BUMALIK ako sa Pilipinas mula sa Dubai dahil sa magpapakasal na ako sa aking long time boyfriend na si Carlos. Halos sampung taon na rin kasi ang relasyon namin bilang magkasintahan at hindi na rin ako bata sa edad kong trenta. Isa akong writer sa isang kilalang magazine sa Dubai. Nag-resign na rin ako sa trabaho kong iyon dahil sa ang gusto ko ay dito na lang sa Pilipinas manirahan. Magtatayo na lang siguro ako ng negosyo dito.
Naging napakasaya at memorable ng kasal namin ni Carlos. Nakakatuwa lang na siya lang ang gumastos sa kasal namin kahit na ini-insist ko sa kanya na hati na lang kami. Ayaw niya talagang pumayag.
Lumipat kami sa bahay na matagal na naming ipinatayo sa isang subdivision sa Cavite. Hindi iyon ganoon kalaki ngunit para sa nagsisimulang tulad namin ni Carlos ay ayos na iyon. Naging matiwasay at tahimik naman ang unang buwan namin sa bahay na iyon. Nagtatrabaho si Carlos bilang isang head nurse sa ospital dito rin sa Cavite habang ako naman ay sa bahay lang at nag-iisip ng negosyong bubuksan ko. Ang buong akala ko ay habangbuhay na tahimik ang aming patira sa bahay na iyon. Hanggang isang araw...
NAGDIDILIG ako ng mga tanim kong roses sa harapan ng bahay namin ng umagang iyon. Patapos na sana ako nang makarinig ako ng tunog ng shutter ng camera. Medyo nasilaw pa ako sa flash na tumama sa aking mukha. Medyo kinabahan ako nang may makita akong isang lalaking nakasuot ng black na jacket at black na pants sa kabilang kalye. May hawak siyang camera na nakatutok sa akin.
“Sino ka?!” pasigaw na tanong ko sa lalaki. Hindi ko makita ang kanyang mukha dahil nakayuko siya at may suot na cap. Nang sitahin ko siya ay agad siyang sumakay sa motor na nasa harapan niya at nagmaneho palayo.
Nagtataka na sinundan ko ng tingin iyong lalaki.
Simula noon ay palagi ko nang nakikita sa kung saan-saan ang lalaking iyon. Ganoon pa rin ang suot niya—black na jacket at pants at cap. Kapag namimili ako sa supermarket, sa park at kahit sa simbahan. Medyo nababahala na ako sa lalaking iyon. Bakit palagi ko siyang nakikita? Stalker ko ba siya?
Sinabi ko kay Carlos ang tungkol sa lalaking iyon. Pinaalalahanan niya ako na palaging mag-iingat. Bumili na rin kami ng isang aso upang kahit papaano ay maaalarma kami kung sakaling may ibang tao sa aming bakuran. Binilhan pa niya ako ng pepper spray para may pang-protekta daw ako sa aking sarili kapag may hindi ginawang maganda iyong lalaki sa akin. Pero mabuti na lamang at hindi niya ako nilalapitan. Kahit na ganoon ay natatakot pa rin ako sa kanya...
ISANG GABI, mahimbing na natutulog kami ni Carlos nang magising ako dahil tahol ng tahol ang aso namin sa labas. Papungas-pungas na bumangon ako upang sumilip sa bintana. Ganoon na lamang ang paggapang ng takot sa aking buong katawan nang makita ko kung bakit tumatahol iyong aso. Tinatahulan nito ang isang lalaki na nakatayo sa harapan ng aming gate! At ang nakakatakot pa lalo doon ay parang nakatingin siya sa gawi ko!
Nagmamadali na lumayo ako sa bintana at ginising si Carlos.
“Carlos, gising!” sabi ko habang niyuyogyog siya sa balikat.
“Bakit?” tanong niya nang magising na siya.
“Iyong lalaki na stalker ko, `andoon siya sa labas!”
“Ano?!”
Hinila ko si Carlos sa may bintana ngunit pagsilip namin doon ay wala na iyong lalaki pero patuloy pa rin sa pagtahol iyong aso.
“Wala naman, eh,” palatak ni Carlos.
“I swear, nakita ko siya! Nakatayo siya doon at parang nakatingin siya sa akin!” nanginginig na sumbong ko.
Kinabig ako ni Carlos at ikinulong niya ako sa mga bisig niya. “`Wag kang mag-alala, Citadel... `Andito lang ako. Matulog na ulit tayo, okey?” masuyo niyang sabi na nagpakalma sa akin...
KINABUKASAN ay pinalagyan namin ng double-lock ang mga pintuan at mga bintana. Mabuti na rin ang nag-iingat. Wala kaming ideya sa kung ano ba ang kayang gawin ng lalaking iyon. Nang araw din na iyon ay pang-gabi ang pasok ni Carlos sa ospital kaya mamayang gabi ay mag-isa lang ako...
“I-lock mo ang mga bintana at pinto, ha...” paalala ni Carlos nang siya ay paalis na.
Tumango ako. “`Wag kang mag-alala, Carlos. Tatandaan ko iyan...” sabi ko.
“Mag-iingat ka, Citadel. I love you!”
“I love you, too, Carlos...” ginawaran niya ako ng matamis na halik sa labi at umalis na siya upang magtungo sa trabaho.
Pagkaalis niya ay ni-lock ko na ang lahat ng bintana at pintuan kahit na medyo maliwanag pa sa labas. Pagsapit ng ala-sais ng gabi ay nagluto na ako ng aking dinner. Matapos magluto ay kumain na ako kaagad. Kapag mag-isa lang ako kapag gabi ay natutulog ako ng maaga. Nang antukin na ako sa kapapanood ng TV ay pinatay ko na iyon at nagpunta na sa kwarto namin ni Carlos. Pinatay ko muna ang lahat ng ilaw bago humiga sa kama at ipinikit ang aking mga mata...
NAALIMPUNGATAN ako mula sa aking pagkakatulog nang maramdaman ko na gumalaw ang kama. Napakadilim ng buong paligid. Babangon sana ako para tingnan kung bakit gumalaw ang aking kama nang may marinig akong magsalita.
“Umuwi agad ako mula sa ospital dahil nag-aalala ako sa iyo, Citadel...” boses iyon ng aking asawa.
Hindi na ako bumangon pa. Napaka-sweet talaga ng asawa ko. Hindi ko na rin siya sinagot at tiningnan pa dahil antok na antok pa rin ako. Tumalikod ako sa gawi niya at naramdaman ko na humiga na si Carlos sa tabi ko. Yumakap siya sa likuran ko at nakatulog na ulit ako.
PAGKAGISING ko kinaumagahan ay nagtaka ako nang hindi ko makita si Carlos sa aking tabi. Inakala ko na nasa banyo siya ngunit walang tao doon. Inikot ko ang buong bahay ngunit wala talaga siya. Bumalik ako sa kwarto namin upang magpalit ng damit. Pagbukas ko ng aming aparador ay nagulat ako nang may makita ako doon na sumbrero. Hindi ako maaaring magkamali! Ito ang sumbrero na suot palagi ng stalker ko!
Nanginginig na kinuha ko ang sumbrero at isang papel ang nahulog mula doon. Nalaglag iyon sa sahig. Dinampot ko ang papel. Nanginginig pa rin ako sa takot. Halos panawan ako ng ulirat ng mabasa ko ang nakasulat doon: NAGUSTUHAN MO BA ANG YAKAP KO, CITADEL?