First day of school namin ngayon kaya naman papunta ako sa aming classroom.
Habang naglalakad ay may nakakasalubong akong mga estudyanteng magkakaibigan na sabay-sabay pumupunta sa kani-kanilang mga classroom.
Mag-isa lang akong naglalakad dahil wala akong kaibigan, sabihin na nating bawal ako magkaroon ng kaibigan. Pero okay lang naman iyon dahil mas tahimik ang buhay ko.
Habang papunta ng room ay hindi ko maiwasang makakita ng mga ligaw na kaluluwa na pa kalat-kalat sa aming school. Ang iba ay may sinusundang tao at ang iba naman ay nakatingin lang sa bintana ng mga classroom na hindi na ginagamit.
Hindi ko na lang sila pinansin at nagpatuloy sa paglalakad papunta sa classroom ko.
Pagdating ko ay naroon na ang iba kong kaklase na nakikipagdaldalan sa kani-kanilang mga grupo. May iba't iba kasing grupo rito sa classroom namin at bawat grupo ay magkakaibigan.
Gaya ng nakasanayan ay umupo ako sa dulo at tiningnan lang sila. Bawat kaklase ko ay may kani-kaniyang kadaldalan.
I'm a Grade 10 student at kami-kami pa rin ang magkakaklase simula Grade 7 pa lang kami. Sa 3 years naming magkakaklase ay may mga nagtangka ring makipagkaibigan sa akin ngunit lumipat na sila ng school kaya mag-isa na naman ako.
Public lang ang school namin. Sabi nila high school days daw ang pinakamasaya pero parang hindi naman.
May pumasok na dalawang student na nagpatahimik sa kanilang lahat.
Dumiretso silang dalawa sa dulo kung nasaan ako kaya tumingin kaagad ako sa bintana upang maiwasan sila.
Nag-umpisa na ang bulung-bulungan ng mga kaklase ko.
"Hi!" pagpapakilala ng lalaking kakarating lang. Nakatingin pa rin ako sa bintana at hindi sila tiningnan.
"Hello!" masiglang sabi muli ng lalaki at tinapat ang kamay niya malapit sa mata ko.
Nagulat ako at napatingin sa kaniya.
"Hello!" pag-ulit nito at inilahad ang kamay niya sa harap ko.
Tiningnan ko ang babaeng kasama niya at hindi ko napansing nakaupo na pala ito sa tabi ko, nakapalumbaba lang ito na nakatingin sa amin.
Binalik ko ang tingin ko sa lalaki.
"H-hi," nauutal na sabi ko at tinanggap ang kamay niya at nakipag-shakehands.
Mas lalo namang lumakas ang bulungan sa loob ng classroom. Natigil din iyon nang pumasok ang teacher namin kaya sabay-sabay kaming tumayo at bumati.
"Magandang Hapon klase," pagbati ni Maam.
"Good Afternoon Maam," sabay-sabay naming bati. Halata rito ang pagiging masungit.
Bigla namang may pumasok na estudyante na iba ang kasuotan. Hindi rin siya naka-uniform. Duguan ang buong mukha nito ngunit nakangiti lang siya at nakatingin sa aming guro.
"Pwede na kayong umupo," sabi ni Maam kaya umupo na kaming lahat.
"Dahil ito ang ating unang pagkikita, hayaan niyo akong ipakilala ang aking sarili. Ako si Maam Gladylyn Selaida, pwede niyo akong tawagin bilang Ginang Selaida at ako ang inyong magiging Guro sa Filipino. Ako ang magiging adviser niyo this school year," pagpapakilala ni Maam Selaida.
"At dahil hindi ko pa kayo kilalang lahat, bibigyan ko kayo ng 20 minuto upang magsulat sa isang buong papel ng tungkol sa inyo. Ibig sabihin ang laman nang isusulat niyo ay ang pagpapakilala ninyo sa inyong sarili, naiintindihan?" paliwanag nito.
"Opo," sabay-sabay naming sagot.
"Ayoko ng maingay, maaari na kayong magsimula." Umupo na ito sa kaniyang table. Hinanap ko ang kaluluwang nakita ko kanina at nakita ko siyang nakaupo sa bakanteng upuan.
Nakatingin lang ito kay Maam Selaida. Napansin ata nitong nakatingin ako sa kaniya kaya kaagad itong humarap sa akin. Agad akong umiwas ng tingin at kumuha ako sa bag ko ng 1 whole intermediate paper at ballpen.
Pagkaharap ko ay nakatayo na ito sa harap ko. Pinagpatuloy ko lang ang ginagawa ko at hindi ito pinansin.
"Nakikita mo ako?" tanong ng kaluluwa sa akin. Hindi ko siya sinagot at tumingin sa bintana.
Pagtingin ko sa harap ko ay wala na ito kaya napapikit ako at napahinga nang maluwag.
Nag-umpisa na akong magsulat at pilit na kinakalimutan ang nangyari.
Makalipas ang 20 minuto ay tumayo si Maam.
"Maaari na kayong magsimulang magpakilala, mauna munang magpakilala ang mga nasa harap." Isa-isang nagpakilala ang mga kaklase ko.
Sinabi nila ang mga paborito nilang kulay, pagkain, at kung ano pa man.
Hanggang sa kaming apat na lang sa dulo ang natira. Yung dalawang transferee, si Lira at ako.
Tumayo si Lira upang magpakilala.
"A-ako si Lira Asuncion at masaya akong makilala kayong lahat, sana ay magkasundo tayong lahat at makilala ko pa kayo nang husto," kinakabahang pagpapakilala ni Lira.
Tahimik lang na nakatingin ang mga kaklase ko sa kaniya at para bang walang pakialam. Kilala na kasi namin ang isa't isa dahil magkakaklase na kami nung grade 7 pa lang maliban na lang sa dalawang transferee. Pero hanggang ngayon ay wala pa ring kaibigan si Lira pati na rin ako.
"Okay Lira salamat, next," wika ni Maam.
Tumayo na ang lalaking transferee dahilan para kiligin ang iba naming kaklase.
"Hi my name is Ethan Lincoln I'm 17 years old and I'm happy to meet you all--" Natigil ang pagsasalita niya nang may sumigaw na kaklase naming babae.
"Masaya rin kami!" sigaw ng kaklase naming babae, si Alleah. Agad namang nagtawanan ang iba naming kaklase.
"Tahimik! Kapag may nagsasalita huwag kayong bastos," masungit na sabi ni Maam Selaida at tiningnan nang masama si Alleah. Agad naman silang tumahimik.
"Ipagpatuloy mo," sabi ni Maam kay Ethan.
"Ang paborito kong pagkain ay tocino at sinigang at sana makasundo ko kayong lahat," sabi ni Ethan at ngumiti. Rinig naman ang mahinang tili ng ibang kaklase namin nang ngumiti si Ethan.
Hindi mapagkakailang mahitsura si Ethan kaya hindi na ako magtataka kung bakit kinikilig ang mga kaklase ko.
Umupo na si Ethan kaya naman tumayo na ang babaeng katabi ko upang magpakilala.
Ngumiti naman si Ethan sa akin. Nagulat ako at ngumiti na lang din ako ng pilit at tumingin sa harap.
"Ako nga pala si Brielle Finley, pwede niyo akong tawaging Elle, mahilig ako sa pusa at gusto ko ng cake chocolate flavor," pagpapakilala ni Elle. May ibang classmate namin ang natatawa sa kaniya.
"Iyon lang?" tanong ni Maam Selaida.
"Opo," sabi ni Elle sabay kamot sa ulo.
Tumango naman si Maam. Habang pabalik si Elle ay tiningnan niya nang masama 'yung mga klasmeyt naming pinagtatawanan siya. Kaagad namang tumahimik ang mga ito.
"Okay last," sabi ni Maam sabay tingin sa akin.
Unti-unti naman akong tumayo at pumunta sa harap.
"Ang baho," sabi ng kaklase kong lalaki na si Billy nang makadaan ako sa inuupuan nila. Nagtawanan naman sila ng mga kaibigan niya. Mahina lang naman kaya hindi narinig ni Maam. Hindi ko na lang sila pinansin.
"My name is Stella-" Napatigil ako sa pagsasalita dahil nagdadalawang isip ako kung ano ang sasabihin ko. Kung apelyido ba ng Papa ko o ng Mama ko.
"Walang apelyido kasi walang tatay," mahinang sabi ni Billy dahilan para magtawanan silang lahat maliban kay Lira at sa dalawang transferee.
Tumayo naman si Maam nang marinig iyon.
"You! Follow me!" sigaw ni Maam Selaida sabay turo kay Billy.
"Umupo ka muna," sabi ni Maam Selaida sa akin bago lumabas, tumayo naman si Billy. Binangga niya ako pagkadaan niya. Napaupo ako ngunit tumayo na lang ako at hindi siya pinansin.
Bumalik na ako sa upuan ko. Nakasunod naman ang mga mata ng mga kaklase ko sa akin.
"Lagi na lang napapa-guidance iyon si Billy dahil sa'yo," sabi ng kaklase naming si Cath na nakaupo sa harapan ko.
"Bakit siya ang sinisisi mo hindi 'yung bully mong kaklase?" sabat ni Elle sa amin. Napatingin naman kami sa kaniya.
"Bakit ka nakikisali?" tanong ni Cath kay Elle habang nakataray.
"Bakit ka tanga?" sagot naman ni Elle. Bigla namang nagsigawan 'yung mga kaklase naming lalaki.
"Ohhh wala ka pala Cath eh," sabi ng kaklase naming lalaki na si Ralf.
"Papansin," sabi ni Cath at tumalikod na sa amin.
Hindi na siya pinansin ni Elle at sumandal na lang si Elle sa upuan at pumikit.
"S-salamat ah," sabi ko kay Elle. Tumango lang ito habang nakapikit.
Dumating na rin si Maam Selaida kaya naman tumahimik na ang paligid. Tumayo ito sa harap habang nakasimangot at nag-cross arm.
"Anong nakakatawa?" sabi ni Maam Selaida.
"Natatawa kayo kapag may sinabing masama 'yung kaklase niyo sa iba? Paano kapag sa inyo ginawa 'yan? Matutuwa ba kayo?" sabi ni Maam Selaida. Nakayuko ang ibang kaklase namin at ang iba naman ay nakatingin kay Maam Selaida at nakikinig.
"Ayoko ng may nambubully dito ha, Miss Stella please tell me kung may nambully ulit sayo para hindi na maulit ang ganitong bagay naiintindihan mo?" sabi ni Maam Selaida sa akin.
"O-opo," sabi ko. Napahinga naman ako nang maluwag sa sinabi ni Maam Selaida. Sa 3 years kasing pambubully na ginagawa nila sa akin, wala pang teacher ang kumampi sa akin dahil minsan ka-close pa ng mga bully kong kaklase ang teacher namin.
~flashback~
"Sir binubully po ako nila Mia," sabi ko sa adviser ko. Nandito ako sa Teacher's office upang isumbong sila Mia na nambubully sa akin.
Hindi ko na kasi matiis ang ginagawa nila dahil sinasaktan na nila ako.
"Anong kasinungalingan ang pinagsasasabi mo Stella? Mabait na bata si Mia at tahimik ka lamang kaya paano ka nila ibubully?" sabi ng teacher namin.
Bigla namang dumating si Mia at ang mga kaibigan niya.
"Good Morning Sir! Kumusta po kayo?" tanong ni Mia. Nagulat naman siya nang mapatingin siya sa akin.
"Oh Stella hello! Anong ginagawa mo rito?" bait baitan na tanong ni Mia.
"Nagsusumbong siya sa akin na binubully niyo raw siya totoo ba iyon?" tanong ng teacher namin.
"Hala Sir hindi po totoo iyan! Sa totoo nga po tinutulungan pa po namin siyang ipagtanggol ang sarili niya sa mga nambubully sa kaniya," sabi ni Mia at nagsimulang umiyak.
Hinahaplos naman ng mga kaibigan niya ang buhok niya at pinapatahan siya.
"Okay malinaw na sa akin ang lahat, Stella maaari ka nang umalis, kapag naulit na nagsinungaling ka na naman, sa office tayo magkikita-kita," sabi ng teacher namin.
Nakayuko akong umalis sa Teacher's office upang walang makakita sa luha kong tumutulo.
~End of flashback~
Kaya naman nasanay na akong hindi lumalaban at magsumbong.
"Okay sa ngayon mamimili tayo ng class officers sa ating classroom. The nomination for president is now open," ani Maam habang nakatayo sa harap ng blackboard.
Nagtaas naman ng kamay ang kaklase kong babae na si Trisha na kaibigan ni Mia.
"I nominate Mia for class president," sabi ni Trisha. Sinulat naman ni Maam ang pangalan ni Mia sa blackboard.
Nagtaas naman si Ralf ng kamay kaya tinawag siya ni Maam.
"I nominate Elle as a class president," sabi ni Ralf sabay tingin kay Elle.
Masama naman ang tingin sa kaniya ni Elle kaya umiwas ng tingin si Ralf. Nagtaas naman ng kamay si Cath.
"I nominate Cedric as a class president," wika ni Cath.
"Okay sino pa ang may gustong mag-nominate?" tanong ni Maam. Walang nagtaas ng kamay kaya nagsalita siya.
"Okay I'll close the nomination," wika ni Maam.
"Itaas niyo ang kamay niyo 'pag binaggit ko ang pangalan ng gusto niyong maging president nitong classroom," sabi ni Maam Selaida.
"Who vote for Mia?" tanong ni Maam. Nagtaas ng kamay ang mga kaibigan ni Mia at ibang kaklase naming babae.
Sinulat ni Maam ang bilang ng mga bumoto kay Mia. 10 ang bumoto sa kaniya.
"Who vote for Elle?" tanong ni Maam Selaida. Nagtaasan naman ng kamay ang mga kaklase kong lalaki kasama na ako. 21 ang bumoto kay Elle.
"Okay last, who vote for Cedric?" tanong ni Maam. 15 ang bumoto kay Cedric. Sakto na ang vote dahil 46 kaming lahat na magkakaklase.
"Okay, Your President is Elle and your Vice President is Cedric," Sabi ni Maam dahil marami ang nagtaas kay Elle kaysa kay Cedric. Halata ang pagkadismaya ni Mia sa resulta at para bang hindi niya ito tanggap.
Pinatayo si Cedric at Elle sa harap at sila ang pinatuloy ng botohan.
Si Elle ang taga sulat habang si Cedric naman ang taga tanong kung sino ang gustong iboto ng mga kaklase ko.
Tumayo ang mga nanalong binoto ng mga kaklase ko. Treasurer, Secretary at iba pa.
"Muse, sinong gusto niyong iboto?" tanong ni Elle.
"I vote Stella as a Muse," sabi ni Billy. Nagtawanan naman ang mga kaklase namin. Wala si Maam at lumabas kaya nagtawanan sila.
"I close the nomination," sabi ni Elle at isinulat ang pangalan ko bilang Muse.
Napatahimik naman silang lahat. Nilapag ni Elle ang chalk at umupo na.
Sakto naman ang pagpasok ni Maam.
"Tapos na? Okay Secretary isulat mo ito," sabi ni Maam habang nakaturo sa nakasulat sa blackboard na mga pangalan ng class officers. Pagkatapos ay nag-ring ang bell, hudyat na recess na namin.
"Pwede na kayong mag-recess," sabi ni Maam Selaida.
"Pwede mo ba kaming samahan sa canteen? Bago pa lang kasi kami rito," nakangiting sabi ni Ethan sa akin. Nakasimangot naman na tumingin sa kaniya si Brielle. Sasagot na sana ako ngunit lumapit si Mia.
"Pwede ka naming samahan, 'di ba guys?" sabi ni Mia sabay harap sa mga kaibigan niya. Tumango naman ang mga kaibigan niya.
"Uhm hindi okay la--" Naputol ang sasabihin ni Ethan nang hilahin siya ni Mia.
"Okay lang sa amin ano ka ba," sabi ni Mia habang hinihila si Ethan. Walang nagawa si Ethan kung hindi ang sumama.
Tumaray lang si Elle at tumingin sa akin.
"Hindi ka lalabas?" tanong ni Elle.
"H-hindi wala akong pera," sabi ko. Nang matauhan ako ay napalaki ang mata ko.
"I-i mean ano kasi nag-iipon ako gano'n," sabi ko. Napakamot naman ako sa ulo ko.
Kinakabahan naman ako dahil baka mamaya isipin niya na nagpapaawa ako sa kaniya.
"Halika samahan mo ako. Bumili tayo ng pagkain natin," sabi niya sa akin sabay hila sa akin. Dahil hindi ko alam ang gagawin ko ay sumigaw na lang ako.
"Naiihi ako!" sigaw ko dahilan para mapalingon siya.
"Sorry naiihi ako pasensya na." Pineke ko ang tawa ko at kumaripas ng takbo palabas.
Pumunta akong cr at dahil nga minamalas ako, puno na 'yung cr. May mga kasabay kasi kaming ibang section na mag-recess kaya punuan sa cr.
At dahil naramdaman ko ring naiihi na ako ay wala akong choice kung hindi ang pumunta sa cr sa kabilang building kung saan pinasara ang building na iyon dahil maraming estudyanteng nagsasabing may nagmumulto roon. Yung mga classroom din doon ay tinambakan na ng mga sirang gamit sa school dahil pati sa classroom ay may nagpaparamdam.
Nagmadali akong pumunta roon dahil na rin ihing ihi na ako. Pagkarating ko sa cr doon ay huminga muna ako nang malalim at pumasok na. Binuksan ko ang ilaw at himalang gumagana pa ito.
May maliit na lababo at sa taas nito ay may salamin. May tabo naman sa maliit na lababo kaya binuksan ko ang gripo upang may pambuhos ako.
Pumunta ako sa unang cubicle upang umihi. Maya-maya ay biglang nagpatay sindi ang ilaw dahilan para mapapikit ako.
Binilisan ko ang pag-ihi ko at kumalma ako. Hindi ko pinahalatang natatakot ako para hindi ako mas takutin.
Pagkatapos umihi ay lumabas ako sa cubicle at tumingin sa lababo pero wala na roon ang tabo.
Bigla namang bumukas ang pinto ng huling cubicle. Dahan-dahan akong naglakad papunta roon at huminga muna nang malalim, nang makalapit na ako ay dahan-dahan kong sinilip ang dulong cubicle at nandoon ang tabo. Nakapatong sa taas ng inidoro.
Sira na kasi ang mga flash ng mga inidoro kaya kailangan ng tabo para mabuhusan ang ihi ko.
Agad kong kinuha ang tabo at binuhusan ang ihi ko. Hindi ko pinahalatang nagmamadali ako at natatakot kahit na nagpapatay sindi pa rin ang ilaw. Bigla namang sumarado ang pinto sa dulo ng cubicle dahilan para magulat ako pero hindi ko na lang pinansin.
Pagkatapos ay inilapag ko na ang tabo sa lababo at aalis na sana nang biglang sumarado nang malakas ang pinto ng huling cubicle at namatay nang tuluyan ang ilaw.
Unti-unti namang bumukas ulit ang pinto ng dulo ng cubicle at nadagdagan pa iyon ng tunog ng mga paang naglalakad. Napapikit ako at napahinga nang malalim.
Unti-unti akong lumingon at tumambad sa akin ang babaeng basag ang ulo, duguan ang mukha at nakangiti sa akin.