything little... ba ba ba ba. Every little thing... ba ba ba ba. Every little thing you do, I do adore...”
“You knew the song,” ang banayad na akusa ni Trutty. “There’s no way na nakabisa mo ang kanta sa pakikinig sa akin.”
Itinabi ni Blumentritt ang gitara. His smile was smug but he didn’t look so arrogant. “Tatlong beses mong inulit ang kanta.”
Nanlalaki ang mga mata ni Trutty. “There is no way!” Hindi mahirap na piyesa ang kanta ngunit hirap pa rin siyang maniwala. He played and sang too perfectly.
Nagkibit ng balikat si Blumentritt na waring hindi big deal ang lahat. Hindi nga marahil ngunit namangha pa rin si Trutty. “Sabihin mong alam mo na ang kantang iyon bago ka pa man pumasok sa kusina at narinig akong kumakanta.”
Napapangiting umiling si Blumentritt. “I mean no disrespect but do you really think I listen to that kind of music? Too girlish.”
“Hindi mo kailangang pakinggan nang paulit-ulit.”
“I heard it from you. Three times.”
“No way.”
“You’re not making any sense.”
“You can’t be that good.”
“I’m genius.”
Pumailanlang ang malutong na tawa ni Trutty. “Arrogant much?” tudyo niya.
“Confident,” pagtatama nito, nakangiti at hindi maalis ang mga mata sa kanya.
“Okay, let’s do another song.” Inilabas ni Trutty ang cell phone at naghanap ng OPM.
Malinaw pa sa alaala ni Trutty kung gaano sila nagkatuwaan nang madaling araw na iyon. Hindi maipaliwanag ang ligaya at gaan ng pakiramdam na dulot ni Blumentritt. Naalala niya nang sabihin nito sa kanya na napakarami na nang nangyari at halos hindi nito namalayan ang mga pagbabago.
Naitanong ni Trutty sa sarili kung babalikan pa rin niya ang panahon na iyon kung alam niya noon ang mga nalalaman niya ngayon. Hindi na niya kailangang mag-isip masyado. Kahit na alam niyang mahihirapan at masasaktan siya, wala siyang babaguhin. Wala siyang tatakbuhan. Hindi siya iiwas dahil mapapadali ang buhay niya.
“Another song?” hiling ni Blumentritt sa napakasuyong tinig pagkatapos niyang kumanta.
Umiling si Trutty. She loved singing for him. Bahagya na niyang ikabahala ang bagay na iyon.
“Come on. I love your voice.”
I love you. Muling umiling si Trutty at hindi nagsalita. Hindi niya gaanong pinagkakatiwalaan ang sarili sa kasalukuyan.
“Please?”
Muling umiling si Trutty.
“You have the most hypnotizing voice, Charles. Please?”
Hindi dahil sa papuri kaya pinagbigyan na ni Trutty si Blumentritt. Dahil sa mga mata nito kaya siya pumayag. Nakita niya roon ang pinaghalong sinseridad at pakiusap. Ibinuka niya ang bibig at kumanta. Hindi siya nilubayan ng tingin ni Blumentritt.
Nang malapit nang matapos ang kanta ay sinalubong niya ang mga mata nito. “Oh, I’ve loved you from the start. In every single way. And more each passing day. You are brighter than the stars. Believe me when I say, it’s not about your scars. It’s all about your heart.”
Habang magkahugpong ang mga mata ay nasiguro ni Trutty na nakuha ni Blumentritt ang nais niyang iparating. His eyes were tortured. Ibinuka nito ang bibig at may nais sanang sabihin sa kanya ngunit walang anumang tinig na namutawi. Waring may malaking kamay na mariing pumisil sa puso ni Trutty. Pareho silang nahihirapan. Maybe her love was reciprocated a little but they couldn’t deal with that in this room. Not with Alana sleeping between them.
Tumayo si Trutty, namamasa na ang mga mata. “Kailangan ko nang umalis.”
Hindi na siya pinigilan ni Blumentritt sa pagkakataon na iyon. Tumango lang ang binata. Nagmamadaling tinungo ni Trutty ang pintuan palabas.