CHAPTER 2- Kaluluwa

1536 Words
PABABA pa lamang sa dyip ay agad nang sinalubong ng baklang si Taweng ang mag-ina. Agad nitong kinuha ang ilang plastik bag sa kamay ni Virginia, ''Super dami naman nitong mga pinabitbit sa iyo ni Madam. Talaga iyang motherhood mo girl, super makapag-maltrato! Minsan nga naghihinala na ako, e." Bulong nito habang naglalakad. Nauuna si Teresita at sila naman ay nakasunod lamang. "Anong naghihinala? Linawin mo nga ang sinasabi mo. Alam mo namang mahina akong umintindi, e." Nakangiting pintas ng dalaga sarili. "Naghihinala na talaga ako na ikaw si Cinderella at iyang nanay mo ang iyong wicked stepmother!" maarteng sabi ni Taweng, at saka inginuso ang ginang na animo maharlikang reynang naglalakad sa gitna ng kalsada. Natawa siya sa pagbibiro ng kaibigang kasama rin sa parlor ng 'manghuhulang' ina. Bahagya pa niyang siniko ang nakaismid na bakla, "Loka ka! Kapag narinig ka ng inay malamang sa parlor ka na naman patulugin. Sige ka!" Pananakot niya. Mabilis naging maamo ang mukha ng nakasimangot na si Taweng. "Ay! Wiz ko tayp, girl. Afraid of the dark ang beauty ko doon. Patayin sa sindak si Barbara ang peg ko? Sa dami ng mga kaluluwang galit sa motherhood mo ay baka paa ko ang hilahin nila. Oh, no," sabi nito habang panay ang pag-iling. "Kaya mag-behave ka, ikaw din." Nananakot pa rin niyang sabi. "Ah... um!" anito. Pinagdikit pa ang mga labi at saka kunwaring siniper. Pagkaraa'y nagmuwestrang dalian nila ang paglalakad at baka mapagalitan pa. Nangingiting nilakihan na rin niya ang paghakbang. Pagdating sa kanilang bahay ay nagtanggal agad si Teresita ng nakabalot sa katawan. "Kung hindi lang malaking magbayad ‘yang si Mrs. Corpuz, nungkang mapunta ako sa Divisoria. Letse, ang init!" Reklamo nito pagkaraang sumalampak ng upo at itutok sa sarili ang bentilador. Maagap naman siyang kumuha ng malamig na tubig at iniabot dito. "Hoy, bakla!" tawag nito kay Taweng. "Magluto ka na at sarapan mo. Gutom na gutom na ko!" pasungit nitong utos matapos ubusin ang inuming laman ng baso. "At ikaw naman, Virginia," baling sa kanya. "Umpisahan mo na ang paggawa ng isusuot ko sa linggo. Kailangang magmukha akong mahusay na medium." Pareho silang sumunod sa ipinag-utos ng ina. Si Taweng ay nagtuloy na sa kusina habang siya naman ay sinimulan nang iahon mula sa plastic bag ang mga telang gagamitin. "Papanik na muna ako sa taas. Tawagin mo na lang ako kapag nakaluto na si Bakla," anito at pagkatapos ay pumanhik na sa hagdan. "Sige nay," sagot niya. Pagkaraan ay muli na niyang itinuon ang atensyon sa pagtatabas ng telang inilatag sa sahig. KUMAIN na sila nang makatapos si Taweng sa pagluluto. Wala namang naging reklamo ang ginang. Sandali lang ang ipinahinga niya matapos makapaghapunan. Mabusisi ang damit na gustong ipagawa ng ina, kung kaya ipinagpatuloy na niya ang pananahi. Mag-aalas dose na ng hatinggabi ay hindi pa rin siya natatapos. Panay na ang pagpag niya dahil sa mga lamok na nagdadapuan sa mga binti at braso. Sandali siyang huminto at may dinukwang. "Kaya naman pala sumusugod ang mga lamok, ubos na ang katol." Nagsindi siya kanina dahil itinutok na lang ang bentilador kay Taweng na nakatulog na sa upuan kahihintay sa kanya. Matatakutin ito at hindi kayang matulog sa kanilang silid nang nag-iisa. Nagtiis itong pagkasyahin ang sarili sa upuan basta kasama lang siya. Nakita niyang nagdadapuan ang lamok sa balat nito, kaya ito na lamang ang binentiladoran niya at siya naman ay nagkatol na lang. Tumayo siya upang magsindi uli, "Naku! Ubos na pala. Kanina may isang piraso pa rito, a." Hinanap niya sandali kung saan naipatong ang nakareserba nang mapansin ang upos sa gawing likuran ng makina. Nakangiti niyang nilingon ang natutulog na kaibigan. "Kaya pala walang lamok na nakakalapit sa akin kanina, e. Nilagyan mo pa pala ako ng panlaban sa likuran ko." Lumapit siya sa makina at binuksan ang isang kahon upang kumuha ng barya. Maraming tindahan ang nakabukas at nagtitinda ng bente kwatro oras sa kanilang lugar. Ang hatinggabi ay parang alas otso pa lang sa dami ng mga taong nakatambay pa rin sa kalsada. Mga lalake, mga tomboy, mga bakla, at pati mga babaeng karamiha'y mga kabataan ang gising na gising pa rin at nagkukwentuhan kasabay ng inuman. O kaya ay nagluluto sa gilid ng kalsada at tila nagpipiknik habang malakas na nagtatawanan. Lumabas siya upang bumili ng katol. Kaunti na lang at matatapos na niya ang tinatahi. Gusto na niyang mayari iyon para bukas ay head dress naman ng ina ang pagtutuunan ng pansin. Dala na niya ang biniling katol nang mapansin ang isang matandang lalaking paika-ikang naglalakad. Tinawag niya ito nang makilala agad, ''Mang Bining! Saan ho ba kayo pupunta?" Nagtataka siya kung bakit madaling araw na ay nasa labas pa ito. "Diyan lang sa tindahan, Ineng. Bibili lang ako ng sigarilyo," sagot ng matadang lalaki. "Dumini na lang kayo at ako na lang ang bibili. Baka madapa pa kayo, e. Wala pa naman kayong dalang tungkod," nagmamalasakit niyang sabi. Hindi man makabubuti sa matanda ang paninigarilyo ay hinahayaan na lamang ito ng mga anak. Kapag sinasaway kasi ay nagtatampo. Hindi kumakain at hindi umiimik kung kaya pinagbigyan na lamang. "Huwag na Ineng, ako na lamang ang bibili." "Sigurado ho ba kayong kaya n’yo?" naniniguro niyang tanong. Nakangiting tumango ang matanda at nagsimula na uling maglakad. Sinundan niya na lamang ito ng tingin. Nang makitang nakarating na sa tapat ng tindahan ay saka pa lamang siya sumulong pauwi. "Siguro pumuslit lang si Mang Bining sa mga anak niya. Ang inay kaya, ano ang magiging itsura kapag matanda na?" naitanong niya sa sarili habang naglalakad. Nang makauwi ay agad na niyang ipinagpatuloy ang ginagawa. Patingin-tingin na lamang sa may bintana upang makita ang pagdaan ng matanda. Nalibang na uli siya sa pananahi. "Natapos din!" nasisiyahan niyang sabi habang tinitignan ang nagawang damit para sa ina. Inilagay niya iyon sa hanger at saka isinabit sa hagdanan. Nag-uunat siya ng likod nang makita ang pagdaan ng matanda. "Huh!" nasambit niya at saka natingin sa orasang nakasabit sa dingding. "Alas tres na, a! Ngayon pa lang pauwi si Mang Bining?" Sinilip niya ito sa bintana upang tiyakin kung hindi ba namamali. "Siya nga! Saan kaya siya napasabit at ngayon lang pauwi? Siguro tinagayan pa ng mga nag-iinuman sa kanto." Ipinagkibit balikat na niya ang nakita. Ginising na si Taweng upang makalipat ng higa sa itaas ng kanilang bahay. Pupungas-pungas itong bumangon, "Buti tapos ka na, inumaga ka na,” anito. Ngumiti siya sa kaibigan, "Oo nga, e. Halika na sa taas at nang makahiga ka nang maayos. Nag-aantok na rin ako." Sunod-sunod na rin ang paghihikab niya. Magkasunod na silang pumanhik matapos siguraduhing naka-lock maigi ang mga bintana at pintuan. BAGAMA’T umaga na nakatulog, maaga pa rin siyang nagising gaya ng nakasanayan. Matapos ligpitin ang pinaghigaan ay bumaba na siya. Nakaligpit na rin ang pinaghigaan ni Taweng kung kaya natitiyak niyang nasa ibaba na rin ito. Nang makababa ay dumiretso siya sa kusina, "Wala si Taweng, may binili siguro sa tindahan." Nagtuloy siya sa banyo upang umihi. Naglinis na rin ng mukha at nagsipilyo. Nakatapos na siya sa pang-umagang ritwal at paubos na ang kapeng iniinom ay wala pa rin si Taweng. Naisipan niyang sa may pintuan ituloy ang pagkakape. Hindi pa nagtatagal sa pagkakatayo nang makita itong dumarating. Bitbit ang isang supot na natitiyak niyang pandesal ang laman. "Grabe girl!" bungad ni Taweng. Nangunot ang noo niya, hindi naintindihan ang ibig nitong sabihin. "Imagine, kagabi pa pala patay ang matanda tapos umaga na nila nalaman. Que horror!" sabi uli nito. "Linawin mo nga ang sinasabi mo Taweng, ang labo, e. Sino ang namatay?" usisa niya. "Si Mang Bining!'' Ikinagulat niya ang narinig, "Nakasalubong ko pa siya kagabi nang bumili ako ng katol. Nang tanungin ko kung saan pupunta, ang sagot sa akin ay bibili daw siya ng sigarilyo." ''Nagpapabili nga raw ng sigarilyo sa anak niya matapos kumain ng hapunan. Hindi raw pumayag 'yong bunso dahil ibinawal na nga ng doktor, kaya nahiga na raw ang matanda. Nitong umagang ginigising na para mag-almusal, napansin nilang basang-basa ang higaan. Patay na pala!" pagpapatuloy ni Taweng sa sinasabi. "H-ha? P-paanong--" Hindi na niya naituloy ang sasabihin nang muling magsalita si Taweng. ''Ang narinig ko doon, nasa pagitan daw ng alas-diyes hanggang alas-onse ng gabi namatay ang matanda. Kaya medyo matigas na raw ang katawan ngayong umaga. Naku! Kinikilabutan talaga ako!" namumutla nitong sabi. "P-pero...mag-aalas dose kagabi nang makita ko siya at makausap. Nang makita kong dumaan pauwi ay alas tres naman ng madaling araw. Akala ko'y tinagayan pa siya ng mga nag-iinuman kaya natagalan. Paano nangyari 'yon?" naguguluhang niyang tanong. "A, a, a, walang ganyanan girl. Knowing mo naman na duwag ang beauty ko sa mga ganyan." May kinig ang tinig at nangingilabot na saway ni Taweng sa kanya. Pagkatapos ay nagmamadali na itong pumasok sa loob ng bahay. Naiwanan siya sa labas. Nag-iisip pa rin, "Siguro namalikmata lang ako kagabi dahil sa pagod at antok. Imposible namang nakita ko nga si Mang Bining kung patay na pala siya no'ng mga oras na iyon. Alangan namang kaluluwa niya ang nakita ko. Hay, naku! Kung ano-ano kasi ang iniisip ko, e." Sa loob-loob niya at naiiling na lamang sinundan sa loob ng bahay ang natatakot na kaibigan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD